“Anong ginagawa mo dito?” mariing tanong ng ama ni Uno na seryoso at diretso ang tingin sa anak at sa buhat-buhat na baby nito.
Nakatingin lamang si Uno sa kanyang ama. Hindi muna siya nagsalita. Napatingin din siya sa kanyang ina na nakatingin lamang din sa kanya.
Tiningnan ng ama ni Uno ang baby na siyang apo niya. Kahit na nakita na niya ang bata, hindi pa rin nito napagaan ang loob niya.
“Kung wala kang sasabihin, umalis ka na-”
“Tu-Tulungan niyo po ako, Pa,” sambit kaagad ni Uno na pumutol sa sinasabi ng kanyang ama. “Kailangan ko po ng tulong ngayon,” nagsusumamong dugtong pa nito.
Kinapalan na ni Uno ang kanyang mukha na humarap sa mga magulang niya dahil wala na siyang ibang malapitan kundi ang mga ito. Tinanggal na niya ang natitira pang pride para lamang sa kanyang anak.
Hindi nagsalita ang ama ni Uno. Ang ina naman niya ay nakaramdam ng awa para sa anak lalo na at nakikita niya sa mukha nito ang hirap na dinaranas.
“Wala na po akong ibang malalapitan kundi kayo,” nagmamakaawang wika ni Uno. “Kaya po… please… tulungan niyo na po ako,” pagmamakaawa pa nito.
“Pinasok mo ‘yan tapos ngayon hihingi ka ng tulong?” matigas na tanong ng ama ni Uno. “Dapat inisip mo ang hirap na sasapitin mo sa oras na gawin mo ang isang bagay na hindi dapat,” dugtong pa nito. “Palibhasa, puro ka pasarap at hindi nag-iisip!” sermon pa nito.
Nakagat ni Uno ang ibabang labi niya. Napatingin siya sa kanyang ina na napayuko na lamang para iwasan siya ng tingin. Wala itong magagawa lalo na at ang ama niya ang laging nasusunod sa bahay na ito.
“Kaya magdusa ka. Harapin mo ang responsibilidad na kaakibat nang ginawa mo ng nag-iisa at huwag mo na kaming idamay,” madiin na wika ng ama ni Uno.
Tiningnan ni Uno ang kanyang ama.
“Pa-”
“Umalis ka na,” madiin na pantataboy ng ama ni Uno.
“Kahit ang anak ko na lang ang kunin niyo. Kahit siya na lang,” pagmamakaawa ni Uno. Mas mapapanatag ang loob niya kung nasa magulang niya ang anak. Magagawa niya pa itong mabalikan kapag maayos na ang lahat sa buhay niya.
Tumingin sa ibang direksyon ang Papa ni Uno.
“Please, Pa.”
Hindi na nakapagsalita pa si Uno. Nakatingin lamang siya sa kanyang ama.
Napailing-iling na lamang ang padre de pamilya saka tinalikuran si Uno at nagsimula na itong maglakad palayo.
“Kahit ang anak ko na lang… siya na lamang ang kupkupin niyo,” muling pakiusap ni Uno na ikinahinto ng kanyang ama sa paglalakad. “Apo niyo rin naman po siya,” dugtong pa nito.
Kumuyom pabilog ang mga kamay ng ama ni Uno.
“Hon-”
“Tara na,” malamig na sambit na lamang ng ama ni Uno sa ina niya na hindi na naituloy ang iba pang sasabihin.
“Isara mo ang pintuan pagkalabas mo ng bahay,” utos ng ama ni Uno sa kanya saka muli na itong naglakad palayo.
Tiningnan ni Uno ang kanyang ina. Nakita niyang naluluha ang mga mata nito na nakatingin sa kanya at humihingi nang tawad.
Nangingilid ang luha sa mga mata ni Uno. Sobra siyang nasaktan dahil sa ginagawang ito ng kanyang ama.
Sumunod na ang ina ni Uno sa asawa nito. Naiwan si Uno na nanatiling nakatayo malapit sa pinto.
Tiningnan ni Uno ang kanyang baby. Ngumiti ito ng may pait.
“Pasensya ka na,” garalgal na sambit ni Uno. Siya na ang humihingi ng pasensya sa ginawa ng kanyang ama.
Ang akala ni Uno ay lalambot kahit papaano ang puso ng ama kapag nakita nito ang kanyang anak ngunit nagkamali siya.
Bumuntong-hininga nang mariin si Uno nang maalala niya ang pangyayaring iyon. Isa iyon sa mga hindi niya malilimutan na ginawa ng kanyang ama sa kanya. Aminado siyang hanggang ngayon ay may galit at sakit pa rin siyang nararamdaman sa ama ngunit mas nangingibabaw pa rin ang pagtingin niya rito bilang ama kaya gusto rin niyang makahingi ng tawad ngunit huli na ang lahat dahil wala na ito.
Tumingala si Uno sa kalangitang makulilim.
“Malapit ko na po siyang mahanap. Sana po, gabayan niyo ako. Ngayon na lang po ako hihingi muli ng tulong niyo kaya sana mapagbigyan niyo na ako. Sana hindi maging mahirap ang muli naming pagtatagpo,” wika ni Uno na tila kausap niya ang kanyang mga magulang.
---
MAKAPALIPAS ANG DALAWANG ARAW
Nakaupo si Uno sa mahabang sofa na nasa living room ng bahay. Nakakabingi ang katahimikan sa paligid.
Nakatingin si Uno sa brown envelope na hawak niya na ibinigay sa kanya nang inupahang private investigator. Naglalaman ng mga dokumento at litrato ang nasabing envelope.
Kumakabog ang dibdib ni Uno. Ngayon ay malalaman na niya kung nasaan na nga ba ang kanyang anak at kung sino ang nag-ampon dito.
Nanginginig ang kamay ni Uno na binuksan niya ang brown envelope at dahan-dahang inilabas ang nilalaman nito.
Isa-isang tiningnan ni Uno ang mga litrato. Sumilay ang ngiti sa labi niya ng sa wakas ay makita na niya ang kasalukuyang itsura ng kanyang anak.
Lumaking cute ang kanyang anak. May katabaan ang katawan nito at matangkad para sa edad nitong sampung taon. Bukod sa itsura na may pagkakahawig sa kanya ay minana din nito ang kaputian ng balat niya.
Sa bawat litrato ay nakangiti ang anak niya. Kitang-kita sa mga mapupungay nitong mga mata ang saya. Nagpapasalamat siya dahil masaya na nga ngayon ang kanyang anak.
Tiningnan rin ni Uno ang kasama ng kanyang anak sa mga litrato. Isang matangkad at magandang lalaki. Moreno ang makinis nitong balat. Makisig ang katawan. Bakat sa suot nitong polo shirt na kulay puti na may design na patayong stripes ang maumbok na dibdib.
May pagkasuplado ang itsura ng mukha ng lalaking kasama ng kanyang anak sa litrato pero nawawala iyon dahil sa ngiting nakasilay sa labi nito. Nakikita niya ang pantay at kumpleto na maputing ngipin nito. Lalo tuloy sumingkit ang mga mata nito.
Sa bawat litrato ay nakikita niyang masaya ang dalawa. Kung saan-saang lugar nagpupunta ang mga ito para mamasyal. Aminado si Uno na nakakaramdam siya ng inggit lalo na at nakikita niyang mukhang mag-ama ang dalawa.
Bumuntong-hininga nang malalim si Uno.
Sunod na tiningnan ni Uno ay ang mga dokumento. Doon ay nakita niya ang pagkakakilanlan na ibinigay ng nag-ampon sa kanyang anak at ng nag-ampon mismo.
“Timothy Esguerra,” pagbasa ni Uno sa pangalan ng kanyang anak. Iyon ang ibinigay na pangalan sa kanyang anak ng nag-ampon dito. Hindi kasi niya nabigyan ng pangalan ang baby niya nung mga panahong nasa kanya pa ito dahil na din sa kakaisip sa kung ano ang gagawin para mapalaki ito ng maayos.
Tiningnan naman ni Uno ang dokumento na naglalaman ng pagkakakilanlan nang nag-ampon kay Timothy.
“Lyndon Esguerra, twenty-eight years old. Online tutor sa isang learning school,” pagbasa ni Uno sa nakasaad na pagkakakilanlan nang nag-ampon sa kanyang anak.
Nakasaad din sa binabasa ni Uno ang tirahan at iba pang detalye tungkol sa dalawa. Hindi na magiging mahirap para sa kanya ang hanapin ang mga ito.
‘Konting panahon na lang anak at makikita na kitang muli,’ natutuwang wika ni Uno sa kanyang isipan.
Kahit makita lamang ni Uno ang anak ay okay na sa kanya. Gustuhin man niyang makasama muli ito ngunit sa nakita niyang kasiyahan ng anak sa piling ng taong tumayong ama nito, siguradong magugulo ang buhay nito kung sakaling papasok siya.
At ayaw ni Uno na mangyari iyon.
---
Nakatayo sa tapat ng isang eskwelahan si Uno. Palipat-lipat ang tingin niya sa mga estudyanteng lumalabas at sinasalubong naman ng mga magulang. Tinitingnan niya ng mabuti ang mga ito dahil baka isa na sa anak niya ang lumabas.
Dito pumapasok ang anak ni Uno ngayon kaya naman bukod sa excitement, nakakaramdam din siya ng kaba dahil sa napipintong pagkakita niya rito.
Nanatiling nakatayo lamang si Uno sa tapat ng gate at patingin-tingin.
Hanggang sa manlaki na lamang ang mga mata ni Uno dahil sa wakas, nakikita na niya ang kanyang anak na palabas na ng gate.
Tuwang-tuwa ang puso ni Uno lalo na at nakikita na niya ngayon ng personal ang ngiti ng kanyang anak na si Timothy. Palundag-lundag pa ang bata kasama ang mga sa tingin niya ay kaklase nito.
Hinakbang ni Uno ang kanyang kanang paa.
“Papa!”
Napahinto si Uno sa tangkang paglalakad palapit kay Timothy.
Tumakbo palapit si Timothy sa tinawag nito na naghihintay rin sa kanya sa paglabas ng eskwelahan. Ngiting-ngiti naman ang ama nito na si Lyndon.
“Kumusta ang school, Anak?” tanong ni Lyndon na may malalim na boses kay Timothy pagkalapit nito sa kanya.
“Okay lang po, Papa,” sagot ni Timothy. “May stars po ako,” masayang sabi pa nito saka pinakita kay Lyndon ang stars na nakatatak sa likod ng kamay nito.
“Wow naman, Anak! Very good!” tuwang-tuwa na sabi ni Lyndon.
Malawak na ngumiti si Timothy.
Nanatiling nakatayo at nakatingin lamang si Uno sa tagpong iyon ng dalawa. Mas lalo siyang nakaramdam nang inggit lalo na at nakikita niyang sobrang close ng dalawa. Isa pa sa kinaiinggitan niya ay ang tawagin ni Timothy si Lyndon na papa.
Ngayon, nais din ni Uno na matawag din siyang papa ng kanyang sariling anak.
“At dahil very good ka, may gift si papa sayo,” wika ni Lyndon kay Timothy.
“Talaga po, Papa?” tanong ni Timothy.
“Oo,” sagot ni Lyndon.
“Yehey!” tuwang-tuwa na sambit ng batang si Timothy.
“Kaya tara na at pupunta tayo ng mall at mamasyal,” pag-aaya na ni Lyndon.
“Okay po, Papa!” natutuwang sagot ni Timothy.
Nakasunod lamang ang tingin ni Uno sa dalawa hanggang sa maglakad na ang mga ito at sumakay sa kotseng nakaparada sa hindi kalayuan at tuluyang umalis.
Nanatili namang nakatayo si Uno sa tapat ng eskwelahan at nakasunod pa rin ang tingin sa papalayo na pulang kotse. Muling bumuntong-hininga ito.
“Anak,” mahinang sambit ni Uno.
Kahit papaano ay napanatag na ang loob ni Uno dahil nakita na niya ang anak ngunit mayroon sa kanya na naghahangad na makasama pa ito.
Bagay na pag-iisipan niya kung paano gagawin.