“Aveera! Look! Bagay ba `to sa `kin?” tanong ko sa kaibigan habang kapit ang turquois earings sa taenga ko.
“Bagay `di ba?” sabi ni Rome, “It complements his eyes.”
“Masyado’ng blue.” May tinaas s’yang gold hoop earing. “Ayaw mo ng hoops? Simple lang.”
“Hmm...”
“Parang mas cool nga ang hoops sa `yo Kuya,” sang-ayon ni Rome. “Sa kaliwa ka magpabutas para cool.”
“Bakit kaliwa?”
“Kasi, karamihan nang nakikita ko sa kaliwa,” nakangising sabi ni Rome.
“Actually, left means you’re a top, right means you’re a bottom,” sabi ni Aveera na namimili ng danggling earings.
Tinitigan namin siya ni Rome.
“Never mind, malalaman n’yo `rin `yan, soon enough.”
Umuwi ako that evening nang masaya, medyo kumikirot ang taenga, pero malaki ang ngisi sa mukha. Ibinigay ko kay Aveera ang kapares ng binili kong hoop earing, binilhan ko pa s’ya ng pearl earings na birthstone n’ya, at binigay naman sa `kin ni Rome ang pares ng binili n’yang saffire stud earing.
“O, `wag mo’ng hawakan nang hawakan, baka ma-impeksyon pa `yan,” sabi ni Yaya nang makitang pinipisil ko ang taenga ko.
“Bagay ba, Yaya?”
“Oo, lalo ka’ng pumogi!” kinurot n’ya ang pisngi ko. “Tumawag nga pala ang Mama mo at kinakamusta ang kalagayan mo, bukas na raw ang uwi nila from Paris. Baka raw sa Sunday bumisita s’ya rito.”
“Yey! Makikita ko na `uli si Mama!” Binato ko ang favorite ball ni Beck at hinabol n’ya ito sa kahabaan ng living room. “Bukas naman, dadalaw sa `kin si Louie para turuan ako. Magustuhan n’ya kaya `tong hikaw ko?”
“S’yempre naman,” sagot ni Yaya. “Nakagawa ka na ba ng reviewer para sa exams n`yo next week?” tanong n’ya sa `kin.
“Opo, Yaya, gumawa kami ni Aveera kanina sa school, saka sa Wednesday pa naman ang 1st exam namin kaya marami pa ako’ng oras mag-aral.”
“Ang gamot mo, nainom mo na ba?”
“Opo, bukas once a day na lang `uli ang inom ko, since hindi na sumasama ang pakiramdam ko.”
“Good, mag-usap muna tayo sandali.”
“Okay.”
Umupo ako sa paikot naming sofa at ngumiti kay Yaya.
“Josh,” panimula n’ya, “tumawag sa akin ang kapatid ko sa probinsya.” Tumango ako kay Yaya. “Tungkol ito sa tyuhin namin na nabanggit ko sa `yo dati na nag-alaga sa aming magkakapatid nang mamatay parents namin. Nasa ospital daw s’ya at malubha ang kalagayan.”
“T-talaga, Yaya? Anong sakit n’ya? Kamusta na s’ya?” nag-aalala kong tanong.
“Cancer,” sagot ni Yaya na walang expression ang mukha. “Matagal na nga s’yang may sakit, pero, anytime soon, ay pwede na s’yang mawala.”
“Naku! Kung ganon, dapat makita n’yo s’ya habang buhay pa s’ya!”
“Ayun nga sana ang ipagpapaalam ko,” patuloy ni Yaya. “Hinahanap daw ako ni tito, gusto daw n’ya kami makitang lahat habang buhay pa s’ya, kaya, balak ko sanang magpaalam sa `yo kung pupwede...”
“Magfa-file ka muna ng leave? Okay, pwedeng-pwede, Yaya!” pinangunahan ko na s’ya. “Kailan ang alis mo?”
“Bukas sana, dahil kailangan ko na raw pumunta as soon as posible. Naisip ko nga na iurong sa Sunday para nandito ang Mama mo...”
“Kung kailangan bukas, then, bukas ka na umalis,” agad ko’ng sinabi.
“Pero, hindi ako sigurado kung kailan ako makakabalik, any time, pwedeng mawala si Tito, at `pag nangyari `yun, eh, kakailanganin ko’ng mag-stay sa lamay...”
“Okay lang Yaya. Biro mo, mula nang dumating ka sa `min, ni minsan, `di ka nag-file ng bakasyon!”
“Kaya nga nag-aalangan ako’ng iwan ka...” noon kumunot ang noo ni Yaya. “Kaya mo ba’ng mag-isa lang dito sa penthouse? Na walang kasama kung `di si Beck at ang mga kasambahay mo na nito mo lang nakilala?”
Nangiti ako kay Yaya na nilapitan ko at niyakap ng mahigpit.
“Yaya talaga, masyado’ng nag-aalala! S’yempre naman kaya ko’ng mag-isa! Matanda na ko, `no!” paalala ko rito. ”Saka, and’yan din naman sina Ate Sol at Ate Mira, at saka mabait naman sina Ate Vin, Ate Vangie at si Ate Valerie, at masarap magluto si chef Vince, kaya may mag-aalaga na sa `kin.”
“Haay... nag-iwan na rin ako ng isang kilong marinated tapa na fridge para kung maghanap ka ng luto ko...”
“Ayos, hindi ko mami-miss ang tapsilog mo, Yaya! Basta `wag ka’ng masyadong nag-aalala sa `kin, okay? Ayos lang ako.” Kinapitan ko s’ya sa balikat, ”Kung may maitutulong din ako, financially, o sa anumang bagay, sabihin mo lang, Yaya,” sabi ko sa kan’ya. “Pamilya na rin kita, kulang pa `to para sa pag-aalagang ginawa mo sa `kin.”
Kinabukasan, maaga ako’ng nagising para maligo at mag-ayos, pati si Beck pinaliguan namin ni Yaya, at sa pagdating ng 1 pm, ay dumating si Louie na may dalang kahon ng chewy cinnamon cookies mula sa favorite bakery ko!
“Louie!” hindi ako nakapagpigil na yumakap sa kan’ya dahil isang buong araw ko s’yang `di nakita kahapon! Pati si Beck umupo sa tapat n’ya at walang tigil ang galaw ng kakarampot na buntot. “Na-miss kita sobra!”
“Eto, may pasalubong ako sa inyo, nakakain ka na ba ng lunch?”
“S’yempre, kanina pa.”
Yumapos ako sa braso n’ya. Nakasuot lang s’ya ng blue t-shirt ngayon, at kitang-kita rito ang bukul-bukol na hulma ng katawan n’ya!
“Sige, ako naman ay aalis na,” sabi ni Yaya na hatak ang kan'yang luggage.
“Huh? Saan kayo pupunta, Yaya Inez?” tanong ni Louie.
“Nag file ako ng leave for one week,” sagot ni Yaya. “Uuwi ako’ng probinsya, due to some family matters.”
“Ngayon na?” Nanglaki ang mga mata ni Louie.
“Oo, hinintay lang kita’ng dumating.” Ngumiti sa kan’ya si Yaya. “Ikaw na bahala kay Josh, nand’yan naman sina Sol at Mira kung sakaling may problema. Bukas, darating si Ma’am Esme sa umaga.”
“P-pano next week?” habol ni Louie bago pa makapasok si Yaya sa elevator.
“Malaki na alaga ko, kaya na n’yang pumasok mag-isa, `di ba, hijo?”
“Opo, Yaya,” agad ko’ng sagot. “Sina Ate Mira na muna ang maghahatid sa `kin,” sabi ko naman kay Louie. “Kaya ko naman alagaan ang sarili ko, eh.”
“Well... if that’s the case... then, good luck na lang sa byahe mo.”
“Good luck to you as well, Atty. Del Mirasol.” sabi ni Yaya bago s’ya pumasok sa naghihintay na elevator shaft.
“Bye, Yaya! Ingat ka lagi!” habol ko sa pagsara ng pinto.
Narinig ko si Louie na nagbuntong hininga.
“So, nasaan na ba sina Mira?” tanong n’ya sa `kin sa pagsara ng elevator.
“Nasa kuwarto ata nila, `di ko nga malaman kung saan sila nagtatago, bihira ko sila’ng makita rito sa bahay, pero `pag tinatawag ko sila, bigla silang sumusulpot! Pati `yung mga kasambahay namin, ganon din!”
“Ah, protocol kasi iyon sa mga agency, dapat hindi sila makita ng mga bisita.”
“Ganon, bakit naman?” nakasimangot ko’ng tanong.
“May ibang tao kasi na ayaw nakikita ng mga bisita nila ang mga katulong o hired help,” sagot ni Louie. “Also, gusto nila ng privacy, kaya may lugar lang para sa mga kasambahay.”
“Hmm, sa bagay, kahit sa bahay ni dad, bihirang bihira ko rin makita sila manang, nasa kusina lang lagi sila.”
“Well, it’s enough to know na nariyan sila kapag kailangan mo ng tulong.” Napabuntong hininga `uli si Louie. “Halika na nga at magsimula na tayong mag-aral.”
“Okay, tinulungan ako ni Aveera gumawa ng reviewer kahapon! Nakalista na lahat doon ang pag-aaralan natin!” sabi ko habang hinahatak s’ya papuntang study room.
“Ganon ba?” tanong ni Louie sa pagpasok namin ng silid. “Eh, mukha pala’ng hindi mo na `ko kailangan dito.” Sinara n’ya ang pinto.
“Uy! Hindi!”
Agad ako’ng napatingin kay Louie at nakitang nakangisi s’ya sa `kin.
“Ikaw, niloloko mo ko, ha?!”
Natawa si Louie at ginulo ang buhok ko.
“Medyo. Alam ko naman na hindi mo na talaga kailangan ng tulong ko, eh.”
“H-hindi, ha! Kailangan pa rin kita! Ang bobo-bobo ko kaya!”
“`Wag mo nga’ng sabihin `yan. Naapektuhan ka lang ng matatapang mo’ng gamot noon, ngayon, kita mo, ang tataas na ng grades mo.” Umupo si Louie sa isang silya sa mahabang study table at tinapik ang upuan sa kan'yang tabi. ”Kamusta ang mga quiz n’yo kahapon?”
“Ganoon pa rin, mahirap, pero feeling ko marami ako’ng naperfect sa kanila!” Nakangisi ako’ng umupo sa tabi niya. “Humanda ka, Louie, sa Monday, hahalikan kita nang walang tigil!”
“Nalimutan mo na yata, after exams pa `uli tayo magkikita,” sagot n’ya.
“Wala pa namang exams sa Monday and Tuesday, eh, sa Wednesday pa magsisimula!” nakanguso ko’ng sinabi. “Baka pwede naman ako’ng dumaan sa Monday?”
“Sorry, usapan natin, walang dalaw during exam week. Utang na lang muna ang reward mo.”
“Ay, ang daya naman! Kung ganon, dapat may collateral!”
“Okay, mag-aral muna tayo,” tumatawang sabi ni Louie na mukhang maganda ang mood. “Kapag nasagutan mo lahat nang itatanong ko sa iyo mamaya, ibibigay ko ang collateral mo.”