CHAPTER 4

1394 Words
“Hindi niyo po ba talaga pwedeng sabihin sa akin kung sino ang nag-aalaga sa kanya ngayon?” tanong ni Uno. Umiling-iling ang Madre. “Pasensya ka na talaga, Iho,” kalmadong sabi nito. “Patakaran namin iyon dito at hindi pwedeng baliin. Isa pa, may kasulatan kaming pinirmahan na hindi pwede na basta-bastang ipagsawalang-bahala na lamang,” dugtong pa nito. “Pero Sister Ana,” desperado na si Uno na muling makita ang kanyang anak. Ilang taon na rin ang lumipas na tiniis niya na hindi ito nakikita. “Pasensya ka na talaga, Iho,” paghingi ng pasensya ni Sister Ana. Napayuko na lamang si Uno. Sa isip-isip niya, ito na ang sinasabing karma niya. Muling napabuntong-hininga si Uno. Ipinikit niya ang kanyang mga mata. Naalala niya ‘yung mga huling sandali na kasama niya ang kanyang anak. Pumapalahaw sa pag-iyak ang sanggol na nakahiga sa ibabaw ng kama. Nakatingin lamang si Uno dito. Katulad ng sanggol, kumakalam na din ang kanyang sikmura dahil hindi pa siya kumakain magmula kaninang umaga. Walang kapera-pera si Uno. Kahit piso ay wala itong madukot sa bulsa dahil nasaid na. Ilang araw nang hindi nakakapagtrabaho si Uno dahil hindi naman niya pwedeng maiwan ang baby niya at wala rin siyang mapag-iiwanan dito. Magmula nang umalis si Kate ay mas lalong naghirap si Uno. Gustong-gusto na niyang bumalik sa kanyang mga magulang at magmakaawa na tanggapin siyang muli ng mga ito ngunit pinipigilan lamang niya ang kanyang sarili. Itinakwil na siya ng mga ito kaya tiyak na sa pangalawang pagkakataon ay gagawin muli ito sa kanya. Ayaw na niyang muling maapakan ang kakaunting pride niya na siyang natitira na lamang sa kanya. Huminga nang malalim si Uno. Patuloy sa pag-iyak ang kanyang baby dahil sa gutom. Sobra na siyang naaawa dito ngunit wala naman siyang magawa para maibsan ang paghihirap nito. Kung bakit ba kasi naging padalos-dalos siya sa kanyang mga kilos. Ngayon siya nagsisisi dahil may isang inosenteng nadadamay sa kanyang mga ginawa. Dahil sa kagaguhan niya, nadadamay ang baby sa paghihirap niya. Muling idinilat ni Uno ang kanyang mga nangungusap na mata. Tumitig sa kisame. “I’m sorry,” paulit-ulit na hihingi ng tawad si Uno sa kanyang anak dahil sa kanyang mga naging pagkukulang. --- Tagaktak ang pawis ni Uno habang nagtataas-baba siya sa sahig. Pawis na pawis na ang kanyang mukha at ang iba ay tumutulo na rin sa sahig. Patuloy lamang si Uno sa ginagawa. Mainit na mainit na ang pakiramdam ng kanyang katawan dahil sa ginagawang pagpupush-ups. Ilang minuto pa ang lumipas ay tumigil na rin si Uno. Dahan-dahan itong tumayo saka huminga nang malalim. Taas-baba ang kanyang maumbok na dibdib dahil sa paghingal. Tiningnan ni Uno ang kanyang sarili. Namumula ang kanyang balat dahil sa init. Masagana din ang pawis na inilalabas nito. Sinuklay niya ang kanyang buhok paitaas gamit ang kanan niyang kamay. Naglakad si Uno papunta sa sofa at kinuha niya sa sandalan nito ang nakapatong na bimpo saka ito pinampunas sa kanyang maamong mukha pagkatapos ay sa malapad na balikat, sa malaman niyang mga braso, sa basa niyang kili-kili na may mga pinong buhok, sa kanyang pormadong dibdib at abs. Sinama na din niyang punasan ang kanyang pusod at sa huli ay sa kanyang likod. Matapos niyang magpunas ay kumuha siya ng tubig sa refrigerator at ininom iyon. Sa paglipas ng panahon ay mas lalong naging maganda ang pangangatawan ni Uno. Kapag may oras ay nage-ehersisyo siya kaya naman na-achieve niya ang pagiging buff sa edad na bente-singko na bumagay rin naman sa kanyang tangkad na 5’9. Matapos uminom ng tubig at magpunas muli ni Uno ng kanyang katawan na tanging ang jersey short lamang ang saplot ay pinatong niya sa kanyang balikat ang bimpo na hawak saka nagpunta sa bintana. Tumayo sa tapat ng bintana si Uno at tiningnan ang view sa labas. Sumilay ang maliit na ngiti sa labi nito. Mula sa kinatatayuan ay nakikita niya ang maaliwalas na kalangitan. Mataas ang tinitirhan ni Uno na minana niya sa mga magulang. Isang three-storey house na moderno ang istilo. May hardin, may swimming pool sa likod at may rooftop din ito. Sa bahay na ito lumaki at nagka-isip si Uno. Bukod sa bahay ay pinamana rin sa kanya ng mga namayapa niyang magulang ang mga negosyong naiwan ng mga ito ngunit hindi niya pinamahalaan ang mga ito bagkus ay ibinenta niya ang mga shares ng magulang niya sa mga ito at iyon ang ginamit niya sa pag-aaral hanggang sa makatapos siya ng kursong Finance. Sa ngayon ay nagtatrabaho si Uno bilang insurance manager sa isang matatag na insurance company sa bansa. Masasabing maganda na ang pamumuhay ngayon ni Uno. Talagang inayos niya ang kanyang sarili para kung sakaling magkita muli sila ng kanyang anak ay handa na siya at maibibigay na niya rito ang buhay na pinapangarap niya. Buhay na sisiguraduhin niyang hindi magpapahirap dito. Napabuntong-hininga si Uno. Maayos na nga ang buhay niya ngunit sa tingin niya ay huli na siya para gawin ang mga bagay na dapat ay noon niya ginawa para sa anak. Pero hindi pa rin susuko si Uno. Aalamin niya kung nasaan na nga ba talaga ang kanyang anak. Gusto niya itong makita. Gusto niyang masigurado kung maayos nga ba itong lumaki. Gusto niyang malaman kung tama nga lang ba talaga ang ginawa niya kahit na ang tingin ng lahat ay mali iyon. --- Nasa loob si Uno ng kanyang opisina. Nakaupo ito sa kanyang swivel chair habang tinitingnan sa screen ng cellphone nito ang isang litrato. Sumisilay ang maliit na ngiti sa labi ni Uno. Ilang minuto na niyang tinitingnan ang litrato. Hinaplos-haplos ni Uno ang screen ng kanyang smartphone gamit ang hinlalaking daliri niya. Ang litratong tinitingnan ni Uno ay ang kaisa-isang litrato ng kanyang baby na nasa kanya. Bukod sa ilang gamit nito na naitabi niya, ang litrato nito ang isa sa mga bagay na naiwang alaala sa kanya ng kanyang anak. Napabuntong-hininga si Uno. Gustong-gusto na talaga niyang makita ang baby niya. Iniisip niya kung ano ang itsura nito. Kung matalino ba ito o di kaya ay makulit. Kung lumaki ba itong nasa maayos na kalagayan. Kung hindi lamang sobrang naghirap noon si Uno, hindi niya nanaising ipamigay ang anak. Sobrang sakit ang dinanas niya no’ng mga panahong hindi na niya nakita at nahawakan man lang ang kanyang baby. Hindi namalayan ni Uno na bumukas ang pintuan ng kanyang opisina at pumasok si Ms. Hazel Garcia, ang kapwa niya manager sa pinagtatrabahuhang kumpanya. Kumunot ang noo ni Hazel nang makita si Uno. Naglakad ito palapit sa mesa. “Are you okay, Mr. Olvidado?” Bumalik si Uno sa sarili at dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha at tiningnan si Hazel. Bahagya pa siyang nagulat nang makita ang dalaga. “Are you okay?” tanong muli ni Hazel. Sa nakikita niya kasi, parang hindi. “Uh… oo,” sagot ni Uno na may kasama pang pagtango-tango para mas maniwala ito sa kanya. Napatango-tango naman si Hazel saka ngumiti. Tiningnan nito ang hawak ni Uno. Napansin ni Uno ang pagtingin ni Hazel sa hawak niya kaya dahan-dahan niya iyong binitawan sa mesa saka ipinatong ang braso niya doon para maitago. “Ano pa lang kailangan mo?” nagtatakang tanong ni Uno. Muling ibinalik ni Hazel ang tingin sa mukha ni Uno. Ngumiti siya. “May meeting tayo by two in the afternoon,” sagot ni Hazel. “Ganun ba?” tanong ni Uno. Tumango-tango si Hazel. “Uhm… okay,” wika na lamang ni Uno. “Sige at aalis na ako,” pagpapaalam ni Hazel. “If you need anything or someone to talk to, I’m here,” paalala pa nito saka ngumiti. Nakikita niya kasing parang may dinadalang mabigat ang kasamahan. Napatango-tango na lamang si Uno saka tipid na ngumiti. Napangiti na lamang muli si Hazel saka muling nagpaalam at umalis. Muling naiwang nag-iisa si Uno sa loob ng opisina. Napabuntong-hininga siya. Binago ng panahon at mga karanasan si Uno. Kung dati ay mahilig siyang makipag-kaibigan ngunit ngayon ay hindi na. Wala nga siyang ka-close sa mga katrabaho niya. Kung dati ay mahilig sa babae si Uno, ngayon ay wala na siya nito. Hindi na siya nakikipag-date sa kahit na sino at mas ginugusto na lamang niyang mag-isa. Hindi rin naman niya gusto na magkaroon nito dahil walang ibang mahalaga sa kanya sa ngayon kundi ang mahanap ang kanyang anak.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD