PROLOGO
Maagang naranasan ni Uno ang hirap ng pagiging isang ama na kinalaunan ay kanya ring sinukuan. Sa paglipas ng panahon, nanaisin niyang muling makapiling ang anak na nasa piling na ng iba. Makikilala ni Uno si Lyndon, ang tumatayo at kinikilalang ama ng kanyang anak. Para mas mapalapit si Uno sa kanyang anak, kukunin niya ang loob ni Lyndon at habang sila'y nagkakasama, sisibol ang isang naiibang pag-ibig na sa hinagap ay hindi niya inaasahan. Hahayaan na lang ba ni Uno ang sarili na malubog sa kumuno'y ng pag-ibig sa kinikilalang ama ng kanyang anak? Paano masasabi ang katotohanan kung ito din ang siyang sisira sa kanilang magandang pinagsamahan?
---
Nakakabingi ang katahimikan sa kailaliman ng gabi. Umiihip ang malamig na simoy ng hangin na nanunuot sa kaibuturan ng balat.
Mag-isang naglalakad sa gilid ng daan ang isang matangkad na lalaki. Patingin-tingin sa paligid na walang katao-tao sa mga oras na iyon at bibihirang nang daanan ng sasakyan sa kalsada.
Bitbit ng isang lalaki ang isang hugis parisukat na karton. Nanginginig ang mga kamay niyang may hawak dito.
Tiningnan ng mga naluluhang mata ng lalaki ang nilalaman ng karton. Sa loob-loob niya ay hindi niya kagustuhan ang gagawin ngunit wala na siyang ibang mapagpipilian.
Kung hindi niya ito gagawin, siguradong kasama niya itong masasadlak sa matinding hirap. Ayaw niyang mangyari iyon kaya naman gagawin niya ang lahat para siya na lamang ang maghirap huwag lamang ito.
“I’m sorry,” puno ng damdamin na sabi ng lalaki habang nakatingin sa nilalaman ng karton. “I’m sorry.” Tuluyang tumulo ang luha niya dahil sa matinding sakit na nararamdaman.
Nagmadaling naglakad ang lalaki. Muli siyang tumingin sa paligid. Sinisigurado niyang walang makakakita sa kanya.
Ilang minuto pang lakaran ang ginawa ng lalaki nang huminto na ito sa paglalakad. Tiningnan niya ang lugar kung saan nakatayo na siya sa tapat nito.
Nakagat ng lalaki ang ibabang labi niya. Bigla siyang nagdalawang isip sa gagawin. Pakiramdam niya, biglang hindi na niya kayang gawin ang kanyang binabalak.
Napailing-iling ang lalaki. Kung hindi niya ito gagawin, walang magandang kinabukasan ang naghihintay para dito. Kailangan niya itong gawin hindi para sa sarili niya kundi para sa kinabukasan nito. Kailangan niyang lakasan ang loob.
Muling tiningnan ng lalaki ang nilalaman ng karton. May pait ang naging ngiti nito.
“Patawarin mo ako… Anak,” lumuluhang sabi ng lalaki.
Wala namang kamalay-malay ang sanggol sa gagawin ng kanyang ama sa kanya. Mahimbing ang tulog nito.
Suminghot-singhot ang lalaki. Naisip niya, matinding hirap na ang naranasan nila ng magkasama, ngayon pa ba siya susuko?
Ngunit sa tuwing nakikita niyang umiiyak ang kanyang anak dahil sa gutom, awang-awa siya. Wala siyang magawa.
Napaka-unfair ng mundo para sa kanya. ‘Yung iba, gumawa lang ng isang paraan at nagtatagumpay na kaagad ngunit siya, ginawa na niya ang lahat ngunit hindi pa rin iyong naging sapat at mas lalo lamang siyang naghirap kasama ang kanyang anak.
Hindi ba pwedeng tulungan naman siya para hindi na niya maisip na gawin ang ganitong bagay na ayaw man niya ngunit kung hindi niya gagawin ay labis itong maghihirap habang lumalaki?
Huminga nang malalim ang lalaki. Muli niyang tiningnan ang may kataasang gate na nasa kanyang harapan. Sa loob nito, matatagpuan ang isang bahay kung saan nakatira ang iba pang mga batang wala ng magulang.
Isang bahay ampunan.
Muling niyang tiningnan ang kanyang anak.
Hinalikan niya ang kanyang anak sa noo.
“I’m sorry. Gagawin ko ito para sayo. Para hindi ka na maghirap pa habang kasama ako. Maaalagaan ka na ng mabuti at umaasa akong sa pagdating ng panahon, makakatagpo ka ng mga taong tunay na magmamahal at hindi magpapahirap sayo. Patawarin mo ako, Anak.”
Muling hinalikan ng lalaki ang kanyang anak. Sinulit niya ang mga natitirang sandali na kasama ito.
Hanggang sa humantong na siya sa isang masakit na desisyon.
Dahan-dahang inilapag ng lalaki sa tapat ng gate ang karton na naglalaman ng kanyang sariling anak. Pagkalapag nito ay inayos niya ang kumot na bumabalot sa katawan nito.
Marahang hinaplos ng lalaki ang kanang pisngi ng sanggol. Muling tumulo ang luha nito.
Hanggang sa umayos na sa pagkakatayo ang lalaki. Sa huling pagkakataon ay muli niyang tiningnan ang anak pagkatapos ay tinalikuran na niya ito saka naglakad palayo.
Lalong bumuhos ang luha ng lalaki nang marinig niya ang pag-iyak ng kanyang anak. Gusto niyang balikan ito ngunit hindi niya ginawa sa halip ay mas lalo niyang binilisan ang paglalakad palayo.
“Patawarin mo ako,” garalgal na sabi niya. Huminto siya sa paglalakad saka napaupo at humagulgol. “P-Patawarin mo ako,” nanghihinang wika nito.
---
“Lumayas ka dito!” malakas na sigaw ng kanyang ama.
“Pa-”
“Isa kang malaking kahihiyan sa pamilyang ito!” hiyaw pa nito. Kitang-kita ang galit sa mukha nito.
Nakagat ni Uno ang ibabang labi niya.
“Puro na lang kahihiyan ang dinadala mo sa pamilyang ito at kahit anong gawin namin ay hindi ka nagtitino!” sigaw pa muli ng Papa niya. “Hindi na namin alam kung anong gagawin sayo!” dugtong pa nitong sigaw.
“Pa-”
“Bahala ka na sa buhay mo! Binuo mo ‘yan kaya responsibilidad mo ang buhayin siya!”
Hindi makapaniwala si Uno sa narinig mula sa Papa niya. Pababayaan na lamang siya?
Napatingin si Uno sa kanyang Mama na nakatayo sa tabi ng Papa niya. Nag-iwas ito nang tingin sa kanya. Nakaramdam siya ng panlulumo.
Muling tumingin si Uno sa kanyang ama.
“Pa, kahit ngayon lang tulungan niyo naman ako. Kinse pa lang ho ako-”
“‘Yun na nga! Kinse ka pa lang pero sutil ka na!” putol ng ama ni Uno sa sasabihin niya. “Hindi kami nagkulang ng pangaral sayo. Ilang beses ka naming itinuwid sa mga kagaguhan mo pero… pero ngayon suko na kami!” nanggigigil na saad pa nito saka umiling-iling. “Pakiramdam ko tuloy, napaka-sutil kong ama dahil ganyan ka!”
“Pa-”
“Bahala ka na. Huminto ka na sa pag-aaral o kung hindi, ikaw ng bahala sa pag-aaral mo. Ikaw ng bahala sa buhay mo. Ikaw ng bahala sa mga responsibilidad mo,” wika kaagad ng ama ni Uno. “‘Yung binuntis mo, bahala ka na sa kanya. Simula ngayon, wala na kaming pakiealam pa sayo. Isa ka talagang malaking kahihiyan!” nanggagalaiti na sabi pa nito.
Nangilid ang luha sa mga mata ni Uno. Ngayong itinatakwil siya ng kanyang mga magulang, hindi na niya alam kung ano ang gagawin niya. Hindi niya alam kung saan siya magsisimula.
“Umalis ka na dito!” mariing pantataboy kay Uno ng kanyang ama.
Pinunasan ni Uno ang luhang tumulo mula sa kanyang mga mata. Muli niyang tiningnan ang dalawang puntod na nasa harapan niya ngayon.
Nasa loob siya ng museleyo at nakatayo sa harapan ng puntod ng kanyang mga magulang na namayapa na anim na taon na ang nakakaraan. Unang nawala ang kanyang ama dahil sa prostate cancer habang sa liver cancer naman ang kanyang ina.
Napabuntong-hininga nang malalim si Uno. Muli na naman kasi niyang naalala kung paano siya itinakwil ng Papa niya. Sa ngayon, hindi na siya galit sa mga ito dahil na-realize niyang kasalanan din naman niya ang mga nangyari sa buhay niya.
Aminado naman si Uno na suwail siya nung bata pa siya. Bulakbol siya nung high school. Mahilig siya sa babae kahit wala pa sa legal na edad at papalit-palit ng girlfriend dahil maraming naloloko sa kanyang kagwapuhan. Maputi, makinis ang balat, matangkad at maganda na ang pangangatawan niya kahit bata pa. Parang hindi nga siya kinse-anyos noon kung titingnan. Marahil ay dahil may lahing Amerikano ang kanyang ama.
Nag-iisa lamang na anak si Uno kaya naman ng pumanaw ang mga magulang niya, ang akala niya ay tuluyan na siyang kinalimutan ng mga ito ngunit bigla siyang tinawagan ng abogado ng kanilang pamilya at binasa ang last will testament kung saan nakasaad na sa kanya mapupunta ang lahat ng ari-ariang meron ang pamilya nila.
Nagpapasalamat si Uno na kahit na ganun ang nangyari ay hindi pa rin siya napabayaan ngayon ng kanyang ama. Nanghihinayang lamang siya dahil hindi siya nakahingi ng tawad sa mga ito.
Napabuntong-hininga muli ng malalim si Uno.
Naalala niya ang kanyang anak na iniwan, siyam na taon na ang nakakaraan.
“Nasaan na kaya siya?” tanong niya sa hangin.
Huminga nang malalim si Uno. Tumakbo sa kanyang isipan ang ginawa niya noon… na matindi niyang pinagsisisihan ngayon.