CHAPTER 2

1001 Words
“Saan ka pupunta?” nagtatakang tanong ni Uno kay Kate, ang kasintahan niya na kanyang nabuntis ng hindi inaasahan. Hindi pinansin ni Kate ang tanong na iyon sa kanya ni Uno at patuloy lamang ito sa paglalagay ng mga damit at gamit niya sa kanyang bag. Tila wala siyang narinig at siya lamang ang tao sa loob ng bahay. “Aalis ka?” tanong pa ni Uno. Hindi pa rin sumagot si Kate. Patuloy lamang ito sa ginagawa sa ibabaw ng papag na kama. Kumuyom pabilog ang dalawang kamay ni Uno. “Iiwan mo na ako? Iiwan mo kami ng baby natin?” magkasunod na tanong ni Uno. Huminto si Kate sa ginagawa. Hindi nito tinapunan nang tingin si Uno. “Babalik na ako sa parents ko,” malamig na wika ni Kate. “Pinapabalik na nila ako,” dugtong pa nito. “Iiwan mo na nga kami,” galit at may diin na sambit ni Uno. “Hirap na hirap na ako,” nanghihinang saad ni Kate. “Hindi ito ang buhay na pinangarap ko para sa sarili ko-” “At sa tingin mo ba hindi ako nahihirapan?” putol ni Uno sa sinasabi ni Kate. “Sa tingin mo ba, pinangarap ko din ito? Hindi lang ikaw ang may pangarap, may pangarap din ako kahit sinasabi ng marami na tarantado ako!” dagdag pa niya. Nagtaas na siya ng boses. “Ginagawa ko naman ang lahat. Lahat ng trabaho pinapasok ko na para mabuhay lang kayo ni baby tapos ngayon-” “Hindi sapat ang mga ginagawa mo!” sigaw kaagad ni Kate at tiningnan niya si Uno. Nangingilid ang luha sa mga mata nito. “Sa tingin ko nga, kahit lumuha ka pa ng dugo, hindi iyon magiging sapat para maka-ahon tayo sa pesteng buhay na ito!” Hindi nakapagsalita si Uno. Kita sa mukha nito ang hirap na nararanasan ngayon. Nawala ang kinang ng kagwapuhan na dati ay hinahangaan ng marami. Napailing-iling si Kate saka umiwas nang tingin kay Uno at nagpatuloy sa ginagawa. “Ang galing mo din! Ang galing mo kasi iiwan mo ako sa ere kasi hirap na hirap ka na. Ang galing mo kasi alam mo sa sarili mong may babalikan ka kaya ang dali lang sayo na magdesisyon!” dismayadong sigaw ni Uno. Hindi nagsalita si Kate at patuloy lamang ito sa ginagawa. “Paano na ang baby? Kailangan ka niya-” “Ikaw ng bahala sa kanya,” ani kaagad ni Kate. Sinara nito ang zipper ng bag matapos niyang mailagay ang lahat ng gamit na meron siya. Pagak na natawa si Uno. “Hoy! Baka nakakalimutan mo, binuo natin siyang dalawa pagkatapos ngayon sa akin mo lang ipapaako ang pagbuhay sa kanya? Anong klase ka naman!” galit na asik ni Uno. Hindi siya makapaniwala na ganito pala si Kate. “Lintik ka! Matapos mong masarapan, iiwan mo siya kasi nahihirapan ka na!” Tiningnan ni Kate si Uno. Tumulo ang luha nito. “Ayoko nang masadlak sa hirap kasama mo. Ayoko ng mas lalong masira ang buhay ko kaya hangga’t maaga pa, lalayo na ako sayo,” nahihirapang sambit ni Kate. “Ikaw ang sumira sa buhay ko. Marami pa akong pangarap na gustong maabot at kapag nanatili pa ako sa tabi mo…” napailing-iling na lamang siya at hindi na itinuloy ang sinasabi. Hindi na nakapagsalita si Uno. Nakatingin lamang siya kay Kate na puno ng galit. Umiwas nang tingin si Kate kay Uno. Huminga ito ng malalim saka marahas na pinunasan ang luha. Tiningnan ni Kate ang baby nila ni Uno na mahimbing na natutulog ngayon. Nakagat niya ang ibabang labi niya. ‘I’m sorry,’ sincere na paghingi nito ng paumanhin sa isipan. Hindi pa siya handang maging ina sa edad na kinse at iyon ang hinihingi niya ng tawad. Iniwas ni Kate ang tingin niya sa baby. Muli itong huminga nang malalim saka umalis sa ibabaw ng kama at tumayo. Kinuha niya ang bag na pinaglagyan niya ng kanyang mga gamit at sinukbit iyon sa magkabilang balikat niya. Nakatingin lamang si Uno sa bawat kilos ni Kate. Hindi nawawala ang galit. Tiningnan ni Kate si Uno. Sinalubong naman ni Uno ang tingin sa kanya ni Kate. Ilang minuto silang nagkatitigan. Nakakabingi ang katahimikan sa pagitan nila. Hanggang sa mag-iwas nang tingin si Kate at nagsimulang maglakad papunta sa pintuan ng bahay na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at yero. Nakasunod naman ang tingin ni Uno kay Kate. Hanggang sa tumulo ang kanina pa pinipigilang luha ni Uno nang tuluyang lumabas at umalis sa buhay niya si Kate. Mag-isa na lamang siya… mag-isa na lamang siyang haharap sa napakalaking responsibilidad. Sumisilay ang maliliit na ngiti sa labi ni Uno habang nakatayo sa tapat ng bahay ampunan at tinitingnan ang mga batang naglalaro sa bakuran nito. Nakapamulsa ang mga kamay niya sa suot niyang slacks. Pagkagaling niya sa trabaho ay dito siya pumupunta. Hanggang ngayon ay hindi niya malimutan ang kanyang ginawa nung gabing iyon. Hindi namalayan ni Uno na nakita siya ng madre na isa sa mga namamahala sa bahay ampunan. Napangiti ito saka pumunta sa gate. “Iho!” Tumingin si Uno sa tumawag sa kanya. Bahagyang nanlaki ang mga mata niya nang makita ang madre. Lalong bumuhos ang luha ni Uno nang marinig niya ang pag-iyak ng kanyang anak. Gusto niyang balikan ito ngunit hindi niya ginawa sa halip ay mas lalo niyang binilisan ang paglalakad palayo. “Patawarin mo ako,” garalgal na wika niya. Huminto siya sa paglalakad saka napaupo at humagulgol. “P-Patawarin mo ako,” nanghihinang sabi niya. “Iho!” Nagulat at napatigil ang lalaki sa pag-iyak nang marinig niya ang pagtawag na iyon sa kanya. Kumabog ang dibdib niya. Hanggang sa dahan-dahan siyang lumingon sa pinanggalingan nang tumawag sa kanya. Nakita niya na nakatayo ang isang madre at matamang nakatingin sa kanya. Buhat-buhat nito ang sanggol na tumigil na sa pag-iyak. Sunod-sunod ang naging paglunok ni Uno. “Pwede ba tayong mag-usap, Iho?” mahinahong tanong ng madre.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD