“O, kamusta ang trip mo sa palasyo ng iyo’ng al-fafa?” nakangising tanong sa `kin ni Rome nang magkita-kita kami sa canteen nang Lunes.
Natawa ako sa term n’ya!
“Ayun. Pinagalitan ako ng todo,” sagot ko. “Sa susunod daw, dapat magpaalam ako.”
“Naku, eh, kamusta naman ang mga future step children n’yo?”
“Ay, nakakatuwa sina Ate Blessing at Nathan!” masaya ko’ng kuwento. “Ang bait-bait ni Ate Blessing! Ang ganda-ganda n’ya at ang galing magluto! Si Nathan naman, ang pogi, younger version ni Louie! At saka ang smart n’ya at ang bait din!”
“Eh, yung bunso?” tanong ni Rome, habang si Aveera na nakwentuhan ko na kagabi ay busy sa paglamon ng baon namin.
“Ayun, medyo `di pa kami close, pero mukhang mabait din s’ya! At saka ang ganda-ganda n’ya! Mana sa omega daddy nila!”
“Kitams? Sabi ko sa `yo, eh! Kailangan mo lang maging smart!” pagmamalaki ni Rome.
“Actually, mas umayos kami nang nagpakatotoo lang ako,” sabi ko sa kan’ya. “Kung ba’t kasi na mental-block ako nang umpisa at kung anu-ano na ang pinagsasabi pag pasok ng bahay nila!” nahihiya ko’ng inamin. “Buti nga, kahit na shookt sa `kin sina Ate Bless, natanggap pa rin nila `ko bilang posible mate ng Papa nila in the future.”
“Of course! You’re his fated pair, after all!” sang-ayon ni Rome.
Hindi ko na lang sinabi sa kanila ang tungkol sa usapan namin ni Louie. Sa amin na lang `yun, sikreto namin.
“Oo nga pala,” pasok nanaman ni Rome, “alam n’yo ba na nakipag-break nga sa `kin si Norman this weekend?”
“Hmph. Good riddance,” sabi ni Aveera bago sumubo ng sugpo.
“Talaga? Kamusta naman? Hindi ka ba nasaktan?” nag-aalala ko’ng tanong sa kaibigan.
“`Yun nga ang nakakatawa, eh,” sabi ni Rome, ”wala ako’ng naramdaman nang sinabi ni Papa na inurong na nila ang engagement, natuwa pa nga ako, kasi this way, pwede ko pang hanapin ang fated pair ko!” kinilig s’ya sa pagsabi nito.
“Oo nga, Rome! Malay mo nasa taba-tabi lang pala ang destiny mo!”
“Speaking of tabi-tabi, may napapansin ba kayo?” bulong ni Aveera.
“Ano `yun?” tanong ko.
May tinuro nang nguso si Aveera.
Napatingin kami ni Rome sa direksyon nito at napansin ang isang grupo ng mga estudyante na masama ang tingin sa amin at bubulong-bulong sa isa’t-isa.
“Hmph. Mga members ng Fashionista Club ang mga `yan,” bulong sa `kin ni Rome, “Masama loob nila sa `tin, kasi kinukuha daw natin ang mga members nila.”
“Ha? Sinong members?” tanong ko.
“Well, isa na `ko,” patuloy ni Rome, “at isa pa si Yu Jinn. Dami pa naman nagpapa cute doon...”
“Speak of the devil.” sabi ni Aveera, at sa pag lingon namin sa kabila, ay nakita si Jinn na papalapit sa mesa namin.
“Hi, mind if I join you?”
Ngumiti s’ya sa amin nang tagilid, at bago pa kami makasagot ay nakaupo na sa tapat ko.
“Nice, mukhang ang sarap ng baon mo, ha?” sabi nito. “Baka pwede mo rin ako’ng ipagluto bukas?” Muli nanaman s’yang ngumiti nang tagilid.
“Bakit? Wala bang nagluluto para sa `yo?” Napatingin ako sa binili n’yang baked macaroni sa canteen. “`Yan lang kakainin mo?”
Baka naman wala s’yang pera, `di kaya?
“Mahilig ako sa pasta, I’m part Italian, after all...”
“Aba, at kailan pa naging Italian ang Gunn?” tanong ni Rome.
“A quarter Italian ang lola ko sa motherside,” bahagya s’yang sumimangot kay Rome. “Korean naman ang dad ko, thus the surname Gunn.”
“Mahilig naman kami sa kanin, `di ba Aveera?” sabi ko.
“Oo, kanin at ulam. Preferably Asian.”
“P’wedeng patikim?” kumuha s’ya ng rebusado at sinubo ito. “Mmm... sarap nga, magaling ka pala magluto?”
“Chef ni Josh ang nagluto n’yan.” sagot ni Aveera na mukhang nairita, sa kan’ya kasi `yung kinain ni Jinn. “At `wag ka na makihingi, dahil marami na masyado niluluto n’ya para sa `min.”
“Ah, okay lang naman siguro kay chef kung padadagdagan ko pa...” singit ko. ”Saka, mas masaya `pag marami tayo, `di ba?”
Kawawa naman s’ya kung wala s’yang pambili ng ibang ulam.
“Tama!” sagot ni Jinn na ngumiti nanaman sa `kin. “Also, if you don’t mind, magpapaturo `uli ako sa `yo later kung paano mag sketch. Ang galing mo mag-drawing, eh, kumpara sa `kin na taga Science and Technology department. I’m more of the brainy type, after all.”
Umikot ang mga mata ni Rome at Aveera.
“Okay... nagdala ka ba ng art supplies?”
Kumpleto nga ang bitbit ni Jinn!
Matapos namin kumain at malinis ang mesa, ay tumabi s’ya sa `kin at nagpaturo magdrawing hanggang matapos ang lunch break namin.
Okay lang, at least naaliw kami sa pag-drawing, at napreskohan pa kami, dahil totoo nga pala na napaka-hangin ni Jinn.
“Halika na, tumunog na ang bell,” aya sa akin ni Aveera.
“Sandali, kunan ko lang ang drawing natin.”
Inilabas ko ang cell ko at gumawa ng message.
“Nice, remembrance ba `yan ng artwork natin?” tanong ni Jinn.
“Oo... ipapadala ko sa special friend ko.”
“Special friend?” mukhang interested s’ya sa sinabi ko.
“Actually, future mate ko s’ya, pero ayaw pa n’ya ngayon,” kinikilig ko’ng sinabi.
“Really? You already have a fiancè?”
“Actually, fated pairs sila, Jinn, kaya pwede mo nang lubayan si Kuya Josh dahil wala kang pag-asa kay Louie!” singit ni Rome.
“Louie?” napasimangot s’ya.
Tinuloy ko ang pagkuha ng pictures at pinadala na nga `yun sa mahal ko.
“Okay, panik na tayo.”
“Bye Kuya!” tawag ni Rome.
“I’ll see you guys tomorrow!” habol ni Jinn.
“Mukhang may tama sa `yo `yung Jinn na `yun ha?” sabi ni Aveera habang pabalik kami ng Senior High Building. “Panay ang pagpapa-cute sa `yo, eh.”
“Oo nga, eh, pansin ko rin...” sagot ko. ”Ano kaya magandang gawin para ma-turn off s’ya sa `kin?”
“Nako, diretsuhin mo na lang na ayaw mo sa kan’ya.”
“Pero... baka sumama loob n’ya sa `kin...”
“Baka kamo masaktan ang pride n’ya.” Natawa si Aveera. “Pero since masyado s’yang vain, malamang `di lang n’ya aminin na may balak s’ya sa `yo para lang `di s’ya mapahiya.”
Natawa ako sa sinabi ni Aveera, actually, `yun din ang iniisip ko kanina.
“So, mamaya darating ang ‘al-fafa’ mo?” tanong n’ya nang papasok na kami sa classroom.
“Oo, kakausapin namin sina Principal Villa tungkol sa midterm grades ko.”
“Kamusta nga ba?” tanong ni Aveera. “Sa Wednesday pa lalabas ang official results, ipinapaskil nila `yun sa bulletin board sa main building, pero mukhang ilalabas na nila ang results mo mamaya?”
“Oo nga, eh, kinakabahan na nga ako... pagdasal mo naman na sana pasa ako sa lahat!”
“Dapat lang, dahil pinaghirapan rin kita’ng turuan,” sagot ni Aveera.