Pauwi na galing trabaho si Uno. Mabagal siyang naglalakad sa gilid ng daan papunta sa bahay niya.
Napabuntong-hininga si Uno. Niluwagan niya ang suot niyang necktie. Ramdam niya ang pagod ngayon dahil sa dami ng kanyang ginawa.
Habang papalapit si Uno sa kanyang bahay ay inilagay niya sa kanyang bulsa ang dalawa niyang kamay at tinitingnan ang paligid. Dapit-hapon na kaya naman nakikita niya ang papalubog na araw sa kalangitan na kaygandang pagmasdan. Napangiti siya.
Ilang minuto pa nang paglalakad ang lumipas at nakarating na rin si Uno sa tapat ng gate ng bahay niya. Huminto siya at napatingin sa katapat na bahay.
Kumunot ang noo ni Uno nang makita niya na nakatayo si Lyndon sa labas ng gate ng bahay nito at may kausap na isang matangkad na lalaking nasa middle-age na at pormal ang itsura at nakasuot ng polong puti at slacks na khaki ang kulay. May bitbit iyong isang attaché case.
Nagsalubong ang kilay ni Uno.
“Sino kaya ‘yung kausap niya?” nagtatakang tanong ni Uno.
Nakatingin lamang si Uno sa dalawang patuloy na nag-uusap. Pamaya-maya ay mukhang nagkapaalamanan na ang dalawa. Tinalikuran ng lalaki si Lyndon at pinuntahan nito ang puting kotse na nakaparada sa malapit at sumakay doon saka na ito umalis.
Muling tiningnan ni Uno si Lyndon. Nagtagpo ang tingin nila dahil nakatingin na rin si Lyndon kay Uno.
Napangiti nang tipid si Uno. Napabuntong-hininga naman si Lyndon.
Nagpasya si Uno na lapitan si Lyndon. Tumawid siya ng kalsada para makarating siya sa kinaroroonan nito.
Magkatapat nang nakatayo sila Uno at Lyndon. Doon napansin ni Uno na parang sobra ang pag-aalala ni Lyndon. Mas lalo tuloy siyang nagtaka.
“‘Yung kausap ko kanina, private doctor siya ni Timothy simula pagkabata niya,” wika ni Lyndon na ikinagulat ni Uno. Bigla siyang nag-alala.
“Bakit siya nagpunta? Anong nangyari kay Timothy?” magkasunod na pagtatanong ni Uno.
Napangiti nang tipid si Lyndon.
“Mataas kasi ang lagnat ni Timothy. Minsan lang siya magkasakit kaya sobra akong nag-alala kaya pinatingin ko siya kaagad at ang sabi naman ng doctor ay hindi naman ganoon kaseryoso ang sakit niya. May mga inireseta lamang siyang gamot na kailangan kong bilhin at ipainom kay Timothy para kaagad siyang gumaling,” paglalahad ni Lyndon.
“Ganun ba?” tanong ni Uno na mas lalong nag-alala.
Tumango-tango si Lyndon.
“Huwag kang ng masyadong mag-alala kasi sa tingin ko gagaling na din siya bukas.”
“Hindi ko lang mapigilang mag-alala.”
Tipid na napangiti si Lyndon sa sinabi ni Uno.
“Pwede ko ba siyang makita?” patanong na wika ni Uno.
“Sige,” pagpayag ni Lyndon. “Makikiusap nga sana ako sayo na kung pwede ikaw na muna ang magbantay sa kanya kasi bibili ako ng gamot niya,” sabi pa nito.
Napatango-tango si Uno.
“Ako na muna ang bahala sa kanya.”
Napangiti si Lyndon.
“Salamat,” sambit niya. Tiningnan nito si Uno mula ulo hanggang paa. “Huwag kang mag-alala at babalik rin ako kaagad para makapagpahinga ka na. Mukhang kakagaling mo lang sa trabaho,” dugtong pa niya sa sinasabi nang bumalik sa mukha ni Uno ang tingin nito.
“Huwag mo akong alalahanin,” sabi ni Uno. “Hindi pa naman ako pagod,” dagdag pa niya.
Napatango-tango si Lyndon.
Bahagya na lamang nagulat si Uno ng bigla siyang hawakan ni Lyndon sa kanang balikat niya at tinapik-tapik iyon. Nagdulot na naman sa kanya iyon ng hindi niya pa rin maipaliwanag na pakiramdam at kaba na ngayon ay nagpapadagundong sa kanyang dibdib.
Napalunok ng tatlong beses si Uno.
“Sige at pumasok ka na sa loob. Sa ikalawang palapag, nasa loob ng ikatlong kwarto si Timothy,” wika ni Lyndon.
Napatango-tango na lamang si Uno.
Napangiti si Lyndon.
-----------------------------------------------
Nakaupo si Uno sa isang monoblock chair. Nakatingin siya kay Timothy na sa kasalukuyan ay mahimbing ang tulog sa ibabaw ng kama nito.
Sobra ang pag-aalala ni Uno lalo na at nakikita niyang maputla ang mukha ni Timothy. May nakalagay na relief patch sa noo nito at balot na balot ng kumot ang katawan.
Napabuntong-hininga si Uno.
“Magpagaling ka, Anak,” mahinang sambit ni Uno.
Umusal nang taimtim na panalangin si Uno para kaagad na pagalingin ang kanyang anak. Minsan lang siyang tumawag sa Itaas pero umaasa siyang sana’y pakinggan siya. Sabihin man ng iba na OA siya dahil lagnat lang naman ang sakit ng kanyang anak ngunit para sa kanya, hindi dapat ito nagkasakit ng ganoon dahil ngayong nakikita niya itong nakaratay sa karamdaman ay hindi niya maitatanggi na nasasaktan siya.
Bahagyang tumayo si Uno mula sa pagkakaupo at sinalat niya ang kanang pisngi ni Timothy. Medyo mainit pa ito.
Inalis ni Uno ang kamay niya sa pisngi ni Timothy saka muling umupo. Napabuntong-hininga siya.
---------------------------------------------
Nakabalik na si Lyndon mula sa pagbili niya ng gamot. Hindi pa nagigising si Timothy kaya hindi pa niya ito pinaiinom nito.
Magkatabing nakatayo sila Lyndon at Uno na hindi pa rin umaalis sa kwarto ni Timothy at nasa tapat ng bintana. Nakatingin sila parehas sa labas kung saan madilim na ang kalangitan at naiilawan ng street lights at sinag ng buwan ang paligid.
Tiningnan ni Lyndon si Uno. Napangiti ito.
“Pwede ka nang umuwi,” wika ni Lyndon na ikinatingin naman ni Uno. “Kailangan mo ding magpahinga.”
Napangiti naman ng tipid si Uno. Tiningnan nito si Timothy.
“Huwag kang masyadong mag-alala sa kanya kasi hindi ko naman siya pababayaan,” ani ni Lyndon. “Pabago-bago kasi ang panahon kaya hindi talaga maiiwasan ang pagkakasakit kahit ano ang pag-iingat na gawin.”
Muling napatingin si Uno kay Lyndon. Napatango-tango ito.
“Salamat ulit,” wika ni Lyndon. “Ang dami ko ng pabor na nahihingi sayo at hindi ko na alam kung paano pa iyon masusuklian.”
Napailing-iling si Uno.
“Huwag mo nang isipin ‘yun. Magkaibigan tayo, ‘di ba?” tanong ni Uno saka ngumiti.
Napangiti si Lyndon.
“Hayaan mo at makakabawi din ako sayo sa lahat ng kabutihang ginagawa mo hindi lamang para sa akin kundi para na rin kay Timothy.”
Hindi naalis ang ngiti sa labi ni Uno.
Napatitig si Lyndon sa mga mata ni Uno, bagay na nagpakabog naman sa dibdib ng huli.
“Maganda pala ang mga mata mo,” pagpuri ni Lyndon. “Itim na itim ang gitna at kumikintab na parang bituin,” sabi pa nito.
Napalunok si Uno sa sinabi ni Lyndon. Hindi niya rin tuloy napigilang titigan ang mga mata ni Lyndon. Maganda rin ang mga mata nito. May pagka-dark brown ang gitna na bumagay sa chinito nitong mga mata.
Hindi na nakayanan ni Uno ang titig sa kanya ni Lyndon kaya siya na ang unang umiwas nang tingin. Napabuntong-hininga ito para maibsan kahit papaano ang kaba na nararamdaman niya.
“Uhm… si-sige at uuwi na ako,” pagpapaalam na ni Uno. Hindi niya napigilang mautal.
“Sige at sasamahan na kita hanggang sa paglabas,” sambit ni Lyndon na hindi na pinansin ang pagkautal ni Uno.
“Hindi na,” pagtanggi kaagad ni Uno. “Bantayan mo na lang si Timothy dahil baka bigla siyang magising tapos wala ka,” dugtong pa nito ng hindi na makatingin kay Lyndon.
Kumunot naman ang noo ni Lyndon.
“Bakit hindi ka makatingin sa akin? May problema ba?” nagtatakang tanong ni Lyndon.
“Ha?” tanong ni Uno na lalo na namang kinabahan. Dahan-dahan niyang tiningnan si Lyndon. Napalunok siya. “W-Wala,” sabi nito na pilit pinapakalma ang sarili.
Napangiti si Lyndon. Sa pagngiti nito, tila lumiwanag ang lahat para kay Uno.
‘Sh*t! Ano ba talagang nangyayari sa akin?’ sa isip-isip na tanong niya.
“Uh… sige na at aalis na ako,” pagpapaalam na lamang ni Uno.
Napatango-tango na lamang si Lyndon.
Tipid na ngumiti si Uno saka umiwas nang tingin. Naglakad na siya papunta sa pintuan ng kwarto.
Nakasunod naman ang tingin ni Lyndon kay Uno hanggang sa makalabas ito at maisara na muli ang pintuan. Mas lalo itong napangiti.
Napasandal naman sa pintuan si Uno. Inilagay niya ang kanyang kanang kamay sa tapat ng dibdib. Ramdam ng palad niya ang malakas na pagkalabog ng nasa loob nito.
“Ano ba ito? Bakit ang lakas ng t***k ng puso ko?” pagtatanong ni Uno sa hangin.
Pamaya-maya ay biglang nanlaki ang mga mata ni Uno.
“Hindi kaya…” napailing-iling si Uno at hindi itinuloy ang sasabihin.
“Hindi naman sa siguro,” napapailing muli na sabi niya. Pilit niyang kinokontra ang naiisip niya.
Marahas na napabuntong-hininga si Uno. Napailing-iling muli ito.
“Hindi maaari ang nararamdaman mong ito, Uno,” mahinang sambit niya. “Hindi maaari,” sabi pa niya.
---
Malalim na ang gabi. Nakaupo sa gilid ng kanyang kama sa loob ng madilim na kwarto si Uno. Nakatingin lamang siya sa kanyang cabinet at kasing-lalim ng gabi ang kanyang iniisip.
Bakas sa mukha ni Uno ang matinding pagkalito… pagkalito sa mga nararamdaman niya ngayon.
“Tunay na nahuhulog na ba ako sa kanya?” hindi makapaniwalang tanong niya sa hangin.
Bago kay Uno ang mga nararamdaman niya. Sa buong buhay niya, ngayon lamang siya nakaramdam ng ganito para sa isang tao kaya may bahagi sa kanya na naguguluhan at nalilito.
“Ngunit hindi maaari… hindi ito pwede,” nanlulumong sabi pa niya. Puno siya nang pangamba sa mga maaaring mangyari sa hinaharap kung magpapatuloy siyang ganito. “Imposible ito.”
Iniisip ni Uno ang mga dahilan kung bakit niya ito nararamdaman pagdating kay Lyndon. Dahil ba sa itsura nito? Sa ugali? O mas higit pa?
Ngunit walang maisip na dahilan si Uno kung bakit niya nararamdaman ang lahat ng ito pagdating kay Lyndon.
“Wala akong dapat na iniisip kundi ang makasama lang ang anak ko. ‘Yun lang dapat at wala ng iba,” marring saad niya. “Kailangan kong pigilan ito… pero paano?” nanlulumong tanong pa niya sa hangin na tanging kausap niya sa mga oras na ito.
Hindi na alam ni Uno kung ano ang gagawin niya. Wala siyang maisip na pwede niyang gawin para mapigilan ito.
Pero napipigilan nga ba ang tunay na nararamdaman?
Maaari ngunit mahirap.
Marahas na napabuntong-hininga si Uno. Kailangan niyang makaisip ng paraan para mapigilan ang damdamin niyang pakiramdam niya ay patuloy sa pagyabong sa bawat pagdaan ng araw.
Kailangang gumawa ni Uno ng mga paraan o makontrol man ito hangga’t maaga pa para hindi na masyadong lumala pa.
Ngunit paano niya nga gagawin?
Iniisip ni Uno ang lumayo na muna at hindi magpakita kay Lyndon ngunit paano naman si Timothy? Ngayong nagiging okay na kahit papaano ang lahat, ngayon pa ba siya lalayo dito?
Kung bakit ba naman umeksena pa ang puso niya sa gitna ng pagkamit niya na makasama ang kanyang anak. Hindi sana nahihirapan si Uno ng ganito ngayon.
Napahilamos sa kanyang mukha si Uno.
Isa pa sa iniisip niya ay kung bakit kay Lyndon pa niya naramdaman ito. Pwede naman sigurong sa iba… sa babae ngunit bakit kay Lyndon pa?
Ibig bang sabihin nito…
Napailing-iling si Uno. Alam niya sa kanyang sarili kung ano o sino siya. Lalaki siya magmula ng ipanganak siya at nagkaisip.
Ngunit bakit tumibok ang puso niya para kay Lyndon? Kay Lyndon na kapwa niya lalaki?
Muling napailing-iling si Uno ng mariin.
“Siguro… ipagpapawalang-bahala ko na lang muna itong nararamdaman ko. Hindi ko na lamang muna ito iisipin hangga’t hindi pa ako nakakaisip ng paraan kung paano ito mawawala. ‘Yun na lang muna kaysa ang piliin kong lumayo dahil sa ngayon… hindi ko kaya… hindi ko kayang lumayo kay Timothy.”
Napatango-tango si Uno. ‘Yun na nga muna siguro ang dapat niyang gawin sa ngayon.
----------------------------------------------
“Oh? Anong ginagawa mo dito?” pagtatanong nang nagtatakang si Lyndon kay Uno na nasa harapan niya ngayon.
Napangiti si Uno.
“Gusto ko lang sana kumustahin si Timothy kung okay na siya at isa pa…” ipinakita ni Uno ang dala niyang paper bag. “Ibibigay ko ito sa kanya. Mga art materials para mas marami pa siyang mai-drawing,” dugtong pa niyang sambit.
Napangiti naman si Lyndon. Hindi maitatanggi na natuwa siya sa magandang gesture ni Uno.
“Okay na si Timothy. Pinagpapahinga ko lamang siya ngayon para mabawi niya kaagad ‘yung lakas niya,” saad ni Lyndon. “Tara at pasok ka,” pag-aaya pa nito.
Napatango-tango si Uno.
Pumasok sila Uno at Lyndon sa loob ng bahay ng huli.
“Mabuti naman at okay na siya,” wika ni Uno. Nakahinga siya ng maluwag.
Napangiti si Lyndon saka tumango-tango. Sinara nito ang pintuan.
“Puntahan mo na lamang siya sa kwarto niya. May ginagawa kasi ako sa kusina at iniwan ko lang sandali para pagbuksan ka ng pinto,” sabi ni Lyndon.
Napatango-tango naman si Uno saka ngumiti.
“Salamat.”
Mas lalo namang napangiti si Lyndon.
Umiwas nang tingin si Uno kay Lyndon. Hindi niya maitatanggi na ang lakas ng epekto sa kanya ng ngiti nito, bagay na medyo ikinakainis din niya.
-------------------------------------------
Tuwang-tuwa si Timothy na nakaupo sa kama nito at tinitingnan isa-isa ang mga dala para sa kanya ni Uno. Napapangiti naman si Uno habang nakatingin sa bata.
Tiningnan ni Timothy si Uno.
“Salamat po, Tito,” natutuwang wika nito.
Napatango-tango si Uno.
“Kapag magaling ka na ng tuluyan, gamitin mo ang mga ‘yan, okay?”
“Opo,” sagot ni Timothy na ikinangiti lalo ni Uno.
Muling tiningnan ni Timothy ang mga dalang art materials ni Uno. Hinimas naman ni Uno ang ulo ng bata. Natutuwa siya dahil may nagagawa siyang bagay na nagugustuhan ng kanyang anak kagaya na lamang nang pagbibigay niya sa mga gusto nito.
Mula naman sa pintuan ng kwarto, nakasilip si Lyndon at tinitingnan sila. Napapangiti siya dahil nakikita niyang close na ang dalawa. Malaki ang pasasalamat niya na bukod sa kanya, nandyan si Uno na nagpapangiti sa kanyang anak.
---------------------------------------------
“Gustong-gusto ni Timothy ang mga dala mo,” ani ni Lyndon kay Uno. Nakangiti ito.
Napangiti naman ng tipid si Uno.
Nasa sala ngayon ang dalawa at magkatabing nakaupo sa mahabang sofa.
“Salamat,” sabi ni Lyndon. Diretso ang tingin niya kay Uno.
Kumunot ang noo ni Uno.
Napangiti lalo si Lyndon.
“Salamat kasi ang bait-bait mo sa anak ko,” sambit ni Lyndon. “Natutuwa talaga ako sa mga taong mabuti sa kanya,” dugtong pa niya habang diretso pa din ang tingin kay Uno.
Napatango-tango si Uno. Umiwas ito nang tingin kay Lyndon at nalipat sa telebisyon na nasa harapan.
“Natutuwa kasi ako kay Timothy,” wika ni Uno nang hindi nakatingin kay Lyndon.
“Namimiss mo siguro ang anak mo,” sambit ni Lyndon. Naalala niya kasi ang kwento nito sa kanya.
Napangiti nang tipid si Uno.
“Kasing edad na siya ni Timothy ngayon.”
Nanatili namang nakatingin si Lyndon kay Uno. Hindi niya mapigilang makaramdam ng awa para dito. Alam niya kung gaano kahirap mahiwalay sa anak… lalo na ang mawalan.
Namayani ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Nanatiling nakatingin si Uno sa telebisyon habang nakatingin pa rin si Lyndon kay Uno.
“Pwede mo ring ituring na anak si Timothy,” sambit ni Lyndon na ikinagulat ni Uno. Kaagad na napatingin ang mga nanlalaki niyang mata kay Lyndon.
Napangiti si Lyndon saka tumango-tango.
“S-Seryoso ka?” hindi makapaniwalang tanong ni Uno. Hindi siya makapaniwala na hahayaan siya ni Lyndon na ituring niyang anak si Timothy.
“Mukha ba akong nagbibiro?” balik-tanong ni Lyndon.
Abot-tenga ang naging ngiti ni Uno. Sobrang saya niya.
“Tuwang-tuwa ka naman diyan,” biro ni Lyndon saka ngumiti.
Kinagat ni Uno ang ibabang labi niya para mapigilan ang mas lalo pang pagngiti.
“Lagi mo lang tandaan na bukod sa welcome ka dito sa bahay, welcome ka rin para maging pangalawang tatay ni Timothy,” wika ni Lyndon. “Napapansin kong mabait ka sa kanya at sa totoo lang, natutuwa ako dahil napapasaya mo siya,” dugtong pa niya. “Sayang nga lang at nahuli ka ng dating, gagawin sana kitang ninong niya,” biro pa nito.
Hindi napigilan ni Uno ang pagngiti.
“Thank you,” natutuwang sabi ni Uno. Malaki ang pasasalamat niya dahil sa napakabait sa kanya ni Lyndon.
Sa sobrang bait nito, nag-aalala tuloy siya sa mga posibleng mangyari sa oras na malaman nito ang totoo.
Bagay na pinangangambahan ni Uno.
Napangiti na lamang si Uno kay Lyndon na sinuklian naman ng huli.
“Oh, siya at kukunin ko na muna si Timothy para kumain. Dito ka na din kumain kasi tamang-tama at marami akong nilutong pagkain,” wika ni Lyndon.
Napatango-tango na lamang si Uno bilang pagpayag.