CHAPTER 15

1657 Words
Napangiti si Uno nang mailagay na niya sa tupperware na nakapatong sa mesa ang menudo na iniluto niya. Ibibigay niya ito kay Lyndon at Timothy bilang pambawi niya sa ibinigay sa kanyang kaldereta no’ng nakaraan. Kinuha ni Uno ang takip ng tupperware at ipinantakip iyon. Napangiti siyang muli dahil naalala niya ang mga magagandang nangyayari nitong mga nakalipas na araw. Pamaya-maya ay iniwan na muna ni Uno sa mesa ang tupperware na naglalaman ng menudo saka umalis sa kusina. Pumunta siya sa kanyang kwarto para kumuha ng twalya dahil maliligo siya. Lumipas ang halos dalawampung minuto ay natapos din si Uno sa pagligo. Muli siyang bumalik sa kanyang kwarto na nakatapis na lamang ng twalya kaya kita ang maganda niyang pangangatawan na medyo mamasa-masa pa. Lumapit si Uno sa kanyang cabinet at binuksan ang pintuan nito saka siya pumili ng damit na masusuot. Medyo nahihirapan siyang mamili ng susuotin dahil gusto niya ay presentable siyang haharap kay Lyndon at Timothy. Magaganda naman at bagay kay Uno ang lahat ng damit na meron siya kaya hindi niya maintindihan kung bakit pa siya nahihirapang mamili. “Hay naku!” bumuga ng hininga si Uno saka umiling-iling. Pakiramdam niya, sa bawat paglipas ng mga araw ay may nagbabago sa kanya. “Bakit ba ako nahihirapang mamili ngayon ng isusuot?” naguguluhang tanong pa niya. Napailing-iling siya. Hanggang sa humugot na lamang si Uno ng polo shirt na kulay maroon at iyon ang isinuot niya. Kumuha din siya ng underwear at maong short at isinuot na rin niya iyon. Sinampay ni Uno ang twalya sa sampayan niya sa loob ng kanyang kwarto saka lumapit naman sa salamin. Kinuha niya ang suklay at sinuklay niya pataas ang kanyang medyo basa pang itim na buhok na may kahabaan ang tuktok at straight. Napangiti si Uno nang makita niyang okay na ang kanyang itsura. Binitawan na niya ang suklay at muli iyong ibinalik sa maliit na mesa sa tabi ng malaking salamin saka kinuha naman ang bote ng ginagamit niyang pabango at nag-spray nito sa katawan. Humalimuyak sa buong kwarto ang pabango ni Uno. Panlalaki ang amoy at hindi ganun katapang. Mas lalong napangiti si Uno. Muli niyang ibinalik sa mesa ang bote ng pabango at bahagyang inilapit ang sarili sa salamin saka tiningnan niya ang kanyang mga ngipin. Baka kasi mamaya ay may tinga iyon at nakakahiya kung makita ng iba. Nang masigurado ni Uno na okay ang ngipin niyang pantay at maputi ay bahagya na siyang lumayo sa salamin. “Ayan, okay ka na Uno,” natutuwang wika niya. Umalis na si Uno sa harapan ng salamin saka tinungo ang pintuan ng kanyang kwarto saka lumabas. Bumaba siya sa hagdan at bumalik sa kusina. Inilagay niya sa paper bag ang tupperware na naglalaman nang niluto niyang menudo at pagkatapos ay umalis na siya sa kusina at tinungo ang pintuan ng kanyang bahay saka lumabas. ---------------------------------------------- Nasa harapan ng gate ng bahay nila Lyndon si Uno. Bitbit nito ang paper bag na naglalaman ng ibibigay niya kay Lyndon na nasa harapan na niya at kunot ang noo habang nakatingin sa kanya. Litaw na litaw ang malalaman na braso ni Lyndon dahil nakasuot lamang ito ng sandong itim. Jersey short at tsinelas naman sa pang-ibaba. Hindi maikakaila ni Lyndon na okay ding pumorma si Uno. Simple pero malakas ang dating. Isa pa sa nagustuhan niya ay ang amoy nito na nanunuot sa kanyang ilong. Hindi matapang ang gamit nitong pabango at parang ngayon lamang niya naamoy ang ganoong amoy. Sa tingin niya, limited edition ang gamit na pabango ni Uno at kaunti lang ang ganoon sa merkado. Napangiti si Uno. Iniabot nito kay Lyndon ang dala niya. “Para sa inyo ni Timothy, pambawi ko sa ibinigay mo sa aking kaldereta,” wika ni Uno. Tiningnan naman ni Lyndon ang paper bag na inaabot sa kanya ni Uno. Napangiti ito saka kinuha iyon. “Hindi ka na sana nag-abala pa,” ani ni Lyndon. Napangiti lamang muli si Uno. “Gusto mo bang pumasok?” alok ni Lyndon. “Pwede?” pagtatanong ni Uno. Mahina namang natawa si Lyndon. “Oo naman,” nangingiting sagot niya. “Tara!” Napatango-tango na lamang si Uno bilang pagpayag. Binigyan ni Lyndon ng espasyo si Uno para makapasok. Napangiti naman si Uno saka siya pumasok sa nakabukas ng gate. Sumalubong kay Uno ang bakuran na may mga halaman at mga bulaklak. Medyo maluwag ito at dumadagdag sa ganda ng bahay nila Lyndon na nakatayo sa bandang dulo. Dalawang palapag ang bahay nila Lyndon na gawa sa bato. Moderno ang istilo ng arkitektura at tama lamang ang laki. Nakasunod naman si Lyndon kay Uno habang naglalakad sila papunta sa bahay. Napapangiti ito. Hanggang sa makarating at makapasok ang dalawa sa loob ng bahay. Nilibot nang tingin ni Uno ang kabuuan ng unang palapag. Nahahati sa pader ang bawat bahagi ng unang palapag gaya ng sala at kusina. May mga nakita rin si Uno na dalawang pinto. Sa tingin niya ay isa sa mga iyon ang kwarto at ang isa naman ay banyo. Kumpleto din sa gamit ang bahay. May malaking flat screen tv sa sala at karaoke set. May refrigerator sa kusina at kung ano-ano pang appliances sa loob. “Sandali lang at isasalin ko lang sa mangkok itong dala mo.” Napatingin si Uno kay Lyndon saka tumango-tango. Napangiti naman si Lyndon saka naglakad papunta sa kusina. Muling inilibot ni Uno ang tingin niya hanggang sa mapansin niya ang isang malaking litrato na nakasabit sa pader. Lumapit siya doon. Napansin din ni Uno ang isang mahabang mesa sa ilalim nito kung saan may mga nakapatong doong bulaklak na nakalagay sa mga vase, mga litrato at isang maliit na banga na gawa sa marmol na kulay puti. Bumalik ang tingin ni Uno sa malaking litrato. Si Lyndon ang isa sa mga nasa litrato at katabi niya ang isang magandang babae na may maamong mukha. Parehas na nakadamit pang-kasal ang dalawa. “Siya pala ang asawa ni Lyndon,” mahinang sambit ni Uno. Ngayong alam na ni Uno ang itsura ng mukha ng asawa ni Lyndon ay hindi na siya mahihirapang makilala ito kung sakaling makita man niya sa daan. Naalala niya si Timothy at ang naging usapan nila no’ng nakaraan. “Bakit kaya siya inaasar na walang Mama kung meron naman?” nagtatakang tanong ni Uno. “O baka naman-” Napatigil si Uno sa pagkausap sa sarili at napatingin kay Lyndon na tinabihan siya sa pagtayo. Naramdaman niya kasi itong palapit sa kanya. Nakatingin ito sa malaking litrato pagkatapos ay tumingin sa kanya. Tipid itong ngumiti. Muli rin nitong ibinalik ang tingin sa litrato. “She’s Candice, my wife,” mahinahong sambit ni Lyndon. Napatango-tango si Uno. Muli rin nitong tiningnan ang litrato. “Maganda siya,” pagpuri ni Uno. Napangiti ito. Napatango-tango si Lyndon. Muling tumingin si Uno kay Lyndon. “Nasaan siya? Hindi ko siya nakikita simula no’ng lumipat ako dito.” Napansin ni Uno ang pagbakas ng lungkot sa mukha ni Lyndon. Nahabag tuloy siya dahil baka may nasabi siyang hindi maganda na dahilan kaya ito nalungkot. “Okay ka lang?” tanong ni Uno kay Lyndon. Nakaramdam siya ng pag-aalala. “May nasabi ba akong hindi mo gusto?” pagtatanong pa niya. Tiningnan ni Lyndon si Uno. Umiling-iling ito saka tipid na ngumiti. “Si Candice… ayun siya,” saad ni Lyndon saka itinuro ang banga na nakapatong sa mesa. Sumunod ang tingin ni Uno sa tinuturo ni Lyndon. Hanggang sa manlaki na lamang ang mga mata ni Uno sa bigla niyang naisip. Ang akala niyang simpleng banga lang, isa palang urn. Umiwas nang tingin si Lyndon kay Uno at tiningnan ang urn na pinaglalagakan ng labi ni Candice. “She died nine years ago,” malungkot na sambit ni Lyndon. “She died while giving birth,” dugtong pa nito. Muling tumingin ang mga nanlalaking mata ni Uno kay Lyndon. ‘Anong ibig niyang sabihin?’ sa isip-isip ni Uno. Tiningnan ni Lyndon si Uno. “Nakakalungkot pa rin para sa akin ‘yung nangyari ngunit alam ko na mas nalulungkot si Timothy dahil maaga siyang nawalan ng ina,” madamdaming sambit ni Lyndon. Bumuntong-hininga ito. “That’s why, lahat ay ibinibigay ko sa kanya para hindi niya maramdaman ‘yung pagkukulang ni Candice,” nalulungkot na dugtong pa nito. Nanatili nakatingin naman si Uno kay Lyndon. Napangiti nang tipid si Lyndon. “Pasensya ka na at nasabihan pa kita.” Bumalik sa normal ang buka ng mga mata ni Uno. “Okay lang,” sambit ni Uno. Tipid itong ngumiti. Napatango-tango si Lyndon. “Oo nga pala, gusto mo bang kumain na muna?” Napailing-iling si Uno. “Hindi na. Kakakain ko lang din kasi,” pagtanggi niya. Tumango-tango si Lyndon. Muling tiningnan ni Uno ang wedding picture nila Lyndon at Candice. ‘Nagkamali lang ba ‘yung inutusan kong umalam kung nasaan ang anak ko? Hindi nga ba si Timothy ang anak ko?’ tanong ni Uno na ngayon ay litong-lito. Pero bakit pakiramdam ni Uno, si Timothy talaga ang kanyang anak? May pagkakahawig siya dito at isa pa, sobrang gaan ng loob niya sa bata. O baka kaya lang niya nakikitang kahawig niya si Timothy at magaan ang loob niya rito ay dahil sa sobrang pagkamiss niya sa kanyang tunay na anak? Napabuntong-hininga si Uno. Mas lalo siyang naguguluhan. Kumunot naman ang noo ni Lyndon habang nakatingin kay Uno. “Okay ka lang?” patanong na sambit ni Lyndon. May pagtataka sa mukha niya. Muling tumingin si Uno kay Lyndon. Pinilit nitong ngumiti saka tumango-tango. “Sige at aalis na ako,” pagpapaalam ni Uno. “Teka lang at kukunin ko lang ‘yung tupperware mo,” wika ni Lyndon. Napatango-tango na lamang si Uno. Ngumiti si Lyndon saka tumalikod. Umalis muna siya sa tabi ni Uno para kunin sa kusina ang tupperware. Nakasunod naman ang tingin ni Uno kay Lyndon. Pamaya-maya ay nagbaba ito nang tingin. Huminga siya ng malalim.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD