Chapter 1

1245 Words
Mula ng mamatay si nanay Mildred ay hindi na nagkaroon ng katahimikan ang buhay ni Samantha. Mula ng malaman ng kanyang ama ang pagpanaw ng ina, ay bumalik ito sa bahay nila. Ang akala niyang pagbalik nito, ay para makasama siya ng ama, ngunit nagkamali si Samantha, ng mailibing ang kanyang ina, ilang araw pa lamang ang nakakalipas, dumating din sa bahay nila ang kinakasama ng kanyang ama, kasama ang isang anak nito. Wala naman sakanya kung may bago ng asawa ang kanyang ama, dahil wala na rin naman ang kanyang ina. Pero masakit mang isipin ayaw sakanya ng babaeng ipinalit ng ama n'ya sa kanyang ina. Tuwing umaalis ang kanyang ama, ay nakakatikim si Samantha ng mga pananakit dito, physical at emotional. Tuwing gabi ay lagi na lang umiiyak si Samantha. Gusto na niyang hilingin na sana isinama na lang siya ng kanyang ina. Ngunit hindi naman ganoong kadali iyon. Habang naghuhugas ng pinggan si Samantha ay humingi ng tubig na inumin ang anak ng kanyang madrasta. Hindi naman niya pinahindian iyon, dahil natutuwa naman siya sa bata kahit ayaw sakanya ng ina nito. Habang umiinom ng tubig ay hindi sinasadya na mabitawan ng anak ng kanyang ama ang basong iniinuman nito. Nagmamadaling kumuha ng duspan at walis si Samantha para linisin ang nabasag na baso. Pero bago sa s'ya dumating dinampot na nito ang basag na baso dahilan para masugatan ang kamay nito. Dahil sa takot sa dugo, bigla itong pumalahaw ng iyak, nagmamadali namang dinaluhan ito ni Samantha, para linisan ang sugat nito. Pero hindi pa sila nakakalabas ng kusina, dumating ang madrasta niya at ang kanyang ama. Nakita din nila ang walang tigil na pagdugo ng kamay ng kanilang anak. Dahil sa pangyayaring iyon, bigla na lang siyang inilayo ng madrasta niya sa anak nito sa pamamagitan ng pagsabunot sa kanyang buhok. "SINASABI KO NA NGA BANG WALA KANG IBANG GUSTO KUNDI ANG SAKTAN ANG ANAK KO!" madiing sabi ni Mirasol, ang kanyang madrasta. "W-wala po akong kasalanan, na- nabitawan po ni Britany ang baso kaya nabasag. T-tapos nasugatan s'ya dahil na-nahawakan n'ya ang basag na baso." Umiiyak na paliwanag ni Samantha sa madrasta niya. "Marciano! Mamili ka. Kami ng anak mo ang mananatili dito sa pamamahay na ito o iyang ampon mo na walang kwenta!" Galit na sabi ni Mirasol. "Mahal, baka naman nagsasabi ng totoo si Samantha, baka naman wala talaga s'yang kasalanan." Mahinahong sambit pa ni Marciano. "Hindi sinasadya.! Hindi mo ba nakikita kung gaanong karaming dugo ang tumutulo sa sugat ni Britany? Malamang hinayaan talaga niyang ampon mo, ang anak natin, para masugatan! Walang kwenta!" Galit pa ring turan nito at hnd pa rin binibitawan ng pagkakasabunot si Samantha. "Tiya, bitawan n'yo po ako wala po akong ginagawang masama." Pagmamakaawa pa rin ni Samantha habang patuloy ang pag-agos ng kanyang mga luha. "Tatay? Maniwala ka naman oh, wala po talaga akong ginagawa kay Britany. Kahit po tanungin n'yo po s'ya." Sabay tingin sa mukha ni Britany na hindi na umiiyak dahil nalagyan na ng benda ng kanyang ama ang sugat nito. "Mommy tama na po w-wal...." hindi na natuloy ni Britany ang sasabihin ng kaladkarin ni Mirasol si Samantha palabas ng bahay. Hindi pa nakuntento ang ginang dahil, itinulak pa nito si Samantha hanggang sa mapasalampak na ito sa lupa. Wala pa ring tigil sa pag iyak ang dalaga. Alam niyang buhat ng dumating ang bagong pamilya ng kanyang ama ay ayaw na nito sakanya. Bata pa si Mirasol kumpara sa kanyang ama. Ang kanyang ama ay nasa singkwenta'y dos na ang edad. Samantalang si Mirasol ay nasa trenta'y singko pa lamang. Si Britany naman ay nasa pitong taong gulang pa lamang, bata pa ito, at alam din niyang mabait ito. Dangan nga lamang na hindi siya gusto ng ina nito. Kaya gusto siyang mapalayas. "Tiya maawa po kayo, wala po akong ibang mapupuntahan kung paaalisin n'yo po ako. Parang awa n'yo na po. Tatay, Britany wala na po akong ibang matutuluyan." Pagmamakaawa ni Samantha sa mga ito. "A-ate" nauutal na sambit ni Britany, na dahan-dahang kumawala sa pagkakahawak ng kanyang ama at patakbong yumakap kay Samantha. Ngunit hindi pa naiilapat ni Britany ang kanyang mga kamay, ay nailayo na agad siya ng kanyang ina dito. Bumuhos na rin ang mga luha ni Britany, sa nakikita niyang kalagayan ng kanyang ate. Wala namang magawa ang kanyang ama, dahil ayaw nitong nagagalit ang kanyang asawa. "Marciano, wag na wag mong papapasukin ng bahay ang ampon mong iyan, kukunin ko lang ang mga gamit niya. Simula ngayon, wala na siyang karapatan sa pamamahay na ito. Wala akong pakialam kung saan man s'ya magpunta. Ang gusto ko lumayas na s'ya dito!." Galit na galit na sabi ni Mirasol, habang papasok ng loob ng bahay. Si Britany naman ay tuluyan ng lumapit kay Samantha at yumakap dito. "Ate, sorry ha,wala akong nagawa para ipagtanggol ka kay Mommy. Ate paglaki ko, hahanapin kita ha. Sana love mo pa rin si Britany pag nagkita tayo." Umiiyak na sabi ni Britany. Yumakap na rin si Samantha dito. "Mahal ka din ni ate okey. Yaan mo pag nagkita tayo, mahal na mahal ka pa rin ni ate. Magpapakabait ka, kung alam mong mali si mommy mo wag mong tutularan. Matalino kang bata. Kaya palagi mong iisipin ang mali at tama." Malambing na sabi ni Samantha, at pinatayo na niya si Britany at baka lumabas na si Mirasol ng bahay at masaktan pa nito ang sariling anak. Tahimik lang naman si Marciano, dahil wala itong magawa, alam niyang baka lumayas ang kanyang asawa kasama ang kanyang anak, kaya hindi ito makapagbigay ng kahit na anong salita na kontra dito. "Anak, patawarin mo sana si tatay sa lahat ng mga masasakit at masasamang pangyayari na naidulot sa iyo ni tatay. Minahal ko ang iyong ina. Ngunit natalo ako ng tukso, nung malaman kong magkakaanak na ako kay Mirasol, pinili ko siya dahil ipapalaglag daw niya ang anak namin. Patawad anak naging mahina si tatay. Sana dumating ang panahon na mapatawad mo pa ako." Hindi na nakapagsalita si Samantha ng biglang lumabas si Mirasol, dala ang dalawang hindi kalakihang bag, na naglalaman ng mga gamit niya. Pabalya pa itong inihagis ng madrasta niya. Dahil sa pagkakahagis nito, hindi maiwasan ang pagbukas ng zipper ng bag at pagkalat ng ilan niyang mga damit at mahahalaga niyang gamit. Nagpapasalamat na lang din si Samantha na nakasama sa mga nilagay ni Mirasol sa bag niya ang kahon, kung saan nandoon ang mga litratong alaala ng kanyang ina, at ang kwintas na galing pa kay Mother Terresa. Kinuha ni Samantha ang nagkalat niyang gamit at inayos ang pagkakalagay sa bag. Ilang sandali pa tinawag na ni Mirasol si Britany at ang kanyang ama, at pinapasok ng bahay. Narinig na lang ni Samantha ang pabalyang pagsara ng pintuan ng bahay nila. Isang sulyap pa ang kanyang iginawad, sa bahay na kayang tinirahan ng ilang taon. Bago tuluyang naglakad palayo, dala ang kanyang mga gamit, kasama ang mga alaala sa bahay na kanyang kinalakihan. Ang masayang alaala kasama ang kanyang ina. Ang masakit na alaala ng paglisan nito, at ang pagpapaalis ng kanyang madrasta, habang wala namang ginawang action ang kanyang ama. Hindi man alam ni Samantha kung saan siya dadalhin ng kapalaran niya, lalo na at wala naman siyang mapupuntahan. Pero umaasa pa rin siya sa mumunting pag-asa na paalaala palagi ng kanyang ina. 'Kahit lumubog man ang araw sa dapit-hapon sa kanluran, patuloy pa rin itong sisilay tuwing bukang liwayway sa silangan.'
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD