Chapter 3: Lost Soul

2399 Words
NAPALINGON si Tasha sa gawi ng pinto. "Balong! Si Mama, nasa'n siya?" Patakbong tinungo niya ang gawi ng kapatid. "Nasa private room na siya. Ang ganda nga ng kuwarto niya." Bakas ang pagkasabik sa tono ni Balong. Kapagkuwan ay sinipat nito ang buhok niya. "Sayang buhok mo, Ate." Malungkot lang na ngumiti lang siya, bagaman hindi magawang pag-ukulan ng pansin ni Tasha ang sinabi ng kapatid. Dinadaga talaga ang dibdib niya at hindi niya iyon gusto. "Kumain ka na ba?" muli ay tanong ni Balong. "Nauna na kasi akong kumain. Ang tagal mong dumating." Umiling lang siya. Noon na rin sila lumabas ng ward. Nauna ang kapatid niya, at siya ay sinundan ang daang tinutunton nito hanggang sa sumakay sila sa elevator at narating ang ika-walong palapag. Hindi na nagawa pang magsalita ni Tasha nang muli silang magpatuloy sa paglalakad sa pasilyo. Hindi tulad ng itsura sa ward, magara ang interior ng palapag na iyon. Puti at dilaw ang nakapinta sa pader, kulay putik naman ang tiled flooring. Kung bakit nanginig nang husto ang katawan niya ay dahil mas malakas ang aircon sa bahaging iyon ng ospital. Gayunman, gaano man kaganda ng nakikita, abot pa rin hanggang kalangitan ang kaba sa dibdib niya. Si Balong naman ay nanatiling tahimik din. Nauna na naman ito nang kaunti sa paglalakad. Hindi na bago ang katahimikang bumabalot sa kanila. Tahimik lang din kasi ito tulad niya. May sariling mundo, kumbaga. Kung sa karaniwang magkakapatid ay close ang turingan sa isa't isa, silang dalawa ay halos bilang sa mga daliri sa kamay at paa ang mga pagkakataong nagkausap sila nang matagal. Marahil, dahil halos kabaliktaran niya ito. Puwera na lang sa pagiging tahimik na siguro'y isa ring dahilan kung bakit malayo ang loob nila sa isa't isa. Gayunman, nagpapasalamat pa rin si Tasha. Hindi kasi ito mapili sa pagkain. Kahit na minsan ay tuyo lang ang ulam o 'di kaya ay pinakuluang talbos ng kamote, malakas pa rin itong kumain, dahilan kung bakit ito mataba. "Dito, Ate." Binuksan nito ang pinakadulong pinto. Huminga nang malalim si Tasha, nanginginig ang mga tuhod na pumasok sa silid. Tama nga ang kapatid niya: maganda ang kuwarto. Tulad ng pintura ng pader sa labas, ganoon din sa loob ng silid. Medyo may kalawakan iyon na siyang mas lalong nagpanginig sa katawan niya. "M-ma? Kumusta po?" Lumapit siya sa kama, hindi na nagawang makaupo sa bangkong nasa gilid lang naman niya. Noong pumasok siya, akala niya ay tulog ang ina ngunit dilat ang mga mata nito na hindi man lamang siya pinukulan ng tingin. Bagaman, saglit na nilingunan niya ang kapatid. Napaupo ito sa sahig, sa likod ng pintong nakasara at doon humalukipkip. May pangamba man si Tasha sa sistema, hindi niya magawang hindi mag-alala sa kundisyon ng ina. Naka-swero ito. Malalim na ang mga mata at ang laki ng ipinayat. Ang dating makinang na kayumangging balat ay naging maputla. Sa gitna ng katahimikang iyon, nakagat niya ang labi nang sunud-sunod ang ginawa nitong pag-ubo. Dadaluhan niya sana ito nang iminuwestra nito ang kamay — tila ipinahihiwatig na 'wag siyang magkakamaling lumapit. Napahawak na lang siya nang mahigpit sa strap ng backpack niya. "Hindi ka pa rin talaga tumitigil sa ambisyon mong makapagtapos ng pag-aaral ano, Tasha?" mabigat ang tinig na tanong ni Diana. Napayuko siya at tumingin sa sahig. "Sinasayang mo 'yang ganda mo sa wala! Boba ka talaga!" Napalunok siya, hindi nag-angat ng mukha. Kung sa lahat ng bagay na kinakaharap niya sa araw-araw ay sanay na siya, ang bagay na ito ang bukod tanging hindi niya kayang makasanayan. Mula pagkabata ay mainit na ang dugo nito sa kanya, kahit sa kaliit-liitang dahilan. O kung minsan pa nga ay kahit wala namang dahilan. "Kung siguro ginawa mo noon pa ang sinabi ko sa iyong pumasok sa club ng kumare ko at itinigil nang tuluyan 'yang kahibangan mong makapagkolehiyo, malamang, hindi tayo nahihirapan nang ganito!" Sunud-sunod ang ginawa nitong pag-ubo. "Hindi ka sana mahihirapan kakatrabaho!" Hindi na nakayanan ni Tasha ang biglang pagmanhid ng mga paa. Hinila niya nang kaunti ang banko at umupo roon. "Maganda ka, Tasha! Gamitin mo 'yang ganda mo para mas mabilis ang pasok ng pera. Kung ginawa mo iyan noon, 'di sana ay nakaipon ka na ng pangkolehiyo mo! Nuknukan ka tanga!" Muli itong umubo, ngunit sa pagkakataong iyon ay hinablot nito ang bimbo sa mesang nasa gilid ng kama. Napahigop si Tasha ng hangin sa tumalsik na dugo mula sa bibig nito. Awtomatikong tumayo siya, akmang hahagurin ang likod ng ina ngunit lang itinulak siya. Muntik siyang mawalan ng panimbang. Gayunman ay muli siyang umupo. Nanatili siyang tahimik at natulala sa sahig. Kahit ganoon ang turing ng ina sa kanya, mahal niya ito. Kaya nga siya nagpupursigeng mag-aral dahil nangarap siyang maiaahon niya ang mga ito sa hirap. Na balang araw ay ipagmamalaki siya ng ina — na darating ang araw na mamahalin din siya nito. Naitanong niya tuloy sa sarili kung bakit hindi niya magawang umiyak sa tuwing ginaganoon siya ng ina. Marahil, sadyang matindi lang ang pagmamahal niya rito at naiintindihan niya kung bakit ganoon ito sa kanya. "Kung hindi lamang dahil sa kabobohan mo, siguro'y hindi ako magkakautang nang malaking halaga para lamang sa pagpapagamot ko!" Mula sa pagkakatulala sa sahig, umangat ang mukha ni Tasha. "K-Kanino po kayo nangutang, Mama?" Matalim ang tinging ibinato nito sabay hagis ng bimpo sa mukha niya. "'Wag mo nga akong matawag-tawag nang gan'yan! Anak ka lang ni Tonio! Hindi mo talaga isinasaksak 'yan sa kukote mo!" Mabigat ang paghinga na dinampot ni Tasha ang bimpo'ng nahulog sa sahig. "Ewan ko ba sa tatay mo kung bakit ka pa inuwi noon dito sa Pilipinas. Simula nang dumating ka, nagkandaleche-leche na ang buhay namin!" Umalingawngaw na ang boses nito, dahilan nang biglang paglabas ni Balong sa silid. Muli, napayuko si Tasha. Hindi na bago ang ganoong linyahan ng ina. At simula nang magkaisip siya, alam na niya ang tungkol doon. Ang sabi sa kanya ng yumaong ama, namatay raw sa panganganak ang tunay niyang nanay. Nang magpakasal ama kay Diana, bumalik ito sa Mexico para doon magtrabaho; noon na nito nakilala ang nanay niya. Sanggol pa lamang siya nang iuwi siya nito sa Pilipinas galing Mexico. Mexicana rin daw ang tunay niyang ina; kaparehas ng lahi ng tatay niya na dito sa Pilipinas lumaki at nagkaisip. Walang mukha ang tunay na ina sa isipan ni Tasha. Ang tanging alam lamang niya ay ang unang pangalan nito. Maliban doon ay hindi na nagbanggit ang ama niya ng kahit na ano. Kung tutuusin ay dapat nagtatanong siya rito ng mga impormasyon patungkol sa nanay niya. Ngunit tila ba natural na kay Tasha na makasanayan ang lahat bagay; tinanggap niya nang buo na ganoon ang kuwento ng kanyang pinanggalingan — na patay na ang totoo niyang ina — na wala rin naman siyang magagawa kung magtatanong pa siya. Kaya marahil ay ganito siya ngayon kay Diana. Sadyang uhaw siya sa pagmamahal ng isang ina, bagay kung bakit itinuturing niya itong tunay na magulang. Naputol na lang ang paglipad ng isipan ni Tasha nang humikbi ang ina. "Baka hindi mo na ako makita sa mga susunod na araw." Sukat na biglang naging mahinahon na ang tinig nito, nakatingin sa kawalan. Kumunot ang noo niya. "Ano pong sinasabi niyo, Ma? Makakapagpa-chemotherapy na—" "Hindi mo naiintindihan. Pero darating ang panahon na maiintindihan mo rin ako." Noon siya nilingunan ni Diana, luhaan ang mga mata, basa ang pisngi. "Baka ito na ang huli nating pagkikita. Dapat ay noon ko pa sinabi sa iyo ito, pero nangako ako sa ama mo na hindi ako magsasalita hangga't hindi ka pa nakatutungtong ng bente y uno anyos. Isang buwan na lang ay kaarawan mo—" Muli, umubo ito, walang patid at halos mamula na ang buong mukha. Unti-unting rin ay lumitaw ang ugat nito sa sentido. Alanganin man, lumapit siya sa ina at hinagod ang likod nito. Hinayaan siya ni Diana . . .at sa unang pagkakataon, nadama niya ang balat nito sa kabila ng suot nitong hospital gown. "Magpahinga na po kayo, Ma. Makakasama po sa inyo—" "Namatay ang papa mo, kakaprotekta sa'yo." Bakas ang takot sa mga mata nito. "Ang akala nila, patay ka n—" Hindi na nito naituloy ang sasabihin. Sa pagsapo nito sa bibig, sinundan iyon nang mga ubong walang tigil. "Mama," puno ng takot niyang sambit, nanghilakbot sa dugo'ng tumagos sa mga daliri ng ina. Noon niya dali-daling itinapal ang bimpo na hawak sa bibig ni Diana. Agad namang kinuha nito iyon. Patakbong umikot siya sa kabilang panig ng kama at pinindot-pindot ang nurse call button na nasa pader. Naluha si Tasha sa paghihirap ng ina. Napakayakap siya rito, napahagulgol. "Tama na po, Mama. Natatakot na po ako," pag-aawat niya sa kadahilanang wala nang patid pag-ubo nito. Ilang sandali pa ay nagkukumahog na nagsidatingan sa silid ang isang doktor at tatlong nurse. Dinaluhan at sinuri ng mga ito si Diana. Wala nang nagawa pa si Tasha kung hindi ang tumakbo palabas ng kuwarto. Hindi kinaya ng binti niya panginginig ng kanyang katawan; napasandal siya sa pader at napaupo sa sahig. Mayamaya pa ay lumabas ang isang nurse. Agad din itong bumalik habang itinutulak ang isang cart na naglalaman ng kung ano-anong parapernalya. Ilang segundo ang lumipas, isang transport stretcher naman ang pumasok doon. Napatayo si Tasha, hindi na nagawa pang makapasok sa silid. "Ililipat namin sa ICU ang mama mo," anang doktora habang naglalakad palapit sa kanya sa pintuan. "Her respiratory is failing, and she can't breathe properly." Wala siya sa sariling tumango, pinagmamasdan ang pagbuhat ng mga nurse kay Diana pahiga sa isa pang kama. May itinatapat ding manual oxygen pump sa bibig at ilong nito. Lalo siyang naluha. "Ms. Buencamino, umuwi ka muna sa inyo at magpahinga. Kami na muna ang bahala sa mama mo." Hinaplos nito ang braso niya. "Nasa lobby ang kapatid mo. Nakasalubong ko siya kanina at sinabi niyang hindi ka pa raw kumakain." ~~**~~ LIPAD ang utak ni Tasha habang tinatahak ang daan papunta sa puntod ng kanyang ama, hindi alintana ang kalam sa sikmura. Dapat sana ay uuwi na siya, pero sadyang naapektuhan siya sa huling sinabi ni Diana. Sinabihan niya si Balong na silipin muna Trisia sa kapit-bahay, bumili ng kakailanganin at kakainin para sa hapunan. Ipinadala na rin niya sa kapatid ang balut na ititinda. Nang marating ang puntod ng ama, muli, bumugso ang emosyon ni Tasha. Nasa ika-limang palapag iyon ng apartment tomb. Palubog pa lamang araw, ngunit dahil sa nagtataasan ang mga puntod na animo'y mukhang gusali, nagmistulang gabi na kung saan siya nakatayo. Marami rin kasing naglalakihang puno sa paligid. Mabuti na lamang at nakasindi na ang poste ng ilaw sa gawing iyon. Umihip ang hangin at nangatal ang kanyang panga. Marahang isinampa niya ang kamay kung saan nakasulat ang pangalan ng ama. Antonio C. Buencamino May 26, 1969 - December 30, 2014 Sa puntong iyon, dahil alam niya na walang ibang tao roon, humagulgol siya nang malakas, napahilig ang noo sa batong iyon. Ang lupang kanyang tinatapakan ay ang lugar kung saan din natagpuan ang walang buhay na katawan ng ama. Binaril ito ng isang lalaking magpahanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakikilala at nahuhuli. Kilala sa lugar ang ama niya bilang mabait at masayahing tao. Kaya marahil, hanggang ngayon ay wala siyang ideya kung bakit ito pinatay ng kung sino. "Namatay ang papa mo, kakaprotekta sa'yo." Kinagat niya ang labi. Pakiwari niya ay siya ang dahilan kung bakit ito namatay. Hindi man siya sigurado kung iyon ay totoo, tila isang kutsilyo iyon na sumasaksak nang paulit-ulit sa kanyang pagkatao. "Tasha, tama na. Mas kailangan ka ni Mama. Tumigil ka na. Tumigil ka na. Please" aniya sa sarili. Pero dumaan ang mga minuto ay parang hindi na napagod ang mata niya. Magdidilim na nang tuluyang mapatahan ang sarili. Huminga siya nang malalim. Pinunasan niya ang luha at tumayo nang tuwid. Sa pangalawang pagkakataon ay pinasadahan niya ng tingin ang puntod — ngunit sa puntong iyon, binasa niya ang isa pang pangalan na nasa ilalim ng pangalan ng kanyang ama. Ana Sofía Garza November 18, 2000 - February 04, 2001 Hindi tulad ng karaniwang pangalan, wala iyong middle initial. Natigilan pa si Tasha nang ilang segundo. Noon pa man ay nakikita na niya ang pangalang iyon sa naturang puntod, sadyang ngayon lamang niya napansing ka-birthday niya pala ito. Tinanong niya ang ina minsan: kung sino ang isa pang yumao, kung bakit isinama ang labí ng ama sa puntod na iyon. Ang sabi, malayong kamag-anak daw. Hindi na siya nag-usisa pa. Kibit-balikat na pinsadahan niya ng daliri ang puntod saka naglakad. Kailangan na niyang umuwi; marami pa siyang gagawin. Bago pa man siya makarating sa pinakadulo ng hanay ng apartment tomb, ganoon na lamang kabilis ang pag-inog ng mundo nang maulinig niya ang sunud-sunod na yabag ng mga paa mula sa likuran. Akmang lilingon pa sana siya ngunit malalaking braso ang pumalibot sa kanya. Hindi na niya nagawa pang sumigaw, tinakpan na ang bibig niya kung saan gumuhit sa ilong niya ang amoy ng tila isang matamis na kemikal. Abut-abot ang pagpintig ng puso niya hanggang sa sentido. Nagtaas-baba ang kanyang dibdib. Nagpupumiglas siya at pilit na dumadaing bagaman sadyang mahina ang rehistro ng boses niya; mahina ang katawan niya kumpara sa malaking bulto na nakayakap sa kanya. Hinila siya nito papasok sa madilim na bahaging iyon ng sementeryo, kung saan makapal ang mga talahib at napakaraming puno ang nakatayo. Unti-unti, bumigat ang kanyang mga mata. Ngunit bago pa man, isang pigura ang biglang sumulpot sa kanyang harap, naglalakad palapit sa kanya. Madilim man ang paligid, hindi maitatago ang kinang mula sa damit na suot ng estranghero, dahilan para mabatid niya na isa itong lalaki. Ganoon na lang ang biglang pagnginig ng mga binti niya; kuminang din ang kuwintas na nakasabit sa leeg nito. Nakita na niya ang kuwintas na iyon! Hindi lang niya mahalukay sa alaala kung saan at kung kailan! Gayunman, pinilit niyang pinanatili ang kamalayan, tinitingnan nang maigi ang lalaking huminto na sa kanyang harapan. Pero sadyang kinain ng kadiliman ang paligid at tuluyan nang nanghina ang katawan niya. Bumabagsak na rin ang talukap ng kanyang mga mata, pero pilit pa rin niyang iminumulat ang mga iyon. Kailangan niyang manatiling gising. Hindi siya maaaring kuhain na lang kung sino! Her family needed her! Paano na lang ang mga ito kung mawawala siya? Sa isiping iyon, hindi niya nakontrol ang maluha. Bukod sa kaba, ang lalaking kanina lang ay naglalakad, ngayon ay nasa harap na niya. If this man was trying to kidnap her, he should be sure that he'll never let her live if he was trying to get something from her. Lintik lang ang walang ganti kung pagsasamantalahan siya nito. "It's okay, Tasha. Everything will be fine. Trust me." Bagaman, lalong nagtaas-baba ang kanyang dibdib. Mainit ang daliri nitong sumagi sa kanyang noo nang hawiin nito ang buhok niya. That raspy tone of voice . . . she was sure she had heard of it, somewhere! ~~**~~
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD