Nakatayo sa harapan ng full body mirror si Uno at sinisipat ang kanyang sarili. Inayos niya ang kanyang buhok na may nakalagay na wax.
Nakabihis na si Uno at handa nang pumasok sa trabaho. Matapos niyang maayos pataas ang kanyang buhok ay ngumiti siya saka umalis na sa harapan ng salamin.
Nilapitan ni Uno ang bagpack niya na nakapatong sa may kama at kinuha iyon. Sinukbit ni Uno sa kanyang balikat ang bag saka na siya naglakad palabas ng kwarto.
Bumababa pa lamang ng hagdan si Uno nang kumunot ang kanyang noo at nagsalubong ang kilay nang marinig niya ang sunod-sunod na pagtunog ng doorbell.
“Sino naman kaya ‘yun?” tanong ni Uno sa hangin. Nagtataka siya.
Nagkibit-balikat na lamang si Uno at pinuntahan na ang pintuan para matigil na ang pagpapatunog sa doorbell niya.
Nanlaki na lamang ang mga mata ni Uno sa gulat nang sa pagbukas niya ng pintuan ay si Kate ang nabungaran niya na napatigil sa pagpindot muli sa doorbell. Hindi na naman inaasahan ni Uno ang pagpapakita nito sa kanya.
“Hi!” may halong landi na pagbati ni Kate.
Naging normal ang buka ng mga mata ni Uno. Lalong kumunot ang noo nito.
“Anong ginagawa mo dito?” nagtatakang tanong ni Uno. Nakapag-usap na sila no’ng nakaraan kaya wala ng dahilan pa para magkita sila. “At paano mo nalaman na dito ako nakatira?” tanong pa nito.
Napangiti si Kate.
“Gusto lang kitang makita ulit,” sagot nito. “And I have my ways para malaman ko kung nasaan ka,” dugtong pa nitong sambit.
Hindi nagsalita si Uno at mataman lang siyang nakatingin kay Kate.
Nagulat na lamang si Uno nang biglang lumapit lalo si Kate sa kanya. Halos dumikit ang katawan nila sa isa’t-isa at ilang distansya na lamang ang layo ng kanilang mga mukha.
Hinawakan ni Kate ang suot na necktie ni Uno at inayos niya iyon.
“Dapat mag-asawa ka na para may nag-aayos na ng necktie mo,” malanding wika ni Kate saka ngumiti lalo.
Sumeryoso ang mukha ni Uno.
“Itigil mo nga ‘yan,” madiin na wika niya. “Sa tingin mo ba madadaan mo ako sa ginagawa mo?” pagtatanong pa nito.
Tiningnan ni Kate si Uno sa mga mata. Nagtagpo ang kanilang mga tingin. Tinigil ni Kate ang pag-aayos sa necktie ni Uno.
“Bakit? Nagbago ka na ba?” sarcastic na tanong ni Kate. “Hindi ka na ba katulad ng dati na madalas na nagpapaiyak ng mga kababaihan?” tanong pa nito na mas lalong idinikit ang malusog na dibdib sa katawan ni Uno.
Bahagyang lumayo si Uno. Hindi siya umimik sa sinabi ni Kate.
Napangiti si Kate.
“You know what babe, I miss you,” malambing na wika nito.
Nagsalubong lalo ang kilay ni Uno.
“And our son,” dugtong pa ni Kate.
Kumabog ang dibdib ni Uno nang marinig niya iyon mula kay Kate.
“Siguro naman may karapatan ako para makita at makasama siya, ‘di ba?” tanong ni Kate. “Kaya naman kung pwede, pagbigyan mo na ako.”
“Karapatan?” sarcastic na tanong ni Uno. “Akala ko inalisan mo na ang sarili mo ng karapatan sa anak natin no’ng panahong lumayo ka sa kanya,” madiin na sabi pa nito.
Sumeryoso ang mukha ni Kate.
“I’m still his mother-”
“No Kate,” wika kaagad ni Uno. “Wala ka ng anak. Hindi ka na din niya ina dahil tinaggalan na kita ng karapatan,” seryosong sabi pa ni Uno.
Umiling-iling si Kate. Bahagya itong lumayo kay Uno.
“Kahit anong sabihin mo, ako pa rin ang ina niya. Dugo ko pa rin ang isa sa nanalaytay sa kanya,” madiin na sabi ni Kate. “Hindi mo mababago iyon at walang kahit na sino ang makakapagpabago kung sino ako sa buhay niya.”
Mariing umiling-iling si Uno.
“Umalis ka na. Kailangan kong pumasok sa trabaho at kung makikipag-usap pa ako ng matagal sayo ay siguradong male-late na ako,” pantataboy ni Uno kay Kate.
“Ipakita mo siya sa akin,” madiin na sambit ni Kate. “For one last time, nakikiusap ako sayo,” dugtong pa nito.
“Hindi pa ba malinaw sayo ‘yung sinabi ko sayo nung nakaraan?” tanong ni Uno. “Wala na siya-”
“And I don’t believe that!” sigaw kaagad ni Kate. “Akala mo ba ganoon ako katanga na basta-basta na lamang maniniwala sa mga sinasabi mo?” tanong pa nito.
Umiwas nang tingin si Uno. Huminga ito ng malalim.
“Makakaya mo ba talagang humarap sa kanya pagkatapos ng ginawa mo noon?” seryosong tanong ni Uno.
Natahimik si Kate. Tinamaan siya sa sinabi ni Uno.
Tiningnan ni Uno si Kate.
“Hindi ka man lang ba mahihiya na kapag humarap ka sa kanya, malalaman niyang… malalaman niyang inabandona siya ng sarili niyang ina?” tanong pa ni Uno.
Dahil si Uno, hiyang-hiya ngunit tinitiis na lamang niya muna iyon basta makasama lamang ang anak niya. Hindi niya alam ang kanyang gagawin sa oras na lumabas ang katotohanan. Siguradong malaking gulo ang idudulot nito na magiging dahilan para tuluyang malayo ang anak sa kanya.
Hindi nakapagsalita si Kate. Kumuyom pabilog ang mga kamay niya.
Bumuntong-hininga muli ng malalim si Uno.
“Kaya sana… sana… tumigil ka na dahil wala kang mapapala,” mariing pakiusap ni Uno.
Tinalikuran ni Uno si Kate na nanatiling nakatingin sa kanya. Sinara ni Uno ang pintuan ng kanyang bahay saka ni-lock iyon.
Muling hinarap ni Uno si Kate. Tipid itong ngumiti.
“Aalis na ako,” malamig na pagpapaalam ni Uno.
Hindi na hinintay pa ni Uno na muling magsalita si Kate at nilagpasan ito saka naglakad na palabas ng bakuran.
Ngunit napatigil si Uno sa paglalakad at kumabog lalo ang dibdib niya sa mga sinabi sa kanya ni Kate.
“Hahanapin ko siya. Aalamin ko kung nasaan ang anak natin. Hindi ako susuko hanggang sa makita ko siya. Hinding-hindi ako titigil, Uno hangga’t hindi ko siya nakikita.”
Muling nilingon ni Uno si Kate na nanatiling nakaharap sa pintuan at nakatalikod naman kay Uno.
Huminga nang malalim si Uno. Napailing-iling ito at umiwas nang tingin kay Kate at nagpatuloy na ito sa paglalakad. Hindi na lamang niya pinansin ang sinabi nito.
Samantala…
Kaagad na nagtago si Lyndon sa mga halaman sa bakuran niya. Sinusundan niya nang tingin si Uno na nakalabas na ng gate ng bahay nito at naglalakad na sa gilid ng daan.
Muling tiningnan ni Lyndon ang babae na nakatayo pa rin sa harapan ng pintuan ng bahay ni Uno. Kumunot ang kanyang noo.
“Sino kaya ‘yung babaeng iyon?” tanong ni Lyndon. Magtatapon lamang siya ng basura at hindi sinasadya ay napatingin siya sa bahay ni Uno at iyon, nakita niya ang dalawa.
Ang lahat ng nangyari.
Hanggang sa manlaki ang mga mata ni Lyndon.
“Hindi kaya… hindi kaya siya ‘yung ex-girlfriend ni Uno na ikinwento niya sa akin?”
Napahawak si Lyndon sa kanyang dibdib. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla siyang nakaramdam ng pagkurot doon.
Napailing-iling si Lyndon. Nanatiling nakatingin siya kay Kate na humarap na kaya nakita niya ang itsura nito.
“Maganda siya,” pagpuri ni Lyndon. Aminado siya doon. “Kung siya man ang naging girlfriend ni Uno, masasabi kong bagay sila,” wala sa sariling sabi pa nito.
Muli na lamang napailing-iling si Lyndon.
“Ano kayang pinag-usapan nila?” pagtatanong ni Lyndon sa hangin. “Siguro ‘yung tungkol sa relationship nila saka ‘yung sa… anak nila,” sabi pa niya.
“Teka… bakit ko ba tinatanong pa ang mga iyon?” tanong ni Lyndon sa sarili. Naiinis siya. “Labas na ako doon!” sabi pa niya.
Napabuntong-hininga na lamang si Lyndon. Hindi niya maintindihan kung bakit tila apektado siya dahil sa kanyang nakita.
---
Nakaharap si Uno sa kanyang laptop na nakapatong sa kanyang desk habang nakaupo siya sa kanyang swivel chair. Nanunuod siya ng mga nakakatawang videos sa video streaming platform.
Inaabala niya ang kanyang sarili sa panunuod para kahit sandali ay makalimutan niya ang nangyari kanina sa pagitan nila ni Kate. Ayaw na muna niyang problemahin ang kanyang ex na sa pagbabalik ay gulo sa buhay niya ang dala.
Pamaya-maya ay napatingin si Uno sa kanyang cellphone na nakapatong din sa desk dahil narinig niyang tumunog ang ringing tone nito. Kumunot ang kanyang noo.
Inihinto na muna ni Uno ang video na pinapanuod niya saka kinuha ang kanyang cellphone. Mula sa screen ay nakita niyang tumatawag si Lyndon. Nagsalubong ang kilay niya.
Napabuntong-hininga na lamang si Uno saka sinagot ang tawag. Itinapat sa kanyang kanang tenga ang cellphone.
“Hello,” pagbati ni Uno kay Lyndon.
“Akala ko tulog ka na,” mahinang wika ni Lyndon.
Tumingin si Uno sa wall clock. Maga-alas nuebe pa lamang ng gabi.
“Mamaya pa,” sambit ni Uno.
“Okay,” sabi ni Lyndon. “By the way, may pasok ka ba bukas?” tanong pa nito.
Kumunot ulit ang noo ni Uno.
“Day-off ko bukas. Bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Tamang-tama,” natutuwang wika ni Lyndon. “May munting salo-salo kasi dito sa bahay. Pumunta ka.”
“Bakit? May okasyon ba?” nagtatakang tanong ni Uno.
Hindi kaagad sumagot si Lyndon.
“Hello. Nandyan ka pa ba?” tanong ni Uno. Wala na siyang narinig mula sa kabilang linya.
Narinig ni Uno ang pagbuntong-hininga ni Lyndon.
“Birthday ko bukas,” sagot ni Lyndon na ikinagulat ni Uno.
“Talaga? Birthday mo bukas?” hindi makapaniwalang tanong ni Uno.
“Oo,” sagot muli ni Lyndon.
Napangiti si Uno.
“Advance happy birthday,” masayang pagbati ni Uno.
“Salamat,” pasasalamat ni Lyndon.
Napatango-tango si Uno.
“Mga five ng hapon, pumunta ka na dito sa bahay,” ani ni Lyndon.
“Okay,” pagpayag ni Uno. Gusto din niyang makasama si Timothy kaya pupunta siya.
“Asahan kita,” natutuwang saad ni Lyndon.
Napangiti si Uno.
---
“Happy birthday, Papa!”
Napangiti si Lyndon sa masayang pagbati sa kanya ni Timothy. Hinalikan pa siya nito sa magkabilang pisngi.
“Salamat, Anak,” natutuwang wika ni Lyndon. “Hay! Tumanda na naman ako,” sabi niya pa saka tumawa.
Nakatingin naman si Uno sa dalawa at nakangiti.
Tiningnan ni Lyndon si Uno. Ngumiti siya rito saka tumayo nang maayos.
“Mabuti at nakapunta ka,” natutuwang wika ni Lyndon. Tanging si Uno lamang ang bisita niya sa kanyang birthday.
“Inaasahan mo kasi akong pumunta,” nangingiting sambit ni Uno.
Napangiti naman si Lyndon.
“Oo nga pala, ito ang regalo ko sayo,” wika ni Uno saka inabot kay Lyndon ang dala niyang paper bag.
“Naku at nag-abala ka pa,” medyo nahihiyang wika ni Lyndon. Kinuha niya mula kay Uno ang paper bag at sinilip ang laman na nakabalot pa sa gift wrapper. “Salamat,” ngumiti na lamang siya muli.
Napangiti na lamang si Uno.
Tiningnan ni Lyndon si Timothy.
“Ikaw ba? Wala kang regalo sa akin, Anak?” nangingiting tanong ni Lyndon kay Timothy.
“‘Yung kiss ko, Papa,” sagot ni Timothy saka ngumiti ng abot-tenga.
Natawa naman si Lyndon at gayundin si Uno.
“Anyway, tara na sa dining area at nakahain na ang mga pagkain doon. Kumain na tayo,” pag-aaya na ni Lyndon.
“Yehey!!!” tuwang-tuwa na sigaw ni Timothy. Excited siyang kumain ng spaghetti at fried chicken na kabilang sa handa ni Lyndon.
Napangiti na lamang si Lyndon at tiningnan si Uno. Nakita niyang nakangiti ito.
Pumunta na sila sa dining area. Nakahain sa mesa ang medyo maraming handa at sa gitna ay ang cake.
Naging masaya ang salo-salo. Panay ang tawa nila Lyndon at Uno sa mga kwento ni Timothy na nangyayari sa school nito.
“Happy birthday to you… happy birthday to you… happy birthday, happy birthday…”
Kinakantahan habang pumapalakpak sila Uno at Timothy. Si Lyndon naman ay napapangiti sa dalawa.
Hanggang sa matapos nang kumanta sila Uno at Timothy.
“Make a wish na, Papa,” ani ni Timothy.
Napatango-tango naman si Lyndon. Bahagya itong tumayo mula sa inuupuan at nilapit ang mukha sa cake.
“Ang wish ko…” wika ni Lyndon.
Ipinikit ni Lyndon ng kanyang mga mata at sinambit sa isipan ang kanyang hiling pagkatapos ay muli niyang idinilat ang mga mata saka hinipan ang kandila para mamatay ang apoy.
“Yehey!!!” tuwang-tuwa na pagsigaw ni Timothy na napapalakpak pa.
Napangiti naman si Uno saka pumalakpak din.
Tiningnan ni Lyndon sina Timothy at Uno. Ngumiti ito.
“Anong wish mo, Papa?” pagtatanong ni Timothy.
“Kapag sinabi ko hindi na ‘yun matutupad,” wika ni Lyndon saka ngumiti.
Napanguso naman si Timothy na tinawanan ni Lyndon.
“Ikaw talagang bata ka,” sabi ni Lyndon at hinimas ang ulo ng anak.
---
Nasa labas ng bahay sila Uno at Lyndon. Magkatabi silang nakaupo sa isang mahabang upuan na gawa sa kahoy na nakapwesto sa harapan ng bahay at nasa loob naman ng bakuran. Tulog na si Timothy sa mga oras na ito dahil napagod sa kakalaro nila kanina.
Parehas na may hawak na lata ng beer ang dalawa. Tinitingnan ang kalangitan kung saan nagkalat na ang kadiliman. Bilog na ang buwan na pinapalibutan ng mga nagkikislapang mga bituin.
Tiningnan ni Lyndon si Uno. Ngumiti ito.
“Salamat nga pala sa regalo mo.”
Napatingin si Uno kay Lyndon. Napangiti ito.
“Wala iyon,” wika ni Uno. “Nakakahiya naman kasi kung wala akong dala para sayo,” dugtong pa nito.
Napatango-tango si Lyndon.
“Tamang-tama nga at kailangan na kailangan ko ng headphone kasi pasira na ‘yung akin.”
Napatango-tango si Uno.
“Bakit headphone ang naisip mong iregalo sa akin?” nagtatakang tanong ni Lyndon.
“Ugh… kasi wala akong maisip na iba,” pagsagot ni Uno. Ang totoo, naghanap siya sa mall pero wala siyang mapili hanggang sa makita niya ang isang headphone na magkahalong puti at itim ang kulay na nakalagay sa isang estante at ‘yun na lang ang binili niya dahil kapos na din siya sa oras.
Natawa naman si Lyndon.
Mahina ding natawa si Uno.
Umiwas nang tingin si Lyndon. Tiningnan naman niya ang labas ng bakuran. Uminom ito ng beer.
Nanatili namang nakatingin si Uno kay Lyndon. Malaya na naman niyang napagmamasdan ang mukha nito.
“Bakit wala kang pinapuntang ibang bisita bukod sa akin? Wala ka bang kaibigan?” pagtatanong muli ni Uno. Nagtataka siya.
Muling napatingin si Lyndon kay Uno.
“Halos lahat kasi ng kaibigan ko ay nasa ibang bansa na. Ang alam ko nga, ako na lang ang nandito sa Pilipinas,” sagot ni Lyndon.
Napatango-tango si Uno.
“Mabuti nga at nakilala kita. At least bukod kay Timothy ay may ibang tao na akong makakasama sa tuwing birthday ko,” sabi ni Lyndon saka ngumiti.
Kumabog ang dibdib ni Uno sa sinabi ni Lyndon dagdagan pa na nakatitig ito sa kanya.
Napangiti si Lyndon.
“Salamat.”
Napangiti na lamang ng tipid si Uno.
Namayani ang nakakabinging katahimikan sa pagitan nila. Nanatiling nakatitig sa mata ng isa’t-isa. Ang pagkabog ng dibdib ni Uno ay mas lalong bumilis.
Hanggang sa magulat na lamang si Uno nang lalong lumapit sa kanya si Lyndon. Hindi naaalis ang tingin nila sa mata ng isa’t-isa na tila may mga gustong sabihin na hindi maisatinig.
Lalo pang kumabog ang dibdib ni Uno nang hawakan ni Lyndon ang kanang gilid ng kanyang mukha at marahang hinaplos ng hinlalaking daliri nito ang kanyang pisngi.
Tila nanigas si Uno sa kanyang kinauupuan habang nawala naman sa sarili si Lyndon.
Inilapag ni Lyndon ang hawak niyang lata ng beer sa gilid ng inuupuan niya. Napatingin siya sa labi ni Uno na napansin ng huli kaya napalunok ito ng sunod-sunod.
Hanggang sa maibagsak ni Uno ang hawak niyang lata ng beer sa lupa at manlaki ang buka ng kanyang mga mata sa sumunod na ginawa ni Lyndon.
Naramdaman na lamang ni Uno ang pagdampi ng labi ni Lyndon sa kanyang labi. Ramdam niya ang lambot at hatid nitong init. Nalalasahan niya ang alak na iniinom nito kaya naman tila nalalasing din siya. Tila may sumabog sa kanyang dibdib na hindi niya kayang kontrolin.
Pumikit ang mga mata ni Lyndon. Nalipat ang kamay niya sa braso ni Uno. Ninanamnam ang malambot na labi ng binata.
Nananatiling nakadampi ang mga labi nila sa isa’t-isa. Si Uno, hindi makapaniwala na nangyayari ito. Ito ang unang pagkakataon na nahalikan siya ng isang lalaki at si Lyndon pa.
Hindi maitatanggi ni Uno, tila nawawala na rin siya sa sarili. Gusto niyang kumawala ngunit hindi nakikisama ang kanyang katawan.
Hanggang sa maramdaman na lamang ni Uno ang bahagyang paggalaw ng labi ni Lyndon sa kanyang labi.
Sa puntong iyon, nanumbalik si Uno sa sarili. Malakas na itinulak ni Uno si Lyndon dahilan para maputol ang halik at mapalayo ito sa kanya.
Nanlalaki naman ang mga mata ni Lyndon na nakatingin kay Uno. Gulat na gulat siya. Nakaupo siya sa lupa matapos siyang mahulog sa upuan dahil sa malakas na pagkakatulak sa kanya ni Uno.
Nagtagpo ang mga mata nila Uno at Lyndon.
“I’m sorry,” natatarantang sambit ni Uno at nagmamadali itong tumayo saka umalis.
Naiwan naman si Lyndon na natulala. Tila bumalik na rin siya sa sarili.
“Anong ginawa mo, Lyndon?” hindi makapaniwalang tanong niya sa sarili.
Ramdam niya ang malakas na pagkabog ng kanyang dibdib. Tumatakbo sa kanyang isipan ang ginawa niyang paghalik sa labi ni Uno. Hindi niya maintindihan kung bakit hindi niya napigilan ang sarili na halikan ang labi nito.
Inihilamos ni Lyndon ang dalawa niyang kamay sa kanyang mukha. Marahas na bumuntong-hininga.