CHAPTER 2

1059 Words
"ANO? Iyan na nga ba ang kinakatakot ko, e! Sa susunod kasi, suriin mo muna ang perang iaabot sa iyo. Ilang beses ko nang naranasan iyan, Tessa! Ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?" Nang ikuwento ni Tessa ang nangyari kanina, iyon ang naging reaksyon ng nanay niya. Bahagya siyang nagulat dahil hindi man lang ito nagalit sa kaniya. Iyong tingin nito, hindi nakakatakot. Mahinahon lang ang nanay niya ngayon at hindi mo kakikitaan ng galit sa mukha. "Saka ko lang po kasi napansin nang mawala na iyong babae. Sorry po, 'nay. Alam kong hindi biro itong ginawa ko at alam kong malaki rin iyong nasayang. Promise po, hindi na mauulit iyon dahil simula bukas, magiging alisto na po ako," nakangiting saad ni Tessa sa nanay niya. Lumapit ito sa kaniya at inayos ang buhaghag niyang buhok. "Hindi ka ba nasaktan, Tessa?" nag-aalala nitong tanong. Ngumiti siya. "Hindi naman po, 'nay. Ayos na ayos po ako." Akala niya talaga papagalitan siya nito pero nagkamali siya. Akala niya lang pala iyon. Mabait ang nanay niya at minsan na niyang nakita kung paano ito magalit. Kaya nga nang pumasok siya kanina, halos manginig ang mga tuhod niya sa takot. Laking pasalamat ni Tessa dahil nabigyan siya ng ganitong kabait na nanay. Kung nabubuhay nga lang ang tatay niya ngayon, baka mas masaya pa sila. "Halika na sa kusina at para makakain na tayo. Si Timothy, tawagin mo na." Tumango lang siya bilang tugon dito. Umalis na ang nanay niya at nagtungo sa kusina samantalang si Tessa ay nagpatiuna sa kaniyang kuwarto. Magkatabi lang ang kuwarto nila ni Timothy kaya nang madaanan niya ito, hinawi niya ang kurtinang nagsisilbing pinto ng kuwarto ng kapatid niya. Nakita niya si Timothy na mukhang natutulog. "Timothy, kakain na!" may kalakasan niyang sabi. Bahagya itong gumalaw. "Sige po, ate," mahinang tugon nito sa kaniya. Tumango lang siya at pumasok na sa kuwarto niyang isang hakbang lang ang kayo sa kuwarto ni Timothy. Nang makapasok ay agad siyang nagbihis ng simpleng damit. Nang matapos ay lumabas na rin siya sa kuwarto at nagtungo sa kusina. Nakita niya ang nanay niya na naghahain at ang kapatid niyang parang walang sigla. "Anong nangyayari sa iyo, Timothy?" nagtatakang tanong ni Tessa saka umupo sa harap nito. "May sinat iyan, anak," ang nanay na niya ang sumagot. Napatingin siya rito kalaunan ay ibinalik ang tingin sa kapatid. "Nakainom na po ba siya ng gamot?" "Oo, anak. Mabuti na lang at nakahingi ako sa barangay." "Ikaw, Timothy! Tantanan mo na iyang pagligo mo sa ulan. Kapag nakita kitang naliligo sa ulan, papaluin ki—" "Tessa, huwag kang ganiyan sa kapatid mo. Intindihin mo na lang siya dahil bata pa siya. Tayo na ang mag-adjust para sa kaniya." Napabuntong-hininga si Tessa at sinundan iyon nang pag-iling. Hindi na niya nagawang umimik ng mga sandaling iyon. Nagsimula na silang kumain. Tahimik lang ang isa't-isa hanggang sa binasag iyon ni Timothy. "Nanay, kailan po tayo dadalaw kay tatay?" Sabay silang napatingin dito. Hinawakan ng nanay niya ang isang kamay ni Timothy na kasalukuyang nakapatong sa lamesa. "Anak, kakabisita lang natin noong nakaraang linggo. Hindi ba't sinabi ko buwan-buwan nating dadalawin ang tatay mo?" "Pero gusto ko po ulit bumisita sa kaniya. Nami-miss ko na po siya." Nanubig ang mga mata ni Timothy kalaunan ay bumagsak na iyon. Ramdam na ramdam ni Tessa ang kapatid dahil maski siya, nami-miss na rin niya ang tatay niya. Namatay ito tatlong taon na ang nakalipas. Nabangga ito tapos iyong nakabangga, hindi nahuli. Hanggang ngayon ay naghahanap pa rin sila ng hustisya sa pagkawala ng tatay niya pero mukhang hanggang doon na lang iyon. Tanggap na nila ang pagkawala nito ngunit masakit pa rin isipin na hindi man lang nakulong ang bumangga rito. "Ganito na lang, sa makalawa, bibisita ulit tayo. Huwag ka nang umiyak, Timothy." Tumayo ang nanay niya saka lumapit sa kapatid niya at niyakap ito nang mahigpit. Agad na tumahan si Timothy kaya nagpatuloy sila sa pagkain. Nang matapos ay si Tessa na ang nagpresintang maghugas ng pinagkainan nila. Pagod man ay nagawa pa rin niyang gawin ang mga gawaing bahay. Tahimik na naghugas si Tessa at nang matapos, nagwalis naman siya. Matapos magwalis, saka siya pumasok sa kuwarto niya. Marahan siyang umupo sa papag saka bumaling sa nakabukas na bintana. Iniisip niya kung paano sila makakaalis sa ganitong klase ng buhay. Mahirap lang sila pero masaya naman. Nahihirapan siyang makita ang nanay at kapatid niya ngayon. Patanda na ang nanay niya, may problema ito sa puso, at araw-araw ay may iniinom na gamot. Ang kapatid naman niya, nag-aaral na. Sa edad na siyam, nasa Grade 3 na ito. Tapos siya, mas pinili niyang tumigil sa pag-aaral para matulungan ang nanay niya. Matatapos na sana siya sa senior high pero saktong namatay ang tatay niya. Nagkaroon sila ng maraming utang kaya naman gumawa sila ng negosyo. Paunti-unti, nabayaran nila ang mga utang nila. Kahit hirap man, nagawa pa ring ngumiti ni Tessa. Kahit marami siyang taon na nasayang sa pag-aaral, ayos lang sa kaniya basta't makapagtapos ang kapatid niya dahil nangako siya sa tatay niya na pag-aaralin nila si Timothy kahit anuman ang mangyari. Hindi na nanalayan ni Tessa na tumutulo na ang mainit na likido sa magkabila niyang mata. Napailing siya saka mabilis na tinuyo ang pisngi gamit ang palad. Maghahanda na sana siya para matulog nang biglang humawi ang kurtina at iniluwa noon ang nanay niya. Marahan itong naglakad palapit sa kaniya at umupo sa tabi niya. "Ayos ka lang ba, anak? Alam kong pagod ko sa maghapong pagtitinda." Peke siyang ngumiti. "Ayos lang po ako, 'nay. Hindi niyo po kailangang mag-alala sa akin. Malakas po ako." "Naaawa ako kay Timothy, anak," pag-iiba nito ng usapan. "Araw-araw, gabi-gabi, tatay niya lagi ang hanap niya. Wala naman akong ibang magawa kundi ang mangako na darating ang panahon, muli niya itong makikita." "Nay..." Hinawakan niya ang mga kamay nito. "Magdasal na lang po tayo na panaginip lang lahat ng ito. Isipin na lang natin na buhay si tatay. Masakit para sa akin ang mawalan ng isang magulang. Wala pang hustisya at sana dumating ang panahon na makulong ang naging dahilan para mawala ang mahal natin sa buhay..." "Sana nga, anak, sana nga..." Imbes na sagutin pa, mas pinili niyang yakapin ang nanay niya na alam niyang nangungulila pa rin magpahanggang ngayon sa pagkawala ng asawa nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD