“Aveeraaaaa!” tawag ko sa kaibigan sa pagpasok ko ng aming classroom.
Napatingin sa `kin ang mga kaklase namin, pero wala ako’ng paki! I’m too happy to care about them!
“O, mukhang ang saya mo, ha?” sabi ni Aveera na tinaasan ako ng kilay. “Isinuko mo na ba ang Bataan?” dagdag n’ya, pabulong.
Agad naman nag-init ang mukha ko!
“Naku, muntik na!” bulong ko pabalik, ”Kaya lang, masyadong fortified ang mga dingding, hindi nakapasok!”
Si Aveera naman ang namula sa sinabi ko!
“Ikaw talaga, Josh! Mga pinagsasabi mo!” napailing ito sa `kin. “Pero ang saya mo ngayon, ha?” ulit n’ya.
“Oo, sinagot na kasi ako ni Louie! Sa wakas!” kinikilig ko’ng sinabi sa kan’ya. “Tapos, nagbonding pa kami ng whole family n’ya! Tinuruan ako’ng magluto ng panganay n’ya, at mukhang tanggap na rin ako ng bunso n’yang mataray!”
“Aba, good for you!” nakangiting sabi ni Aveera. “Sabi ko nga sa `yo, `di ba? Just be yourself!”
“Oo nga, Aveera, at mamaya dadalaw si Louie sa bahay para ihanda ako!”
“Ihanda?” kumunot ang noo ng kaibigan ko, “Para saan?”
Lumapit ako sa kan’ya at bumulong sa taenga n’ya.
“Ugh! Josh!” bigla s’yang lumayo at sumimangot sa akin! “May mga bagay na `di na dapat sinasabi pa!”
“Ah... sorry, masyado lang kasi ako’ng excited! ikaw lang kasi ang nasasabihan ko ng mga `to, eh.” Bumulong `uli ako sa kan’ya. “Sana nga gumana agad, para makapag homerun na kami!”
“Hay, nako, Josh, ikaw nga, ingatan mo mga pinagsasasabi mo, ha? Baka mamaya may makarinig sa `yo, baka kung anong tsismis nanaman ang kumalat sa campus!”
“Ah... tama ka... sige, mula ngayon mag-iingat na ako lagi!”
Kaya nga pagdating ng lunch break, eh, hindi ako nag-kwento kay Rome, pero hindi lang `yun ang dahilan.
Napatunganga kasi kami ni Aveera nang magkasamang dumating ang dalawa at magkatabing umupo sa tapat namin.
Ipinatong ni Rome ang baunan n’ya sa mesa, katabi ang kan'yang sketch pad, si Jinn naman ay nagpatong din ng pad sa tuktok ng kay Rome. At `di nag-react si Rome dito!
“A-anong baon mo, Kuya Josh?” tanong sa `kin ni Rome nang mapansin na tahimik kami.
“Ah...” Binuksan ko ang dala ko’ng baunan. “Eto `yung request ni Aveera, lechon kawali, inihaw na pusit, sugpo, calamares at tahong...”
“Woah! Ayos to, ha? Parang beach barbeque!” sabi ni Jinn na umabot agad ng sugpo. “Gusto mo?” alok n’ya kay Rome.
“Ayoko’ng magkamay!” mataray na sagot nito.
“May wet wipes ako, at maghuhugas naman tayo later, s’yempre!” sagot ni Jinn.
Well, mukhang nag-aaway pa rin naman pala sila.
“Ayoko nga,” pilit ni Rome. “Ang hirap kayang alisin ng amoy n’yan sa kamay!”
“Ay, napaka arte talaga!” sabi ni Jinn na nakapag balat na ng isa. “O, ayan, para wala ka’ng reklamo!” at inilagay n’ya ang binalatan n’yang sugpo sa baunan ni Rome!”
“Ano ba’ng baon mo?” tanong pa nito sa katabi.
“Croquettes – ”
Hindi pa natatapos ni Rome ang sasabihin, ay nakakupit na ng isang piraso si Jinn mula sa baunan n’ya. Mukhang sunog ito! At `di pa maayos ang pagkakabalot ng breading sa karne!
“Aba, eto ba `yung request ko?” tanong ni Jinn, sabay kagat.
“H-hindi `yan para sa `yo!” bulalas ni Rome na nagliliyab ang muha! “I-ipapatikim ko `yan kina Kuya Josh!” Nagkatinginan kami ni Aveera.
Mukhang wala’ng balak si Aveera na tikman iyon.
“Mmm... at least malutong.” At narinig nga naming lumagutok ang kinakain ni Jinn. “P’wede na!”
Lalong namula ang mukha ni Rome na `di na sumagot pa.
“O, `di ba kayo gutom?” tanong ni Jinn nang makita kaming nakatunganga sa kanila.
“Ah, k-kamusta nga pala ang mga designs ninyo?” agad ko’ng pasok habang kumukuha si Aveera ng pagkain sa baunan ko.
“Eto, mamaya tignan n’yo,” pagmamalaki ni Jinn na tinatapik ang sketch pads nila, “Pinaghirapan namin `yan!”
Mukhang pinaghirapan nga nila ang kanilang mga designs!
Ang daming punit na pages ng sketchpad ni Rome na halos nangalahati, at ang dami namang crossed out sketches ni Jinn.
Ang mahirap pa, mahilig si Rome sa design na puro frills, habang si Jinn naman ay mukhang mga futuristic robots ang mga designs, pero in the end, ay nagawa naman nilang ma-incorporate ang styles nila, at ang end product ay mga boxy designs na may ruffles sa baba.
And it worked!
Ang cute tignan ng gawa ni Rome na boxy long blouses na mukhang ang gagaan ng tela. Bagsak ito na may ruffles sa baba. Sleeveless polo shirts naman ang design ni Jinn na sa taas lang ang naka-button. Bumagay ang boxy design n’ya at ang faded na tela, na tinernohan ng walking shirts na darker ang shade.
“Aba, ayos ito’ng design ninyo ha?” sabi ni Aveera na humanga rin dito! “Kita n’yo, kaya n’yo naman palang magkasundo, eh.” dagdag n’ya na may ibang ipinupunto.
“U-uy, ang tagal nga naming ginawa `yan, eh!” sabi ni Rome na hindi na nawala ang pagkapula ng mukha. “Napaka kulit kasi nito’ng si Jinn, gusto ata’ng gumawa ng mobile suit ng robot!”
“Ikaw naman, pati mga lalaki gusto mong tadtarin ng lace at ruffles!” kantyaw sa kan’ya ni Jinn, “Ginabi na nga kami kaka-design, eh, napaka arte kasi, puro pintas!”
“Oh? Eh, `di sana nag-overnight ka na lang kina Rome,” sabi ni Aveera na may makulit na ngiti.
“Sabi ko nga rin, eh, pati sila tita, inihanda na ang guestroom, eto lang makulit, pinauwi ako nang pilit! Bumalik pa tuloy ako nang Sunday!” reklamo ni Jinn.
“D-dapat lang, no!” sabat ni Rome. “B-baka mamaya, kung ano pa’ng gawin mo sa `min!”
“Ano naman ang gagawin n’ya?” tanong ni Aveera.
“Basta!” lalong namula ang mukha ni Rome.
Si Jinn naman ay napasulyap sa kan’ya at namula rin.
Teka, ano nga ba nangyari sa kanila nang weekend?!
Bakit sila biglang natahimik?!
Balak ko na sana silang tanungin, nang biglang tumunog ang first bell namin.
“Ah, ang bilis naman ng oras!” sabi ni Rome na napatingin sa relo n’ya.
“So, nakapili ka na ba sa gawa namin?” tanong naman ni Jinn na inayos ang mga sketch pad nila.
“Oo, ito at saka ito.” mabilis kong turo. ”Aveera, usap muna kayo kung paano ang pagtahi, magbabanyo lang kami sandali ni Rome.”
Hinatak ko si Rome papuntang washroom, at nang malayo-layo na kami ay agad ko s’yang tinanong.
“Mukhang bati na kayo ni Jinn, ha?” nakangisi ko’ng sinabi.
“Well... hindi naman kami talaga magkagalit, eh...” nahihiya n’yang sagot.
“Pero, parang may ’something’ ha?”
“Uy, w-wala, ha! Ayoko pa rin sa mayabang na `yun!” pilit ni Rome. “Nagkasundo lang kami ng konti dahil sa pinagawa mo sa `min, pero napakahangin pa rin n’ya!”
“Hehe, pero bagay kayo, Rome!” kulit ko rito.
“Kuya Josh talaga!” nginusuan n’ya ko, pero lalong nag-blush ang cute n’yang mukha.
Balak ko pa sana s’yang tuksuhin, pero may bigla ako’ng naalala.
“Oo nga pala, Rome, may sasabihin nga pala ako sa `yo.”
“Ano `yun Kuya Josh?” tanong ni Rome na naghuhugas ng kamay.
“Pero, `wag kang magagalit, ha?” panguna ko.
“Sa ano?” napatingin s’ya sa `kin, na-intriga.
“Kasi...” medyo nag-alangan pa `ko, ”Alam mo `yung last week? `Yung nag-absent ako?”
“O?”
Tumingin ako sa paligid at sinuguradong walang ibang tao sa loob ng CR.
“Nang Wednesday... pumunta kasi si Norman sa `min... nagpropose ang pamilya n’ya ng engagement sa `kin...”
“Ha?!” nanlaki ang mga mata ni Rome.
“`Wag kang magalit! Hindi ko tinanggap `yun, kaya lang, nainsulto s’ya, kaya...”
“Walang hiya!”
Napapikit ako nang makitang nagliliyab sa galit ang mga mata ni Rome.
“Napaka walang hiya talaga ng Norman na `yun!” patuloy n’ya. “Ibig mo’ng sabihin, Kuya, ikaw `yung omega na tinira n’ya ng dominant alpha pheromones n’ya?!?” galit n’yang pinatuloy.
“H-ha? O-oo... kaya nga...’
“Kaya ka pala na-ospital! Sira-ulo talaga ang Norman na `yun kahit kailan!”
“H-hindi ka galit?” panigurado ko.
“Bakit naman ako magagalit?!” Sumimangot si Rome sa akin. “Ikaw na nga ang tinira, sa `yo pa `ko magagalit?! At saka, laking pasalamat ko nga hindi na ko engaged doon, eh, pwede na kami ni – ” biglang naputol ang sasabihin n’ya. Ako naman ang naintriga.
“Nino?”
“W-Wala!” nagmadaling nagtuyo ng kamay si Rome. “Halika na at magsisipilyo pa ko pagpanik sa room, amoy hipon ang bibig ko!” pag-iiba n’ya ng usapan. “Ang kulit kasi ni Jinn, eh.”
“Uy, pero naubos mo lahat ng binalatan nya...” kantyaw ko sa kan’ya.
“W-ell... sayang naman, eh.”
Natawa ako.
“Pero bagay talaga kayo, ha,” habol ko, and this time, `di na `ko kinontra ni Rome.
S’yempre, ikinuwento ko `to kay Aveera!
“Feeling ko nga may something na talaga sa kanila,” sang-ayon ng bestie ko. “Iyan lang talagang si Rome ang masyadong pakipot.”
“Oo nga, eh, buti na lang ang tyaga ni Jinn na suyuin s’ya!”
“Anong suyuin?” natawa si Aveera, “Asarin kamo. Mukhang `yun ang style n’ya para mapansin s’ya ni Rome.”
“Well, at least ngayon, mukhang mas close na sila dahil sa partnership na `to!”
“Speaking of partners,” sabi ni Aveera, “hindi nga pala tayo p’wedeng mag-partner sa PE.”
“Ha? Bakit?” tanong ko.
”Mixed classes tayo sa ballroom dancing for our semi-finals. Ang partner mo si Harold Cruz mula sa kabilang section.”
“Harold Cruz? Mabait ba `yun?” tanong ko agad, baka kasi mamaya ma-bully nanaman ako.
“`Wag ka’ng mag-alala, tahimik lang `yun sa class, pagkaalala ko.” sagot ni Aveera. “At `pag pinag-tripan ka, sabihan mo ko, umbagan natin!”
Natawa ako sa sinabi n’ya. Pero `di naman ako masyadong nag-aalala, since nandyan naman sina Ate Mel, at syempre, si Yaya.
“Bad trip naman, pinagpartner pa nila tayo sa `di natin kaklase...” reklamo ko, “Mas gusto ko, ikaw ang partner ko.”
“Okay ka lang?” natawa si Aveera, “Eh, `di buong sayaw, nakayuko ako?”
“Oo nga ano?” natawa rin ako nang ma-imagine ko `to. “Eh, ikaw, Aveera, sino partner mo?”
“Some Kevin from the same class,” sagot n’ya. “Well, at least magkasing tangkad kami.”
Pagdating ng last subject ay nagpalit kami ng uniform at dumiretso sa gym para sa aming PE class.
Dalawa ang court sa malawak na gym, at usually nasa kabila ang kasabayan naming class, pero ngayon, magkakasama kami sa isang side.
“Okay students, go to your partners and practice on your own,” sabi ng teacher naming si Mrs. Katindig na katabi ang isang teacher na si Mr. Villa.
Ang dami talagang Villa sa lugar na `to!
“Hey, you’re Josh, right?” tanong ng isang lalaki’ng lumapit sa `kin.
May katangkaran din s’ya, siguro mga isang kamay ang taas sa `kin, moreno, at faded na quiff ang buhok. “I’m Harold, I’ll be your dance partner for this class.”
“Hello,” sagot ko, “pasensya na, absent ako last time.”
“It’s okay, besides, nakikita ko `pag nagsasayaw ka sa class mo, tingin ko `di mo na kailagnan mag-practice. You’re already good at it.”
“Talaga?” napangisi ako, mukhang mabait ito’ng si Harold. “Mahilig kasing magsayaw ang pamilya ko, at saka may dancing class din kami sa dati ko’ng school.”
“Is that so? Kaya pala ang galing mo, balak ko nga magpaturo sa `yo, eh,” sabi n’ya sabay ngiti sa `kin.
“Naku, `di pa `ko ganon ka-galing, saka dati kaya, ang dalas kong matapilok, buti nga ngayon `di na `ko masyadong lampa!”
“What? But you’re already so graceful!” nanlaki ang mga mata n’ya, tapos ay namungay `uli. “Me, I’ve got two left feet, nahihiya nga ako, at baka bumaba ang grades natin dahil `di ako magaling sumayaw.”
Napatingin ako sa paa ni Harold. Mukha namang may kanan s’yang paa.
“`Wag kang mag-alala, tuturuan kita,” sabi ko. “Malay mo, pagkatapos nito, mas magaling ka na sa `kin sumayaw!”
“I’ll look forward to that,” sagot ni Harold.
Hindi s’ya nagbibiro nang sinabi n’yang `di s’ya magaling. Ang tigas nga ng katawan n’ya, kinailangan ko pa’ng kapitan ang hips n’ya para turuan s’yang kumembot! Tapos inisa-isa namin ang steps ng sayaw na foxtrot, gamit ang tugtog na ’Fly Me to the Moon’ na nabunot ni Harold nang absent ako.
Since pareho kaming lalaki, naisipan ko na sabay na lang kaming sasayaw, kesa gawin pa namin ang male at female roles. Madali naman s’yang matuto, attentive s’ya sa akin, lagi lang s’yang nakatitig at ngingiti-ngiti.
At the end of the class, nag-request s’ya na i-extend ang practice namin, pero s’yempre, umayaw na ako.
May bisita pa ko mamaya, eh!
“Sa next class na lang natin sa Wednesday, may gagawin pa kasi ako’ng importante.” sabi ko.
“It’s okay, I’ll see you on Wednesday, then.” Ngumiti s’ya sa `kin at nauna nang umalis.
“Aveera, tapos na rin kayo?” tanong ko sa kaibigan ko na kasama pa ang kan'yang partner.
Tama s’ya, magkasing tangkad nga sila, basta’t `wag lang si Aveera didiretso ng tayo.
“Balak pa namin mag-practice ng sandali. Mauna ka na lang muna umuwi,” sagot n’ya.
“Okay, see you tomorrow!”
Nagpunta na ko sa locker room at nagpalit.
Naabutan ko pa roon si Harold na nagbibihis sa tabi ng locker ko. May tan lines s’ya sa katawan, mukhang galing sa swimming. Siksik ang muscles n’ya kahit `di kalakihan, at may design na stars ang suot n’yang navy blue trunks, parang `yung isa sa mga trunks na pinagpilian namin ni Louie nang isang gabi. `Di ko tuloy mapigil na mangiti at mag-init ang mukha nang maalala ko `yun.
“Oh, Josh, magbibihis ka rin?” tanong n’ya. Ang ibang classmates kasi namin, umuuwi nang nakasuot ng PE uniform.
“Oo, pinagpawisan ako, sobra.” Binuksan ko ang locker ko at kinuha ang uniform na maayos na nakatupe rito.
“Aren’t you going to take a shower? Sabay na tayo?”
“Hindi na, nagmamadali ako, eh.” Tinanggal ko na ang pawisan kong PE shirt.
Si Harold naman ay nakatayo pa rin sa tabi ko at nakatitig sa `kin habang pinupunasan ang pawisan n’yang katawan.
“Um... may itatanong ka pa ba?” ngumiti ako sa kan’ya.
“Ah, wala naman...” mahina n’yang sagot. “I just like looking at you.” Ngiti.
“Oo, alam ko, payat ako!” natatawa ko’ng sabi, “Nagtataka nga si Yaya, eh, `di daw n’ya malaman kung saan napupunta ang kinakain ko!”
Natawa rin si Harold na lumapit sa `kin at ikinapit ang isang braso n’ya sa may pinto ng locker ko.
“Actually, I find you, quite alluring,” sabi n’ya.
“A’sus! Alluring ka d’yan!” Tinulak ko ang mukha n’ya palayo habang tumatawa. “Buti ka nga, nakakaya mo’ng mag-bulk ng muscles, ako, omega, kaya natural ako’ng payat, kahit gusto ko’ng magkalaman, ang hirap.”
Napatingin `uli ako sa kan’ya.
Nakatayo na s’ya nang maayos sa tabi ko, kinukuskos ang kan'yang noo na tinulak ko. “Hulaan ko, alpha ka, `no?” tanong ko sa kan’ya. “Malaki ka, eh, number one characteristic `yan ng mga alphas!”
“Actually, I’m a beta,” sabi nito. “Madalas nga ako’ng mapagkamalang alpha, and I like the compliment, but sadly, beta lang ako.”
“`Wag mo namang sabihing ’lang’,” nakasimangot kong sinabi. “Proud ka dapat maging ikaw!”
“Tama,” lumaki ang ngiti n’ya. “I’m proud to be a beta, and I would love to be closer to an omega like you. If possible.”
“Oo naman!” agad ko’ng sagot, “Partners tayo sa sayaw, malamang maging close tayo!”
Natawa ako sa sariling joke, pati na rin si Harold.
Isinuot ko na ang uniform ko.
Itinabi ko ang pinagdamitan sa loob ng duffle bag ko at isinara na ito.
“Sige, kailangan ko nang umalis,” paalam ko kay Harold na nakangiti pa rin sa `kin. “I’ll see you on Wednesday.”