CHAPTER 9

1249 Words
Nakatayo sa gilid ng daan si Uno at patingin-tingin siya sa lugar. Kinakabisado niya ang bawat detalyeng meron kung nasaan siya ngayon. Hanggang sa muling tiningnan ni Uno ang isang bahay na nakatayo sa kabilang gilid ng kalsada. Isa itong bahay na bato na may dalawang palapag. Hindi malaki at hindi rin masyadong maliit. Medyo mataas ang gate at sa loob ay may bakuran kung saan may mangilan-ngilang nakatanim na mga halaman. Maganda ang itsura ng bahay. Moderno ang istilo nito. Nakatayo ang bahay sa isang eskinita na hindi naman squatter area. Tahimik at sa tingin ni Uno ay ligtas na lugar. Huminga nang malalim si Uno. Marami siyang oras para magmanman dahil nag-leave muna siya sa trabaho para malaman kung saan nga ba nakatira ang anak niyang si Timothy at ang pamilyang kumupkop rito at ngayon nga ay natagpuan na niya. Nanatiling nakatayo lamang si Uno at nakatingin sa bahay. Pamaya-maya ay napansin niyang may lumabas sa bahay. Ibinaba ni Uno ang suot na cap at nagtago sa poste na katabi niya. Sinilip niya kung sino ang lumabas at nakita niya ang matangkad na lalaki na sa pagkakaalala niya ay Lyndon ang pangalan, ang kinikilalang ama ng kanyang anak. Nakita ni Uno na naglakad si Lyndon palayo sa bahay. Bihis na bihis at mukhang may pupuntahan. Nakapamulsa pa ang mga kamay nito at cool na cool lamang na naglalakad. Nakasunod ang tingin ni Uno kay Lyndon na hindi naman siya napapansin. Pamaya-maya ay napabuntong-hininga siya muli. “Tama ba itong ginagawa ko?” naguguluhang tanong ni Uno. “Tahimik na ang buhay niya pero ito ako, gagawa ng paraan para makita at muling mapalapit sa kanya,” dugtong pa niya sa sinasabi. “Pero gusto ko lang naman siyang makita at makasama. Ilang taon na rin ang nakalipas na hindi ko man lang nakita ang kanyang paglaki. Mali bang gustuhin ko na masubaybayan ang paglaki niya? Na makita siyang masaya at minsan ay malungkot?” Muling napabuntong-hininga si Uno. Napailing-iling din siya pagkatapos. ------------------------------------------- May malapit na palaruan sa lugar at doon nagtungo si Uno. Nakaupo siya ngayon sa swing at mag-isa lamang siya doon. Nakatingin lamang sa mga puno sa hindi kalayuan si Uno. Iniisip niya kung ano ang mga susunod niyang gagawin ngayong unti-unti na siyang napapalapit sa kanyang anak. “Tara! Dito tayo maglaro!” Mabilis na napatingin si Uno sa mga bagong dating sa palaruan hanggang sa manlaki na lamang ang mga mata niya nang makita si Timothy kasama ang iba pa nitong batang kalaro. Nagsimulang kumabog ang dibdib ni Uno habang nakatingin lamang kay Timothy. Tila nawala ang lahat ng bagay sa paligid at ang anak na lamang niya ang kanyang nakikita. Kitang-kita niya ang matamis nitong ngiti sa labi na nagpapaliit sa mga mata nito. Kitang-kita niya ang tuwa sa mukha ng kanyang anak. Sumilay ang ngiti sa labi ni Uno. Nagsimula nang maglaro ang mga bata kabilang na si Timothy. Tumatakbo ito at nakikipaghabulan sa ibang mga bata. Tila may sariling mundo at hindi siya napapansin. Nakasunod lamang ang tingin ni Uno sa bawat galaw ni Timothy. Tila kinakabisado niya ang lahat dito mula sa itsura pati na din sa galaw. Pamaya-maya ay nagulat na lamang si Uno nang biglang huminto si Timothy at napatingin sa kanya. Mas lalong kumabog ang dibdib niya sa kaba. Bumalik rin ang mga bagay sa paligid. Kumunot ang noo ni Timothy. Marahil ay nagtataka ang bata kung bakit nakatingin sa kanya ang estrangherong lalaki na nakaupo sa swing. “Oy Timothy! Ikaw na ang taya!” Naalis ang tingin ni Timothy kay Uno at mabilis na tiningnan ang kalaro niyang lalaki na sumigaw ng mga salitang iyon sa kanya. “Oo na!” sagot ni Timothy at muli itong nakipaghabulan. Tila nabunutan naman ng tinik at nakahinga nang maluwag si Uno nang umiwas ng tingin sa kanya si Timothy. Nakasunod lamang ang tingin ni Uno kay Timothy na panay ang takbo. Pinagpapawisan na nga ito kaya gusto niyang punasan iyon ngunit nag-aalangan siya. Hindi siya kilala nung bata kaya naman baka magulat ito kung gagawin niya iyon. Nagkasya na lamang si Uno sa pagtingin-tingin kay Timothy. Para sa edad nitong sampu, matangkad na ang bata at masasabi niyang pati ang pagiging matangkad ay namana din sa kanya. Hindi din malayong maging kasing gwapo niya ito kapag naging binata dahil nakikita na niya iyon ngayon pa lang. Huwag nga lang maging palikero katulad niya para hindi maging magulo ang buhay nito. Gusto sanang bawalan ni Uno si Timothy at ang mga kalaro nito na maglaro din sa kalsada dahil baka may biglang kotseng dumaan pero nagdadalawang-isip pa rin siya dahil hindi nga siya kilala ng mga ito. Tuloy-tuloy lamang sa takbuhan at paglalaro ang mga bata kasama si Timothy. Tuwang-tuwa bagay na ikinangingiti ni Uno. Ngunit ang tuwa ay napalitan nang matinding pag-aalala dahil biglang may dumating na kotse at dadaan sa kalsada. Kabadong-kabado si Uno na baka kung ano ang masamang mangyari kay Timothy. Kaagad na napatayo si Uno saka mabilis na tumakbo palapit kay Timothy na walang kamalay-malay sa pagdating ng sasakyan. Nasa kalsada pa naman ito at patuloy na hinahabol ang kalaro. Hanggang sa… Mabilis na hinablot at niyakap ni Uno ang katawan ni Timothy saka sila nagpagulong-gulong papunta sa kabilang gilid ng kalsada. Sinigurado rin niyang safe ang ulo nito dahil sa paghawak ng isang kamay niya rito. Iyong batang hinahabol ni Timothy ay safe na nakabalik sa palaruan. Habol ni Uno ang kanyang hininga. Tinanggal niya ang kamay sa ulo ni Timothy saka ito tiningnan. “Okay ka lang?” nag-aalalang tanong ni Uno sa gitna nang paghingal. Tumango-tango lamang si Timothy na namumutla at halatang kabado. Tipid na napangiti si Uno. Tumayo ito kasama si Timothy. Bahagyang umupo si Uno para magpantay sila ni Timothy. Pinagpag nito ang nadumihang damit ng bata at tinitingnan rin kung may natamo itong sugat sa katawan. Nagpasalamat siya kasi wala naman siyang nakita. Nakatingin lamang si Timothy sa ginagawa ng lalaking estranghero. Tiningnan ni Uno si Timothy. Napangiti ito. “Sa susunod, huwag kayo sa kalsada maglalaro kasi delikado,” kalmadong paalala ni ni Uno. Tiningnan nito ang kalsada na sa ngayon ay wala na muling dumadaan. Hindi man lang sila hinintuan ng muntikan ng makabangga kay Timothy pero hindi na iyon mahalaga pa kay Uno dahil nailigtas naman niya ang bata. Tumango-tango si Timothy. “Salamat po,” sabi nito. Tumango si Uno. “Sige po at babalik na po ako sa mga kalaro ko,” pagpapaalam ni Timothy. Tumango na lamang muli si Uno bilang sagot. Mabilis na tinalikuran ni Timothy si Uno at binalikan ang mga kalaro. Tumayo naman ng maayos si Uno habang nakasunod ang tingin kay Timothy. “Okay ka lang ba?” “Muntikan na ‘yon!” “Mabuti na lang at mabait si Kuya at niligtas ka niya.” Nag-aalala ang mga kalaro ni Timothy sa kanya. Nilingon ni Timothy si Uno. Ngumiti ito na sinuklian naman ni Uno ng ngiti. Umiwas na muli ng tingin si Timothy kay Uno at tinuon iyon sa mga kalaro. Nanatili pa ring nakatingin si Uno kay Timothy. Nag-alala man ng matindi si Uno pero hindi niya maitatanggi na natuwa din siya dahil may nagawa siyang mabuti para sa kanyang anak. Hindi na nga napansin ni Uno na may gasgas siya sa braso at siko na natamo niya sa paggulong. Hindi man lang niya nararamdaman ang hatid nitong hapdi at bahagyang pagdurugo dahil mas nangingibabaw ang tuwa sa nararamdaman niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD