CHAPTER 9

2243 Words
Sa munisipyo ay hindi ko alam kung paano ko pa maihaharap ang mukha sa mga katrabaho ko, lalo sa mga taong naging close ko na. Sina Ma'am Darlene, Ma'am Every at Ma'am Cris. Hiyang-hiya ako sa nangyari. Hindi ko rin alam kung dapat ba akong humingi ng tawad sa naidulot kong gulo kay Mayor, na sa totoo lang ay hindi ko naman kasalanan. But then, ako iyong naging puno't dulo kung bakit nagkaganoon, kaya marapat lang din na humingi ako ng paumanhin. Ayoko namang magtrabaho na may ilangan sa kapwa ko katrabaho. Iyon nga rin ang rason ko kung bakit ako umalis sa Dela Vega Publishing House dahil hindi ko kinaya. Ngayon ay saan pa ako pupulutin kung hindi ko ibababa ang pride ko? Mag-isa ako ngayon rito sa tanggapan ng munisipyo, oras pa ng trabaho kaya marahil ay hindi pa lumalabas sina Ma'am Darlene. Hindi ko pa sila nakikita ngayong araw. Baka nga tambak din sila ng trabaho dahil sa nagdaang fiesta ng Isla Mercedes. Tahimik sa lobby. Kinuha ko na lang iyong pagkakataon na magtrabaho nang matiwasay. Hindi ko namalayan ang oras. Pumatak ang alas dose. Nagsimulang maglabasan ang mga tao sa loob. Nag-angat ako ng tingin upang salubungin ang paglabas nina Ma'am Darlene, pero naubos na lang yata ang tao sa loob ay hindi ko sila nakita. Nangunot ang noo ko. Tumayo naman ako para pumasok at silipin sila. "Ma'am Darlene," untag ko nang mabungaran siya, saktong palabas na pala siya. "Tara na, Ma'am Darlene," ani Ma'am Every at bahagya pang hinatak si Ma'am Darlene sa kaniyang braso. "Saan po kayo kakain? Sasama po ako!" mabilis kong agap, kapagkuwan ay pilit silang sinabayan na maglakad. "Hindi na, Verra. Papunta kasi kami ngayon sa bahay ni Ma'am Darlene, roon kami kakain ng tanghalian," sabat ni Ma'am Cris kaya napahinto ako. Napatingin ako kay Ma'am Darlene. May hawak siyang lunch bag, naroon ang pagkain niya. Samantalang sina Ma'am Cris at Ma'am Every ay tanging wallet at cellphone lang ang dala nila; wala silang baon. Sa totoo lang, kaya ko rin sila naging close ay dahil hindi naman nagkakalayo ang mga edad namin. Mas matanda sila ng kaunti sa akin, pero pare-pareho naman kami ng vibes kaya napagpalagayan ko na rin sila ng loob sa maikling araw na nandito ako. "Sige po, sasama ako," maligaya kong sambit ngunit mabilis na umiling si Ma'am Every. "Gusto ni Ma'am Darlene na kaming tatlo lang. Hindi ba, Ma'am Darlene?" Nilingon ni Ma'am Every si Ma'am Darlene, noong una ay nag-alangan pa ito. Hindi mawari ang kaniyang mukha. Kalaunan nang marahan siyang tumango bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Ma'am Every. "Oo, kaming tatlo lang, Verra," segunda niya. Umawang ang labi ko, ganoon pa man ay tumango rin ako at ngumiti. Hindi na sila nagsalita pa. Tangkang maglalakad ulit sila nang magsalita ako, dagli ko ring nahawakan ang kamay ni Ma'am Every. "Siya nga po pala, pasensya na sa nangyari kagabi. Hindi na po iyon mauulit," malumanay kong pahayag. Isang beses akong nilingon ni Ma'am Every. Pinasadahan niya ako ng tingin pamula ulo hanggang paa bago niya dahan-dahan na hinila ang braso. Dumulas ang pagkakahawak ko sa kaniya. "Dapat lang naman, Verra. Kasi nakakahiya talaga iyong ginawa mo, na after ng incident ay nawala ka bigla. Ni hindi ka man lang din humingi ng tawad sa mga taong naiwan doon, lalo kina Mayor na sobrang nadismaya at naputol ang kasiyahan," matapang at dere-deretsong wika ni Ma'am Every. "Mag-ingat ka na lang din, Verra. Kasi inaanak ni Mayor iyang si Bianca Tumbali," dagdag ni Ma'am Cris. "At ayaw lang din naming madamay. Baka sabihin na tino-tolerate namin iyang ginagawa mo." "Ano pong ginagawa? Hindi ba't alam niyo naman pong wala kaming relasyon ni Calvin?" naguguluhan kong saad. "Wala ba talaga? Ilang beses na kayong nahuhuling magkasama, palagi ring sabay na dumarating dito sa munisipyo. Kung ganoon ang nakikita ng ibang tao, ano pa kami na nandito at katrabaho mo, Verra? Nakikita rin namin iyon, pero dahil alam naman naming natural ng mabait si Cop. Calvin ay akala naming normal lang iyon. Pero nag-take advantage ka, Verra." Si Ma'am Every na parang gusto pa akong idiin. Lalong nagsalubong ang dalawang kilay ko. Gusto ko pang matawa sa katotohanang akala ko ay pwede ko silang maging kakampi, na sapat ng rason iyong naging bonding namin sa trabaho, pero bakit ganito? "Hindi po iyon gano'n—" "Tara na, Ma'am Every at Ma'am Cris. Nasasayang 'yung oras natin, babiyahe pa tayo," sabat ni Ma'am Darlene kung kaya ay hindi na natuloy ang gusto ko pang sabihin. Napatitig ako sa mukha ni Ma'am Darlene. Hindi siya makatingin nang deretso sa akin na para bang ayaw na niyang magkaroon ng connection sa akin. Bumuntong hininga si Ma'am Every at dismayado akong tiningnan. Wala na silang naging salita. Mabilis lang silang tumalikod at nagmamadaling lumabas ng munisipyo. Natulala naman ako sa pintong pinaglabasan nila habang iniisip kung ako nga ba talaga iyong mali. Saglit kong inalala ang mga naging paliwanag ni Calvin kay Bianca; hindi raw sila. Hindi rin siya nagpahiwatig ng pagkagusto rito. Hindi siya niligawan ni Calvin. Tanging pagkakaibigan lang ang mayroon sila. Ngunit lahat iyon ay nakikita ni Bianca bilang panliligaw sa kaniya ni Calvin. Sa madaling salita ay nilalagyan niya ng malisya ang lahat ng ginagawa ni Calvin. Nakagat ko ang pang-ibabang labi. Hindi ba't parang ganoon din ang nangyari sa akin noon kay Andrew? Umasa rin ako dahil sa mga mumunting efforts ni Andrew na siyang inilalaan niya sa akin. Akala ko ay totoong gusto niya ako, bandang huli ay may dahilan pala ang lahat. Niligawan niya ako, pero pinaasa lang pala ako sa wala. Alam niyo 'yon, habang galit-galitan siya kay Elsa ay ako itong panakip-butas niya upang saktan at pagselosin si Elsa. Bumuntong hininga ako. Bakit ba kailangan na mangyari at maulit pa ito? Ilang minuto ang lumipas nang matagpuan ko na lamang ang sarili na naroon sa kubo mula sa likod ng munisipyo, iyong palagi kong pinupuntahan at tinatambayan. Walang tao roon kung 'di ako lang mag-isa. Dito na ako kumain ng tanghalian, mabuti at may baon ako. Higit sa lahat ay wala akong mukhang maihaharap sa iba ko pang katrabaho. Ramdam ko rin naman na iniiwasan nila ako. Kaysa ipagpilitan ko ang sarili ay mas gusto kong mapag-isa. At least dito ay walang nanghuhusga sa akin, na kahit alam naman nila ang totoo ay bulag-bulagan pa rin sila dahil lang sa reyalisasyong inaanak ni Mayor si Bianca Tumbali; ayaw nilang madamay sa gulo. Wala rin si Calvin at hindi ko alam kung nasaan siya. Hindi naman din kasi pwede na palagi siyang nasa tabi ko, nakabuntot at nakabantay kahit pa oras ng trabaho ko. Kung nasaan man siya ay malamang na nasa tabi-tabi lang 'yon, kagaya nga ng sinabi niya ay naka-leave ito sa trabaho. May iilan din siyang iniiwang text from time to time na hindi ko naman binabasa. Hindi na rin ako nag-aaksaya ng oras para reply-an pa siya. Sa ngayon kasi ay gusto ko munang mapag-isa habang nag-iisip. Ganoon na ba ako kasama? O ganoon nga marahil kasamang tao iyong binangga ko? Walang kumakampi sa akin. Iyong nag-iisang tao na gusto namang manatili sa tabi ko ay hindi ko alam kung nararapat ba o hindi. Malakas akong bumuntong hininga. Iyong tipong ayoko nang mag-isip pa, pero palagi akong nababagabag. Pakiramdam ko ay hindi na ako belong dito sa Isla Mercedes. Pero simula umpisa ba ay tanggap na ako rito? Dapat ba ay nanatili na lang ako sa Manila at nagtiis sa sakit habang nakikitang masaya sina Andrew at Elsa? Sino bang nagsabing pumunta ako rito sa isla? Sa lahat pa ng lugar dito sa Pilipinas ay bakit dito pa? Pagak akong natawa. Wala akong makitang sagot para roon kung kaya ay muli akong nagbuntong hininga. Hindi naglaon nang magpasya akong tumayo na. Nilisan ko ang kubo at nagsimulang maglakad. Medyo matarik ang daan paakyat. Kahit papaano ay malaking tulong ang ginawang hagdan na yari sa mga bato. Nang nasa patag na ay saglit kong pinagpag ang dalawang sapatos ko dahil sa mga lupang kumapit. Hawak-hawak ang baunan ko nang lumiko ako papasok sa munisipyo, pero bago pa man din ako tuluyang makapasok ay kaagad na akong napahinto nang masilayang nag-aabang doon si Bianca Tumbali. Nasa itsura niya ang pagkabagot, para bang kanina pa siya naroon at nag-aabang. Hindi na ako nag-isip kung sino ang pakay niya, ako iyon panigurado. Ayaw lang niyang bumaba sa kubo, kaya rito na siya naghintay. Nakaupo siya sa isang silya. Ang dalawang kamay ay nakahalukipkip sa itaas ng kaniyang dibdib, ganoon din ang mga binti at sadyang nakakrus. Nang makita niya ako ay dali-dali siyang tumayo. "Anong kailangan mo?" panimula ko habang pinapanood ang mabilis niyang paglalakad, animo'y manunugod. Isang beses akong umatras para bigyan siya ng espasyo sa gitna ko nang huminto siya. Ngunit isang hakbang din paabante ang ginawa niya. Pareho naman kami ng tangkad, kaya madaling nagpantay ang mga mukha naming dalawa. "Bakit ka nandito?" takang tanong ko ulit, siya namang pagtawa niya. "Ikaw dapat ang tinatanong ko niyan; bakit ka ba kasi nandito sa isla? Taga-Manila ka, hindi ba? At balita ko, kaya ka nandito ay dahil na-brokenhearted ka sa Manila." Nalaglag ang panga ko sa sinabi niya. Sa gulat ay hindi kaagad ako nakapagsalita. Papaano niya iyon nalaman? Nang makita ni Bianca ang reaksyon ko ay mapakla siyang tumawa. Hindi pa maiwasang manikip ang dibdib ko sa kung sino ang nagsabi sa kaniya no'n dahil sa iisang tao ko lang naman iyon sinabi. Kay Calvin lang ako noon naglabas ng hinanakit. Si Calvin lang ang may alam kung ano ba talaga iyong nangyari sa akin sa Manila. "Tama 'di ba?" pang-uuyam ni Bianca. Nang makabalik sa huwisyo ay ngumisi ako. "Alam mo naman pala. Bakit ka pa nagtatanong kung nandito ako?" Sa pagkakataong ito ay siya naman ang nagulat. Napasinghap siya ngunit mabilis ding binago ang kaniyang emosyon. Humakbang siya at saka pa itinulak ang balikat ko dahilan para mapaatras ako. "Brokenhearted ka sa Manila, kaya ba rito ka nagkakalat ng lagim? Kumakalantari ka sa ibang lalaki kahit alam mong committed na siya?" maanghang niyang patutsada. Natawa ako. "Kung alam ko lang, bakit ko ba papatulan si Calvin?" "That's why you should know kung committed na ba 'yung tao bago mo patulan!" "Committed? Kanino? Sa 'yo?" sunud-sunod kong tanong bago ulit tumawa. "Sa pagkakarinig ko ay wala namang kayo. Harap-harapan ka rin niyang itinanggi sa harap ng mga taong dumalo kagabi, sa harap din ng Mayor, sa harapan ko rin mismo—" Hindi ko na natuloy ang sinasabi ko nang bigla niya akong sampalin. Tumagilid ang ulo ko, kasabay nang pag-awang ng labi ko. Itinulak pa niya ako ulit ng ilang beses hanggang sa wala na akong maatrasan pa. "Malandi ka rin talaga, ano? Gusto mo talagang ipinagsisiksikan ang sarili mo kay Calvin??" bulyaw niya sa mukha ko habang hawak na rin niya ang buhok ko. Mariin ko siyang tinitigan. "Sabihin mo 'yan sa sarili mo— ikaw ang malandi. Itinanggi ka na't pinahiya sa lahat, makapal pa rin ang mukha mong maghabol? Ano sa tingin mo ang pinanghahawakan mo? Ni wala nga siyang gusto sa 'yo. Ikaw itong ilusyunada at desperada na akala mong mauubusan ng lalaki—" Isang sampal pa ulit ang iginawad niya sa akin bago ako marahas na itinulak. Napasandal ako sa pader. Gaano man napuruhan ang balakang at likod ko ay nananatiling mapang-uyam ang mukha ko. "Mag-iingat ka sa pananalita mo. Salta ka lang, baka hindi mo rin kilala ang binabangga mo." Idinuro niya ako, kapagkuwan ay itinulak pa ang noo ko. Kaagad ko iyong hinawi. Imbes sana na magpapakumbaba ako, o kahit matakot man lang dahil nga inaanak siya ng Mayor, pero hindi ako nagpunta rito sa Isla Mercedes para lang magpaapi sa kung sino. Hindi ako iyong tipo ng babae na tinitiis ang mga pang-aabuso ng kapwa. Iyong sakit sa puso ko ay kaya ko pang tanggapin, pero iyong ganito? Never. Kahit mapalayas pa ako rito sa isla ay wala akong pakialam. Lalaban ako bilang pagtatanggol sa sarili. Lalaban ako dahil alam kong ako iyong tama. "Bukod sa inaanak ka ng Mayor ay sino ka ba?" Ngumisi ako bago dahan-dahan na umayos sa pagkakatayo, hinarap ko siya. "Wala ka namang naging ambag sa buhay ko, kaya sino ka para itrato ako ng ganito? Huwag mo akong sinusubukan. Baka akala mo ay hindi ako pumapatol sa mga kagaya mong spoiled brat." Naging pinal ang boses ko. Ayoko nang dumugtong pa siya, kaya bago pa man niya iyon magawa ay nilampasan ko na ito. Dinanggi ko ang balikat niya. Sakto namang dumating si Calvin. Nagliwanag ang mukha ko. Abot langit ang naging ngiti ko at eksaherada pang tinawag ang pangalan ni Calvin. Alam kong nakatingin si Bianca. Sinadya kong ikawit ang isang kamay sa braso ni Calvin. "Bakit ngayon ka lang? Patapos na ang break ko," malakas kong sinabi habang todo ngiti. Saglit na nilingon ni Calvin si Bianca sa likod bago ako dinungaw. Kaagad na sumilay ang kaniyang ngiti at sinabayan ako sa masaya kong paglalakad. "Dumaan pa ako sa station namin. Bukas kasi ay papasok na ako," pahayag niya. Tumango-tango ako. "Gusto mo ay date tayo mamayang pag-out ko?" Naguguluhan man ang itsura ni Calvin dahil na rin sa pagbabago ng mood ko ay maagap siyang sumang-ayon. Nagawa pa niya akong akbayan habang hinahatid sa loob ng munisipyo. Wala na rin sa akin kung marami man ang nakatingin. "All right. Gusto ko 'yan, Verra."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD