CHAPTER 1
"MAGKANO sa repolyo?"
"70 po ang kilo, ate," magalang at nakangiting sagot ni Tessa sa ginang.
Agad na bumakas ang gulat sa mukha ng ginang. "70? Ang mahal naman yata. Sa kabila, 60 lang. Sige, huwag na lang. Ang mahal-mahal ng gulay niyo!" At umalis na ito na parang may galit sa kaniya.
"Ate, mahal po talaga ang gulay ngayon!" pahabol niya pa rito.
Pero hindi tumingin ang babae sa kaniya. Palihim na inikot ni Blaire ang mga mata saka umupo sa upuan niya. Kinuha niya ang tuwalya sa balikat at pinunasan ang pawis sa kaniyang noo. Magtatanghali na pero kaunti pa rin ang benta niya. Nangako si Tessa sa nanay niya na uuwi siyang malaki ang kita. Pero malas yata ang araw na ito. Marami na ang namamahalan sa mga gulay niyang tinitinda. Mahal kasi nilang nabili kaya kung mura nilang ibebenta, e 'di wala namang tutubuin. At isa pa, inangkat pa nila ang iba nilang gulay sa Baguio kaya mahal.
"Nakabusangot ka na naman diyan, Tessa. May problema ka ba?"
Napatingin si Tessa sa nagsalita. Nakita niya si Shane, ang kaibigan niya. "Nakakainis kasi iyong babae kanina. Nagtanong nga ng presyo, 'di naman bumili."
"Chill, Tessa! Hindi lang ikaw ang nakakaranas niyan. Si mama nga, kakaunti pa lang ang benta. Hayaan mo na, may araw rin tayo. Tayo naman ang dadagsain ng mga mamimili."
Nagkaroon siya ng lakas ng loob dahil sa sinabi ng kaibigan. Imbes na sagutin ito, prente na lang siyang umupo at naghihintay ng mamimili. Nasa palengke siya ngayon at siya lang ang nakatokang magbantay ng hindi naman nila kalakihang tindahan ng kung ano-anong gulay. Linggo ngayon kaya nasa bahay ang nanay niya kasama ang bunso niyang kapatid na si Timothy. Araw-araw siyang nandito sa palengke para samahan ang nanay niya sa pagtitinda. Kapag Lunes hanggang Sabado, silang dalawa ang nagtitinda. Kapag naman Linggo, siya lang mag-isa.
"Ano, nakapagdesisyon ka na ba roon sa sinabi ko sa iyo kahapon?" Boses iyon ni Shane.
Nagpakawala siya ng hangin sa bibig at binalingan ito. "Hindi ko yata kayang sumali sa mga ganiyan, Shane," tugon niya.
Kahapon, may inalok itong beauty contest sa kaniya na gaganapin sa plaza sa isang linggo dahil piyesta ng bayan. Pinag-iisipan ni Tessa kung sasali ba siya. Ang kaso, nahihiya siya sapagkat hindi niya pa nararanasang umapak sa stage. At para sa kaniya, wala siyang talent sa ganoong bagay. Nanghihinayang siya sa malaking papremyo. Puwede na rin iyong pambili ng gamot ng nanay niya sa puso.
"Ang ganda-ganda mo kaya, no. For sure, mananalo k—"
"Hindi natin alam," putol niya sa kaibigan.
"Maniwala ka man o hindi, maganda ka at ikaw ang mananalo. Sayang naman kung hindi ka sasali. Pero desisyon mo iyan kung sasali ka ba o hindi."
"Hindi ako sasali, final decision na ito, Shane."
"Kapag ba sumali ako, susuportahan mo ako?"
Tumango siya. "Oo naman. Ano pa't naging magkaibigan tayo kung hindi naman natin susuportahan ang isa't-isa, 'di ba? Sumali ka, maganda at sexy ka naman, e."
"Sige na nga. Basta ha, support mo ako?" parang bata nitong sambit.
Natawa si Tessa. "Oo na."
"Thank you, Tessa. Ang bait mo talagang kaibigan."
Lumapit si Shane sa kaniya at mahigpit siyang niyakap. Walang nagawa si Tessa kundi ang yakapin pabalik ang kaibigan. Nang matapos ay humiwalay na ito sa kaniya. Nagpaalam na ito dahil magpapalista pa raw ito kaya mag-isa na lamang si Tessa sa puwesto niya.
Napangiti nang malapad si Tessa nang makitang may papalapit na babae sa puwesto niya. Katulad kanina, tinanong din nito ang presyo ng gulay. Akala niya'y hindi ito bibili dahil bahagyang tumaas ang presyo pero nagkamali siya. Laking tuwa niya nang bumili ang babae. Lalo tuloy nadagdagan ang lakas ng loob niya.
"Maraming salamat po, ma'am! Ingat po kayo!"
Tumango ang babae at umalis na. Nangingiting umupo si Tessa ang upuan ay binilang ang binayad ng babae. Ngunit bigla siyang nagtaka nang may mapansing kakaiba sa pera. Parang maliit ito kumpara sa totoong pera. Dahil sa pagtataka, kumuha siya ng totoong pera at pinagkumpara ang binayad ng babae. At ganoon na lamang ang panlalaki ng mga maya niya nang mapag-alamang peke lang ang pera. Sinipat niya pa ito pero wala— hindi niya nakita iyong tanda para malamang hindi peke ang pera. Binitiwan ni Tessa ang hawak at lumabas ng stall niya. Hinanap niya ang babae kanina pero wala na ito. Diyos ko, halos dalawang daan ang naloko sa kaniya nito.
"Aling Dina, n-nakita niyo ba iyong babaeng bumili rito kanina?" tanong niya sa tinderang nasa harap niya.
"Hindi, e. Abala kasi ako kanina, Tessa."
Hindi na namalayan ni Tessa na unti-unti nang tumutulo ang luha sa kaniyang magkabilang mata. Wala sa sariling bumalik siya sa loob at umupo sa upuan. Kung hahabulin niya ang babae, saan siya magsisimulang hanapin ito? Marahil ay nakalayo na ito ngayon. Bakit ba ang daming manloloko rito sa mundo? Hindi na sana sila nabuhay kung manloloko lang din sila. Sunod-sunod ang pagragasa ng luha sa mga mata niya habang nakayuko. Lagot siya sa nanay niya. Mapapagalitan siya nito.
"Umiiyak ka ba, Tessa?"
Mabilis niyang naiangat ang mukha nang marinig iyon. Sa harap niya, nakita niya roon si Ronnie na kargador ng bigas dito sa palengke. Agad niyang pinunasan ang mukha gamit ang palad dahil baka makita siya nitong pangit. Sa totoo lang, crush niya ito. Ang guwapo naman kasi ni Ronnie. Tapos tuwing makikita niya ito, walang damit kaya hindi niya mapigilang makita ang maskulado at pawisan nitong katawan. Katulad ngayon, wala itong damit tapos may buhat pang isang kaban ng bigas.
"H-Hindi naman, Ronnie."
"Sigurado ka ba?"
"Oo, sigurado ako. Hindi mo kailangang mag-alala, Ronnie."
"Ganoon ba? Sige, maiwan muna kita at ihahatid ko pa itong bigas na buhat ko."
Tumango lang siya bilang tugon dito kaya magpatiuna na ito. Pagkatalikod na pagkatalikod nito sa kaniya ay bumusangot agad siya. Lagot talaga siya sa nanay niya. Ang bait tingnan ng babae pero scammer pala. Mabuti na lang at natandaan niya ang mukha nito. Isusumbong niya ito sa pulis tutal at malapit lang naman dito ang police station.
Nang sumapit ang gabi, naglinis na si Tessa at naghanda na dahil alam niyang papagalitan siya ng nanay niya. Ang liit na nga ng kita ngayong araw, tapos na-scam pa. Wala siyang ibang nagawa kundi ang manalangin na lang, baka kasi mabawasan ang pagkagalit ng nanay niya sa kaniya.