Natapos na naman ang buong araw ni Uno sa trabaho at umuwi na siya ng bahay. Pumasok siya sa kanyang kwarto. Binuksan niya ang ilaw at isinara ang pintuan.
Nilibot niya nang tingin ang loob ng kanyang kwarto. Tipid siyang napangiti. Bukod sa kumpleto siya sa gamit, malinis at masinop ding nakaayos ang mga gamit dito. Aminado naman kasi si Uno na OC siya at ayaw niya ng maduming paligid.
Naglakad si Uno papunta sa kama niya. Tinanggal niya sa pagkakabutones ang first two buttons ng suot niyang polo saka siya pasalampak na nahiga sa ibabaw ng malambot at malaki niyang kama.
Tiningnan ni Uno ang kisame hanggang sa mapatitig na lamang siya dito. Muli na namang tumakbo sa utak niya ang anak.
Kailangan niyang malaman kung nasaan na ito ngayon at kung sino ang mga taong nag-aalaga dito. Gusto niya itong makita kahit isang minuto lang at malaman kung nasa maayos ba itong kalagayan.
Napabuntong-hininga si Uno. Bumangon siya at naupo sa ibabaw ng kama. Natulala si Uno.
“Anak,” banggit niya. Kitang-kita sa kanyang mga mata ang kalungkutan.
Umaasa si Uno na darating din ang araw na muling magtatagpo ang kanilang mga landas.
Ipinikit ni Uno ang kanyang mga mata. Mula sa kadiliman ng kanyang nakapikit na mga mata, nakikita niya ang kanyang anak no’ng sanggol pa ito. Sumilay ang matamis na ngiti sa kanyang labi.
---
Nasa parke si Uno at mag-isa siyang nakaupo sa bench na gawa sa bato. Humahampas ang malamig at presko na simoy ng hangin na nadarama ng kanyang balat.
Ngiting-ngiti si Uno habang nakatingin sa hawak nitong litrato. Sobrang saya ng pakiramdam niya.
“Kuha ‘yan nung eight years old siya nung muli silang dumalaw ng Papa niya dito sa bahay ampunan. Two years na ang lumipas ng huli silang pumunta dito.”
Hinaplos-haplos ni Uno ang litratong hawak niya. Hindi nawawala ang ngiti sa kanyang labi.
“Ang cute niyang bata,” pabulong na sambit ni Uno. Masasabi niyang nasa magandang kalagayan ngayon ang anak niya kung ibabase niya sa litrato nito. Mataba ang magkabilang pisngi na medyo namumula pa. Napakaganda ng ngiti sa labi nito.
Masasabi ni Uno na may pagkakahawig sa kanya ang bata. Siguradong kapag naging binata ito ay marami itong paiiyaking babae dahil gwapo. Sana nga lang ay hindi ito magmana sa kanya kahit na hindi ito lumaki sa piling niya. Sana naituro dito ng mga tumayong magulang ang kabutihang asal at paggalang na rin sa mga babae. Naisip niya kasi, minsan namamana pa rin ng bata sa magulang ang ugali nito kahit na nagkalayo pa ang mga ito.
Napabuntong-hininga nang malalim si Uno. Ngayong alam na niya ang itsura ng kanyang anak ngayong lumaki na ito kaya may pagbabasehan na siya sa paghahanap dito.
Naalis ang tingin ni Uno sa litrato saka tumingala. Nakita niya ang maaliwalas na kalangitan.
“Salamat,” mahinang sambit ni Uno.
---
Nakatayo sa harapan ng isang eskwelahan si Uno. Tinitingnan niya isa-isa ang mga batang lumalabas mula sa malaking gate. Umaasa siya na sana ay dito pinag-aaral ang anak niya. Ito lang kasi ang eskwelahan sa lugar na ito at nagbabakasakali siyang nasa lugar lang din ito ang anak niya kasama ang mga nag-ampon dito. Kung wala naman ay maghahanap pa rin siya sa ibang eskwelahan o lugar.
Seryoso ang mukha ni Uno habang tinitingnan ang mga batang lumalabas. Nakakaramdam siya ng inggit sa mga magulang na sumusundo sa kanilang mga anak. Naisip niya, kung hindi lang sana siya naging pabaya, malamang ay kasama niya pa ngayon ang kanyang anak at marahil ay isa siya sa mga magulang na sumusundo dito sa eskwelahan. Isa sana siya sa mga magulang na naghihintay na lumabas ang anak, kukunin at bubuhatin ang bagpack nito at papayungan ng payong para hindi mabasa ng ulan.
Napabuntong-hininga si Uno. Sa ngayon, ang tanging magagawa na lamang niya ay ang mahanap at makita itong muli dahil tapos na ang mga nangyari noon at hindi na niya mababalikan pa. Hindi na niya mababago pa ang nakaraan.
Patuloy lamang sa pagtingin-tingin si Uno. Patuloy na umaasang makikita ang kanyang anak.
---
Mabagal na naglalakad si Uno sa gilid ng daan. Laglag ang kanyang malapad na balikat. Bakas sa kanyang mukha ang pagkabigo.
Hindi nakita ni Uno ang kanyang anak sa eskwelahan.
Bumuntong-hininga si Uno.
“Baka hindi lang siya pumasok,” mahinang sambit niya. “Pero bakit? May sakit kaya siya?” tanong pa nito.
Biglang nakaramdam nang pag-aalala si Uno.
“Huwag naman sana,” hiling niya saka umiling-iling.
Nagpatuloy lamang sa paglalakad si Uno.
“Baka may iba pang dahilan kaya hindi siya pumasok. Siguro may family trip sila. Tama. Ganun nga,” pangungumbinsi ni Uno sa sarili para hindi na siya masyadong mag-alala.
“Babalik na lamang muli ako bukas at magbabakasakaling makita siya,” wika ni Uno. Muli siyang napabuntong-hininga.
---
“Mahahanap mo ba siya?” tanong ni Uno.
Nakaupo si Uno sa single sofa habang nakatingin sa lalaking pinapunta niya dito sa kanyang bahay para hingan ng pabor.
Naalis ang tingin ng lalaki sa litratong hawak na ipinakita sa kanya at tiningnan si Uno. Brusko at malaki ang katawan nito. Halatang sanay na sanay sa hanapan na siyang trabaho nito.
Napangisi ang lalaki.
“Oo naman,” pagmamalaking sagot ng lalaki. “Madali lang ito,” sabi pa niya.
Napatango-tango si Uno.
“Gawin mo ang lahat para mahanap siya at sabihin kaagad sa akin kung nahanap mo na siya,” wika nito. “Doble ang ibabayad ko sayo kapag nagawa mo ang ipinapagawa ko,” dugtong pa niya.
Tumango-tango ang lalaki na isang private investigator na kakilala ni Uno.
“Okay,” sagot ng lalaki. “Pero teka… sino ba siya?” tanong pa nito.
Hindi sinagot ni Uno ang tanong ng lalaki at nanatili lamang siyang nakatingin dito.
Nagkibit-balikat na lamang ang malapad na balikat ng lalaki at muling tiningnan nito ang litrato ng batang lalaki.
---
“Nahanap na kaya niya?” tanong ni Uno habang nakatayo at nakatingin siya sa labas ng bintana.
Bumuntong-hininga si Uno. Hinihiling niya na sana ay nahanap na nang inupahan niyang private investigator ang kanyang anak. May kaba siyang nararamdaman pero mas nangingibabaw ang excitement dahil sa wakas ay malalaman na niya kung nasaan ito.
Umaasa si Uno na hindi siya mabibigo sa pagkakataong ito… dahil ilang beses na siyang nabigo at nasaktan ng dahil doon.