CHAPTER 30 AND 31

2827 Words
Malalim na ang gabi. Tumatagos mula sa bintana ang sinag ng buwan at tinatamaan nito si Uno na naka-indian sit sa sahig at nakasandal ang likod sa gilid ng kama. Tulala si Uno na nakatingin lamang sa kawalan. Tumatakbo sa kanyang isipan ang ginawa ni Lyndon sa kanya. Naguguluhan siya at the same time ay nangangamba. “Ano bang ginawa niya?” pagtatanong ni Uno sa hangin. “Bakit niya ako hinalikan?” sunod na tanong pa nito. “G-Gusto niya ba ako?” pangatlong tanong na sambit nito. Napailing-iling si Uno. Mas lalo siyang naguluhan. Isa pa sa inaalala niya ay lalong pagtindi ng kakaiba niyang nararamdaman para kay Lyndon dahil sa ginawa nito. “Baka nakaapekto na sa utak niya ‘yung alak kaya niya iyon ginawa,” wika ni Uno. Naisip niya kasi na umiinom sila ng mga oras na iyon kaya baka naimpluwensyahan ito ng alak kaya ginawa iyon ng binata sa kanya. Muling napailing-iling si Uno. Hindi dapat siya madismaya ngunit nararamdaman niya iyon nang maisip niyang may posibilidad na kaya lamang ginawa ni Lyndon ang bagay na iyon ay dahil sa nasa espiritu na ito ng alak. “Paano pa ako haharap sa kanya na parang walang nangyari?” nangangambang tanong ni Uno. “Anong gagawin ko?” dagdag pa niyang tanong sa hangin. Iniisip ni Uno si Timothy. Kung mas pipiliin niyang layuan na muna si Lyndon para palamigin ang nangyari, ilang araw niya rin itong hindi makikita at kung gustuhin man niya, siguradong mas gugustuhin niya na sa malayo na muna ito tanawin dahil sa totoo lang, hindi niya alam kung paano haharap ngayon kay Lyndon. Marahas na sinuklay ni Uno ang buhok niya pataas gamit ang kanyang dalawang kamay saka inihilamos din ito sa kanyang mukha. Ramdam niya ang matinding pagkalito sa mga nararamdaman at nangyayari sa kanya ngayon. Hindi ito ang hinangad niyang mangyari. Ang tanging hangad lamang niya ay ang makita ang anak at makasama ito kahit sandali ang siyang prayoridad niya. Ngunit nasira ang lahat ng iyon dahil sa mga kakaibang pakiramdam niya pagdating kay Lyndon. Kung bakit ba naman kasi niya ito naramdaman pa. Hindi tuloy maiwasan ni Uno ang sisihin ang sarili. Marahas na napabuntong-hininga si Uno. “Sh*t! Itigil mo na nga ang pag-iisip Uno sa bagay na iyon!” naiinis na sermon ni Uno sa kanyang sarili. Samantala… Nasa labas pa rin ng bahay si Lyndon. Nakaupo na ito sa mahabang upuan mag-isa at muling umiinom. Tumatakbo sa kanyang isipan ang kanyang ginawa. Hindi niya maintindihan kung bakit niya iyon nagawa. Pakiramdam niya, nang makita niya ang labi ni Uno, gustong-gusto niya itong halikan at hindi siya nakapagpigil. May pagkwestyon na tuloy siya sa kanyang sarili ngayon. Kung bakit ginugusto na niya ang mahalikan ang isang gaya ni Uno. Ibig bang sabihin nito ay nagbago na ang pagkatao niya? Sa buong buhay niya, ngayon lamang naapektuhan si Lyndon ng isang lalaki na gaya ni Uno at iyon ang hindi niya maintindihan. Sa dinadami ng lalaki na nakakasalumuha niya noon at ngayon, tanging kay Uno lang siya nakakaramdam ng kakaiba. O bunga lamang ito ng nainom niya? Napailing-iling siya. Hindi pa siya lasing at nasa tamang pag-iisip pa siya. Nasa tamang pag-iisip pa nga ba siya? Napabuntong-hininga si Lyndon. Nababaliw na siguro siya at dahil iyon kay Uno. Muling ininom ni Lyndon ang alak sa hawak niyang lata. Iniisip naman niya ngayon kung paano haharap kay Uno. Anong sasabihin niya? Hihingi ba siya ng paumanhin? O kikilos na parang walang nangyari? Muling napabuntong-hininga nang malalim si Lyndon. Bukas na siya mag-iisip kung paano niya haharapin si Uno pero ang sigurado siya, hindi pwedeng maputol ang ugnayan nilang dalawa dahil lamang sa kanyang ginawa. Dahil mayroon sa pakiramdam ni Lyndon na hindi na niya kayang hindi makita si Uno. Pakiramdam niya, nasanay na siyang lagi itong nandyan at sinasakop ang buhay niya na gustong-gusto naman niya. --- Ninais ni Uno na pumasok sa trabaho para kahit papaano ay mabawasan ang mga inaalala niya at mabaling sa iba ang isip at katawan niya. Isinara ni Uno ang pintuan ng kanyang bahay. Inayos ang pagkakasukbit ng kanyang bagpack na nakasabit sa mga balikat niya. Sa pagharap ni Uno, nanlaki na lamang ang mga mata niya sa gulat nang makita si Lyndon na nakatayo sa hindi kalayuan. Hindi man lang niya namalayang nakapasok na pala ito sa bakuran niya. Kunsabagay, hindi niya rin kasi ugali na magsara ng gate. Matamang nakatingin si Lyndon kay Uno, bagay na ikinakabog ng puso ng huli. Umiwas nang tingin si Uno. “Anong ginagawa mo dito?” pagtatanong ni Uno nang hindi makatingin kay Lyndon. Napangiti si Lyndon. Bumuntong-hininga ito saka naglakad palapit kay Uno. Ramdam ni Uno ang paglapit sa kanya ni Lyndon. Narinig niya ang yabag nang paglalakad nito. Mas lalo niyang naaamoy ang pabangong gamit nito na nakatatak na sa kanyang pang-amoy. Huminto sa harapan ni Uno si Lyndon. “Gusto ko lang ulit na magpasalamat sayo,” wika ni Lyndon. Dahan-dahang napatingin si Uno kay Lyndon. Hindi ito nagsalita. Nagtagpo ang tingin nila Uno at Lyndon. Mukha na namang may nais sabihin ang kanilang mga tingin ngunit hindi maisatinig. Napangiti nang tipid si Lyndon. Inalis sa bulsa ang dalawang kamay. “Gusto ko rin sanang… gusto ko rin sanang mag-sorry sayo dahil sa nangyari kagabi,” kinakabahang sambit ni Lyndon. Hindi iyon ang gusto niyang sabihin ngunit sa tingin niya ay iyon ang tama. “Ewan ko ba, hindi naman ako madaling malasing pero kaagad akong tinamaan kagabi,” dugtong pa nito. ‘So dahil lasing ka kaya mo ako hinalikan… ganoon ba?’ dismayadong tanong ni Uno na hindi nito isinatinig at nanatiling nasa utak lamang niya. “Wala sanang magbago. Magkaibigan pa rin tayo,” hiling ni Lyndon. ‘Kaibigan?’ tanong muli ni Uno. Natawa siya ng pagak sa isip niya. ‘May magkaibigan bang naghahalikan?’ pagtatanong pa niya. Alam niyang meron at ang iba pa nga ay lagpas pa roon ang ginagawa pero hindi naman kasi sila ganoon ni Lyndon. Biglaan ang mga pangyayari. “Kalimutan mo na lang sana ‘yung hindi magandang nagawa ko sayo,” pakiusap pa ni Lyndon. Aminado si Lyndon na may sakit sa pakiramdam niya nang sabihin iyon. ‘Kalimutan?’ pagtatanong na naman ni Uno. Mas lalo siyang nakaramdam nang pagkadismaya. ‘Sa totoo lang, gusto kong kalimutan ngunit… t*ng ina! Nakakatatak na siya sa utak ko kaya hindi na siya basta-basta nawawala! Gustuhin ko man pero ang hirap… ang hirap kalimutan lalo na ng mga kakaibang nararamdaman ko.” Naghihintay naman si Lyndon na magsalita si Uno na kanina pa tahimik na nakatingin lamang sa kanya. “Uno,” pagtawag ni Lyndon kay Uno. Muling umiwas nang tingin si Uno. Kinalma niya ang sarili saka bumuntong-hininga. Tiningnan muli ni Uno si Lyndon saka tipid na ngumiti at tumango-tango na lamang. Napangiti si Lyndon. “So… okay na tayo?” natutuwang tanong nito. ‘Para kay Timothy… oo… Para patuloy ko siyang makita,’ sa isip-isip ni Uno. Isasantabi na lamang niya ang mga nangyari at nararamdaman. Napatango-tango na lamang si Uno bilang sagot sa tanong ni Lyndon. Sumilay ang maliit na ngiti sa labi nito. Mas lalong napangiti si Lyndon. “Sige na at papasok pa ako,” pagpapaalam ni Uno. Tumango-tango si Lyndon. Naglakad na si Uno papunta sa gate. Nilagpasan niya si Uno pero napatigil siya at napatingin sa nakahawak na kamay ni Lyndon sa braso niya. Dahan-dahang tiningnan ni Uno si Lyndon sa mukha. Nagtagpo ang kanilang mga tingin. Napangiti si Lyndon. “Ingat ka,” bilin ni Lyndon. Napatango-tango na lamang si Uno. Hindi niya maitatanggi na natuwa siya sa simpleng sinabi ni Lyndon. Parang nakalimutan niya kaagad iyong mga hindi magagandang sinabi nito kanina. Binitawan na ni Lyndon si Uno. Napangiti na lamang muli si Uno saka tuluyang umiwas nang tingin kay Lyndon at naglakad na palabas. Nakasunod naman ang tingin ni Lyndon kay Uno. Napabuntong-hininga siya. “Salamat,” mahinang sambit niya. Mas mabuti ng ganito sila na magkaibigan pa rin kaysa naman mas lalo silang magkalayo dahil sa ginawa niya at mga kakaibang nararamdaman pagdating kay Uno. --- Nasa playground sila. Napapangiti si Uno habang pinapanuod niya si Timothy na nakikipaglaro sa mga kaibigan nito. Nakaupo siya sa swing mag-isa. Kasama din nila si Lyndon ngunit wala ito ngayon dahil may binili lamang sandali. Natutuwa si Uno dahil kahit papaano ay maayos na ang lahat lalo na sa pagitan nila ni Lyndon. Ilang araw na ang lumipas magmula ng mangyari iyon at simula no’ng araw na iyon ay hindi na siya naungkat pa. Ngunit aminado si Uno na hanggang ngayon ay hindi pa din niya nakakalimutan ‘yung nangyari. Minsan ay napapaginipan niya pa iyon at magigising na lamang siya sa kalagitnaan ng madaling araw. Pilit mang isantabi ni Uno ang pangyayaring iyon ngunit lagi lamang bumabalik sa kanya. Kunsabagay, mahirap talagang kalimutan ang isang bagay na unang beses maranasan. Napabuntong-hininga nang malalim si Uno. Napangiti si Uno at nag-wave pa ng kamay nang mapatingin sa kanya si Timothy at ngumiti. Ibinaba na ni Uno ang kamay niya nang umiwas na nang tingin sa kanya si Timothy at patuloy na nakipaglaro sa mga kaibigan nito. Pamaya-maya ay bigla na lamang napatayo si Uno mula sa pagkakaupo at nanlaki ang kanyang mga mata sa gulat. “K-Kate?” mahinang sambit niya. Mula sa malayo, parang nakita niyang natayo si Kate at nakatingin sa kanya at pati na rin kay Timothy. Kumabog nang mabilis ang kanyang dibdib. Tiningnan niya si Timothy. Umiwas nang tingin si Uno kay Timothy. Tiningnan niyang mabuti ang kinaroroonan ni Kate ngunit bigla na lamang itong nawala. Sa isip-isip ni Uno, guni-guni o namalik-mata lamang siguro siya sa nakita niya lalo na at hindi rin maalis sa kanyang isipan si Kate. Ilang araw na rin itong tahimik at hindi nagpapakita. Hindi niya mapigilan ang sarili na makaramdam nang pangamba lalo na at alam niya na ang pinakamahirap na kalaban ay ang katahimikan dahil hindi mo alam kung kailan ito sasabog at mag-iingay. Napabuntong-hininga si Uno. Muli siyang naupo sa swing at natulala. ‘Huwag mo na muna kasi siyang isipin, Uno,’ mariing sermon niya sa kanyang isipan. Ilang minuto ang lumipas na nakatingin lamang si Uno sa lugar kung saan niya nakita si Kate. Nagulat na lamang siya ng may malamig na bagay na dumikit sa kanyang kanang pisngi. Kaagad siyang napatingin sa bagay na iyon, isang bote ng orange juice. Tiningnan ni Uno ang may hawak nito, si Lyndon na nakakunot ang noo habang nakatingin sa kanya. “Okay ka lang?” nagtatakang tanong ni Lyndon. Inilayo nito ang bote sa mukha ni Uno. Napatango-tango na lamang si Uno. Napangiti si Lyndon. “Ito at inumin mo na muna,” alok nito saka inabot ang bote kay Uno. Napangiti na lamang ng tipid si Uno saka kinuha ang bote mula sa kamay ni Lyndon. “Salamat,” sabi niya. Napatango-tango si Lyndon. “Sandali lang at ibibigay ko muna ito sa mga bata,” pagpapaalam niya saka ipinakita kay Uno ang isang supot na naglalaman ng mga binili nitong inumin. Napatango-tango na lamang si Uno. Napangiti si Lyndon saka umiwas nang tingin. Naglakad ito papunta sa kinaroroonan nila Timothy. “Uminom muna kayo mga bata,” masayang alok ni Lyndon sa mga bata. “Yehey!!!” Kaagad na nagsilapitan kay Lyndon ang mga bata na ikinatuwa naman niya. Isa-isang binigyan ni Lyndon ang mga bata ng inumin. Napangiti nang tipid si Uno habang nakatingin kay Lyndon at sa mga bata. Natutuwa siyang makita na malapit talaga ang binata sa mga bata. Umiwas nang tingin si Uno kay Lyndon at muling tiningnan ang lugar kung saan nakita niya si Kate ngunit wala na talaga ito doon. Napabuntong-hininga siya ng malalim. “Ang lalim, ha,” wika ni Lyndon na nakalapit na kay Uno. Napatingin naman si Uno kay Lyndon na hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya. Nagtagpo ang tingin ng dalawa. “Sigurado bang okay ka lang talaga?” tanong ni Lyndon. May bahagi sa kanya na nag-aalala lalo na at hindi niya alam kung ano ang gumugulo kay Uno. Napangiti nang maliit si Uno. “Okay lang talaga ako. Inaalala ko lang kasi ‘yung naiwan kong trabaho sa office dahil deadline na din bukas,” pagdadahilan na lamang ni Uno. Napatango-tango na lamang si Lyndon kahit na may bahagi sa kanya na hindi naniniwala. Pakiramdam niya kasi, hindi iyon ang totoong dahilan ni Uno pero nirerespeto naman niya kung hindi magsabi sa kanya si Uno lalo na kung ang dinadala nito ay tungkol sa personal. Lumapit si Lyndon sa kabilang swing at doon naupo. Mahinang dinuyan-duyan niya iyon gamit ang kanyang mga paa na nakaapak sa lupa. Nakasunod naman ang tingin ni Uno kay Lyndon. Tumingin si Lyndon sa mga batang naglalaro kasama ang anak niya. Napangiti siya ng tipid. “Ayoko sanang sabihin ito pero… ‘yung ex-girlfriend mo ba ang dahilan kaya may gumugulo sayo?” pagtatanong ni Lyndon na ikinalaki ng mga mata ni Uno sa gulat. Napalunok pa ito ng sunod-sunod. Napatingin si Lyndon kay Uno. Nagtagpo ang kanilang mga tingin. Ngumiti nang tipid si Lyndon. “Nakita ko kasi kayo nung isang araw na nag-uusap. Hindi ko man sigurado kung siya nga pero base sa mga kilos niyo, mukhang matagal na din kayong magkakilala,” sabi pa nito. Tumingin sa ibang direksyon si Uno. Pinapakalma niya ang kanyang dibdib na mabilis ang pagkabog. Napabuntong-hininga naman si Lyndon. Nanatili siyang nakatingin kay Uno. “Nag-aalala ako sayo,” sambit ni Lyndon na muling ikinatingin ni Uno. Gulat na gulat na naman siya sa sinabi ng binata. Diretso ang tingin ni Lyndon kay Uno. “Alam kong sinabi mo na wala siyang naging puwang sa puso mo ngunit hindi mo maitatanggi na nagdulot din siya ng sakit sayo,” seryosong sambit ni Lyndon. Hindi nakapagsalita si Uno. “Anyway, kung siya man ang ex mo na gumugulo sayo ngayon… ibig sabihin lang niyan, may kailangan siya sayo, tama ba?” tanong ni Lyndon. Umiling-iling si Uno. Umiwas ito nang tingin. Napabuntong-hininga. “Huwag na lang natin siyang pag-usapan,” mariing pakiusap ni Uno. Napatango-tango si Lyndon na nanatiling nakatingin kay Uno. Naiintindihan niya. “I’m sorry,” sambit ni Lyndon. “Wala kang dapat ipag-sorry. Wala ka namang kasalanan-” “Kasi nasaktan ka,” sabi kaagad ni Lyndon na ikinaputol ng sasabihin ni Uno. Dahan-dahan na muling napatingin si Uno kay Lyndon. Nagtagpo ang tingin ng dalawa. Napabuntong-hininga si Lyndon. “Kung sakaling handa ka nang magkwento, lapitan mo lang ako dahil lagi akong handang makinig,” wika nito. Tipid siyang napangiti. “Hindi din maganda na sinosolo mo lang ang lahat. Dapat may paglabasan ka rin para kahit papaano’y gumaan ang pakiramdam mo,” dugtong pa nito. “Dahil habang dinadala mo ‘yan ng mag-isa, ikaw lang din ang mabibigatan at baka dumating ‘yung araw na hindi mo na makayanan ang bigat.” Sumilay ang maliit na ngiti sa labi ni Uno. “Kung sakali namang kailangan mo ng tulong, lapitan mo lang ako dahil handa akong tulungan ka sa abot ng aking makakaya,” sincere na sambit pa ni Lyndon. “Salamat,” mahinang sambit ni Uno pero narinig iyon ni Lyndon na ikinangiti nito. --- Nasa harapan ng glass window si Kate. Hawak niya ang isang folder na naglalaman ng mga dokumentong nabasa na niya kanina. Sumilay ang ngiti sa labi ni Kate. Tuwang-tuwa ang pakiramdam niya dahil nalalapit na siya sa katotohanan at hindi magtatagal ay makakamit na niya ang tunay na pakay niya sa kanyang pagbabalik. “Konting-konti na lang at magagawa ko na ang mga plano ko.” Naisip niya si Uno. Ang itsura ng binata nang makita siya nito kanina. Natutuwa siya dahil halatang kabadong-kabado ito nang makita siya. “Dapat ka lang kabahan, Uno,” madiin na wika ni Kate. “Dahil simula ngayon, hindi lang kaba ang ipaparamdam ko sayo,” dagdag pa niya. Hindi guni-guni ni Uno na nakita siya nito dahil nandoon talaga siya. Iyon rin ang unang pagkakataon na nakita niya si… Timothy na sa totoo lang ay pinanabikan niyang makita at mayakap. Mabuti na lamang at napigilan pa niya ang kanyang sarili na malapitan ito. “Humanda ka Uno, sisiguraduhin kong katulad mo ay makakasama ko din siya,” mariing sambit ni Kate. Hindi mapigilan ni Kate na mainis lalo na at nakita mismo ng dalawa niyang mga mata na nakakasama nito si Timothy… ang anak nila. “Ang kapal ng mukha niya! Ayaw niyang makita ang anak ko. Siya lang ba ang pwede at ako hindi? Ang lakas pa ng loob niya na sabihan akong hindi ba ako mahihiya na magpakita sa anak namin pero siya…” nanggigigil na sambit ni Kate na hindi na lamang niya itinuloy dahil mas lalo lamang siyang maiinis. Ngayong nalaman na niya ang lahat, hindi na siya magpapapigil pa na makuha at makasama ang anak niya na si Timothy.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD