CHAPTER 11

2283 Words
Magkaiba kami ng oras ni Calvin, kaya mag-isa ako ngayong bumiyahe patungo sa munisipyo. May iniwan lang text si Calvin kaninang umaga, na hindi ko na rin nagawang reply-an kamamadali. Sa pagsusuka ko kanina, sinamahan pa na masakit ang katawang lupa at ulo ko ay nahirapan akong kumilos. Kahit ngayon na nagda-drive ako ay dahan-dahan lang dahil baka mawala ako sa balanse. Hindi ko pa natatanong si Calvin kung nagsusuka rin ba siya, since pareho lang naman din kami ng kinaing cake kahapon. Kung iyon nga ang rason ay hindi malabong ganoon nga ang lagay niya. Though, hindi naman masakit ang tiyan ko ngayon. Usually kasi 'di ba ang sign ng food poisoning o panis na pagkain, kung hindi pagsusuka ay sumasakit din ang tiyan? Iba sa akin, nahihilo pati ako. Pakiramdam ko ano mang oras ay mababangga ako dahil paminsan-minsang nagdidilim ang paningin ko. Kaya kahit ma-late sa trabaho ay lalo ko pang binagalan. Hindi bali na mapagalitan ako, kaysa naman na madisgrasya ako sa daan. Hindi rin naman nagtagal nang makarating ako sa munisipyo. Tahimik ang paligid dahil malamang na nasa loob na lahat ng tao at abala na sa pagtatrabaho. Maingat kong inihinto ang motor sa parking space. Matapos patayin ang ignition ay kaagad din akong bumaba. Maging ang paglalakad ko ay mabagal. Nang makapasok sa lobby ay napahinga ako nang maluwang. Dumeretso ako ng upo at saglit nagpahinga. Ewan ko kung ilang araw ko na ba itong nararamdaman, pero madalas nga na napapagod ako kahit sa simpleng galaw lang. Madali na akong kapusin ng hangin at parating sumasakit ang ulo. Gaano man din nawawala sa focus ay pinilit ko ang sarili na magtrabaho. Kahit papaano ay nakatulong sa akin ang pagiging tahimik ng paligid. Walang pumapansin sa akin at walang nang-iistorbo. Paminsan-minsan din akong tumatayo para kumuha ng tubig sa water dispenser, kabalikat ay panay din ang tayo ko para naman umihi. Bandang huli ay hindi rin ako nakapagtrabaho nang maayos. Hindi ako mapalagay at kinukutuban ako ng hindi maganda. Malakas ang kabog sa dibdib ko. Pinagpapawisan din ako ng malagkit. Iyong tipong malamig naman sa lobby, pero ramdam ko iyong pawis sa noo ko. Higit kasi sa lahat, sobrang delay na ng regla ko. Noong dumating ako rito sa Isla Mercedes, ini-expect ko nang dadatnan ako sa buwan na iyon ngunit lumipas na ang isang buwan ay wala pa rin. Kaya noong mag-lunch break ako, imbes na kumain ay mas pinili kong lumabas ng lobby. Sa kabilang banda ng munisipyo ay naroon ang Community Health Center. Total ay mayroon naman doong mga doctor, nurses, midwives at iba pang healthcare workers ay doon na ako nagpasyang magpatingin. Kumpleto naman ang services nila, mayroong consultations, immunizations, family planning, pre and post-natal care, basic laboratory testing, and health education and promotion activities. Nang makapasok doon ay nagpasalamat akong may naiwang gynecologist. Mabuti rin at pinaunlakan niya ako at ipinagpaliban muna ang pagkain. Pinapasok ako nito sa kaniyang office. Kaming dalawa lang ang nandoon, ganoon pa man ay hiyang-hiya ako. "What is it, Miss Bolivar?" aniya habang binabasa ang mga naisulat kong impormasyon sa isang papel. "Ahm, how can I know if I'm pregnant?" mahinang banggit ko. Tiningan ako ni Doc. Angeline pamula ulo hanggang paa. Tumagal ang atensyon niya sa tiyan ko. Wala pa iyong umbok, natural at bago pa lang naman. "Missed period, Miss Bolivar," panimula ni Doc. Angeline. "Missing a period is often the first sign of possible pregnancy— kailan ba ang huling mens mo?" Umimpis ang labi. "Last three months?" "Sa tatlong buwan na iyon ay hindi ka man lang nagtaka na wala ka pang dalaw?" Mali ko rin iyon, hindi ko namalayan ang paglipas ng araw dito sa Isla Mercedes. Sa dami ng iniisip ko ay talagang nawala na iyon sa utak ko. Nakalimutan kong babae nga pala ako at may buwanang dalaw. "Hindi po." "Sumasakit ba ang ulo mo? Backache? Nausea or vomiting?" "Madalas na sumakit ang ulo ko at nitong umaga lang po ako nagsuka... baka nga po sa kinain ko lang ito kagabi." Tumango-tango si Doc. Angeline. "What about food cravings? Moody changes?" "Moody naman po talaga ako, kaya hindi ko masabi kung mahahalata iyon sa akin." Halos matawa siya sa sinabi kong iyon. Kalaunan ay nailing na lamang siya. "Anyway, I can give you a blood pregnancy test, but the results take at least a couple of days. However, bibigyan kita ng dalawang pregnancy test kit, subukan mo ngayon." Tumayo siya at may kung anong hinalungkat sa mga gamit niya, PT marahil. Hawak pa rin nito ang information sheet ko, binabasa at animo'y sinusuri. Mayamaya nang bumalik siya sa harapan ko. Inilapag niya ang dalawang PT sa lamesa. "You can try it, diyan sa loob ng CR." "Possible ba iyon na ma-trace kahit isang linggo pa lang iyong last intercourse ko?" Ngumiti si Doc. Angeline. "Sigurado kang isang linggo pa lang?" Umawang ang labi ko sa pagkamangha, para bang pinaglalaruan ako ni Doc. Angeline at gusto niyang magsabi ako ng totoo. "Wala pa palang isang linggo. Nakaraang araw lang yata," sagot ko. Lalo naman siyang napangiti. Tila ba natatawa sa sinabi ko. Halos mapatakip naman ako ng bibig nang maalalang hindi lang pala iyon ang una namin ni Calvin. May mas nauna pa roon! Noong lasing ako at higit dalawang buwan na ang nakalilipas. "Ano? Naalala mo na?" agap ni Doc. Angeline dahilan para mamula ang pisngi ko. "It's normal, Miss Bolivar. Kung boyfriend mo naman ay bakit ka mahihiya?" Sa narinig ay para akong binuhusan ng malamig na tubig. Naging hilaw ang ngiti ko at hindi na makatingin nang diretso kay Doc. Hindi na rin ako nagsalita at dali-dali nang pumasok ng banyo na naroon sa loob lang ng kaniyang office. Doon ay tahimik kong pinag-aralan ang instructions ng PT sa likod ng packaging nito habang nakaupo sa bowl. Huminga ako nang malalim. Ilang sandali pa nang maayos at maingat ko iyong ginawa. Tuluyan akong tumayo at inilapag sa sink ang isang PT. Hinintay kong maging visible ang isa pang pulang linya nito. Kasabay nang pagpatak ko sa isa pang PT. Halos pasalit-salit ang tingin ko sa dalawa. Habang naghihintay ay para akong nagdedeliryo. Pakiramdam ko ay hihimatayin ako ng wala sa oras, dumadagdag pa iyong malakas na pagwawala ng puso ko kung kaya ay mas lalo akong naging kabado. Mayamaya lang nang maunang lumitaw ang linya sa isang PT at ayon sa instructions; kapag two red line, ibig sabihin ay buntis nga. Napasinghap ako at mabilis na sinipat ng tingin ang isa pa— ganoon din ang resulta na naging mitsa para mapaatras ako. Kaagad kong kinapa ang dibdib ko nang kamuntikan nang kumawala ang puso ko roon. Naging halu-halo ang reaksyon ko. Naroon ang gulat, pagkamangha, pagkadismaya, takot at sakit. Napakurap-kurap ako habang maiging pinagmamasdan ang dalawang pregnancy test kit. Gusto ko pa sanang sumubok ng isa pa, pero ang sabi ay sapat na itong ebidensya para masabing buntis nga ako. "Oh, my God, Jinky. Nagbunga ang karupukan mo," bulung-bulong ko sa sarili. Hindi ko rin malaman kung dapat bang maging masaya ako. Iniisip ko pa lang iyong kalagayan at sitwasyon ko, feeling ko ay hindi ako magiging mabuting ina. Hindi ko rin alam kung paano ko siya dadalhin. Nawala na ako sa tamang huwisyo, kaya nang salubungin ako ni Doc. Angeline paglabas ko ng banyo ay hindi ako nagsasalita. Nakatulala lang ako sa kawalan habang nananatiling hawak ang mga PT. "Base sa reaksyon mo, positive ang resulta, tama?" pukaw nito ngunit hindi ako kumibo. "It's okay, Miss Bolivar. Kung pareho niyo itong ginusto ng boyfriend mo, siguro naman ay paninindigan ka niya. Gusto mo pa bang magpa-blood test?" Tinitigan ako ni Doc. Angeline. Nang mabalik sa ulirat ay tipid akong napangiti. "Hindi na po." "By the way, sino ba ang boyfriend mo, Miss Bolivar? Ikaw iyong bago rito 'di ba? Sabihin mo nga at baka kilala ko 'yan para naman maturuan ko ng family planning," ani Doc. at saka pa mahinang natawa. Natigilan ako. "Wa—wala po." Dinig ko ang pagsinghap ni Doc. Angeline. Nag-angat ako ng tingin dito, mabilis naman siyang ngumiti na para bang gustong pagaanin ang loob ko. Nilapitan niya ako, kapagkuwan ay inakbayan ako. Masuyo niyang pinisil ang balikat ko. "Huwag ka nang mag-alala at mag-isip pa, Miss Bolivar. Bumalik ka rito for pre-natal care, ako ang mag-aalaga sa 'yo, hmm?" marahan niyang pahayag, wala pa sa sarili nang tumango ako. Nang makalabas ng Community Health Center ay para akong nakalutang habang naglalakad pabalik ng munisipyo. Natapos na lang ang isang oras ng lunch break ay hindi na ako nakakain sa sobrang pag-iisip. Mas naging tahimik ang mundo ko. Sa dami ng gumugulo sa isipan ko ay hindi ko na rin napansin ang pag-ikot ng orasan. Nagulat na lang ako nang isa-isa nang nagsilabasan ang mga katrabaho ko sa munisipyo. Naging maingay dahil sa sunud-sunod na mga yabag, isama pa na kabi-kabilaan ang palitan nila ng kwento. Tumigil na ako sa ginagawa at saglit silang pinanood. May iilan na napapatingin sa akin, tila ba nagtataka kung bakit nandito pa ako. "Ma'am Verra," pagtawag ni Ma'am Every sa tunog nang-uuyam nang dumaan siya sa lobby, malakas itong tumatawa kasama nina Ma'am Cris at Ma'am Darlene. Binalingan ko sila. Sabay-sabay silang huminto sa harapan ko. Pagkakataon ko iyon para tumayo, dali-dali ko ring niligpit ang ilang gamit ko at nilinis ang lamesa. Handa na sana akong umalis nang dumugtong si Ma'am Every, kaya napahinto ako. "May naghahanap sa 'yo." "Sino?" "Si Mayor Velasquez, pinapatawag ka niya sa opisina niya," dagdag ni Ma'am Cris. Nangunot ang noo ko. Salitan kung titigan ko silang tatlo, pilit kong hinahanap sa mga mukha nila kung nagbibiro lamang ba sila at tamang pinagtitripan lang ako. Tumatawa sina Ma'am Every at Ma'am Cris kung kaya ay hindi ko masabi kung totoo ba iyon. Ngunit nang makita ang seryosong mukha ni Ma'am Darlene ay kinabahan ako. Dinaig ko pa ang uminom ng isang pitsel ng kape at pati ang mga kilay ko ay nagpa-palpitate. Dahan-dahang tumango si Ma'am Darlene, tipong gustong sang-ayunan ang sinabi ni Ma'am Cris. "Oh, siya at mauuna na kami, Verra," sambit ni Ma'am Every. "Good luck, ah?" Humagikhik si Ma'am Cris at parehong inilingkis ang dalawang kamay kina Ma'am Darlene at Ma'am Every, kasunod nang paghatak niya sa mga ito. "Good luck talaga," segunda niya. Sinundan ko sila ng tingin hanggang sa tuluyan silang makalabas ng munisipyo. Sakto pa nang mag-ring ang telepono na naroon malapit sa guard na nasa lobby. Kaagad niya iyong sinagot. Mayamaya nang malingunan niya ako. "Okay po," aniya at ibinaba rin ang linya, muli niya akong nilingon. "Pumunta ka raw sa office ni Mayor, hinahanap ka." Huminga ako nang malalim. Kagat ko ang pang-ibabang labi ko at sumunod din sa gusto ni Mayor. May idea na ako kung para saan itong pagpapatawag niya sa akin, ganoon pa man ay halos kapusin ako ng hangin. Kulang na lang ay matalisod ako sa sobrang kaba ko. Halos mabingi rin ako sa malakas na pagtibok ng puso ko. Hindi nagtagal nang makarating ako sa opisina ni Mayor Velasquez, mula sa labas ng pinto ay naroon ang ilan pang guard na nagbabantay. Expected na yata nila ang presensya ko at madali nila akong pinapasok, walang tanong-tanong o pang-uusisa. Nang makapasok sa loob ay sila na rin mismo ang nagsarado ng pinto sa likod ko. "Magandang araw po, Mayor," pagbati ko kahit pa pinapangunahan ako ng takot. Hindi lang takot para sa sarili ko, o takot dahil sa mga pwedeng gawin ng kampo ni Mayor— takot din dahil sa buhay na naroon sa tiyan ko. Wala pa man, hindi pa man sigurado, ayaw ko mang maniwala ay hindi ko namang hahayaan na may mangyaring masama pati sa anak ko. "Walang maganda sa araw na ito kung ikaw lang din ang makikita ko," bungad niya sa akin habang tinatanaw niya ako mula sa pagkakaupo nito sa kaniyang swivel chair. "But anyway, nakarating na siguro sa 'yo na inaanak ko si Bianca Tumbali?" Nagtiim bagang ako, gaano ko man kagustong sagutin siya ng pabalang ay nagpigil ako. Hindi muna ako nagsalita at hinayaang patapusin siya sa kung ano man ang gusto niyang sabihin sa akin. "At sigurado akong nabalaan ka na rin ng mga tao sa paligid mo patungkol sa akin?" Malapad na ngumiti si Mayor Velasquez. "Pero hindi naman ako magiging marahas sa 'yo ngayon. Ang gusto ko lang ay alamin mo kung saan ka nararapat, pwede ba 'yon?" Nalilito man ay tumango na lang din ako sa kaniya para matapos na ito. Nakakagulat na malamang hindi naman pala siya ganoon kasama, o baka warning ko pa lang ito? "Pasensya na po..." buntong hininga ko. "Sige, pwede ka nang umalis." Bumagsak ang panga ko at hindi makapaniwalang tinitigan ang Mayor. Iyon na 'yon? Sa kagustuhan ko ring kumawala ay mabilis akong tumalima. Akma namang bubuksan ko ang pinto nang muli niyang kunin ang atensyon ko. Malakas siyang tumikhim. "Siya nga pala, huwag ka nang pumasok bukas at may nahanap na kaming magiging kapalit mo bilang Information Officer. Kung pwede rin ay huwag ka nang magpapakita rito sa munisipyo." "Ano po?" agap ko at kasing bilis ng kidlat na nalingunan ko siya. "Narinig mo naman siguro ako. Hindi ako nag-uulit ng sinabi ko, Miss... ahm, what's your name by the way? Sino bang nag-hire sa 'yo sa mga tao ko?" Sa pagkakataong ito ay parang iritable na ang boses niya. "Paano po si Ma'am Paula?" tukoy ko sa babaeng naka-maternity leave. "Don't worry about her. Pagbalik niya ay isa na siya sa Administrator." "Pero—" "Habang kaya ko pa sanang maging mahinahon ay sumunod ka na lang. Baka hindi mo rin gugustuhin ang mangyayari sa batang dinadala mo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD