“Tulog na siya?” pagtatanong ni Uno kay Lyndon nang bumalik ito sa sala matapos nitong ihatid at patulugin si Timothy sa kwarto nito.
Napangiti si Lyndon saka tumango-tango bilang sagot kay Uno.
Tumango-tango naman si Uno saka tipid na ngumiti.
“Masyado siguro siyang napagod sa paglalaro kaya kaagad ding nakatulog,” wika ni Uno.
“Parang ganun na nga,” pagsang-ayon naman ni Lyndon sa sinabi ni Uno.
Napabuntong-hininga nang malalim si Uno.
“Sige at uuwi na rin ako,” pagpapaalam ni Uno. “Salamat sa pagpapatuloy mo sa akin dito sa bahay niyo.”
Napangiti naman si Lyndon.
“Wala iyon. Lagi kang welcome dito.”
Napangiti naman si Uno.
Tumayo na si Uno mula sa pagkakaupo sa sofa at maglalakad na sana papunta sa pintuan ng bahay pero pinigilan siya ni Lyndon. Napatingin siya sa nakahawak nitong kamay sa kanyang kanang braso.
Napatingin si Uno sa mukha ni Lyndon. Kumunot ang kanyang noo at nagsalubong ang kilay.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Uno. Hindi pinapahalata ni Uno na nagwawala ang nasa loob niya dahil sa hawak sa kanya ni Lyndon. Hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang response ng kanyang katawan sa simpleng hawak lang naman nito.
“Umiinom ka ba?” tanong ni Lyndon na medyo ikinagulat ni Uno.
“Ha?” balik-tanong ni Uno.
Napangiti si Lyndon.
“Samahan mo muna akong uminom,” pakiusap nito.
Hindi na nakasagot si Uno at nakatingin na lamang siya kay Lyndon.
----------------------------------------------
Nasa labas ng bahay sina Uno at Lyndon at magkatabi silang nakaupo sa isang mahabang upuan.
Parehas na nakatingin ang dalawa sa paligid habang iniinom ang alak na nakalagay sa lata. Tig-isa silang may hawak nito.
Napatingin si Lyndon kay Uno.
“Malakas ka bang uminom?”
Napatingin naman si Uno kay Lyndon. Nagtagpo ang tingin ng dalawa.
“Hindi naman. Minsan lang din akong uminom,” sagot ni Uno sa tanong ni Lyndon.
Tumango-tango naman si Lyndon.
“Ikaw. Hindi ka dapat malakas uminom lalo na at kasama mo si Timothy,” wika ni Uno. Bigla tuloy siyang nag-alala na baka lasinggero si Lyndon. Iba din kasi ang nagagawa ng alak kapag nainom na ng tao.
Sumilay ang magandang ngiti sa labi ni Lyndon.
“Huwag kang mag-alala kasi hindi naman ako malakas uminom. Isa pa, hindi ko din ipinapakita kay Timothy na umiinom ako,” wika nito. Tiningnan nito ang hawak na lata ng alak. “Kapag may okasyon o trip ko lang ay dun ako umiinom,” dagdag pa nitong sambit.
Napatango-tango naman si Uno. Umiwas ito nang tingin kay Lyndon at tiningnan ang madilim na kalangitan. Napangiti siya dahil napakaganda ng gabi. Nagliliwanag ang pabilog ng buwan at nakapalibot dito ang mga nagkikislapang bituin.
“Ang ganda ng gabi,” narinig ni Uno na saad ni Lyndon.
Napatango-tango si Uno. Sang-ayon siya sa sinabi ni Lyndon.
Namayani ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Tanging ang mga huni ng mga insekto at ihip ng hangin ang siyang maririnig.
Hanggang sa mapabuntong-hininga si Lyndon at muling tiningnan si Uno matapos ang ilang minuto.
“Pwede ba akong magtanong ulit sayo?” pagtatanong ni Lyndon.
Naalis ang tingin ni Uno sa kalangitan at tiningnan si Lyndon. Kumunot ang kanyang noo.
Napangiti nang tipid si Lyndon.
“Ang totoo kasi… curious lang ako kaya ko ito itatanong.”
Nanatili namang nakatingin si Uno kay Lyndon at halatang naghihintay pa ito nang sasabihin sa kanya.
Bumuntong-hininga nang malalim si Lyndon.
“Tungkol ito sa ex-girlfriend mo,” sabi ni Lyndon na medyo ikinagulat ni Uno. “Alam mo pa rin ba kung nasaan siya o wala ka ng naging balita sa kanya?” pagtatanong pa nito.
Hindi kaagad nakasagot si Uno. Ang totoo, hindi niya alam at wala na rin siyang balita pa dito. Nakalimutan na nga niya kung nasaan ang bahay nito.
“Natanong ko lang kasi nasabi mo sa akin noon na nilayasan ka niya at ang naging anak niyong dalawa. Hindi man lang ba siya bumalik kaagad para sana muling makita ang anak niyo?” muling tanong ni Lyndon.
Umiwas nang tingin si Uno. Uminom ito ng alak saka bumuntong-hininga.
“Wala na akong balita sa kanya,” maikling sagot ni Uno.
Napatango-tango si Lyndon.
“Ibig sabihin… hindi na nga siya nagbalik,” malungkot na sabi niya.
Muling bumuntong-hininga si Uno.
“Sigurado ako na naging mahirap din sayo ang pag-alis niya. Isa sa masakit na pwedeng magawa ng taong mahal mo ay ang iwan ka nito lalo na kung dumadaan ka sa mabigat na pagsubok,” ani ni Lyndon.
Napangisi si Uno.
“Isa lamang siya sa mga naging babae ko noon,” saad ni Uno. Hindi maitatanggi ni Uno na may galit pa rin siyang nararamdaman para sa babaeng iyon na iniwan siya noon. “Siguro nga nasaktan ako pero hindi sa kadahilanang iniwan niya ako dahil mahal ko siya kundi dahil sa iniwan niya ‘yung anak namin at namuhay siya na parang hindi nag-exist ‘yung bata sa buhay niya.” Kasing-pait ng alak ang bawat salitang binitawan ni Uno.
Hindi nakapagsalita si Lyndon at nanatili siyang nakatingin kay Uno. Ramdam niya ‘yung galit ni Uno para sa babaeng iyon.
Tiningnan ni Uno si Lyndon.
“Hindi pa ako nagmamahal, Lyndon,” pag-amin ni Uno. “Oo, marami akong naging kasintahan noon dahil likas sa akin ang pagkahilig sa babae pero ni isa man sa kanila ay hindi ko sineryoso at kabilang na siya doon.”
Napatango-tango naman si Lyndon.
“Kung ganun, hindi mo pa pala nararanasan ang magmahal,” wika ni Lyndon. “Pero sigurado na naranasan mo na ang mahalin,” sabi pa nito.
Napangisi si Uno.
“Totoong hindi ko pa nga nararanasan ang magmahal… kaya din siguro hindi ako lubusang naging masaya noon kahit na nararamdaman ko naman na mahal nila ako,” paglalahad ni Uno. Natawa siya ng pagak. “Ewan ko ba. Siguro matigas lang talaga ang puso ko kasi hanggang ngayon hindi pa din siya nagmamahal.”
Napangiti nang tipid si Lyndon.
“Hindi matigas ang puso mo,” wika niya. “Marahil, hindi pa lang niya talaga nahahanap ‘yung taong totoong mahahalin niya at magmamahal sa kanya ng totoo.”
Napatango-tango si Uno.
“Siguro nga… o pwede ding pihikan lang siya,” biro ni Uno.
Mahinang natawa si Lyndon.
“Salamat.”
Kumunot ang noo at nagsalubong ang kilay ni Uno.
“Para saan?” nagtatakang tanong ni Uno.
Napangiti si Lyndon.
“Kasi open ka sa akin,” natutuwang sambit nito. Malaking bagay iyon kay Lyndon.
Napangiti si Uno.
“Huwag mo sanang isipin na tsismoso lang ako kaya ako nagtatanong ng tungkol sayo,” wika ni Lyndon. “Gusto ko lang kasi na mas makilala ka pa,” dugtong pa niya.
“Gusto ko lang kasi na mas makilala ka pa.”
Nagpaulit-ulit sa utak ni Uno ang mga katagang iyon na sinabi ni Lyndon at kasabay nito ay ang pagkabog ng kanyang puso ng mabilis.
‘Ano bang nangyayari sa akin?’ nalilitong tanong ni Uno sa isip niya.
“Ikaw, pwede mo din akong tanungin ng kahit ano tungkol sa akin para mas makilala mo din ako,” ani ni Lyndon saka ngumiti.
Nag-aalangang ngumiti na lamang si Uno. Umiwas ito nang tingin saka uminom ng alak.
‘Kumalma ka ngang puso ka! Bwisit!’ sa isip-isip ni Uno. Naiinis siya. Para naman kasi sa kanya ay wala lang ‘yung mga sinabing iyon ni Lyndon ngunit ‘yung puso niya, biglang nakaramdam ng saya.
Hindi tuloy maintindihan ni Uno kung ano ang tunay na nangyayari sa kanya.
---
Malalim na ang gabi ngunit hindi pa rin makatulog si Uno. Wala ring epekto ang alak na nainom niya para siya’y kaagad na makatulog na dahilan kaya naiinis rin siya sa kanyang katawan.
Nakatihaya lamang sa pagkakahiga si Uno sa ibabaw ng kanyang kama at nakatitig sa kisame ng kwarto. Tumatakbo sa kanyang isipan ang mga pinag-usapan nila kanina ni Lyndon at kakaibang mga pakiramdam niya na dulot nito.
Hindi maintindihan ni Uno kung ano ang nangyayari sa sistema niya. Kung bakit ba tila nakakaramdam siya ng mga kakaiba pagdating kay Lyndon na sa tingin niya ay hindi naman dapat.
Huminga nang malalim si Uno. Hindi na dapat niya ito binibigyang pansin ngunit hanggang ngayon kasi ay nararamdaman niya ‘yung mga kakaibang pakiramdam na iyon kaya hindi niya mapigilang mabigyan ng pansin.
Dahan-dahang bumangon si Uno at nag-indian sit sa ibabaw ng kanyang kama. Naghilamos siya ng mukha gamit ang dalawa niyang palad.
“Wala lang ito. Tama, wala lang ito, Uno,” wika niya sa hangin. Kinukumbinsi ni Uno ang sarili niya na wala lang itong mga kakaibang nararamdaman niya.
Gustong isipin ni Uno na wala lang ito ngunit sinong niloloko niya? Ang sarili lamang niya.
Alam niyang may ibig sabihin ang mga kakaibang nararamdaman niya pagdating kay Lyndon ngunit hindi lamang niya malaman pa kung ano ito.
Nagdadalawang-isip tuloy siya. Babalewalain at hindi na lamang ba niya papansinin itong mga kakaibang nararamdaman niya o aalamin kung ano nga ba talaga ang totoong nangyayari sa kanya?
Paano kung malaman ni Uno tapos hindi niya magustuhan ang malalaman niya? Anong gagawin niya?
Muling napabuntong-hininga si Uno. Inihilamos muli niya ang kanyang dalawang palad sa kanyang mukha.
“Hindi ko lamang ito papansinin,” madiin na saad ni Uno. ‘Yun na lamang ang gagawin niya para hindi siya naguguluhan ng ganito.
Ngunit mapipigilan ba niyang hindi ito pansinin kung pakiramdam niya ay mas lalo siya nitong sinasakop?
--------------------------------------------
“One… two… three… four…” nagpapatuloy si Uno sa pagbibilang habang nakalapat ang dalawang kamay niya at taas-baba siya sa sahig. Pinagpapawisan ang buong mukha niya at katawan sa ginagawa niyang push-ups.
Dumating ang umaga at hindi masyadong nakatulog si Uno sa nagdaang gabi ngunit hindi naging dahilan iyon para makaramdam siya ng antok o pagod man lang. Pakiramdam nga niya ay ang sigla-sigla ng kanyang katawan.
Dahil ba ito sa kakaisip niya kay Lyndon?
Tumigil si Uno sa pagpupush-up pero nanatiling nakalapat ang kamay niya sa sahig at nakaangat ang katawan mula rito. Napailing-iling siya. Pamaya-maya ay nagpatuloy siya sa ginagawa.
“Fifty five… fifty six… fifty seven…” nagpatuloy si Uno sa pagbibilang habang nagpu-push-ups.
Pamaya-maya ay muling tumigil si Uno.
“Gusto ko lang kasi na mas makilala ka pa.”
“Sh*t!” naiinis na sambit ni Uno nang sumagi na naman sa isipan niya ang sinabing iyon ni Lyndon.
Napailing-iling si Uno. Tuluyan na itong tumigil sa ginagawa at dahan-dahang tumayo nang tuwid. Taas-baba ang kanyang maumbok na dibdib dahil sa paghingal.
Naglakad si Uno palapit sa sofa at kinuha ang bimpong nakasampay sa sandalan nito. Pinunasan niya ang kanyang mukha at katawan.
Pamaya-maya ay natulala na naman siya.
“Gusto ko lang kasi na mas makilala ka pa.”
“Pucha naman Uno! Tigilan mo na nga ang pag-iisip na iyon sa sinabi niya!” naiinis na si Uno sa kanyang sarili. “Gusto lang naman niya akong mas makilala pa kaya walang masama doon. Huwag kang mag-isip ng kung ano-ano! Bwisit!” naiinis na wika niya pa sa sarili.
Napailing-iling na lamang si Uno. Isinampay niya sa malapad na balikat ang bimpo saka pumunta sa kanyang kwarto para kunin ang twalya. Maliligo na lamang siya. Baka sakaling maalis ng tubig na bubuhos sa kanyang katawan ang mga iniisip niya.
--------------------------------------------
Nasa loob ng kanyang opisina ngayon si Uno. Nakaupo siya sa kanyang swivel chair at hawak ang kanyang cellphone na tinitingnan niya.
“Nababaliw ka na, Uno,” sermon ni Uno sa kanyang sarili saka mahinang tumawa.
Tinitingnan ngayon ni Uno ang picbook account ni Lyndon. Tila nagiging stalker siya ngayon na isa-isang tinitingnan at binabasa ang mga nilalaman ng account ni Lyndon.
Bumuntong-hininga si Uno. Hindi niya alam kung bakit niya ba ito nagagawa. Siguro nababaliw na nga talaga siya.
Maraming litrato sa picbook account ni Lyndon at karamihan doon ay mga litrato nila ni Timothy.
Napapangiti si Uno habang nakikita ang mga litratong iyon. Nahahawa siya sa ngiti ni Timothy at pati na rin ni Lyndon.
May mga litrato din siyang nakita kung saan kasama pa ng dalawa si Candice. Hindi maikakaila ni Uno na maganda nga talaga ang namayapang asawa ni Lyndon. Kunsabagay, gwapo rin naman si Lyndon kaya hindi malayong makapangasawa ito ng maganda.
Napailing-iling si Uno. Kung ano-ano na naman kasing kabaliwan ang nasasabi niya.
“Hay Uno! Umayos ka nga!” naiinis na sermon ni Uno sa sarili niya. Napailing-iling pa siya. Pakiramdam niya, kumikilos siya sa kontrol ng iba dahil hindi naman niya gusto itong mga kakaibang ikinikilos niya pero wala siyang magawa dahil hindi niya makontrol ang sarili niya.
Nagpatuloy sa pagtingin-tingin si Uno sa mga litrato. Sa bawat litratong iyon, nakikita niya ‘yung saya lalo na nung kasama pa nila si Candice. Kitang-kitang na buo at masaya silang pamilya.
Hindi napigilan ni Uno na makaramdam ng inggit. Ngayon niya napagtanto na ilang linggo pa lang pala ang lumilipas simula nang makasama niya si Timothy habang si Lyndon, halos ito na ang nagpalaki sa bata simula ng sanggol pa ito.
Pero wala nang magagawa si Uno. Nangyari na ang lahat at ang mahalaga ay iyon ngayon na nakakasama niya ito at susulitin niya iyon.
Natigil si Uno sa pagtingin sa mga litrato nila Lyndon at nalipat ang tingin sa pintuan ng kanyang opisina dahil narinig niyang nagbukas iyon. Nakita niyang pumasok si Hazel.
Lumapit si Hazel sa mesa ni Uno at inilapag nito ang dalang isang basong milk tea. Napatingin doon si Uno.
“Buy one take one kasi. Hindi ko naman mauubos ‘yung dalawa kaya sayo na lang itong isa,” saad ni Hazel saka ngumiti.
Muling napatingin si Uno kay Hazel. Napangiti ito.
“Salamat,” natutuwang wika ni Uno.
Napatango-tango si Hazel.
“Anyway, ipapaalala ko lang sayo na may welcome party tayo mamaya para sa mga newly hired employees. Pumunta ka dahil kung hindi, magagalit na sayo si Boss.”
Napatango-tango na lamang si Uno kahit na ang totoo, ayaw niya. Hindi siya masyadong nagpupunta sa mga event na meron ang kumpanya lalo na kapag kasiyahan lang kasi nabo-bore siya. Bihira lamang siyang magpunta, bilang na bilang sa kanyang mga daliri.
Napangiti si Hazel.
“Sige at babalik na ako sa office ko,” pagpapaalam ni Hazel.
Tumango-tango na lamang si Uno.
Nakasunod ang tingin ni Uno hanggang sa makalabas ng opisina niya si Hazel at maisara nito ang pintuan.
Napabuntong-hininga nang malalim si Uno at tiningnan ang baso ng milk tea na nakapatong sa mesa niya.