CHAPTER 16 AND 17

3171 Words
Pabalik-balik sa paglalakad si Uno sa loob ng kanyang kwarto. Hindi siya mapakali at halata sa kanya ang pagkalito. Hanggang ngayon ay tumatakbo pa rin sa kanyang isipan ang mga sinabi sa kanya ni Lyndon tungkol sa pagkamatay ng asawa nito sa panganganak. “Kung nine years na ang nakalipas mula ng mamatay siya sa panganganak… tapos kaka-ten years old lang ni Timothy… may posibilidad na anak nga nila ito. Ibig bang sabihin nun…” napailing-iling si Uno at hindi na itinuloy ang iba pang sasabihin. Napabuntong-hininga siya ng malalim. Alam ni Uno kung kailan ang birthday ni Timothy at no’ng nakaraang buwan pa iyon. Mag-isa nga lamang niyang cinelebrate iyon. Iyon ang panahon na hindi pa niya alam kung sino ang nag-ampon sa kanyang anak. Ngunit malakas ang pakiramdam ni Uno na anak niya si Timothy. Father’s instinct kumbaga. Muling napabuntong-hininga nang malalim si Uno. Kailangan niyang makausap nang masinsinan ‘yung inupahan niyang private investigator. Sana lamang ay hindi ito nagkamali dahil kung nagkamali nga ito, ibig sabihin lamang ay nagsasayang siya ng panahon na makasama ang isang bata na hindi niya kaano-ano. ------------------------------------------- “Sigurado ako. Siya ang anak mo,” sagot ng private investigator na kausap ngayon ni Uno sa kanyang smartphone. “Kahit kailan ay hindi pa ako nagkakamali sa pag-iimbestiga,” dugtong pa nito. “Pero nalaman ko kasing… nalaman kong ‘yung asawa nung nag-ampon sa anak ko, namatay siya sa panganganak nine years na ang nakakalipas. Si Timothy, pwedeng anak talaga nila at nagkakamali lang tayo na siya ang anak ko,” paglalahad ni Uno sa nalaman niya. “Binasa mo ba lahat ng dokumentong ibinigay ko sayo?” tanong ng private investigator. Napaisip si Uno. Hindi niya binasa lahat dahil ang dami rin kasi. “Tungkol doon sa mag-asawang nag-ampon sa bata, inilahad ko rin ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanila,” wika ng private investigator. “Oo, tama na namatay nga sa panganganak ‘yung babae. Ayon sa mga napagtanungan ko, hindi niya kinaya ang panganganak sa sana ay anak nila nung lalaki. No’ng mga panahong iyon, naampon na nila ang anak mo. Parehong namatay ang ina at ang bata,” paglalahad pa nito. Nanlaki ang mga mata ni Uno. “Ayon pa sa mga nakalap kong impormasyon, nag-ampon sila ng bata dahil hindi na rin nila inaasahan na magkakaroon pa sila ng anak lalo na at ilang beses na ring sumubok ang dalawa ngunit sa hindi inaasahan, nabuntis ‘yung babae pero dahil maselan, hindi naging madali ang lahat sa pagbubuntis niya hanggang sa hindi naging maganda ang katapusan niya at ang anak nila,” paglalahad pa ng private investigator. Hindi makapaniwala si Uno sa mga naririnig. “Kaya tama lang ang mga impormasyong ibinigay ko sayo at isa pa, sinisigurado ko munang tama ang lahat bago ko ibigay sa kliyente ang mga impormasyong nakalap ko,” wika pa ng private investigator. “Sa susunod kasi, basahin mo ang lahat ng dokumento para hindi ka naghihinala diyan,” may bahid ng inis na sabi pa nito. Huminga nang malalim si Uno. Pakiramdam niya ay nabunutan siya ng tinik dahil nasa tamang landas lang pala ang tinatahak niya. Ibig sabihin ay anak nga talaga niya si Timothy. “Pasensya ka na,” paghingi ng pasensya ni Uno. “Okay,” sambit na lamang ng private investigator. Nagpaalam at ibinaba na ni Uno ang tawag at muling napabuntong-hininga. “Hay!” ang nasabi na lamang niya. ------------------------------------------------- Nakatayo sa veranda si Uno at nakatingin sa katapat na bahay. Bumuntong-hininga si Uno. Napangiti siya ng tipid. “Akala ko nagkamali na ako,” mahinang sambit niya. “Pero salamat na lang at hindi pala.” Dahil kung nagkamali siya, siguradong babalik muli siya sa umpisa kung saan maghahanap na naman siya sa kanyang anak. Mas lalong napangiti si Uno dahil mula sa veranda ng katapat na bahay, nakita niya si Timothy na nagpunta at tumayo doon saka tiningnan ang paligid. Natutuwa na naman siyang makita ito. Napansin ni Uno na may hawak itong drawing book at isang box ng lapis at pang-kulay. Pamaya-maya ay umupo ito sa lapag saka inilapag ang hawak nitong mga box at ang drawing book saka iyon binuksan. Nakasunod lamang ang tingin ni Uno sa lahat ng kilos ni Timothy. Mas lalo siyang napangiti. Sa tingin niya ay gumuguhit ito. Naalala niya noong bata pa siya, mahilig din siyang gumuhit lalo na ng mga cartoon characters at magaling siya sa larangang iyon. “Mukhang pati ang pagguhit ay marunong siya,” wika ni Uno. “Nagmana talaga siya sa akin,” natutuwang saad pa niya. Naisipan ni Uno na mag-indian sit at pinanuod si Timothy sa ginagawa nitong pagguhit. Hindi hadlang ang rails na nakaharang sa veranda niya at sa veranda ng katapat na bahay para makita pa rin niya ang anak sa ginagawa. “Sa susunod, guguhit tayo ng magkasama,” sambit ni Uno na tila nangangarap habang nakatingin pa rin kay Timothy at nakasilay ang ngiti sa kanyang labi. ----------------------- Natapos na naman ang maghapong trabaho ni Uno pero sa halip na umuwi na kaagad sa kanyang bahay ay sa playground malapit lamang siya dumiretso. Nakaupo si Uno sa may swing at nakatingala nang tingin sa kalangitan. Napangiti siya ng tipid dahil sa ganda ng nakikita niya. Nagkukulay kahel na ang himpapawid dahil nalalapit na ang paglubong ng araw. Mas lalong napangiti si Uno. Kagaya ng kalangitan, napakaganda din ng pakiramdam niya ngayon at dahil iyon sa kakaisip niya kay Timothy. Tuwang-tuwa ang pakiramdam ni Uno na unti-unti ay napapalapit siya sa bata. Kapag naaalala niya ang ngiti at tawa nito, sumasaya ang pakiramdam niya at tila nasa alapaap siya. Nanatiling nakatingin lamang si Uno sa kalangitan. Pamaya-maya ay nagulat na lamang si Uno ng biglang dahan-dahang gumalaw ang kanyang inuupuan. Naalis ang tingin niya sa kalangitan at nakita niyang may dalawang kamay na nakahawak sa magkabilang kadena ng swing. Nakita ni Uno si Lyndon na nakatingin sa kanya at nakasilay ang ngiti sa labi. Hindi man lamang niya namalayan ang pagdating nito. “Ikaw pala,” sambit ni Uno. Tumango-tango si Lyndon. Itinigil nito ang marahang pagtulak sa swing na inuupuan ni Uno saka binitawan ang kadena nito. Nakasunod naman ang tingin ni Uno kay Lyndon hanggang sa makaupo ito sa kabilang swing. Muling tiningnan ni Lyndon si Uno. Nagtagpo ang tingin ng dalawa. “Anong ginagawa mo dito at nag-iisa ka?” pagtatanong ni Lyndon kay Uno. Napangiti nang tipid si Uno. “Nagpapahangin lang,” sagot niya. Tumango-tango si Lyndon. “Ikaw? Anong ginagawa mo dito? Nasaan si Timothy?” magkakasunod na tanong ni Uno. “Kagaya mo, gusto ko ring magpahangin kasi presko ang hangin dito,” pagsagot ni Lyndon. “Si Timothy, tulog siya ngayon,” dugtong pa niya. Napatango-tango naman si Uno at tipid na ngumiti. Umiwas nang tingin si Lyndon kay Uno at tumingala ito. Napangiti siya nang makita ang itsura ng kalangitan. “Ang ganda ng panahon nitong mga nakaraang araw at ngayon, pansin mo?” patanong na sabi ni Lyndon. Nagtaas-baba ng bahagya ang ulo ni Uno. Nanatiling nakatingin siya kay Lyndon. Malayang napagmasdan ni Uno si Lyndon. Hindi niya maikakaila na magandang lalaki ito at makisig. Naalala niya ang asawa nito na si Candice na maganda at kung sakali sigurong maisipan muli ni Lyndon na mag-asawa muli, sa tingin niya ay hindi na ito mahihirapang makahanap muli ng bago. ‘Teka nga, bakit ko ba iniisip ‘yon? Tsk!’ sa isip-isip ni Uno. Kung ano-anong naiisip niyang kakaiba. Naalis ang tingin ni Lyndon sa kalangitan at muling nalipat kay Uno. Nahuli niya itong nakatitig sa kanya. “Bakit?” nagtatakang tanong ni Lyndon na ikinagulat ni Uno. “May dumi ba ako sa mukha?” tanong pa nito na bahagyang ikinalaki ng mga mata ni Uno. “Uh… w-wala.” Umiling-iling si Uno saka kaagad na umiwas nang tingin. Tumingin ito sa mga puno na nakatanim sa malayo. Mahina namang tumawa si Lyndon. “Salamat nga pala,” pasasalamat ni Lyndon na muling ikinatingin ni Uno sa kanya. Nawala na ang hiya na naramdaman ni Uno. Kumunot ang noo at nagsalubong ang kilay ni Uno. “Para saan?” nagtatakang tanong ni Uno. Napangiti si Lyndon. “Sa pag-comfort mo kay Timothy no’ng isang araw.” Nag-isip si Uno hanggang sa maalala niya ‘yung pag-comfort niya kay Timothy dahil binully ito ng mga kaklase dahil wala itong mama. “Actually, nakita at narinig ko kayo,” pag-amin ni Lyndon. “Sa totoo lang, hindi ino-open sa akin ni Timothy ang bagay na iyon. Marahil dahil siguro nahihiya siya at ayaw na rin niya akong mag-alala pero ramdam kong nahihirapan din siya dahil wala siyang ina na nag-aalaga sa kanya.” Tipid na napangiti na lamang si Uno. Ramdam niya ang lungkot sa boses ni Lyndon. Bumuntong-hininga naman si Lyndon. Umiwas siya nang tingin kay Uno at muli nitong tiningnan ang kalangitan. “Sabi nga nila, binubuo ng ama at ina ang isang pamilya. Marahil ay totoo nga ang kasabihang iyon at kapag wala na ang isa, hindi na ito matatawag na isang pamilya,” wika ni Lyndon. “Magkaiba kasi ang papel na ginagampanan ng ama at ina, ang ama ang haligi habang ang ina naman ang ilaw at kung napundido na ang ilaw, kahit na ginawa ng ama ang lahat para maging ina din ito at bigyang ilaw ang tahanang nawalan ng ina, para sa anak ay kulang pa rin iyon dahil pagbalig-baligtarin man ang mundo, iba pa rin ang alaga ng isang ina para sa isang anak,” mahabang sabi pa nito. “Kahit mahalin pa ng sobra ng ama ang kanyang anak, makakaramdam pa rin ng pagkukulang ang anak na hindi naramdaman ng matagal ang pag-aalaga at pagmamahal ng ina.” Nanatiling nakatingin lamang si Uno kay Lyndon at nakikinig sa mga sinasabi nito. “Kaya hindi ko itatanggi na nahihirapan din ako lalo na at tumatayo rin akong ina para sa kanya. Ginagawa ko ang lahat para hindi niya maramdaman ang kakulangan ngunit alam ko rin na hindi iyon sapat para sa kanya dahil hindi naman talaga ako ang kanyang mama. Alam ko na lumipas man ang panahon, hindi man niya masyadong nakasama ang mama niya pero namimiss pa rin niya ito at hinahanap ang kalinga ng kanyang ina,” may bahid ng lungkot na wika ni Lyndon. “At nasasaktan ako kapag nalalaman kong dahil sa kawalan niya ng ina, natutukso siya ng iba,” pagtatapos ni Lyndon. “At wala akong magawa.” Bahagyang kumuyom ang dalawang kamay ni Uno. Aminado rin siyang nasaktan no’ng malaman niyang tinutukso si Timothy ng mga kaklase nito dahil sa kawalan ng mama. Akala niya, mapapabuti ang anak niya kapag napunta ito sa isang magandang pamilya ngunit nagkamali siya. Kung hindi lamang sila iniwan ng tunay na ina ni Timothy, malamang hindi nito mararanasan ang pakiramdam na walang ina. Tiningnan ni Lyndon si Uno. Napangiti ito. “Pasensya ka na at bigla akong naging madrama ngayon,” mahina itong natawa. “Wala din kasi akong ibang mapagsabihan. Hindi rin naman ako pwedeng makita ni Timothy na ganito. Hangga’t maaari, gusto ko na makita niya lang akong malakas palagi.” “Okay lang,” sagot ni Uno saka tipid na ngumiti. Malalim na bumuntong-hininga si Lyndon. “Pwede mo pa naman sigurong bigyan ng isang ina si Timothy para hindi na siya malungkot at tuksuhin ng iba,” hindi napigilang sabi ni Uno at huli na para mabawi niya. ‘Ano bang pinagsasabi mo, Uno?’ tanong pa niya sa isipan. Kumunot ang noo ni Lyndon. “Anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong nito. Nag-aalangang napangiti si Uno. “Uhm… wala. Kalimutan mo na lang ‘yung sinabi ko.” Nanatili namang nakatingin si Lyndon kay Uno. Umiwas naman nang tingin si Uno. Tiningnan nito ang mga puno at bumuntong-hininga. “Sinasabi mo bang mag-asawa akong muli, ganun ba?” pagtatanong ni Lyndon. Muling napatingin si Uno kay Lyndon. Napangiti nang tipid si Lyndon. “Sa tingin mo ba, okay iyon?” patanong niyang sambit. Hindi nagsalita si Uno at nanatili lamang siyang nakatingin kay Lyndon na sinasalubong ang tingin niya. Bumuntong-hininga si Lyndon. “Ang totoo niyan, naisip ko na rin ‘yan,” pag-amin nito. “Ngunit kahit siyam na taon na ang nakalipas magmula ng mawala si Candice, aminado akong mahal ko pa rin siya. Mahal ko pa rin ang asawa ko at hindi ko pa siya kayang palitan,” dugtong pa niya. Nanatili namang nakatingin si Uno kay Lyndon. Ngumiti nang maliit si Lyndon. “Simple lamang ang kwento namin pero masyadong malalim ang pinagsamahan naming dalawa. High school pa lang, best friend na kami hanggang sa dumating ang college at na-develop ang feelings namin para sa isa’t-isa. Siya ang naging kasama ko sa lahat ng estado ng buhay ko. Siya ang nakasalo ko sa masasaya at malulungkot na bahagi ng buhay ko. Siya ang babaeng kauna-unahan kong minahal. Siya ang asawa kong hanggang sa huling hininga niya, sinamahan at minahal ako,” madamdaming wika nito. “I’m sorry,” sincere na paghingi ng paumanhin ni Uno. Umiling-iling si Lyndon. “No need to say sorry,” sabi nito. “Kahit rin naman ang iba, sinasabi sa akin na mag-asawa muli ako. Bukod sa matagal na siyang nawala, bata pa naman ako kaya pwede pa. Ako lang ang may ayaw sa ngayon dahil para sa akin, sariwa pa ang pagkawala niya pero hindi ko naman isinasarado ang puso ko sa mga posibilidad na pwede pa itong magmahal muli ng iba bukod sa kanya at kay Timothy.” Tumango-tango si Uno. Napangiti si Lyndon. “Ikaw? Pwede kang magkwento sa akin,” sabi niya na ikinagulat ni Uno. “A-Ako?” tanong pa nito saka itinuro pa ang sarili. “Oo, tungkol sa sarili mo o sa lovelife mo,” sagot ni Lyndon saka ngumiti nang nakakaloko. Pinapagaan lamang niya ang atmosphere. Nag-aalangang napangiti si Uno. “W-Wala naman akong mai-kwekwento sayo.” “Wala? O baka naman boring lang ang buhay mo?” pabirong sambit ni Lyndon. “Parang ganun na nga,” sagot ni Uno saka tumawa nang mahina. Natawa si Lyndon. “Hindi naman pwedeng wala kang mai-kwento tungkol sa sarili mo,” saad nito. “Kahit konti naman siguro, may mga nangyari sa buhay mo na interesante,” dugtong pa niya. Nag-aalangang napangiti muli si Uno. Naghihintay naman si Lyndon sa sasabihin ni Uno. “A-Ang totoo…” nakakaramdam nang pag-aalangan si Uno na sabihin ang totoong kwento ng buhay niya. Kinakabahan din siya dahil baka hindi niya mapigilan ang sarili at kung ano ang masabi niya. “Ang totoo?” patanong na sabi ni Lyndon. Napakamot naman sa batok si Uno. Umiwas ito nang tingin kay Lyndon at tumingin sa mga puno. Napabuntong-hininga siya. “Ang totoo, suwail at maloko akong bata noon,” panimula ni Uno. “Sakit ako sa ulo ng mga namayapa ko ng magulang. Wala pa ako sa legal na edad pero marami na akong naging babae na… alam mo na,” dugtong pa nito saka mahinang tumawa. “Babaero ka pala at matinik,” napapangiting wika ni Lyndon. Napatingin si Uno sa kanya at tipid na ngumiti. Muling tumingin si Uno sa mga puno. “Hindi ko iniisip ang kinabukasan at consequences ng mga actions ko noon. Naging padalos-dalos ako. Hanggang sa hindi inaasahan… nabuntis ko ang isa sa mga naging girlfriend ko,” pag-amin ni Uno na ikinagulat ni Lyndon. “Hala!” hindi makapaniwala si Lyndon. Hindi kasi halata kay Uno na maloko ito. Mukha ngang ang bait-bait. Napangiti nang tipid si Uno. “Itinakwil ako ng mga magulang ko ng malaman nilang nakabuntis ako. Hinayaan nila akong harapin ang responsibilidad bilang isang batang ama ng hindi sila tumulong. Doon ko naranasan ‘yung matinding hirap lalo na nung ipanganak ng girlfriend ko ‘yung baby namin,” seryosong paglalahad niya. “Naging subsob ako sa trabaho para lamang mairaos ang isang araw namin. Kung ano-anong trabaho ang pinasok ko kahit hindi naman ako sanay sa pagtatrabaho. Pilit kong kinakaya ang lahat ngunit hindi iyon naging sapat para sa girlfriend ko at kinalaunan, iniwan niya rin kami… iniwan niya ‘yung responsibilidad niya bilang isang ina,” kinagat ni Uno ang ibabang labi niya. Nakatingin lamang si Lyndon kay Uno at nakikinig. “Sobra akong naghirap no’ng mga panahong nawala siya. Sa halip na ang ipapakain na lamang sa bata ang inaalala ko, inaalala ko na rin kung sino ang magbabantay sa kanya. Wala akong mahanap na pwede at kung meron man, siguradong kailangan ‘yon bayaran ngunit saan naman ako kukuha ng pambayad? Said na said na din ako no’ng mga panahong iyon,” malungkot na sabi ni Uno. Tiningnan ni Uno si Lyndon. Doon napansin ni Lyndon ang matinding lungkot sa mukha at mga mata ni Uno. “Hanggang sa hindi ko na makayanan ang hirap. Ayoko ring nakikitang nahihirapan si baby kaya naman isang masakit na desisyon ang ginawa ko at iyon ay ang ipa-ampon siya kahit labag din iyon sa aking kalooban,” nahihirapang sabi ni Uno na ikinalaki ng mga mata ni Lyndon. Pinilit na ngumiti ni Uno. “Alam mo ‘yung pakiramdam na tinalikuran ka na ng mundo at para hindi na madamay pa ‘yung taong mahalaga sayo sa hirap na dinaranas mo, mas pipiliin mo na lang na ilayo siya sayo kasi wala ka na rin namang choice kundi iyon ang gawin?” malungkot na sabi niya. “Ewan ko ba kung bakit ang agang ipinaranas sa akin ang ganun katinding pagsubok. Siguro… karma ko iyon kaya nangyari? Ginawa ko naman ang lahat, nagmakaawa ako sa mga magulang ko para tulungan ako ngunit… ngunit…” nahihirapang sabi pa niya. Nakaramdam nang habag si Lyndon. Para sa kanya, hindi tama na ipina-ampon ni Uno ang bata ngunit ayaw rin naman niyang husgahan ito lalo na at sa likod ng ginawa nito ay may matinding dahilan. “Pwede ba akong magtanong pa sayo?” tanong ni Lyndon. Napatingin si Uno kay Lyndon. “‘Yung baby mo, alam mo ba kung nasaan na siya?” pagtatanong muli ni Lyndon. Hindi sumagot si Uno at nanatili lamang siyang nakatingin kay Lyndon. Napabuntong-hininga naman si Lyndon. “Pasensya ka na kung pinilit pa kitang magkwento. Hindi ko rin naman kasi alam na ganyan pala ang naranasan mo.” Napailing-iling si Uno. “Bukod sa mga magulang ko at sa naging huling girlfriend ko, ikaw lang ang nakakaalam sa totoong kwento ng buhay ko noon.” Nakatingin naman si Lyndon kay Uno. Tipid na napangiti si Uno. Umiwas ito nang tingin kay Lyndon at muling tiningnan ang mga puno. Nanatili namang nakatingin si Lyndon kay Uno. Hindi niya akalain na magagawa nitong masabi sa kanya ang isang karanasan na sa tingin niya ay sobrang bigat para kay Uno. Kung tutuusin, halos parehas sila ng naranasan at iyon ay ang matinding kalungkutan dahil nawalan sila ng mga taong mahahalaga sa kanilang buhay kahit hindi nila kagustuhan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD