Bumalik na sa trabaho si Uno matapos ang kanyang ilang araw na leave. Nasa loob siya ngayon ng kanyang opisina at nakaupo sa swivel chair habang tinitingnan isa-isa ang mga litrato sa kanyang smartphone.
Napapangiti si Uno habang tinitingnan niya ang mga litrato nila ni Timothy. Kasama din sa litrato si Lyndon. Kuha ang mga ito nung namasyal sila sa mall noong isang araw na ipinasa sa kanya ni Lyndon.
Aminado si Uno na tuwang-tuwa siya. Ang makita at makasama lamang ang anak ay isa ng biyaya para sa kanya pero hindi niya mapigilang umasa pa na mas magkakaroon pa sila ng malalim na ugnayan ng kanyang anak.
Umaasa si Uno na balang araw ay makikilala rin siya ni Timothy bilang tunay nitong ama.
Huminga nang malalim si Uno. Sa isip pa lang niya, nahihirapan na siyang ipaalam sa bata kung sino ba talaga siya dahil alam niya na mahihirapan ito sa oras na malaman ang totoo. Kaya nga nahihiya rin si Uno nung makasama siya nito sa pamamasyal lalo na at may malaki rin siyang kasalanan sa anak.
Isa pa sa inaalala ni Uno ay si Lyndon. Paano kaya kung malaman nito na siya ang ama ng batang inampon nito? Ano kayang gagawin nito?
Ngumiti nang maliit si Uno. Natitiyak niya na hindi maganda ang magagawa ni Lyndon sa oras na malaman nito ang katotohanan lalo na at si Timothy ang siyang nakataya. Tiyak na iisipin nitong kukunin niya ang kanyang anak sa piling nito.
Bumuntong-hininga muli si Uno. Siguro saka na lamang muna niya iisipin ang kinabukasan at ang mahalaga na muna sa kanya ngayon ay ang makasama si Timothy kahit na bilang kaibigan lamang nito. Masaya naman siya sa tinatakbo ng mga pangyayari ngayon at ayaw niyang kaagad iyong maputol.
-------------------------------------------
Matapos ang maghapong trabaho ay umuwi na si Uno. Naglalakad siya sa gilid ng daan papunta sa bahay niya.
Nakasukbit sa balikat niya ang kanyang bagpack habang nakapamulsa ang mga kamay sa suot niyang slack pants. Patingin-tingin siya sa paligid at napapangiti nang maliit.
Malapit na si Uno sa bahay niya nang mapansin naman niya na may nakaupo sa tapat ng gate nila Lyndon. Tiningnan iyon ng mabuti ni Uno hanggang sa mapagtanto niyang si Timothy pala iyon.
Napalitan nang pag-aalala ang reaksyon ng mukha ni Uno nang mapansin niyang malungkot si Timothy. Kaagad siyang tumawid para makarating sa kabilang gilid ng kalsada at mapuntahan si Timothy.
Huminto si Uno sa paglalakad at tumayo sa harapan ni Timothy. Kumunot ang kanyang noo.
Tulala si Timothy na nakatingin lamang sa kung saan at tila hindi napansin ang pagdating ni Uno.
Bumuntong-hininga si Uno at naisipan niyang tabihan si Timothy sa pag-upo sa may gutter.
Tiningnan ni Uno si Timothy.
“Okay ka lang ba?” mahinahong pagtatanong ni Uno.
Bumalik sa sarili si Timothy at napatingin kay Uno.
“Kayo po pala,” halata sa boses ng bata ang lungkot.
Tipid na ngumiti si Uno.
“Ang Papa mo?” pagtatanong muli ni Uno.
“Nasa loob po, nagwo-work,” sagot ni Timothy saka itinuro pa ang bahay nila.
Sa pagkakaalala ni Uno, isang online tutor si Lyndon kaya naman work from home ang ginagawa nito.
Napatango-tango si Uno.
Umiwas nang tingin si Timothy kay Uno at tumingin sa kalsada. Nanatili namang nakatingin si Uno kay Timothy.
“Okay ka lang ba?” pag-uulit ni Uno sa tanong niya kay Timothy.
Muling tiningnan ni Timothy si Uno at umiling-iling ito.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Uno. “Pwede mo sabihin sa akin at baka makatulong ako,” dugtong pa niya.
Nalaglag ang balikat ni Timothy. Mas lalong lumungkot ang mukha nito.
Naghihintay naman si Uno ng sagot mula kay Timothy.
Pamaya-maya ay huminga nang malalim si Timothy. Ngumuso din ito.
“Binully po kasi ako,” malungkot na pag-amin ni Timothy.
“Binully ka?” patanong na sambit ni Uno. Tumango-tango si Timothy.
“Sinong nambully sayo?” pagtatanong ulit ni Uno na mas lalong nag-alala.
“‘Yung mga classmates ko po,” magalang na pagsagot ni Timothy. “Nakakainis na po talaga sila. Ayoko po talaga na binubully ako lalo na po kapag sinasabihan nila akong walang Mama.”
Nakaramdam nang pagkahabag si Uno para kay Timothy at doon rin niya naisip na oo nga, bakit hindi niya nakikita ang mama ni Timothy. Nasaan kaya ito?
Ngumuso muli si Timothy saka muling tumingin sa kalsada.
Nanatili namang nakatingin si Uno kay Timothy. Siya pa naman ang tunay na ama pero wala siyang magawa para maibsan ang lungkot na nararamdaman ng kanyang anak.
Bumuntong-hininga si Uno at bahagya siyang umusog ng kaunti palapit kay Timothy.
Napatingin naman muli si Timothy kay Uno nang maramdaman niya ang pag-akbay sa kanya nito at pagtapik-tapik sa balikat niya.
Tipid namang ngumiti si Uno.
“Huwag mo na lamang silang pansinin. Mga kulang lang iyon sa aruga,” ani ni Uno. “Saka isa pa, alagang-alaga ka naman ng Papa mo kahit wala ang Mama mo, ‘di ba?” tanong pa nito.
Tumango-tango si Timothy.
Hindi na muna magtatanong si Uno kay Timothy kung nasaan na nga ba ang mama nito. Ang kailangan ni Timothy ay ang taong magpapagaan ng kalooban niya at hindi imbestigador at isa pa, baka mas lalong malungkot ang bata kapag nagtanong pa siya.
“Sa susunod, kapag binully ka ulit nila ay isumbong mo kay Papa o di kaya sa akin. Okay ba?” wika ni Uno.
Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni Timothy.
“Salamat po,” sabi niya.
Napangiti naman si Uno. Hinimas niya ang ulo nito.
“Sinabi mo na ba sa Papa mo?”
Umiling-iling si Timothy bilang sagot.
“Kayo po ang una kong sinabihan,” sagot niya na ikinatuwa naman ni Uno. “Ayoko po kasing mag-alala pa siya,” dugtong pa ni Timothy.
Napatango-tango na lamang si Uno.
“Basta, ang lagi mo na lamang tandaan ay huwag mo silang papatulan. Hangga’t maaari ay huwag kang makikipag-away dahil bukod sa masama iyon, baka mapahamak ka pa. Magsabi ka na lang sa teacher mo, sa Papa mo o di kaya sa akin at ako ng bahala.”
Nag-taas-baba ng mabagal ang ulo ni Timothy.
Mas lalong napangiti si Uno habang nakatingin kay Timothy at hinihimas ang ulo nito.
‘Sana ay napagaan ko kahit papaano ang kalooban mo, Anak.’
Namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Kapwa sila napatingin sa kalangitan kung saan unti-unting nagkukulay kahel na ito at lumulubog ang araw na kaygandang pagmasdan.