“Ang galing po ni Tito Uno. ‘Di ba po, Papa?” pagtatanong ni Timothy kay Lyndon.
Magkatabing nakaupo sa sofa sa sala ang mag-ama. Pinagmamasdan ni Lyndon ang iginuhit ni Uno sa drawing book na ipinapakita sa kanya ni Timothy.
Tiningnan ni Lyndon si Timothy saka ito ngumiti.
“Magaling siya, Anak. Kamukhang-kamukha mo ‘yung drawing niya,” pagpuri nito.
Napangiti si Timothy.
“Gusto ko pong magpaturo sa kanya para mas maging magaling pa po ako sa pagguhit. Pwede po ba?”
Mas lalong napangiti si Lyndon.
“Oo naman. ‘Yun ay kung hindi siya masyadong busy.”
“Yehey!” tuwang-tuwa naman si Timothy at pumalakpak pa.
Muling tiningnan ni Lyndon ang iginuhit ni Uno. Aminado siyang magaling nga si Uno pagdating sa pagguhit. Kuhang-kuha nito ang bawat detalye ng mukha ni Timothy na siyang nakalarawan sa iginuhit nito.
Bumalik ang tingin ni Lyndon sa kanyang anak. Nakatingin na rin ang bata sa iginuhit ni Uno at nakasilay ang ngiti sa labi. Kitang-kita ni Lyndon ang kaligayahan sa mukha ni Timothy kaya naman masaya na rin ang pakiramdam niya.
------------------------------------------
Pumasok si Uno sa loob ng kanyang kwarto. Kakatapos lamang niyang maligo at kasalukuyang pinupunasan niya ang basa niyang buhok gamit ang maliit na twalyang hawak niya.
Tumutulo pababa sa kanyang leeg at hubad na katawan ang ilang butil ng tubig. Nakatapis lamang siyang twalya sa baywang.
Pamaya-maya ay napatigil si Uno sa ginagawa niyang pagpupunas at napatingin sa cellphone niyang nakapatong sa mesa. Narinig niya kasing tumutunog iyon.
Kumunot ang noo ni Uno. Ipinatong niya sa kanyang malapad na balikat ang twalyang hawak niya at naglakad papunta sa kinaroroonan ng kanyang cellphone at kinuha iyon.
Mas lalong kumunot ang noo ni Uno. Unregistered number kasi ang naka-flash sa screen na siyang tumatawag sa kanya.
“Sino naman kaya ito?” nagtatakang tanong niya.
Nagkibit-balikat na lamang si Uno saka sinagot ang tawag.
“Hello,” pagbati ni Uno nang masagot at maitapat na niya sa kanyang kanang tenga ang cellphone.
“Akala ko tulog ka na,” saad ng nasa kabilang linya. Malalim na rin kasi ang gabi.
Kumunot lalo ang noo ni Uno sa narinig na boses.
“Si Lyndon ito,” pagpapakilala ni Lyndon mula sa kabilang linya.
“Oh, ikaw pala,” wika ni Uno. Hindi man lang niya nakilala kaagad ang boses nito.
Narinig ni Uno ang mahinang pagtawa ni Lyndon.
Napangiti na lamang si Uno.
“Bakit ka napatawag?” pagtatanong niya sa himig na nagtataka.
Tumigil sa pagtawa si Lyndon.
“Gusto ko lang kasi na magpasalamat muli sayo para sa pagbabantay sa anak ko,” sagot ni Lyndon sa tanong ni Uno.
“Ah, ‘yun ba? Wala iyon,” wika ni Uno. “Nag-enjoy din naman akong kasama siya.”
“Nakita ko nga ‘yung drawing mo,” sambit ni Lyndon na ikinagulat ni Uno. “Magaling ka palang gumuhit,” sabi pa nito.
Napangiti si Uno.
“Sakto lang,” pa-humble na wika nito. Humila ito ng upuan saka naupo doon.
“Hindi ‘yun sakto lang. Magaling ka,” pagpuri muli ni Lyndon. “Hanga ako, eh.”
Natuwa ang pakiramdam ni Uno sa pagpuri sa kanya ni Lyndon.
“Sa totoo lang, no’ng high school ako ay hate na hate ko ang arts,” pag-amin ni Lyndon saka tumawa nang mahina.
“Bakit naman?” nagtatakang tanong ni Uno.
Mahinang natawa muli si Lyndon sa kabilang linya.
“Hindi kasi ako creative,” natatawang sagot nito.
Muli na namang napangiti si Uno.
“Wala akong talent sa pagdo-drawing kaya naman ‘yun, palagi akong lagapak pagdating sa mga projects sa art class,” natatawang sabi pa ni Lyndon.
Napatango-tango si Uno sa sinabi ni Lyndon.
“Ikaw ba? Anong hate mong subject no’ng high school ka?” pagtatanong ni Lyndon.
“Ako?” tanong ni Uno.
“Oo,” ani ni Lyndon.
“Uhm… ayoko ng Math,” sagot ni Uno. Mahina itong tumawa. “Ang hirap kasi,” dugtong pa niya.
Natawa naman si Lyndon mula sa kabilang linya.
“Parehas kayo ni Timothy na hate din ang Math.”
Napangiti si Uno. Ngayon niya nalalaman ang mga pagkakaparehas nila ni Timothy.
“Pero doon naman ako magaling kaya gusto ko ang Math,” pagmamalaki na sabi ni Lyndon. “Kaya nga kapag may oras, palagi kong tinuturuan si Timothy sa mga assignments niya sa Math at salamat naman kasi nakukuha din niya pero medyo matagal nga lang,” wika pa nito.
Napatango-tango si Uno.
“Totoo nga talaga iyong sinasabi ng iba na hindi lahat ay ibinibigay sa isang tao lamang, mapa-looks man ‘yan, talent o talino,” saad ni Lyndon.
Napangiti si Uno. Sang-ayon siya sa sinabi ni Lyndon.
“Anyway, salamat talaga, Bro.” wika ni Lyndon na ikinagulat ni Uno.
“Ha? Bro?” nagtatakang tanong ni Uno.
“Bakit? Ayaw mo ba?” patanong na sambit ni Lyndon. “Ilang linggo na rin kasi tayong magkapit-bahay at magkakilala kaya sa tingin ko, magkaibigan na din tayo,” dugtong pa niya.
“Hindi naman sa ganun. Nagulat lang ako,” wika ni Uno.
“At dahil kaibigan na kita, welcome na welcome ka dito sa bahay kung gusto mong pumunta. Huwag ka nang mahihiya, okay?”
“Okay,” sagot ni Uno sa sinabi ni Lyndon saka napangiti. Gumaan ang pakiramdam niya dahil sa sinabi ni Lyndon.
Hindi maitatanggi ni Uno na natutuwa siya na kaibigan na niya si Lyndon at mas lalo siyang mapapalapit kay Timothy.
---
Pumasok sa opisina si Uno. Nasa cafeteria siya ngayon at mag-isang kumakain. Napapangiti siya dahil naiisip niya ang mga magagandang pangyayari sa buhay niya ngayon.
Hindi akalain ni Uno na magiging lubos siyang masaya pagkatapos ng mga nangyari. Nagpapasalamat siya dahil ngayon ay nakakasama na niya si Timothy kahit anumang oras niya gustuhin at nakakabonding ito.
Isa pa sa nagpapasaya kay Uno ay si Lyndon. Natutuwa siya sa kabaitan nito. Masasabi niyang bukod sa mabuti itong ama kay Timothy ay isa rin itong mabuting tao dahil kahit na hindi pa man siya nito lubos na kilala ay pinaparamdam nitong matagal na silang magkakilala at sa tingin niya ay pinagkakatiwalaan na rin siya nito.
Pero may parte din kay Uno na nag-aalala. Alam niya na darating ‘yung panahon na malalaman ni Lyndon ang totoo kaya hindi niya mapigilang mangamba sa kung anuman ang mga mangyayari.
Napailing-iling na lamang si Uno. Hindi na muna niya iisipin iyon dahil ang mas mahalaga ay iyong magagandang nangyayari ngayon.
Pamaya-maya ay napatigil si Uno sa pagkain at napatingin kay Hazel na nasa harapan na niya ngayon. Napangiti si Hazel saka inilapag ang tray nito sa mesa na naglalaman nang binili nitong pagkain saka inusog ang upuan na nasa kabilang side at katapat niya saka naupo doon.
“Napapansin ko na blooming ka ngayon,” wika ni Hazel na bahagyang ikinagulat ni Uno.
“Ako? Blooming?” tanong ni Uno na itinuro pa ang sarili. Sa pagkakaalam niya kasi ay mas applicable na gamitin ang salitang iyon sa mga babae.
Mas lalo namang napangiti si Hazel habang matamang nakatingin kay Uno.
“Kitang-kita sa mukha mo na masayang-masaya ka,” sambit nito. “May nagpapasaya na ba sa puso mo kaya lagi kang masaya?” nanunuring tanong pa nito habang nanunuri na din ang tingin.
Napailing-iling si Uno saka nagbaba nang tingin. Tiningnan nito ang pagkain niya.
Napangiti naman si Hazel.
“Kung meron man, good for you,” natutuwang saad nito. “Mas maganda din na may taong nagpapasaya sayo at hindi puro trabaho ka lang. Maganda ‘yan sa isip at siyempre sa puso,” dagdag pa ni Hazel.
‘Hay! Kung ano-anong sinasabi niya,’ sa isip-isip ni Uno. Siya? Blooming?
Kunsabagay, aminado naman si Uno na masaya siya ngayon at dahil iyon sa nakakasama niya si Timothy.
“Anyway, natapos mo na ba ‘yung financial report na pinapagawa ni Boss sa atin?” pagtatanong ni Hazel. Iniba niya ang usapan.
Napatingin naman muli si Uno kay Hazel. Tumango-tango ito.
“Mabuti ka pa. Ako hindi ko matapos-tapos,” naiinis na saad ni Hazel. Napabuntong-hininga pa ito ng malalim.
Napangiti na lamang ng tipid si Uno.
-------------------------------------------------
Nasa sala ngayon si Uno at kasama niya si Timothy. Nandito sila ngayon sa loob ng bahay ng huli.
Pinapanuod ni Uno si Timothy na gumuhit. Napapangiti siya habang pinagmamasdan ito.
Pamaya-maya ay natapos na si Timothy at ipinakita kay Uno ang iginuhit niya.
“Ano po? Maganda po ba?” magkasunod na tanong ni Timothy kay Uno.
Napangiti lalo si Uno at nag-thumbs up.
“Magaling kang gumuhit at magkulay,” pagpuri ni Uno kay Timothy.
Napangiti naman si Timothy kay Uno.
“Gusto ko po sa susunod ay mga tao naman ang iguguhit ko,” wika ni Timothy. “Gusto ko pong iguhit ang mukha ni Papa para matuwa po siya sa akin,” dugtong pa nito.
Napatango-tango naman si Uno.
“Kaya mo ‘yun. Naguguhit mo nga ng mahusay ang paligid mo kaya hindi malayong maiguhit mo rin ang mukha ng Papa mo.”
Mas lalo namang napangiti si Timothy.
“Sige po at iguguhit ko naman si Spongebob,” ani ni Timothy.
Napatango-tango si Uno.
Mula naman sa kusina ay lumabas si Lyndon. Naghanda ito ng hapunan at kakatapos lamang niyang ihanda ang mga iyon.
Naglakad ito papunta sa sala. Pinunasan ang pawis sa noo. Nakasuot ito ng sandong puti kung saan bukod sa hubog ang maganda nitong pangangatawan ay kita ang malaman nitong mga braso at bakat ang magkabila nitong u***g. Nakasuot naman ito ng jersey short sa pang-ibaba at tsinelas.
Tumayo si Lyndon sa tabi ni Uno na naka-indian sit sa lapag. Napansin ni Uno si Lyndon kaya napatingala siya nang tingin dito. Nagtagpo ang tingin nilang dalawa na ikinangiti ng huli.
Umiwas nang tingin si Uno at muling tiningnan si Timothy. Tiningnan rin ni Lyndon si Timothy.
“Ang galing talaga ng anak ko, oh.”
Tumigil si Timothy sa ginagawa saka tiningnan ang ama na pinuri siya. Napangiti siya.
“Salamat po, Papa,” masayang sabi nito. Natutuwa siya sa papuri ng kanyang ama.
Mas lalong napangiti si Lyndon.
“Oh, siya, pagkatapos mo diyan ay kakain na tayo ng hapunan,” sabi nito. Tiningnan nito si Uno. “Dito ka na rin kumain sa amin, Uno,” dagdag pa nito sa sinasabi.
Muling napatingala nang tingin si Uno.
“Uh… hindi na-”
“Huwag ka nang tumanggi,” wika kaagad ni Lyndon saka ngumiti. “Marami ang niluto ko kasi nandito ka at hindi namin iyon mauubos ng kami lamang dalawa.”
“Pero…” hindi na lamang itinuloy ni Uno ang sasabihin at sa halip ay ngumiti na lamang siya ng tipid.
Napangiti naman si Lyndon.
----------------------------------------------
Nasa hapagkainan na sila. Magkatabi ang inuupuan nila Lyndon at Timothy sa kaliwang bahagi ng mesa habang sa tapat naman nila nakaupo si Uno.
Nakahain sa mesa ang mga pagkaing iniluto ni Lyndon. May sinigang na baboy, pritong tilapia, pritong baboy at ginisang kalabasa. Orange juice naman ang meron bilang panulak.
“Maraming salamat po sa pagkain,” pasasalamat ni Timothy saka nag-sign of the cross.
Napangiti naman si Uno sa inasal ni Timothy. Mabuti talaga itong bata at natutuwa siya dahil napalaki ito ng maayos ni Lyndon.
“Sige na at kumain na tayo,” wika ni Lyndon. Tiningnan nito si Uno. “Kumain ka din ng marami at huwag kang mahihiya,” alok pa ni Lyndon.
Napatango-tango na lamang si Uno.
Nilagyan ni Lyndon ng pagkain si Timothy sa plato nito. Si Uno naman ang kumuha ng kanya. Pagkatapos na malagyan ni Lyndon ng pagkain ang plato ni Timothy ay ang plato naman niya ang nilagyan niya.
Nagsimulang kumain ang tatlo at habang pinagsasaluhan ang pagkain ay panaka-naka silang nagkwekwentuhan.
“Ano? Masarap ba ang pagkain?” pagtatanong ni Lyndon kay Uno habang nakatingin siya dito. “Nasobrahan ba sa alat o matabang?” tanong pa nito.
Napailing-iling si Uno.
“Masarap ang pagkain,” pagpuri nito.
Napangiti naman si Lyndon.
“Mabuti naman. Nakakahiya naman kasi kung hindi lalo na at ipinagmamalaki ko rin minsan na magaling akong magluto,” ani ni Lyndon saka mahinang tumawa.
Napangiti na lamang si Uno.
“Sobra ka bang nage-enjoy anak sa pagguhit kasama si Tito Uno mo?” patanong na sambit ni Lyndon kay Timothy.
Napatingin si Timothy kay Lyndon at ngumiti ito.
“Opo,” pagsagot ni Timothy at tiningnan si Uno.
Napangiti naman si Uno.
Tiningnan ni Lyndon si Uno.
“Vibes na vibes talaga kayong dalawa. Palibhasa pareho kayo ng hilig,” nangingiting sabi ni Lyndon.
“Oo nga, eh. Hindi ko rin naman akalain na may talento siya sa pagguhit,” wika ni Uno.
Napatango-tango si Lyndon.
“Three years old pa lang siya no’ng nakitaan ko na siya ng hilig sa pagguhit. Siyempre no’ng mga panahong iyon ay kung ano-ano lang ang iginuguhit niya pero no’ng nag-aral na siya, mas lalo siyang gumaling kahit na wala naman siyang proper training para doon.”
“Papa, gusto ko rin po na iguhit ang mukha mo. Pwede po ba?” tanong ni Timothy.
Napatingin si Lyndon kay Timothy. Napangiti ito.
“Oo naman, Anak,” sagot niya. “‘Yun nga ang hinihintay ko, eh.”
Napapangiti na lamang si Uno habang nakatingin sa mag-ama.
“Tuturuan po ako ni Tito Uno kasi po magaling siya. Kuhang-kuha po niya ang itsura ko no’ng nag-drawing siya ng mukha ko,” natutuwang wika ni Timothy saka tiningnan si Uno.
Napangiti na lamang si Uno. Isinubo nito ang pagkain na nasa kutsara niya.
Napatingin naman si Lyndon kay Uno.
“Hindi lang maganda ang boses mo, magaling ka ring mag-drawing,” pagpuri ni Lyndon.
“Hindi naman masyado,” pa-humble na wika ni Uno.
Natawa si Lyndon.
“Huwag ka ngang pa-humble diyan. Totoo, magaling ka,” pagpuri muli ni Lyndon. “Sa susunod, mukha ko naman ang iguhit mo, ah,” pabiro pa nitong sabi.
Napangiti na lamang si Uno sa sinabi ni Lyndon.
Napangiti naman si Lyndon habang nakatingin kay Uno. Hindi maikakaila sa mukha nito na masaya siya habang nakikita ang mukha ni Uno.
Bagay na hindi niya rin maintindihan sa ngayon kung bakit.