CHAPTER 12

2329 Words
"Calvin!" maligaya kong pagtawag dito at saka pa nagmamadaling nilapitan siya. "Kanina ka pa ba?" Huminto ako sa tapat niya, kung saan pa ay prente siyang nakaupo sa motor ko. Naging abot hanggang tainga ang ngiti ko. Mabilis humawa iyon kay Calvin. Unti-unting sumilay ang ngiti sa kaniyang labi, na kahit siguro ay naiinip siya kahihintay ay hindi niya magawang magalit sa akin. "Medyo?" Natawa siya sa tinuran. "Pero okay lang naman, Verra. Makita lang kita ay tanggal na kaagad ang pagod ko." Malakas akong tumawa. "Corny mo talaga." "Gusto lang kitang pasayahin sa paraang alam ko, Verra," malambing niyang sinabi. Walang pasisidlan ang pagkakangiti ko, hindi na naitago pa ang kakiligan ko kay Calvin. Alam kong pulang-pula na rin ang pisngi ko ngunit hindi ko na iyon itinago pa. "Masaya na ako, Calvin. Maraming salamat sa 'yo," nangingiti kong banggit. Halos magningning ang mga mata ni Calvin sa kasiyahang nararamdaman niya. Nakita ko pa ang kagustuhan niyang mayakap ako, kaya ibinigay ko na rin. Lumapit ako at walang pag-aalinpangan siyang niyakap. Pinalibot ko ang dalawang kamay sa kaniyang leeg at inihilig ang ulo sa balikat niya. Sa kadahilanang nakaupo siya sa motor ko ay hindi siya ganoon kahirap na abutin. Mas nararamdaman ko ang katawan niya kapag ganito. Mas ramdam kong malapit siya sa akin. Suminghot ako dahilan para maamoy ko ang panglalaking pabango niya, maging ang natural na amoy ng kaniyang katawan. Ang bango— nakakaadik. Nagulat man ito sa pag-initiate kong pagyakap, kalaunan ay niyapos din niya ang baywang ko. Marahan niya akong hinatak upang mas ilapit sa kaniya. Katulad ng ginawa ko ay dinama rin niya ang leeg ko. Ramdam ko ang mainit na pagbuga ng hininga niya sa sensitibo kong balat. "Pasensya na at natagalan ako sa loob. Ang dami kasing trabaho, ayoko namang ipagpabukas iyon," mahinang sambit ko. "It's okay, Verra. Gaano pa man iyan katagal ay kaya kitang hintayin." Nakagat ko ang pang-ibabang dahil nag-aalala akong baka tuluyan nang mapunit ang labi ko sa sobrang pagkakangiti. Malakas na kumabog ang puso ko sa katotohanang lahat yata ay kaya ni Calvin. Naniniwala ako sa lahat ng binibitawan niyang salita. Dahil sa lahat ng tao rito sa Isla Mercedes, si Calvin lang din iyong nagtiwala sa akin. Siya lang iyong tumanggap sa akin— siya lang din ang nagmahal sa akin dito. Kaya hindi ko alam, kung darating man iyong araw na kailangan naming maghiwalay ay parang hindi ko kaya. Kung malalayo siya sa akin ay hindi ko kakayanin. Ngayon pa na siya ang ama ng batang dinadala ko? Sa maikling panahon na nakilala at nakasama ko siya, oo at napamahal na rin ako sa kaniya. Malakas akong nagpakawala ng buntong hininga bago umahon. Muli kong ipinaskil ang ngiti sa aking labi. "Deretso tayo sa bahay mo," suhestiyon ko na ikinagulat ni Calvin. "Ipagluto mo ako. Gusto ko ng mackerel fish." "Mackerel?" Nagtaas siya ng kilay. "Oo, kaya please? Gusto kong kumain no'n." "Walang stock no'n sa bahay, pero daan tayo ng Centro para bumili." "Okie, dokie!" maagap kong pagsang-ayon. Ibinigay ko ang susi ng motor kay Calvin. Matapos kong umangkas ay umandar din siya. At kagaya ng nakasanayan, hindi na ako nagreklamo sa mabagal niyang pagmamaneho. Mas pabor sa akin iyon. Yakap-yakap ko ang katawan ni Calvin habang tahimik siyang nagda-drive. Nasa likod lang ako at tahimik ding ninanamnam ang panandaliang kapayaang natatamasa ko sa mga oras na iyon. Maging ang lamig ng hangin na para bang himihele sa akin. Ganoon pa man, gaano ko mas din kagustong panatilihin ang kasiyahan sa puso ko ay hindi ko magawa. Unti-unting nalusaw ang ngiti sa labi ko. Muling nanumbalik sa sistema ko ang kaninang takot na nararamdaman. Papaanong nalaman kaagad ng Mayor na buntis ako? Honestly, hindi naman ako tanga para hindi isiping may kinalaman dito si Doc. Angeline. Siya lang naman ang nakakaalam at kaming dalawa lang naman kanina ang naroon sa opisina niya. Akala ko ay sincere siya, akala ko ay mabuting tao siya. Hindi ko naisip iyong mga bagay na pwedeng mangyari. Oo nga pala at hawak din ni Mayor ang Community Health Center, pati na ang mga tao roon. Hangad din pala niya ang kapahamakan ko, na matapos niyang malaman na buntis ako ay walang paatubiling sinabi niya iyon kay Mayor. Halos matawa ako sa reyalisasyong gusto nila akong hanapan ng kahinaan; nagawa nga nila. Nagwagi sila. Hindi ko man lang ipinagtaka iyong pagtatanong niya kung sino ang boyfriend ko, o pinaghinalaan ang kakaiba niyang expression. Alam na niya kung sino ako, alam niya iyong nangyari noong fiesta. Puro akala, samantalang umpisa pa lang naman ay alam ko na dapat na hindi ako nagtitiwala sa kung sino roon sa munisipyo. Lahat sila ay alipin ng isang Mayor Velasquez, lahat sila ay takot sa posibleng gawin nito. Mariin akong pumikit. Humigpit din lalo ang pagkakayakap ko kay Calvin at kung walang katapusan man ang biyahe naming iyon ay hinding-hindi ako bibitaw sa kaniya. Iyon nga lang ay nakarating na kami sa Centro. Wala akong pagpipilian kung 'di ang bumaba. Sumama rin ako sa kaniya upang mamili sa loob ng palengke. May kalawakan iyon, pero dahil wet market ay literal na amoy malansa, maputik at maraming tao. Madaling hinawakan ni Calvin ang kamay ko, hawak-hawak lang niya ako habang nili-lead ang daan patungo sa bilihan ng mga isda. Mayamaya lang nang pareho kaming huminto sa harap ng matandang lalaki, marami siyang tindang mga isda. Masasabi ko ring mga fresh iyon at bagong hango pa sa dagat. Ang iba kasi ay tumatalon-talon pa. Nang makita ni Manong sa Calvin ay siya kaagad ang inuna nito, para bang suki na rito si Calvin. "Ikaw pala 'yan, Calvin." Hindi maitatago ang tuwa sa mukha ng matanda. "Bibilhin mo ba ulit lahat ng paninda ko?" Natawa si Calvin at marahang umiling. "Hindi po muna. Bibili lang kami ng mackeral at gustong kumain nitong girlfriend ko." "Girlfriend?" sabay pa naming palatak ni Manong sa tinuran ni Calvin. Malakas na tumawa si Manong. "Naku! Ikaw talagang bata ka! Hindi ka nagsabi na iba na pala ang girlfriend mo. Nasaan na ba 'yung si ano... 'yung inaanak ni Mayor! Si ano— ah, si Bianca Tumbali! Hiwalay na ba kayo?" Iyong mumunting kilig sana na mararamdaman ko kay Calvin sa pag-claim niyang girlfriend niya ako ay mabilis pa sa kidlat na naglaho. Nakatitig lang ako sa mukha ng matanda. Narinig ko ang lahat ng sinabi niya, pero ni isang emosyon ay wala akong ipinakita. Maagap akong nalingunan ni Calvin. Dinungaw niya ako ngunit nananatiling blanko lang ang mukha ko. Hindi ko na tiningnan pabalik si Calvin. Naramdaman ko ang pagka-tense ng katawan niya dahil sa magkasalikop naming mga kamay. Ilang sandali nang nagkamot siya ng batok bago nag-angat ng tingin kay Manong. "Hindi ko po naging girlfriend si Bianca, ‘Tay. Magkaibigan lang kami no'n," paliwanag ni Calvin habang mahinang tumatawa. "Ganoon ba? Eh, gano'n kasi ang pagkakaalam ng mga tao rito. Bagay nga kayo no'n! Hindi ka na lugi, inaanak pa ng Mayor." "Pero hindi ko po gusto si Bianca, may gusto po akong iba. Siya iyon, ‘Tay." Itinaas ni Calvin ang magkahawak naming kamay, tipong gusto akong ipakilala kay Manong. "Siya si Jinky Verra Bolivar. Galing Manila, ‘Tay, kaya mas bagay kami." "Kung sabagay nga naman..." Nagtawanan ang dalawa. Nailing na lamang din si Manong, kapagkuwan ay tinanguan ako. Tipid akong ngumiti bilang sukli. Alam ko naman ang totoo, kaya hindi na rin ako dapat na naaapektuhan. Ganoon pa man ay iba pa rin talaga iyong atake ng ibang tao dahil lang sa ‘pagkakaalam’ nila, mas masakit kasi iyon— iyon bang ibang-iba iyong expectation nila kaysa sa reality na nangyayari, kaya para silang dismayado. Iyon lang naman ang pakay namin sa palengke. Matapos naming bumili ng isang kilo ng mackerel ay kaagad din naming nilisan ang Centro. Sa biyahe pabalik ay mas dumoble ang kagustuhan kong pananahimik. Sa bahay-bakasyunan ni Calvin ay tumigil ang motor. Nauna akong bumaba at hinintay siya para paunahin sa kaniyang bahay. Hawak ulit niya ako, sa isang kamay naman niya ay iyong plastic bag. "Ginabi na tayo. Sana ay hindi ka pa masyadong gutom at lulutuin ko pa ito," pahayag ni Calvin nang makapasok kami sa loob ng bahay. Wala akong kain ng tanghalian. Kumakalam na rin ang tiyan ko dahil sa gutom, pero hindi naman niya iyon kasalanan. Umiling ako. "Hindi pa naman." "Dito ka na muna kaya? Gusto mo bang manood ng movie?" Umiling ulit ako. "Hindi. Mas gusto kitang panoorin magluto." Kumibot ang labi ni Calvin. Hindi na rin naitago ang tuwa niya. Madali siyang tumango at muli akong hinila. Sabay kaming pumasok ng kusina, kapagkuwan ay pinaupo niya ako sa isang stool mula sa countertop. "Huwag mo akong masyadong titigan, ah? Hindi ako makakapag-concentrate kapag gano'n," wika niya dahilan para mahina akong tumawa. May kalakasan ko pa itong hinampas sa kaniyang braso, pero sa tigas ng katawan niya at hindi man lang siya nag-react. "Sige na, Calvin. Magluto ka na." Humalakhak siya, animo'y naging musika sa akin ang pagtawa niyang iyon na pumupuno sa kabuuan ng kusina. Saglit na naglaho ang kaninang bumabagabag sa akin. Ilang sandali nang iwan niya rin ako roon. Nakangiti lang ako habang pinagmamasdan ang malayong pigura ni Calvin. Suot pa rin niya ang pangpulis na uniporme. Hapit na hapit iyon sa kaniyang katawan, kaya bawat galaw niya ay talaga namang nagpe-flex ang mga muscle nito. Ilang sandali pa nang matapos siya. Umuusok pa ang inihain niyang grilled mackerel fillets sa gitna ng lamesa. Tinulungan ko na rin siya at ako na ang kumuha ng dalawang pinggan, pares ng kubyretos at mga baso. Mula pa sa ref ni Calvin ay kinuha ko ang isang yogurt. Dala-dala ko iyon hanggang sa makaupo ako. Tumabi sa akin si Calvin, siya na ang naglagay ng kanin sa pinggan ko. Nagsalin din siya ng tubig sa baso ko. "Hindi ko alam na gusto mo ng yogurt, sana ay bumili pa tayo nang mas marami sa Centro," malumanay na saad ni Calvin. "Okay na 'to, pangsawsawan lang naman." Napipilan naman akong tinitigan ni Calvin dahil sa sinabi kong iyon. Nangasim pa ang mukha niya nang simulan kong i-dip ang mackerel sa tub ng yogurt. Nilasap ko iyon sa bibig ko matapos kong isubo. "Masarap?" takang pagtatanong niya. "Hmm." Tumango-tango ako, ayaw maniwala ni Calvin ngunit ginaya niya ang ginawa ko. Kumuha siya ng mackerel at isinawsaw din sa yogurt na strawberry flavor. Dahan-dahan kung isubo niya iyon, naging marahan din ang pagnguya niya. Mayamaya lang nang halos bumaligtad ang sikmura niya. "Hindi naman..." bulong ni Calvin. Natawa ako at hindi na maipintura ang kaniyang mukha. Hindi na siya umulit pa. Samantalang maubos ko ang isang tub ng yogurt sa buong oras na kumakain kami. Dala siguro na gutom na gutom na ako. But I know for sure, ito ang sinasabi ni Doc. Angeline na food cravings. "Ang sarap grabe!" sambit ko, kapagkuwan ay malakas pang dumighay. Ngumisi si Calvin, kalaunan nang magseryoso siya at mariin akong tinitigan. "Hindi kaya ay buntis ka, Verra?" Sa narinig ay saglit akong natahimik. Nagkatitigan kaming dalawa, tipong nagsusukatan at sino ang unang titiklop. Ilang sandali nang mapangiti ako at madaling nag-iwas ng tingin. "Paano kung buntis nga ako?" "Eh, ‘di mas magkakaroon ka na ng dahilan para magpakasal sa akin." Tumawa siya, animo'y sinasakyan ang kalokohan ko. "But I love the idea na magiging ama na ako. I promise, magiging mabuting asawa at ama ako sa mga anak natin, Verra." Humagalpak ako ng tawa at tuluyang ibinigay sa kaniya ang atensyon. Panay lang ang pagtawa ko habang sinusundan din ng tingin si Calvin na siyang abalang nag-aayos ng pinagkainan namin. Siya na ang naghugas ng plato at ayaw niyang mahirapan ako. "Uuwi tayo ng Manila. Ipapakilala kita sa pamilya ko, sa buong angkan pa. Tapos ay mamanhikan kami sa pamilya mo," patuloy niyang sambit. "Kung hindi nila ako gusto para sa 'yo, liligawan ko rin sila hanggang sa tuluyan silang pumayag, hanggang sa matanggap nila ako na maging asawa mo." Halos mahabag ang damdamin ko sa mga naririnig. Ramdam ko ang kirot sa puso ko, kasabay ng labis na kasiyahan. Lumamlam ang dalawang mata ko sa nagbabadyang luha, pero malaki ang pagpipigil ko sa sarili. Nang hindi ko rin makayanan ay tuluyan akong tumayo. Nakatalikod si Calvin, kaya hindi niya napansin ang paglapit ko sa kaniya. Wala ring sabi-sabi nang yakapin ko ito mula sa likod niya. Literal na nagulat ito. Mayamaya lang nang haplusin niya ang braso ko. Gusto niya akong harapin ngunit mas humigpit lang ang pagkakayakap ko sa kaniya. Isinubsob ko rin ang mukha sa kaniyang likod. "Masaya ako na nakilala kita, Calvin," mahina kong sinabi, tingin ko naman ay naririnig niya ako mula rito. Kumalma ang tensyonado niyang katawan. Narinig ko ang maluwang niyang pagbuntong hininga. Hinayaan na rin niya ako sa ganoong posisyon. "Masaya ako na tinanggap mo ako, na minahal mo ako kahit na alam mong may unang lalaki akong minahal. Salamat sa lahat, sa pagpapasaya sa akin, sa pag-aalo sa tuwing malungkot ako, sa pagsama sa akin sa mga lugar na gusto kong puntahan, sa pananatili sa tabi ko kahit mas gusto kong mapag-isa, sa pagmamahal na tingin mo ay deserve ko. Maraming salamat, Calvin." Tumulo ang luha ko, rason para mas isiksik ko ang mukha sa likod niya. Naramdaman ko ang kagustuhan niyang iharap ako, pero umiling-iling ako. "Kung magpapakasal ako, gusto ko ay ikaw 'yung magiging groom ko. Gusto ko na ikaw 'yung lalaking naghihintay sa akin sa altar kasama ng pari. Kung magkakaanak man ako ng marami, gusto kong ikaw ang magiging ama. Gusto ko na ikaw iyong kasama ko habambuhay, kaya oo, Calvin, sinasagot na kita. Simula ngayon ay girlfriend mo na ako at boyfriend kita. Ibibigay ko lahat sa 'yo kahit ang karapatan na saktan ako..." "Verra," pagtawag ni Calvin sa namamaos na boses, pilit pa rin siyang kumakawala. "Mahal kita, Calvin." "I love you, too, Verra. But why does it sound like you're saying goodbye, hmm?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD