Abala sa kanyang ginagawang trabaho si Uno. Nasa loob siya ng kanyang opisina. Tutok na tutok ang kanyang mga mata sa screen ng kanyang laptop at walang humpay sa pagta-type.
Kailangan niyang matapos ang kanyang ginagawa dahil ipapasa niya ito mamaya. Napabuntong-hininga siya.
Pamaya-maya ay napatigil si Uno sa kanyang ginagawa at napatingin sa pintuan ng kanyang opisina. Bumukas iyon at pumasok si Hazel.
Ngumiti nang tipid si Hazel. Kumunot naman ang noo ni Uno.
“Bakit?” nagtatakang tanong ni Uno.
“May naghahanap sayo,” wika ni Hazel.
Lalong lumukot ang noo ni Uno. Nagsalubong na din ang kilay niya.
“Tawagin ko lang siya,” saad ni Hazel.
Napatango-tango na lamang si Uno.
Tumalikod si Hazel saka lumabas ng opisina ni Uno. Nanatili namang nakatingin si Uno sa pintuan ng kanyang opisina.
Hanggang sa muling bumukas ang pintuan at pumasok ang hindi inaasahang bisita na nagpatayo bigla kay Uno at nagpalaki sa buka ng kanyang mga mata.
Kinakabahan si Uno habang nakatingin sa babaeng ngayon ay nakatayo sa harapan ng office desk niya at nakatingin sa kanya.
Ngumiti ang babaeng dumating kay Uno. Mataman siyang nakatingin dito at hindi niya maikakaila na mas lalong gumwapo ang binata matapos ang ilang taong hindi niya pagkakita dito.
Nakatingin lamang si Uno sa babae. Hindi niya akalaing magpapakitang muli ito sa kanya. Masasabi niyang mas lalo itong gumanda. Babaeng-babae na ito ngayon kumpara noon na bata pa ito.
Hanggang likod ang wavy at kulay burgundy na buhok nito. Balingkinitan ang katawan na hubog sa suot nitong pambabaeng polo na kulay black at t-shirt na puti ang panloob. Malusog ang hinaharap nito. Fitted ang suot nitong slacks at nakasuot ito ng black shoes na may takong. Sopistikada ang dating.
Hindi nagbago ang itsura ng mukha ng babae. Maganda pa rin ito at napapansin rin niya ang pagiging matured at matapang dahil na rin sa nilagay nitong make-up. Makinis ang maputing balat na halatang alagang-alaga nito.
Mas lalong napangiti ang mapulang labi ng babae dahil sa nakatingin sa kanya si Uno. Hindi niya maikakaila na natutuwa siya dahil sa tingin niya ay gandang-ganda pa rin ito sa kanya hanggang ngayon.
“Long time no see, Uno.”
Napalunok ng dalawang beses si Uno sa sinabi ng babae.
“Mukhang kilala mo pa naman ako kahit na ilang years na ang nakalipas,” natutuwang wika ng babae. “At natutuwa ako dahil hindi mo pa din ako nakakalimutan.”
“K-Kate,” nauutal na sambit ni Uno sa pangalan ng babae na lalo namang nagpangiti kay Kate.
Kabadong-kabado si Uno. Hindi siya makapaniwala na matapos ang maraming taon ay babalik si Kate sa buhay niya.
---
Nakakabingi ang katahimikan sa pagitan nila Uno at Kate. Nakaupo si Uno sa single sofa na nasa nakalagay sa gitna ng kanyang opisina habang sa mahabang sofa naman katabi nang inuupuan niya nakaupo si Kate.
Nakatingin lamang ang dalawa sa isa’t-isa. Ilang taon silang hindi nagkita kaya tila kinakabisado nila ang itsura ng isa’t-isa ngayon.
Pamaya-maya ay napabuntong-hininga si Uno. Niluwagan niya ang necktie na suot. Kinalma niya ang kanyang sarili. Umiwas siya nang pagtingin kay Kate.
“Anong ginagawa mo dito?” seryosong pagtatanong ni Uno na pumutol sa nakakabinging katahimikan.
Nanatili namang nakatingin si Kate kay Uno. Ngumiti ito.
“Ito at dinadalaw ka,” sagot ni Kate. “Kumusta ka na?” tanong pa nito.
Napatingin muli si Uno kay Kate. Hindi ito nagsalita bagkus ay tiningnan lamang niya ng mataman si Kate.
Mahinang natawa si Kate.
“Parang ayaw mo naman akong makita,” sambit nito. ‘Yun ang nakikita niya sa gwapong mukha ni Uno. “Sobrang seryoso mo. Ganyan ka ba mag-welcome ng bisitang galing sa America?” sarcastic na tanong pa niya.
Hindi pa rin nagsalita si Uno. Kaya pala matagal itong nawala dahil nangibang bansa pala ito. Sa palagay din niya ay doon ito nag-aral at nagtapos.
“Anyway, oo at galing nga ako sa America. I take up Bachelor of Accountancy at doon ako nag-aral at nagtapos,” pagmamalaki ni Kate.
Nanatiling tahimik si Uno at nakatingin lamang kay Kate.
Nagtaas ng kanang kilay si Kate.
“Tatahimik ka na lang ba diyan at hindi ako kakausapin?” tanong muli ni Kate.
Umiwas nang tingin si Uno kay Kate. Huminga nang malalim.
Nanatili namang nakatingin si Kate kay Uno.
“You look more handsome, Uno.”
Muling napatingin si Uno kay Kate. Seryoso pa rin ang mukha nito.
“Pwede bang diretsuhin mo na lang ako,” seryosong wika ni Uno. “Anong ba talagang ginagawa mo dito? Bakit bigla kang nagpakita pagkatapos lumipas ng maraming taon?” tanong pa nito.
Nawala ang ngiti sa labi ni Kate. Sumeryoso ito at umayos nang upo sa kinauupuan.
“Okay. Gusto mo pala ng diretsahan,” ani ni Kate. Napabuntong-hininga ito bago muling nagsalita. “Bumalik ako para muling makita ang anak ko… ang anak nating dalawa,” walang kakurap-kurap na sabi pa nito.
Hindi nakapagsalita si Uno at nakatingin lamang kay Kate. Kumuyom ang kamao nitong nakapatong sa hita niya. Hindi niya gusto ang sinabi nito.
“Siguro naman may karapatan pa rin akong makita siya dahil ako ang kanyang ina,” seryosong wika ni Kate.
Umiwas nang tingin si Uno kay Kate. Nakagat nito ang ibabang labi. Marahas rin siyang napabuntong-hininga.
“Anong tingin mo sa kanya? Parang laruan na matapos mong abandunahin kasi ayaw mo, babalikan mo kung kailan mo ulit gustuhin?” diretsahang at mariing wika ni Uno saka tiningnan muli si Kate.
Sumeryoso ang mukha ni Kate.
Napangisi si Uno.
“Ang lakas din ng loob mo na humarap sa akin ngayon pagkatapos ng ginawa mo,” madiin na wika ni Uno. “Paano kang nakakaharap sa akin ng ganyan at tinitingnan mo pa ako ng diretso na parang wala kang ginawang hindi maganda noon?” pagtatanong pa nito. Kasing-lamig ng yelo ang boses nito.
Hindi nakapagsalita si Kate. Sinasalubong niya ang tingin ni Uno.
Napailing-iling si Uno. Umiwas ito nang tingin kay Kate. Napabuntong-hininga para mapakalma ang sarili. Kumukulo ang dugo niya sa galit ngayong nakikita niya si Kate dahil tumatakbo sa kanyang isipan ang mga ginawa nito noon.
“Ginawa ko lang kung ano ang tama,” seryosong sabi ni Kate.
Muling napatingin si Uno kay Kate. Hindi siya makapaniwala sa sinabi nito.
“Ginawa mo ang tama?” sarcastic na tanong ni Uno. Natawa ito ng nakakaloko. “Tama pala na iwan mo kami ng anak mo sa gitna ng paghihirap?” tanong pa nito.
Hindi nakapagsalita si Kate.
“Hindi ko naman hinihiling sayo noon na magbigay ka o magtrabaho ka para makatulong sa akin. Gusto ko lang ay alagaan mo ‘yung anak natin dahil no’ng mga panahong iyon ay ikaw lang ang makakagawa at inaasahan kong gagawa nun pero anong ginawa mo? Iniwan mo siya sa akin. Iniwan mo kami na sobrang naghihirap,” madiin na sambit ni Uno. Puno nang panunumbat ang bawat salita niya.
“Kung alam mo lang kung gaano ako naghirap no’ng nawala ka. Halos mawalan ako ng ulirat dahil hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Bukod sa pagkain, inaalala ko pa ang pag-aalaga sa anak natin,” mariing litanya pa ni Uno. “Tapos ngayon ay babalik ka na parang walang nangyari?” dismayadong tanong pa nito. “Kukunin mo siya na parang wala kang ginawa sa kanya at nanaisin mo siyang alagaan na dapat ay noon mo pa ginawa,” madiin na wika pa niya.
“Gusto ko lang na magkaroon ako ng magandang buhay… magandang buhay na hindi mo sa akin maibibigay-”
“Kaya mas pinili mo ang sarili mo kaysa sa anak natin?” pagtatanong pa ni Uno na pumutol sa sinasabi ni Kate. Natawa ito ng pagak.
“Hindi lang para sa akin ang ginawa ko kundi para na rin sa anak natin,” seryosong saad ni Kate. “Sa tingin mo ba, mabibigyan natin siya ng magandang kinabukasan kung parehas tayong walang pinag-aralan? Maibibigay ba natin ang kailangan niya kung parehas tayong kapos palagi? Mga bata pa tayo noon. Iniisip ko lang noon ang kinabukasan-”
“Dapat mas inisip mo muna ‘yung noon kaysa sa pesteng kinabukasan na ‘yan!” nagtaas na ng boses si Uno. “Kasi noon ka kailangan,” madiin na dagdag pa niya.
Natahimik si Kate.
Pamaya-maya ay natawa nang pagak si Uno.
“Nagdadahilan ka lang sa akin, Kate,” mariing wika ni Uno. Diretso ang tingin niya kay Kate. “Dahil ang totoo, tumakas ka lang sa responsibilidad. Tinakasan mo ang hirap para mamuhay ka ng komportable.”
“Hindi totoo ‘yan,” madiin na wika ni Kate. Mariin itong umiling-iling.
Ngumisi si Uno. Pamaya-maya ay bumuntong-hininga ito ng malalim.
“Mas kailangan na kailangan ka ng anak natin noon. Sa tingin mo ba ngayon… ngayong nangyari na ang gusto mo na maibigay ang magandang kinabukasan para sa kanya ay magagawa mo na ‘yon?” madiing tanong pa ni Uno na ikinataka ni Kate.
“A-Anong ibig mong sabihin?” pagtatanong ni Kate. Bigla siyang kinabahan.
Umiwas nang tingin si Uno. Mas lalong kumuyom ang kamao nito.
“Wala na siya,” madiin na sagot ni Uno.
Nanlaki ang mga bilugang mata ni Kate.
“A-Ano?” hindi makapaniwalang tanong ni Kate.
Muling napatingin si Uno kay Kate. Napailing-iling ito.
“Wala ka nang babalikan pa,” seryosong sabi ni Uno.
Napailing-iling si Kate. Nangilid ang luha sa mga mata niya.
“U-Uno… huwag kang magbiro ng ganyan,” pakiusap ni Kate.
Umiwas nang tingin si Uno. Tumingin siya sa bintana. Kailangan niyang magsinungaling na muna ngayon at saka siya mag-iisip ng mga susunod niyang hakbang. Hindi pwedeng malaman ni Kate kung nasaan ang anak nila dahil natitiyak niyang may gagawin ito para makuha ang bata. Hindi ito babalik ng walang gagawin.
Tuluyang bumagsak ang luha mula sa mga mata ni Kate. Tumayo siya at nilapitan si Uno.
“Nasaan ang anak ko? Nasaan siya?!” sigaw na tanong ni Kate sabay hawak sa magkabilang balikat ni Uno at niyugyog-yugyog iyon. “Anong ginawa mo sa kanya?” tanong pa nito.
Hindi nagsalita si Uno at nanatili lamang siyang nakatingin sa bintana.
“Ibalik mo sa akin ang anak ko! Ipakita mo siya sa akin!” sigaw na pakiusap ni Kate.
Hindi naman nag-aalala si Uno kung may makakarinig sa pag-iyak at pagsigaw-sigaw ni Kate dahil sound-proof ang opisina niya.
Hindi iniinda ni Uno ang sakit nang pagpalo-palo sa kanya ni Kate na tumatama sa kanyang dibdib at mukha.
“A-Ang anak ko!” napaluhod na si Kate sa sahig. Mas lalong bumuhos ang masagana niyang luha.
“Umalis ka na,” pakiusap ni Uno.
Tiningnan ng luhaang mga mata ni Kate si Uno.
“Nasaan siya? Ipakita mo siya sa akin,” mariing pakiusap muli ni Kate.
Hindi sumagot si Uno. Hindi rin niya tinapunan nang tingin si Kate.
Kinagat ni Kate ang ibabang labi niya. Pinunasan nang marahas ang luha niya.
“Alam kong nagsisinungaling ka lang sa akin. Tinatago mo lang siya kaya aalamin ko kung nasaan siya at kapag nalaman ko, kukunin ko siya,” madiin na wika ni Kate. “Hinding-hindi mo ako maloloko!” mataas ang boses na dagdag pa niya.
Tiningnan ni Uno si Kate.
“Isipin mo ang gusto mong isipin. Bahala ka na rin sa kung anong gusto mong gawin. Sinabi ko na sayo ang lahat at kung wala ka ng kailangan pa, pwede ka nang umalis dito sa opisina ko,” seryosong sambit ni Uno.
Napailing-iling si Kate. Pinigilan nito na mas lalo pang maluha.
“U-Uno-”
Tumayo si Uno mula sa sofa at pumunta sa office desk nito saka naupo sa kanyang swivel chair.
“Pakisara na lang ang pintuan kapag nakalabas ka na,” malamig na sambit ni Uno saka muling hinarap ang trabaho niya.
Masamang nakatingin na si Kate kay Uno. Kumuyom ang mga kamao nitong nakapatong sa mga hita niya.
‘Alam kong itinatago mo lang siya. Hindi ako susuko. Hahanapin ko siya kahit na anong mangyari at kapag nahanap ko na siya, sisiguraduhin ko sayong makukuha ko siya mula sayo,’ madiin na wika ni Kate sa kanyang isipan.
Hindi naniniwala si Kate na wala na ang anak nila ni Uno. Malakas ang pakiramdam niya na itinatago lamang iyon ng dating kasintahan at ‘yun ang aalamin niya.
---
Mabagal na naglalakad sa gilid ng kalsada si Uno. Nakapamulsa ang kanyang mga kamay habang tulalang nakatingin sa dinaraanan niya.
Tumatakbo sa kanyang isipan ang mga napag-usapan nila ni Kate. Bumalik sa kanya ‘yung sakit at galit na nararamdaman para sa babae. Sakit dahil sa ginawa nitong pag-iwan sa anak nila at galit dahil sa pag-iwan naman nito sa kanya sa gitna ng hirap.
Hindi inaasahan ni Uno na muling magpapakita sa kanya si Kate. Ang akala niya ay tuluyan na itong mabubura sa buhay niya ngunit nagkamali siya dahil nagbalik ito.
Napabuntong-hininga si Uno. Naisip niya si Timothy. Malakas ang kutob niya na may mga gagawin si Kate para lamang makita ang kanilang anak. Hindi niya tuloy maiwasang mag-alala dahil oras na makita ni Kate si Timothy, natitiyak niyang gagawin nito ang lahat makuha lamang ito. Tiyak din niya na magugulo ang tahimik nitong buhay sa oras na mangyari iyon.
Mas lalong dapat mag-ingat si Uno. Kailangan niyang gawin din ang lahat para hindi mangyari iyon.
Muling napabuntong-hininga si Uno.
Sa paglalakad ni Uno, hindi niya namamalayan ang mga naaapakan niya. Huli na nang maapakan niya ang isang may kalakihang bato.
Nawalan ng balanse si Uno at madadapa na sana siya ngunit bago pa man siya pumlakda sa lupa ay nagulat na lamang siya dahil may isang kamay ang biglang humawak sa kanyang braso at pinigilan ang pagbagsak niya.
Hinila si Uno ng kung sino mang humawak sa kanya palapit dito. Napaharap siya at bumangga sa matigas na katawan nito. Hindi sinasadya ay napahawak pa ang dalawang kamay niya sa bandang dibdib nito.
Napatingin si Uno sa mukha ng taong humila sa kanya at nanlaki ang kanyang mga mata nang mapagsino iyon.
“L-Lyndon,” mahinang sambit niya kasabay nito ay ang mabilis na pagkabog ng kanyang puso.
Nakatitig si Lyndon sa mata ni Uno at ganoon din ang huli. Napalunok pa si Uno ng tatlong beses nang mapagtanto niya na sobrang lapit ng mukha nila ni Lyndon at dikit na dikit ang katawan nila sa isa’t-isa dagdag pa na nakahawak siya sa dibdib nito. Naramdaman ng palad niya ang umbok nito kaya kaagad niyang tinanggal ang mga kamay niya doon.
Napangiti si Lyndon.
“Okay ka lang?” bakas ang pag-aalala sa tanong ni Lyndon.
Wala sa sariling napatango-tango si Uno.
Mas lalong napangiti si Lyndon. Binitawan nito ang braso ni Uno saka bahagyang lumayo.
Tila nabunutan naman ng tinik si Uno nang lumayo sa kanya si Lyndon. Napahinga siya ng malalim. Sandali lamang ang tagpong iyon ngunit kaagad na nakaapekto ng matindi sa sistema niya.
“Mag-ingat ka kasi masakit ang mapilayan at masugatan,” paalala ni Lyndon. Ang hindi alam ni Uno ay nakasunod sa kanya si Lyndon na nakita siyang mag-isang naglalakad.
Nag-aalangang napangiti na lamang si Uno. Umiwas siya nang tingin kay Lyndon at pinagpag ang itaas na bahagi ng suot niyang longsleeve polo na bukas ang first two buttons at nakatuck-in sa kanyang suot na slacks na itim. Bigla siyang nakaramdam ng alinsangan.
“May problema ka ba?” pagtatanong ni Lyndon.
Muling napatingin si Uno kay Lyndon.
“Ha?” balik-tanong ni Uno.
Napangiti si Lyndon.
“Napansin ko kasi na tulala ka kaya naisip ko kung may dinadala kang problema,” wika ni Lyndon. “Pwede mong sabihin sa akin para makatulong ako at pwede din namang hindi… pero mas maganda kung ang piliin mo ay ‘yung una para hindi ka mag-isang harapin ‘yan.”
Napangiti nang tipid si Uno. Napailing-iling ito.
“Wala lang ito,” mariing sabi ni Uno. “Medyo pagod lang dahil sa trabaho.”
Bahagyang nagtaas-baba ang ulo ni Lyndon. Umiwas ito nang tingin kay Uno at tiningnan ang madilim na kalangitan.
“Ang gaganda ng mga bituin,” saad ni Lyndon.
Napatingin din si Uno sa tinitingnan ni Lyndon. Napatango-tango siya dahil maganda ang mga bituin ngayon. Kumikislap ang mga ito na parang mga dyamante.
“Pero kung nag-iisa lang ang bituin, hindi siya maganda,” ani ni Lyndon saka ngumiti. “Dapat dalawa o marami sila para mas maganda.”
Napangiti nang tipid si Uno.
“Ganoon din sa pagharap ng problema, kailangan may kasama ka para kaagad niyo itong malutas at maging maganda ang resulta,” wika ni Lyndon.
Napatingin si Uno kay Lyndon. Malaya niyang napagmasdan ang mukha nito dahil nanatili itong nakatingin sa kalangitan.
“Kaibigan mo ako, tandaan mo ‘yan palagi,” seryosong sambit ni Lyndon saka tiningnan si Uno. Nagtagpo ang tingin nila.
‘Kaibigan?’ sa isip-isip na tanong ni Uno.
Napangiti nang tipid si Uno.
‘Dapat matuwa ako na kaibigan kita… na kaibigan mo ako… pero bakit ngayon… umaasa na akong sana ay lagpas pa doon ang turingan natin sa isa’t-isa?’
Umiwas nang tingin si Uno. Malalim na napabuntong-hininga ito. Kung ano-anong kalokohan na naiisip niya. Sinabi na niya sa sariling si Timothy ang dapat niyang pagtuunan ng pansin at hindi ang kung ano pang bagay.
“Gabi na. Bakit nasa labas ka pa?” tanong na lamang ni Uno para maiba ang usapan.
Napangiti si Lyndon.
“Nag-withdraw lang ako sa bangko. Wala na kasi akong cash,” sagot nito na nakatingin pa rin kay Uno.
Napatango-tango si Uno.
“Ikaw? Ngayon ka lang uuwi galing trabaho?” pagtatanong naman ni Lyndon.
Muling tumango-tango si Uno bilang sagot.
Napangiti naman si Lyndon.
Nagulat na lamang muli si Uno dahil bigla siyang inakbayan ni Lyndon. Kumabog na naman nang mabilis ang puso niya.
“Tara na at umuwi na tayo,” pag-aaya ni Lyndon.
“Ha?” gulat na tanong ni Uno. Para na siyang tanga dahil nagugulat na lamang siya sa mga biglang ginagawa ni Lyndon sa kanya.
Napangiti si Lyndon at iginiya na si Uno para muling maglakad. Napasunod na lamang si Uno kay Lyndon.
‘Sh*t! Kumalma ka nga Uno! Naka-akbay lang siya sayo pero kung maka-react ang katawan mo! Bwisit!’ naiinis si Uno sa kanyang sarili.
Kung bakit naman kasi ang lakas ng epekto sa kanya ni Lyndon kaya hindi na niya tuloy alam kung ano ang gagawin.
---
Nakatayo sa tapat ng glass window si Kate at nakatingin sa view sa labas. Nakikita niya ang malaking bahagi ng syudad dahil nasa mataas na palapag ang condo unit na tinutuluyan niya.
Madilim sa loob pero dahil sa mga dim lights na nakabukas ay makikita pa rin ang kagandahan ng loob nito. Kumpleto sa gamit at may dalawang kwarto. May kusina at banyo.
Matatagpuan ang tinutuluyan ni Kate sa isang progresibong lugar. Mamahalin ang condo unit na nabili niya dahil hindi basta-basta ang developer na gumawa nito.
Muling sinimsim ni Kate ang red wine na nakalagay sa hawak niyang wine glass. Nakakabingi ang katahimikan dahil mag-isa lamang siya.
Tumatakbo sa isipan ni Kate ang nangyari sa pagitan nila ni Uno. Ang mga sinabi nitong hindi niya mapaniwalaan.
Malakas ang kutob ni Kate na itinatago lamang ni Uno ang anak nila. Kailangan niyang malaman kung nasaan ito. Gagawin niya ang lahat para muling makasama ang kanyang anak na matagal na ring nawalay sa kanya.
Kinuha ni Kate ang kanyang smartphone sa bulsa ng suot na roba at may hinanap na numero. Nang makita niya iyon ay pinindot niya ang call at itinapat niya sa kanang tenga ang cellphone.
“Hello Ma’am. May kailangan po ba kayo?” tanong ng nasa kabilang linya.
“May ipapagawa ako sayo,” wika ni Kate.
“Ano po iyon?” pagtatanong muli ng lalaking nasa kabilang linya.
Sumilay ang ngiti sa labi ni Kate.