CHAPTER 10

2244 Words
Totoong wala na akong naging pakialam pa sa paligid ko. Sa natitirang oras ko sa munisipyo ay inabala ko ang sarili sa trabaho. Hanggang sa dumating ang oras ng uwian. Kaagad akong tumayo matapos kong ayusin ang lamesa ko. Bitbit ko na ang sling bag ko. Saglit lang akong nagpaalam sa guard na nasa labas bago dere-deretsong nilisan ang munisipyo. Hindi na ako nagpaalam. Total ay wala na rin naman na silang pakialam pa. Bakit pa ako mag-aaksaya ng panahon na ipagpilitan ang sarili ko? Kung hindi ako kawalan sa kanila, ganoon din sila sa akin. Kung ano man ang ipinapakita nila sa akin ay iyon din ang ibabalik ko sa kanila. "Verra!" maagap na pagtawag sa akin dahilan para mapahinto ako sa paglalakad. Nang malingunan ko iyon ay nakita kong si Ma'am Darlene iyon na kalalabas lang din. Lakad-takbo ang ginawa niya para lang lapitan ako. Nangunot ang noo ko habang hinihintay siyang makalapit sa akin. "Nakalimutan mo ito sa lamesa mo," mahinang sambit niya at saka pa inilahad sa harapan ko ang lunch bag ko. Mabilis ko iyong kinuha. "Salamat, Ma'am." "Walang anuman." Tipid siyang ngumiti, naging alanganin din ang itsura niya na para bang gusto pa niyang dumugtong. "Mauna na po ako," casual kong pahayag. Tumalikod ako ngunit napatigil ulit nang hawakan niya ang braso ko. Muli ko siyang nilingon at maiging tinitigan. Lumikot ang dalawang mata niya. Kalaunan nang mapabuntong hininga siya at bahagyang yumuko habang hawak pa rin ako. "Pasensya ka na, ah? Kung hindi kita maipagtanggol sa kanila. Totoo na ayaw ko lang ding madamay. Sa ilang taon na nagtatrabaho ako rito ay kilala ko na si Mayor Velasquez. Alam ko kung ano ang mga gawain niya sa mga taong hindi niya gusto, o bumabangga sa kaniya. Siguro ay ganoon din sina Ma'am Every at Ma'am Cris, natatakot lang din sila na mawalan ng trabaho," mahabang wika niya. Tipid naman akong ngumiti. "Wala iyon." "Pasensya ka na talaga—" "Ma'am Darlene!" malakas na pagtawag sa kaniya ni Ma'am Every, kasabay nito sa paglalakad si Ma'am Cris. Bago pa man sila makalapit sa pwesto namin ay ibinalik ko ang tingin kay Ma'am Darlene. Dahan-dahan kong tinanggal ang pagkakahawak niya sa braso ko. Baka lalo pa siyang mapasama kung sakali. Ayoko naman ding mangyari iyon. Kahit papaano ay napatunayan ko na sa kanilang tatlo, si Ma'am Darlene ang naging totoo kong kaibigan. At naiintindihan ko kung lalayo siya sa akin dahil ayoko rin naman talagang madamay siya. "Mauna na ako sa inyo." Mabilis akong tumalikod at tinungo kung saan parating naka-park ang motor ko. Hindi na rin ako nagulat nang makitang naroon si Calvin. Nakaupo siya roon habang matamang naghihintay sa akin. Nang magtama ang mga mata namin ay kaagad sumilay ang ngiti sa kaniyang labi. Tumuwid din ito sa kaniyang pagkakaupo. Napangiti ako, kalaunan nang huminto ako sa gilid niya at saka siya tinapatan. "Hindi ka umuwi?" takang pagtatanong ko nang mapagtantong baka nga tumambay lang siya rito sa nagdaang oras. "Oo, hindi na." "Sana ay umuwi ka na muna. Ang tagal mong naghintay," palatak ko rito. "Ayos lang, Verra. Nakipaglaro na lang ako ng basketball kanina habang hinihintay kang mag-out," malambing niyang sinabi habang titig na titig sa mukha ko. Kumibot ang labi ko para sa panibagong ngiti. Hindi na ako nagsalita. Pumwesto ako sa likod niya para umangkas. Umusog siya ng kaunti, saka naman niya kinuha ang dalawang kamay ko at siya na mismo ang gumiya roon para yakapin ko siya. "Kumapit ka nang mabuti, pakakasalan pa kita," sambit ni Calvin, tuluyan nang napunit ang labi ko dahil sa sobrang pagkakangiti ko. "Corny," bulung-bulong ko para pagtakpan ang sariling kakiligan. Hindi rin nagtagal nang magsimula siyang magmaneho sa mabagal na paraan. Sa oras na iyon ay hindi na ganoon katirik ang araw, hindi na masakit sa balat ang sikat nito. Bagkus ay mas lamang ang lamig na dala ng hangin sa hapong iyon. Unti-unti kong inihilig ang ulo sa likod ni Calvin. Dinama ko ang tikas ng kaniyang likuran, kung gaano iyon katigas at kakisig. Dinig ko pa mula rito ang malamyos na pagtibok ng kaniyang puso. Samantala ay ibang-iba sa kung ano ang nararamdaman ko. Halos magkumahog ang dibdib ko, nanghihina ako dahil sa mabilis at marahas na pagririgodon ng puso ko. Apektado ang paghinga ko at para akong naghihingalo. Tanda na ba ito na gusto ko na rin si Calvin Frias? Kasi hindi naman magre-react ng ganito ang puso ko kung wala lang siya sa akin. Hindi magiging ganito ang epekto niya sa katawan at sistema ko kung hindi siya special na lalaki para sa akin. Ibig sabihin ba nito ay naka-move on na ako kay Andrew? Kaya ko nang magmahal ulit dahil wala na siya sa puso ko. Kung ganoon ay masaya ako para sa sarili ko. Achievement ko na ring maituturing iyon. Malaki rin ang naging tulong sa akin ni Calvin para tuluyan akong makalimot. Naging parte siya ng buhay ko rito sa Isla Mercedes. Malaki ang naging ambag niya sa akin, kaya kung sasaktan man niya ako, siguro ay ayos lang. Halos matawa ako sa naisip kong iyon. Martyr na ba akong matatawag? O dahil tinanggap ko na ring kaya ko siyang ipaglaban sino man ang hahadlang sa amin? Nagparaya ako noon para mabuo ang pamilya nina Elsa at Andrew. Nagparaya ako para sa ikasasaya at ikabubuti ng lahat. Ngayon ba ay kailangan ko ulit na magparaya? Ako ba ulit ang iintindi? Hindi ba pwede na ako naman; ako muna? Gusto ko ring maranasan na maging masaya. Iyong tipong walang hangganan, iyong walang expiration sana. Iyong tuluy-tuloy. Kaya kung hindi man ako magbibigay daan ngayon ay pasensya na. Sa lalim ng pag-iisip ko ay hindi ko na namalayang nakarating na kami ni Calvin sa Centro. Naka-park na ang motor sa tapat ng isang cake station. Naguguluhan man ay bumaba rin ako, kasunod ni Calvin. "Naalala ko na tinititigan mo ito noon, kaya naisip ko na rito ka dalhin. Baka gusto mo ng cake," tumatawang banggit ni Calvin habang kinakamot ang kaniyang batok. "Total ay ikaw naman ang nag-aya, ako na ang sasagot sa date natin." "Pero—" Kaagad niya akong inakbayan at saka pa isinama sa kaniyang paglalakad. "No buts, Verra. Minsan ka lang maging mabait sa akin, sasagarin ko na." Nagtaas ako ng kilay. "Mabait naman ako!" "Alam ko, pero bakit pagdating sa akin ay palagi kang masungit?" animo'y batang nagtatampo na tanong niya. Naiinis kasi ako kung bakit ganoon na lamang kalakas ang epekto mo sa akin kahit bago pa lang naman tayong magkakilala. O dahil din hindi ko matanggap na mabilis akong nahulog sa 'yo kahit nasa kalagitnaan pa ako ng pagmu-move on ko. Gusto ko sanang sabihin ang mga iyan, pero mabibigyan ko lang siya ng kasiyahan kapag ginawa ko iyon. Lalo lang siyang mababaliw sa akin. Napanguso ako habang pinipilit ang sarili na huwag ngumiti. "Kaya dinala na kita rito sa cake station, baka sakali na maging sweet ka rin sa akin," dagdag ni Calvin, kapagkuwan ay binuksan ang pinto ng shop para sa aming dalawa. Hindi gaano ang tao sa loob kung kaya ay mabilis din kaming nakahanap ng pwesto. Malapit sa glass window kami naupo. May lumapit na waiter para kunin ang order at si Calvin na rin mismo ang nag-order ng para sa akin. Abala kong tinitingnan ang mga tao sa labas ng shop nang maramdaman ko ang paninitig ni Calvin. Dahan-dahan ay ibinalik ko sa kaniya ang atensyon. Nasa tapat ko siya nakaupo kung kaya ay mas natititigan niya ako nang maayos. "Bakit?" sipat ko rito. Umiling siya at saka ngumiti. "Bini-visualize ko lang kung gaano ka kaganda kapag suot mo na ang wedding gown mo kapag ikakasal na tayo." Wala pa man akong iniinom ay halos mabilaukan ako. Kumawala ang mumunting tawa ko. Kalaunan nang mningkit ang mga mata ko para samaan siya ng tingin. "Gusto mo talagang makasal sa akin?" natutuwa kong tanong. "What if malaman mong hindi naman pala ako ganoon ka-worth it na mahalin?" Tumagilid ang ulo ni Calvin. "You are worthy of love no matter what you have done or not have done. You're maybe imperfect and flawed, but you deserve to be loved and respected, Jinky Verra Bolivar." Sa huling narinig ay bulgar na nanlaki ang mga mata ko. Umawang din ang labi ko. Gusto kong magsalita ngunit ni isang letra ay wala akong makapa sa dila ko. "You deserve to be happy, Verra. At ibibigay ko lahat ng kailangan mo para lang maging masaya ka, kahit katawan ko—" Napahinto siya nang maagap kong sinagi ang kaniyang binti. Humalakhak siya at sa maliit na espasyo ng shop na ito ay dinig na dinig ang kaniyang pagtawa. Umaalingawngaw iyon dahilan para mapagtinginan kami. "Just kidding, but of course, if you want my body, I am more than willing—" Isa pa ulit danggi sa binti niya ay tumigil siya. Mabilis niyang itinaas ang dalawang kamay sa ere, tanda ng pagsuko niya. Pilit din niyang pinipigilan na huwag matawa. Ganoon pa man ay halos maningkit na ang mga mata nito sa sobrang katatawanan. Inirapan ko ito at saka naman ako humalukipkip. "Paano mo pala nalaman ang buong pangalan ko?" Napangisi niya. "Tiningnan ko ang bio-data mo sa munisipyo." "Hindi ka rin stalker, ano?" Tumawa lang siya. Saglit kong pinanood ang masaya niyang mukha. Tila ba walang kapantay ang kasiyahan niya kapag kasama niya ako. Ang sarap isipin na sa akin lang siya sumasaya ng ganito. Ilang sandali pa nang dumating ang order namin. Isang buong cake at dalawang cup ng mocha latte, kaya napanganga ako. Hindi na lang din ako nagreklamo pa at sinasabi ko nang wala akong magiging laban sa kaniya. Tahimik kaming kumain ni Calvin. Mula pa sa speaker ng shop ay background namin ang isang malumanay na kanta, na mas lalong nagpapaganda ng ambiance sa paligid. "Kung babalik ka man ng Manila, sabihan mo ako," untag ni Calvin, rason para mapatingin ako sa kaniya. "Bakit? Sasama ka?" pang-aasar ko ngunit nananatiling seryoso ang mukha nito. "Magagalit ka ba kapag sinabi kong oo?" balik pagtatanong niya. Saglit akong nag-isip. Doon din naman talaga siya nakatira. Pwede siyang sumabay sa akin kung luluwas nga ako pabalik. "I want to be with you forever, Verra. That's why I want to marry you," segunda niya. "Kung nasaan ka ay gusto kong naroon ako. Palagi kitang pasisiyahin. Bibigyan kita ng rason para araw-araw kang masaya." Naitikom ko ang bibig ko sa narinig. Awtomatiko ring namula ang pisngi ko at hindi ko na iyon maitatago pa. Bakit ba ganito siya kabulgar at ka-sweet? Hindi ko kinakaya. Hindi rin ako sanay. "Kaya mo bang maghintay?" alanganin man ay naisatinig ko iyon. Maagap at kasing bilis ng kidlat ang pagngiti ni Calvin. "Kahit gaano pa 'yan katagal. Kaya ko, Verra. Hihintayin kita." Ngumiti ako. "Promise?" Iniangat ko ang isang kamay sa ere, kapagkuwan ay ikinuyom at iniwan lang ang pinky finger ko. Mabilis namang inilingkis ni Calvin ang kaniyang hinliliit bilang pag-lock sa pinky promise namin. "Promise, Verra," malamyos niyang saad. Pareho kaming nakangiti sa nagdaang oras. Bago pa man din umuwi ay nagpasya na muna akong dumaan sa mini grocery store ng Centro. Bumili lang ako ng kaunting stock ng pagkain, pati na rin ibang gamit para sa bahay at pang-personal hygiene. Si Calvin ang may dala ng basket. Nasa counter na kami at isa-isa kong pinapa-scan sa cashier ang mga kinuha ko. Tinatantya ko pa kung magkakasya ba ang perang dala ko rito sa bag ko. "Baka kulang pa 'to. Kumuha ka na nang marami, ako na ang magbabayad," ani Calvin na itinuturo ang mga pinamili kong pagkain ngunit umiling ako. "Tama lang 'to para sa pang-isang linggo." "Kung titira ako sa bahay mo ay talagang kulang pa 'to." Marahas ko siyang tiningala. "Mas marami kang pera kaysa sa akin, pero sa akin ka pa makikitira? Umuupa lang din ako." "Ako na rin ang magbabayad." "Baliw ka na." Umiling-iling ako, pero natatawa na rin dahil sa kahibangan niya. Nagmukha lang kaming mga takas sa Mental. Nang matapos magbayad ay kaagad akong kumalas sa kaniya at parang ako pa itong nababaliw sa kaniya. Hinabol naman niya ako at madaling inakbayan. Nagpasya na rin kaming umuwi. Kagaya ng palaging nangyayari ay si Calvin ang nagmamaneho. Ako ang angkas at buhat ang ilang plastic bag. Ang iba kasi ay nasa harapan niya, nakasabit sa motor. Gabi na nang makauwi ako sa bahay. Pinauwi ko na rin si Calvin at hindi pwedeng dito siya tumira katulad ng sinasabi niya. Masyado na siyang nakakampante portket mabait ako sa kaniya, hmp. Saglit kong inayos ang mga pinamili ko. Inilalagay ko sa tamang lagayan. Ang mga sabon at shampoo naman ay diretso kong iniimbak sa cabinet na naroon sa maliit na banyo. Naroon din ang dalawa pang plastic ng napkin, pangatlo itong nabili ko. Hindi ko namalayang hindi ko pa iyon nagagamit at hindi pa nababawasan kahit isa. Hindi naman ako irregular. Malapit na rin naman siguro akong datnan kaya hindi ko na iyon inisip pa. Sa gabing iyon ay magka-text pa rin kami ni Calvin kahit parang pakiramdam ko ay buong araw ko siyang nakasama. Inabot kami ng madaling araw, kaya paggising ko kinaumagahan ay nanlalata ang katawan ko. Animo'y may humahalukay pa sa tiyan ko dahilan para mabilis akong bumangon sa pagkakahiga. Dali-dali akong tumakbo patungo sa kusina. Yumuko ako sa sink at doon isinuka ang gustong ilabas ng lalamunan ko. Mariin akong napapikit at nahilot ang sentido. "Panis yata 'yong cake..."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD