“Binitawan ni Papa ang kaso mo?!” mukhang nagulat si Mercy sa sinabi ko.
“Oo, sa Monday daw, officially iba na lawyer ko,” sagot ko sa kan’ya. “Kaya nga, wala nang dahilan para mahiya pa kami ni Louie sa mga tao. Ika nga ng best friend ko, sticks and stones may hurt me, pero ang chismis, hindi nakakasakit, maliban na lang kung magpapa-apekto kami rito. Nag-iibigan lang naman kami ni Louie, eh, wala naman kaming masamang ginagawa, wala rin kaming nasasaktan sa relasyon namin, so, bakit kami magpapaapekto sa kanila, `di ba?”
Wala na’ng naisagot si Mercy doon.
Tuluyan lang s’yang tumitig nang masama sa `kin.
Ang cute-cute n’ya habang nakatayo s’ya at nakapamewang sa harap ko. Mapula-pula ang kutis n’yang mala-porselana, at ang laki ng mga mata n’yang kulay light brown, tulad ng mahaba n’yang buhok na may willow’s peak. Kamukhang-kamukha n’ya ang Papa Jonas nila na nasa picture sa may front hall. Dahil dito, `di ko mapigilang mapangiti nang bahagya.
“A-anong nginingisi-ngisi mo d’yan?!” Lalong napasimangot si Mercy sa `kin.
“Wala, naisip ko lang, ang cute mo pa rin kahit galit ka!” sagot ko, sabay pisil sa pisngi n’ya!”
“Ay! `Wag mo nga ako’ng utuin!” hinampas n’ya ang kamay ko. “`Di pa rin ako pabor sa `yo!” pilit n’ya habang dinuduro ako.
“Okay lang, hihintayin ko na maging friends tayo.” Hinimas ko ang buhok n’ya, lalo tuloy s’yang nagalit.
“Ah! `Wag mo nga ako’ng tratuhin na parang bata!” reklamo n’ya.
“O, nandito lang pala kayo?” Napatingin kami kay Ate Bless na galing kusina. “kanina ko pa kayo hinihintay sa kitchen.”
“Ate Blessing! Good morning! Kamusta na?” masaya ko’ng bati sa future panganay ko.
“Okay naman, at Bless na lang ang itawag mo sa akin,” sabi n’ya. “Halika na sa kusina at nang maturuan na kitang magluto!” Lumapit si Bless at umakbay sa `kin. Mas mataas s’ya sa akin ng ilang inches. “Ang paborito ni Papa na lengua ang ituturo ko sa `yo ngayon.”
“Wow! Talaga? Favorite ni Louie `yun?” excited kong tanong.
“Oo, paborito nilang dalawa ni Nathan.”
“Hmph! Papanik lang ako sa kuwarto ko,” sabi ni Mercy na umismid sa amin. “Mukhang `di mo na ko kailangan sa kusina!”
“Anong papanik, `di mo pa natatapos `yung binabalatan mo’ng dila ng baka!” sabi ni Ate Bless.
“Dila ng baka?” gulat kong tanong. “As in, dila talaga ng cow?!”
“Oo, halika, at nang maturuan na kita,” natatawang sagot ni Ate Bless.
“Nasaan nga pala si Nathan?” tanong ko.
“Hay, ayun, missing in action nanaman...” napabuntong hininga si Ate Bless. “Nag-aalala na nga si Papa sa isang `yun, eh. Mukhang habang tumatagal, lalong nagiging pabaya at rebelde.”
“G-ganon ba?”
“Oo, kaya lengua ang iluluto natin ngayon, para umuwi siya.
Maya-maya pa ay kapit ko na ang malapad na pirasong karne na mainit-init pa mula sa pressure cooker.
“Wow! Dila nga! Dito pala gawa ang lengua?!” tanong ko kay Bless.
“Kaya nga tinawag na ’lengua’, eh!” inis na bulong ni Mercy. “Spanish `yun, ibig sabihin, ’dila’!”
“Ahh... dila pala `yun, kala ko tinawag na lengua kasi dila ang gamit para makapagsalita ng ’language’.” Umikot ang mga mata ni Mercy.
Sinimulan ko nang alisin ang balat ng kapit ko, tulad nang tinuro sa `kin ni Bless.
Napatingin ako sa mga pirasong balat. Patche-patche ang paghiwa ko rito, habang malinis at maayos ang pagkakaalis nina Mercy sa piraso nila.
”So...” napatitig ako sa mga pahabang piraso ng balat na tinanggal nila at pinulot ang isa. “Pano `to ginagawang cookies?”
Parehong napatingin ang magkapatid sa akin.
“Anong cookies?” tanong ni Bless, si Mercy naman ay biglang natawa.
“Ate, akala n’ya dila rin ang ginagamit sa lengua de gato!” sabi ni Mercy, “Ano ba `yan Josh! Ang bobo mo talaga!”
“Mercy?” nagkatinginan ang dalawa at natahimik si Mercy.
“Kasi naman, lengua de gato, `di n’ya alam?” sabi pa nito.
“Hindi pa n’ya alam,” pagtatama ni Bless. “Alam mo ba, Josh, tinawag na lengua de gato ang biscuits na `yun kasi mukha s’yang dila ng pusa.”
“Talaga, Ate Bless?” natawa ako. “Sa bagay, parang dila nga s’ya ng pusa, magaspang ang surface!”
“Oo, at mamaya, kung may time pa tayo, tuturuan `din kita’ng mag-bake nito.”
“Hmph, ayan, balat na ang akin.” sabi ni Mercy na tumayo na mula sa pagkakaupo sa kitchen counter. “Akyat na `ko! Tawagin n’yo na lang ako `pag kakain na,” sabi nito sabay simangot sa `kin. “Ako ang huhusga sa luto mo!”
“Kinabahan naman ako doon!” sabi ko kay Ate Bless nang lumabas si Mercy ng kusina.
“Naku, `wag mo’ng masyadong dibdibin ang mga sinasabi ng isang `yun, at puro salita lang `yun. Natural na kay Mercy ang magtaray. You should hear what she says to her Kuya Nathan when she’s pissed,” natatawa n’yang sinabi.
“Talaga?” napangisi na rin ako. “Sa bagay, kahit nga sinesermonan n’ya ko, ang cute-cute pa rin n’ya, kaya `di ko ma-seryoso ang galit n’ya sa `kin...” amin ko kay Bless.
“Naku, `wag mo’ng sasabihin kay Mercy `yan, baka lalo lang mag-alburoto ang bata na `yun!”
Nagkwentuhan pa kami at nagtawanan ni Ate habang nagbabalat, at nang mabalatan na namin ang lahat ay tinuruan n’ya `ko kung pano i-slice ito.
Ang tyaga n’ya at saka ang metikuloso! Sa galing n’ya, ni hindi ako nahiwa sa kapit ko’ng kusilyo!
Dati kasi pinagbawalan ako ni Mama kumapit ng matatalas na bagay, matapos ko’ng mahiwa ang dalawa ko’ng daliri habang nagpuputol ng kamatis para sa tinapa, pero ngayon, dahil sa galing ni Bless, pati pagkapit ko sa hinihiwa ko’ng karne, inayos n’ya.
Matapos putilin ang karne ay tinuruan n’ya naman ako mag-stirfry ng buttered mushrooms, at ang pagluto mismo sa lengua. Nang golden brown na ito ay binuhos namin sa ibabaw ang creamy mushroom sauce. Sobra, ang bango-bango sa kusina! Hinahalo ko pa ang sauce, nang tumunog ang doorbell.
“Hmph, mukhang naisipan din umuwi ni Nathan,” sabi ni Bless na inalis ang apron n’ya.
“Hindi nanaman ba s’ya umuwi kagabi?” napatingin sa `kin si Bless.
“Oo, sumasakit na nga ulo ni Papa sa isang `yun, eh...”
Palabas na si Bless nang pigilan ko s’ya.
“Ako na, Ate!”
Lumabas na ko ng kusina bago pa s’ya makapagsalita.
Nabanggit nga ni Louie na matigas ang ulo ni Nathan, pero tingin ko naman mabait s’ya, and at least, kampi rin s’ya sa `min ni Louie.
Lumabas ako ng bahay at binuksan ang gate, doon ko lang napansin na nadala ko pala ang syanse na pang-halo ko! Mukhang nagulat tuloy si Nathan nang nakita ako.
“Nathan! Welcome home!” niyakap ko s’ya at nginitian. “Ikaw, ha? Hindi ka nanaman daw umuwi kahapon! Nag-aalala na tuloy si Louie sa `yo!”
Hindi sumagot si Nathan.
Nakatitig pa rin s’ya sa sandok na hawak ko.
“Tinuturuan akong magluto ni Ate Bless ng lengua,” paliwanag ko, ”paborito n’yo ni Louie `yun `di ba? Halika, tignan mo kung okay na ang lasa!”
Hindi pa rin umimik si Nathan. Para s’yang tulala na may ibang iniisip, kaya inabot ko na lang ang kamay n’ya at hinatak s’ya papuntang kusina.
”Ang galing palang magturo ni Ate Bless, ano?” sabi ko sa kan’ya, ”Ang dami ko’ng natututunan sa kan’ya! Ang dami ko pa nga’ng gustong malaman, eh! Kaya mukhang mapapadalas ako rito sa inyo!”
Hindi pa rin s’ya umimik hanggang sa makadating kami sa kusina kung saan hinahalo ni Ate Bless ang luto namin.
“O, Nathan, buti naman at naisipan mo’ng umuwi,” sabi ni Bless. “Tikman mo nga kung okay na `tong luto namin.”
Kumuha si Ate ng malinis na kutsarita, tapos kumuha s’ya ng konting sauce at inabot iyon kay Nathan na tinikman ito.
Nakatanga akong tumitig sa kan’ya, hinihintay ang reaction nya.
“Mmm... okay ang pagka-creamy...” sabi n’ya na tumatakam-takam. “konting alat pa...”
“Yey! Pasado na kay Nathan!” masaya ko’ng sinabi.
Buti na lang!
“Gutom na `ko,” sabi ni Nathan na umupo sa kitchen counter.
“Sandali, tulungan mo na ako maghain ng lamesa,” sabi naman ni Ate Bless na nag-abot ng mga plato sa kapatid n’ya.
“Sige, tatawagin ko na sina Louie sa taas!”