CHAPTER 13

1331 Words
Nasa loob ng mall ngayon si Uno at naglalakad kasabay nila Lyndon at Timothy. Tiningnan niya ang mga ito. Napangiti nang tipid si Uno. Magkahawak ng kamay ang dalawa habang sabay na naglalakad at tinitingnan ang paligid ng mall. Napatingin si Lyndon kay Uno. Nagtagpo ang tingin ng dalawa. Ngumiti si Lyndon. “Saan ka dati nakatira?” tanong ni Lyndon kay Uno. “Ako?” tanong ni Uno saka tinuro pa ang sarili. Mas lalong ngumiti si Lyndon saka tumango-tango. “Uh… sa bahay ng parents ko,” sagot ni Uno. “Ahhhh… Bakit mo naman naisipang bumukod na sa kanila?” tanong muli ni Lyndon. Ngumiti nang maliit si Uno. “Actually, wala na sila,” sagot niya. Kumunot ang noo ni Lyndon. “They died already,” sagot ni Uno. “Ugh… I’m sorry,” sincere na sabi ni Lydon saka napangiti nang maliit. Napangiti na lamang din si Uno. “Parehas pala tayo,” sambit ni Lyndon. “Wala na din akong magulang. Nawala sila nung ten years old ako,” dugtong pa niya. Napatango-tango lamang si Uno sa sinabi ni Lyndon. “Mahirap ang mawalan ng magulang lalo na kung biglaan. They died on a car accident at simula ng mawala sila, palagi kong nararamdaman ang kakulangan nila,” malungkot na sabi ni Lyndon. “Kaya nga hangga’t kaya ko, hindi ko hinahayaang maramdaman ni Timothy ang kakulangan. Binibigay ko ang lahat ng gusto at makakabuti sa kanya.” Napangiti na lamang ng tipid si Uno. Hindi siya nagkamali, isang mabuting magulang si Lyndon hindi kagaya niya. “Anyway, thanks ulit kasi niligtas mo ang anak ko,” sambit ni Lyndon saka ngumiti. Ngiti na lamang muli ang sinagot ni Uno sa sinabi ni Lyndon. “Papa! Laro tayo sa arcade!” pag-aaya ni Timothy kay Lyndon. Natigil tuloy sila sa pag-uusap ni Uno. Tiningnan ni Lyndon si Timothy. Ngumiti ito. “Okay, Anak,” nangingiting sagot nito. “Yehey!” natutuwang wika ni Timothy. Napangiti na lamang si Uno sa nakikitang closeness ng dalawa. -------------------------------------------------- Nakatayo lamang sa isang tabi at nakapamulsa si Uno habang pinapanuod niya na naglalaro sila Lyndon at Timothy sa isang car racing arcade sa hindi kalayuan. Nasa loob na sila ng arcade ng mall at mas pinili na lamang niyang tumayo dito sa gilid kaysa pumayag na makipaglaro sa kanila nang ayain siya ni Lyndon kanina. Malalim na bumuntong-hininga si Uno. Iniisip niya, marahil ay sobrang close din nila ni Timothy kung hindi lamang niya ito… muli na lamang siyang napabuntong-hininga. Napansin ni Uno na tiningnan siya ni Lyndon. Ngumiti pa ito sa kanya at sinenyasan na lumapit sa kanila at makipaglaro pero pag-iling ang sinagot niya. Napangiti na lamang si Lyndon saka muling nakipaglaro sa anak na si Timothy. Ngumiti nang tipid si Uno habang nakatingin pa rin siya sa dalawa na masayang naglalaro. Kung titingnan sila, parang tunay na mag-ama ang dalawa. Bagay na kinaiinggitan niya. -------------------------------------------- “Saan mo gustong kumain?” tanong ni Lyndon kay Uno. Naglalakad na muli sila palabas ng arcade. “Kahit saan,” sagot ni Uno. “Papa! Gusto ko po dun kumain,” sabat naman ni Timothy saka tinuro ang isang fast-food chain na may bubuyog na mascot. Natawa si Lyndon nang tingnan nito ang anak. “Hindi ka pa ba nagsasawa sa pagkain nila, Anak?” pagtatanong ni Lyndon. “Hindi Papa,” sagot ni Timothy. Napangiti na lamang si Lyndon at muli nitong tiningnan si Uno. “Okay lang ba sayo na doon tayo?” Tumango-tango si Uno saka ngumiti. “Favorite ko ding kumain dun.” Natawa na naman si Lyndon sa sinabi ni Uno. ‘Ang lutong naman nitong tumawa,’ wika ni Uno pero hindi niya maikakaila, gusto ng pandinig niya ang pagtawa ni Lyndon. Bagay na hindi niya alam kung bakit. --------------------------------------------- Nasa loob na ng fast-food chain ang tatlo. Magkatabing nakaupo sa kanan sila Timothy at Lyndon habang katapat naman nila si Uno. Nakahain na sa mesa ang mga in-order nilang pagkain na karamihan ay paborito ni Timothy. Spaghetti, fried chicken, fries, burger at pineapple juice. “Sige na Anak, kain na!” sambit ni Lyndon saka ngumiti. Tumango-tango si Timothy saka nagsimula na nga itong kumain. Tiningnan ni Lyndon si Uno. “Ikaw din, kumain ka na,” wika ni Lyndon saka muling ngumiti. Napangiti na lamang si Uno saka tumango-tango. Nagsimula na ring kumain sila Uno at Lyndon. Habang kumakain ay nagkwe-kwentuhan sila. “Nakakainis Papa ‘yung bully na iyon. Lagi na lang niya ako inaaway,” naiinis na sumbong ni Timothy kay Lyndon. “Kung hindi niyo lang po sinabi na bad makipag-away, sinuntok ko na siya.” “Mas mabuti nang isumbong mo na lang siya sa teacher mo anak kaysa suntukin mo siya. Bahala na iyong teacher mo na magparusa sa kanya,” sabi naman ni Lyndon. “Eh nakakainis na kasi siya Papa. Hindi ko naman siya inaano,” nagmamaktol na sabi ni Timothy sabay subo ng fried chicken. Napangiti na lamang si Lyndon. Nakatingin si Uno sa dalawa. Tipid siyang ngumiti. Napatingin si Timothy kay Uno na nagulat naman sa pagtingin nito sa kanya. “Kayo po? Ano pong gagawin niyo kung binubully kayo?” tanong ni Timothy kay Uno. “Ako?” tanong ni Uno saka tinuro pa niya ang sarili. Tumango-tango si Timothy. “Uhm… siguro isusumbong ko siya sa teacher,” sagot nito. “Ganun po?” tanong ni Timothy. Tumango-tango si Uno saka ngumiti. “Iyon kasi ang tama. Saka hindi maganda na makipag-away ka para lang sa isang mababaw na dahilan,” sabi nito. Ewan ba niya kung saan niya nakuha ang mga pinagsasabi niya. Noong kabataan niya kasi, mahilig din siya sa away kahit wala namang dahilan kung bakit siya nakikipag-away. Napatango-tango si Timothy. Nakangiti naman si Lyndon habang nakatingin kay Uno. Naramdaman ni Uno ang pagtingin sa kanya ni Lyndon kaya tiningnan niya din ito. Nagtapo ang kanilang tingin. Kumabog ang dibdib ni Uno sa hindi na naman niya malamang kadahilanan. Siya ang unang umiwas nang tingin. Kumuha siya ng fries saka kinain iyon. Mas lalo namang napangiti si Lyndon. Sa tingin niya, mabuting tao si Uno pero misteryoso. Muling kumain ng fries si Uno para kahit papaano ay mabawasan ang pagkabog ng dibdib niya hanggang sa naging sunod-sunod ang pagkain niya. “Uy! Dahan-dahan lang at baka mabilaukan ka,” saway ni Lyndon kay Uno. Napatigil naman sa pagkain si Uno saka tiningnan si Lyndon. Tipid itong ngumiti saka umiwas din ulit nang tingin at uminom ng juice. Napangiti at napailing-iling na lamang si Lyndon. ----------------------------------------------- Nakatayo ngayon sa tapat ng gate ng bahay ni Uno si Lyndon. Buhat nito si Timothy na nakatulog sa biyahe at hindi na niya ginising. “Salamat sa pagsama at sana ay nag-enjoy ka,” wika ni Lyndon saka ngumiti. Napangiti naman si Uno. “Nag-enjoy naman ako.” Tumango-tango si Lyndon. “Kung gusto mo sa susunod, pwede ka ding sumama sa amin o di kaya ay dumalaw ka sa bahay,” saad nito na ikinagulat ni Uno. “Talaga? Pwede akong dumalaw sa inyo?” magkasunod na tanong ni Uno na biglang na-excite dahil madalas na niyang pwedeng makasama si Timothy. “Oo naman,” sagot ni Lyndon. Tiningnan nito ang bahay ni Uno. “Nag-iisa ka lang ba?” tanong pa nito na tiningnan muli si Uno. Tumango-tango si Uno. “Wala kang asawa?” pagtatanong pa ni Lyndon. “Wala. Girlfriend nga wala ako,” pabirong sambit ni Uno. Tumango-tango si Lyndon saka ngumiti. “Sige at aalis na kami,” pagpapaalam nito. Tumango-tango si Uno. Inayos ni Lyndon ang pagkakabuhat kay Timothy saka na ito tumalikod mula kay Uno at naglakad na patawid para makapunta na sa bahay nito. Nakasunod naman ang tingin ni Uno kay Lyndon at Timothy. Napangiti ito. ‘Salamat Lord at unti-unti niyo akong inilalapit sa anak ko,’ sa isip-isip ni Uno. Natutuwa siya dahil puro magagandang pangyayari ang nagaganap ngayon sa buhay niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD