CHAPTER 3

1252 Words
"HUWAG kang kabahan, Shane. Nandito lang ako." "Parang pinagsisihan ko ang pagsali ko rito, Tessa. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko." "Ano ka ba? Normal lang iyan, no." "Sana nga normal lang ito. Ayaw kong mahimatay sa harap ng maraming ta—" "Magandang tanghali sa inyong lahat! Ilang minuto na lamang po at magsisimula na ang paligsahan natin. Excited na ba kayong lahat?" Matapos magsalita ng emcee ay sunod-sunod ang sigawan ng mga tao. Nasa back stage sila kung nasaan ang mga contestant na abala sa mga ginagawa nila. May nga nag-aayos ng buhok, nagme-make up ng mga mukha, at may ibang nag-aayos ng mga damit nila. Lagpas sampu ang mga kalahok at masasabi ni Tessa na magaganda silang lahat. Mayamaya pa ay dumating ang isang babae at sinabing pumila na raw sila dahil mag-uumpisa pa. Nagyakapan silang dalawa ni Shane bago ito pumila. Nginitian niya ito nang malapad at sinenyasan itong huwag kabahan. Nang magsalita ang emcee sa stage, naglakad na ang mga ito. Nanatili si Tessa sa back stage dahil siya ang magsisilbing assistant ni Shane ngayon. Mula sa back stage, naririnig ni Tessa ang boses ng emcee. Pinapakilala nito ang mga candidate. Nakatanaw lang si Tessa sa stage ng mga sandaling iyon. Pero natigilan na lang siya bigla nang tumunog ang cellphone niya sa kaniyang bulsa. Nagtataka niya iyong kinuha at tiningnan kung sino ang tumatawag. Nang mapagsino ito, agad niyang sinagot iyon. Ang nanay niya ang tumatawag. "Bakit ka napatawag, 'nay?" tanong niya. "Anak, m-may masama akong balita sa iyo..." animo'y natatakot nitong saad. Napakunot-noo si Blaire sa inakto ng nanay niya. "A-Ano pong balita, 'nay? Pinapakaba niyo naman po ako, e." "Anak, si Timothy, sinugod ko sa ospital." Nanlaki ang mga mata niya. "Po? Ano pong nangyari kay Timothy?" gulat niyang tanong at nawala ang pagiging kalmado niya kanina pa. "Bigla na lang siyang hinimatay kanina. Pero bago iyon, nagsuka muna siya ng dugo. Nasa emergency room siya ngayon at patuloy pa ring sinusuri ng doktor. Tessa, natatakot ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Ayaw kong mawala ang kapatid mo." At humagulgol na ang nanay niya. Hindi kaagad nakaimik si Tessa dahil sa gulat. Bakit naman kailangang mangyari iyon kay Timothy? Sobrang lakas pa ng kapatid niya nitong mga nagdaang-araw tapos mangyayari ito? Kinakabahan na si Tessa ng mga sandaling iyon. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya. "Nasaang ospital kayo, 'nay? Pupuntahan ko po kayo." "Nasa General Hospital, Tessa. Alam kong alam mo ang ospital na ito dahil dito ako nagpapa-check-up. Kailangan kita— namin ng kapatid mo, Tessa. Hindi ko kaya ang nangyayari, anak " "Sige po. Pupunta na po ako riyan." Matapos noon, pinatay na niya ang cellphone. Ibinalik niya ang cellphone sa bulsa saka bumaling sa stage. Rumarampa pa rin sila. Hindi na siya makakapagpaalam kay Shane. Emergency ito kaya pupuntahan niya. Sunod-sunod na nagpakawala ng hangin sa bibig ang dalaga saka nagtatakbo pababa para puntahan ang kapatid. Alam ni Tessa na mali ang ginawa niya pero hindi na siya makapaghintay na makita ang kapatid niya ngayon. Kung kailan malayo na ang tinatakbo niya, saka niya nakalimutan magbilin sa mga kasamahan niya kanina. Mauunawaan naman yata siya ni Shane kapag nagpaliwanag siya. Nang makarating sa sakayan, sumakay na siya sa tricycle at sinabi ang destinasyon niya. At dahil nasa bayan din ang General Hospital, madali siyang nakarating. Nagbayad, bumaba, at nagtatakbo papasok sa ospital. Saktong pagpasok niya ay sinalubong agad siya ng nanay niyang hilam ang mga mata. "Nasaan si Timothy, 'nay?" agad niyang tanong dito. "Nasa emergency room pa, anak. Maghintay raw tayo dahil lalabas din ang doktor para sabihin kung ano ang nangyari kay Timothy. Halika't umupo muna tayo." Tumango lang si Tessa bilang tugon sa nanay niya. Nang makaupo sila, humarap si Tessa sa nanay niya at mataman itong tiningnan. "Kaya natin ito, 'nay. Ipagdasal natin na walang mangyaring masama kay Timothy." "Tama ka, Tessa. Ipagdasal natin na maging ligtas si Timothy. Magtiwala lang tayo lalo na sa Panginoon." Ngumiti lang siya at mabilis itong niyakap. Nangilid ang luha sa magkabila niyang mga mata. Sinubukan niyang pigilan iyon ngunit hindi niya nagawa sapagkat tuluyan na iyong rumagasa. Hindi na nila kakayaning may mawala pang isa sa kanila. Baka mabaliw pa sila kapag si Timothy ang sumunod sa tatay niya. Mayamaya pa ay natigilan na lang siya nang lapitan sila ng isang doktor. Humiwalay si Tessa sa nanay niya at parehas nilang hinarap ang doktor. Nakumpirma ng dalaga na ito ang nagsuri sa kapatid niya nang sabihin ito ng nanay niya. "Kumusta na po ang anak ko, dok?" "May masama po akong balita sa inyo." Nagkatitigan sila ng nanay niya kalaunan ay ibinalik nila ang atensyon sa doktor. "Ano pong balita?" nagtatakang tanong ni Tessa. "May cancer po sa dugo ang pasyente. May Leukemia po siya." Napakunot-noo siya. "Po? Paano magkakaroon noon si Timothy, e malusog naman po siyang bata?" "Malusog po ang bata ngunit maaaring hindi niyo napapansin na unti-unting bumaba ang timbang ng bata. Naikuwento rin ni ma'am na nilagnat ang bata. Nang suriin po namin ang katawan ng bata, may mga nakita po kaming maliit na kulay pulang marka. Baka namana ng bata ang sakit niya ngayon..." paliwanag ng doktor. "Imposible naman po iyan. Malakas si Timothy. Nakausap ko pa siya kaninang umaga." "Anak!" tawag ng nanay niya sa kaniya. Napatingin si Tessa rito. "Bakit, 'nay?" "Iyong lola mo, Leukemia ang ikinamatay noon kaya naniniwala ako kay dok na baka namana ni Timothy iyon." Maluha-luha siyang nagbalik ng tingin sa doktor. "Magagamot pa po ba ang sakit na iyon?" "Sa ngayon, wala pang gamot para sa Luekemia. Pero sa tulong ng treatment at diagnosis, puwedeng gumaling ang bata pero kailangan nang malaking halaga ng pera. Hindi biro ang sakit na iyan. Sige po, maiwan ko na po muna kayo at may aasikasuhin lang po ako. Kakausapin ko kayo mamaya para sa maipaliwanag ang lahat tungkol sa sakit na iyan." Sabay silang tumango ng nanay niya. Wala sa sariling bumalik si Tessa sa kinauupuan at doon tahimik na umiyak. Sumunod naman ang nanay niya. Sinapo nito ang likod niya. "Anak, ayaw kong mawala ang kapatid mo. H-Hindi ko kakayanin na pati siya, mawala na rin sa atin." Nag-angat siya ng tingin sa nanay. "Pero saan po tayo kukuha ng pera, nanay? Maliit lang ang kinikita natin sa pagtitinda ng mga gulay. Hindi natin kakayaning mag-ipon nang malaking pera." "May naisip ako, anak. Alam kong hihindian mo ako pero ito lang ang naiisip kong paraan ngayon." "Ano pong sinasabi mo, nanay?" "Isasangla muna natin ang lupa nat—" "Po? Hindi ba't nangako po tayo kay tatay na hindi natin ibebenta ang lupa natin?" "Hindi natin ibebenta, a—" "Ganoon na rin iyon, 'nay!" Napatayo siya at wala siyang ideya kung bakit nagalit siya sa nanay niya. "Paano kapag tutubusin natin? Saan tayo kukuha ng pera?!" Napalakas na ang boses niya at hindi na niya inisip na nanay niya ang kausap niya. Tumayo ang nanay niya at binigyan siya ng isang sampal. "Anong mas pipiliin mo? Ang lupa o ang buhay ng kapatid mo? Mas importante pa rin ang kapatid mo, Tessa." Tila'y nagising sa katotohanan si Tessa. Mabilis pa sa alas-kuwatro na niyakap niya ang nanay niya at sa balikat nito humagulgol. Nagsisisi na siya sa mga sinabi niya. Kung ang pagsangla nila ng lupa ang magliligtas kay Timothy, papayag na siya kahit nangako sila sa tatay niya. Tama ang nanay niya, mas importante pa rin si Timothy kaysa sa lupang hindi naman kalakihan.

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD