Prologue
Sa buong buhay ni Samantha, kahit masaya siya, nararamdaman pa rin niya ang kakulangan. Habang nagkakaisip siya, doon lamang tumatatak sa isipan niya kung bakit siya sa bahay ampunan nakatira at inaalagaan ng mga madre sa halip ng kanyang mga magulang.
Hindi niya alam ang dahilan ng mga magulang niya kung bakit siya napahiwalay sa mga ito, dahil wala namang nakakita sa pangyayaring iyon. Basta na lang siya nakita ng mga madre sa harapan ng gate ng ampunan na kinalakihan niya. Hindi naman siya pinabayaan ni Mother Terresa, ang madre na nag-alaga sa kanya, ngunit hindi pa rin niya maipagkakaila ang kakulangan sa buhay niya.
Noong sampong taon siya, ay may ibinigay sa kanyang isang kwintas si Mother Terresa. Iyon daw ang suot-suot niya noong nakita daw sila ng mga ito sa labas ng ampunan. Iyon lamang ang magiging alaala niya sa kanyang mga tunay na magulang, na hindi niya nakikilala, kung talagang sa kanila galing ang bagay na iyon.
Noong panahon ding iyon ay inampon siya ng mag-asawang Motenegro. Si Mrs. Mildred na hindi nabiyayaan ng anak, at ang asawa nitong si Mr. Marciano.
Masaya naman ang naging buhay niya sa mag-asawa, naramdaman niya ang pagmamahal na hindi naiparamdam ng tunay niyang mga magulang. Hindi mayaman ang umampon sakanya. Meron lamang matatag na trabaho ang kanyang kinilalang ama. Dahil doon naiibigay ng mga ito ang mga pangangailangan niya. Kahit tutok ito palagi sa trabaho ay nabibigyan sila nito ng panahon. Dahil kahit papano ay nakakaluwag sila sa buhay, ang pamamasyal, ang family bonding ay palagi nilang nagagawa. Bagay na naibigay ng mag-asawang Motenegro ang pamilyang kanyang inaasam.
Pinag-aral din siya ng mga ito sa isang pribadong paaralan. Lahat ng pangangailangan niya sa school ay natutustusan ng kanyang ama at ina. Kahit maluwag sa pagbibigay sakanya ng pera ang mga ito, naging matipid pa rin naman si Samantha. Kaya ang mga sobra sa mga ibinibigay ng mga ito ay naiisubi niya.
Sa bahay ampunan pa lang ay tinuruan na siya ng mga madre doon, para maging masinop. Alam di niya ang salitang 'huwag ubos-ubos biyaya.' Kaya talagang naging masinop siya, lalo na ngayong kasama niya ang mga kinikilala niyang mga magulang.
Palagi niyang naiisip, na malaki ang pasasalamat niya sa mag-asawa na umampon sakanya, lalo na sakanyang inang si Mildred. Kaya talagang lahat ng pagmamahal, ay ibinuhuhos niya sa mag-asawa. Kahit hindi kailangan na tumulong sa gawaing bahay ay ginagawa pa rin niya. Sa murang edad marunong na siya sa bahay, paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba at kung anu-ano pa. Na ikinatuwa lalo ng kanyang ina, sa pagiging mabuti niyang anak.
Pero hindi sa lahat ng pagkakataon, na masaya ay totoong masaya. Dumating ang pagkakataon na magkaproblema ang kanilang pamilya. Nagsimula ang problema at magulo ang masaya nilang pamilya mula ng magkasakit ang kanyang kinilalang ina.
Mula ng makaramdam ito ng sunod-sunod na pananakit ng ulo, ay nagpasya ang kanyang ama, na kumunsulta na sila sa doktor. Noong una ay hindi sila makapaniwala dahil, napaka health conscious ng kanyang ina. Kaya nagpalipat-lipat sila ng doktor, para makasigurado. Pero sa bandang huli, iisa lang ang naging resulta sa mga laboratory at check-ups ng mga ito.Mayroon brain tumor, ang kanyang ina, na lubusang, ikinaguho ng mundo nilang mag-ama.
Malaking halaga ang kailangan para sa operasyon. Kaya naman nagdoble kayod sa trabaho ang kanyang ama. Kahit pa sabihing maubos ang ipon nila, mahalaga ay ang buhay ng kanyang ina. Gagawin nilang lahat, para lang gumaling ito.
Hindi nila alintana ang gastos sa pagpapagamot, kahit mahirap, ang mahalaga ay madugsungan ang buhay ng kanyang ina. Noong una ay sobrang nag-aalala ang kanyang ama at sobrang pag-aalalaga nito sa asawa.
Nalampasan naman nila ang unos na dumating. Naalis ang tumor na nagpapahirap sa kanyang ina. Naging matagumpay ang operasyon nito.
Akala nila ay maayos na ang lahat. Dahil sa matagumpay ang operasyon at magaling na ang kanyang ina, ay akala niya wala ng problema. Ngunit hindi nagtagal, ay naging malamig ang pakikitungo ng kanyang ama sa kanyang ina, hanggang sa tuluyan ng magbago ang pakikitungo sa kanila. Hindi nila alam ang dahilan, pero hinayaan na lang nila ito, at umaasang babalik sa dati ang masaya nilang pamilya. Pero hindi nagtagal, nalaman din nila ang katotohanan sa likod ng panlalamig nito sa kanila. Ayon nga sa kasabihan walang lihim na hindi nabubunyag. Ang kanyang kinilalang ama ay napag-alaman niyang may bago ng binubuong pamilya.
Gustuhin man niyang hindi sila iwan ng ama ay hindi nangyari. Iniwan pa rin sila nito at sumama sa bagong kinakasama nito. Lalo na at napag-alaman nilang magkakaanak na ang kanyang ama sa bago nitong kinakasama. Nalaman din nila na malaki ang agwat ng edad nito sa kanyang ama, sabi ng kanyang ina ay bata pa ito at magandan, kaya wala silang nagawa ng umalis ito para sa babaeng bago nitong kinakasama.
Matapos silang iwan ng ama, isang taon pa lang nakakalipas, na diagnosed na bumalik ang sakit ng kanyang ina. Bumalik ang tumor nito. Kaya kailangan ulit itong magamot. Pero wala na silang ibang pagkukunan ng pera para maipagamot ito, kaya napilitan siyang tumigil sa pag-aaral at naghanap ng trabaho.
Sa edad na labing-anim, ay nagawa niyang mamasukan kung saan-saan at anu-anong trabaho. Pumasok siyang tagahugas ng pinggan sa isang canteen malapit sa paaralan na dati niyang pinapasukan. Namasukan din siyang tindera ng mga gulay, isda at kung anu-ano pa sa palengke.
Kahit mahirap ang buhay kinaya ni Samantha, para may maipambili ng gamot ng ina. Buhat kasi ng iwan sila ng ama hindi na ito nagbigay ng kahit na magkanong halaga, at tuluyan na silang pinabayaan nito.
Wala namang magawa ang kanyang inang si Mildred, dahil sa sakit nito ay hindi na magawa pang magtrabaho pa. Kahit naaawa ito sa anak ay wala siyang magawa, kundi ang magdasal na sana dumating ang panahon, na masuklian lahat ng kabutihang ginagawa ni Samantha.
Ngunit sa edad na labing walo, tuluyan siyang iwan ng kinilalang ina. Nabuhay s'yang nag-iisa at ngayon, naiwan na naman siyang walang kasama. Iniwan siya ng ama at pumanaw ang kanyang ina.
Paano magsisimula muli ang kanyang buhay kung hindi niya alam kung saan tutungo ang daang kanyang binabagtas.