“MAGBABAKASYON lang tayo, Mae. Hindi tayo lilipat ng bahay.”
Hindi mapigilan na magkomento ni Elyse sa dalang maleta ni Mae. Hindi kasi iyong mukhang pang-isang lingguhang bagahe. Mukha itong mangingibang bansa.
“Hay naku! Nandiyan na lahat ng gamit ko for one week. Tama lang na dalhin ko ‘to,” sagot ni Mae habang hinihila ang maleta patungo sa van na sasakyan nila patungong airport.
Napatingin siya sa dalang bag. Isang maliit na hand carry luggage lang kasi ang dala niya. Sa kanilang dalawa Mae, parang ang huli pa ang celebrity sa dami ng dala nito. Para sa kanya ay isa lang naman kasi ang mahalagang dapat hindi niya maiwan. Iyon ay ang teddy bear niya na katabi sa pagtulog.
“Salamat, Cliff. Ang bait mo talaga.”
Napalingon si Elyse kay Mae at nakitang binubuhat na ni Cliff ang maleta nito at pinapasok iyon sa likod ng van.
Ang bait naman yata nito? Eh siya na siyang nagpapasweldo rito ay hindi naman tinutulungan.
“Uy, Cliff. Pakitulungan naman si Elyse.” Si Mae iyon sabay turo sa hawak niyang luggage.
Papalapit na sana si Cliff nang agad siyang nagsalita. “Naku, ‘wag na. Ako na lang. Kaya ko ito.”
She doesn’t know. But deep inside, parang gusto niyang ipagpilitan nitong tulungan siya. Pero imbes na ganoon ang mangyari ay sinabihan lang siya nito ng ‘Ikaw ang bahala’ at pagkatapos iniwan na sila nito.
Argh! Such a gentleman.
Tiningnan niya ang suot na relo at napansing may limang oras pa sila bago ang flight. Sakto lang para hindi sila ma-late sa biyahe patungong Bohol. Sa Bohol niya naisipang dalhin ang kanyang lola dahil may ibang kamag-anak raw sila doon. Isang magandang pagkakataon para makapagtanong-tanong siya tungkol sa kanyang nawawalang memorya.
Ang ibang mga miyembro naman ng Sirens ay nagpasalamat sa kanya. May kanya-kanyang mga plano na ito kung paano susulitin ang one week na bakasyon.
Ilang sandali pa ay handa na ang lahat. Ang kanyang lola at si Mae ay parehong nasa loob na ng sasakyan. Papasok na rin sana siya nang biglang tumunog ang kanyang cellphone.
Unknown number?
Kadalasan ay hindi niya sinasagot ang mga tawag lalo na’t hindi nakarehistro ang numero sa cellphone niya. At dahil magpasahanggang ngayon ay natatakot siya sa kanyang seguridad ay mas lalo niyang hindi sasagutin ang tawag na iyon.
“Hindi mo ba sasagutin?” si Cliff iyon na nasa likuran lang niya.
Umiling siya at akmang ibabalik ang cellphone sa kanyang shoulder bag nang tumunog muli ito. Pagsilip niya ay isa pala iyong text message pero galing pa rin sa kaparehong numerong tumawag kanina.
Text message lang naman. Wala namang mawawala kung babasahin niya iyon.
Pero nang buksan niya ang mensahe ay napasinghap siya. Napansin iyon ni Cliff kaya lumapit ito sa kanya.
“Anong problema?”
Nanginginig ang kanyang mga kamay na ibinigay kay Cliff ang cellphone.
Kukunin ka pa rin namin, Elyse. Kahit sa Bohol pa man ‘yan o saang dako ng Pilipinas. Mahahanap ka namin. Wala kang ligtas. Mahuhulog ka pa rin sa aming mga kamay.
“IT’S NOT SAFE TO GO.”
Dinig na dinig ni Elyse ang boses ni Cliff habang nasa loob sila ng VIP room ng isang restaurant. Pinili nila ang lugar na iyon upang kitain ang mga pulis. Hindi na niya alam kung saan pa ang lugar na ligtas sila. Maski sa sariling bahay nila ay hindi na siya sigurado. Ayon kay Cliff ay baka puno na iyon ng mga listening devices or cameras. Hindi mabuting doon sila magplano.
Napalingon siya sa kanyang lola. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. Si Mae naman na natural na maingay ay nasa gilid lang at sobrang tahimik.
“Alam ko, Cliff,” sagot niya sa lalaki. Nakahalukipkip siya sa kanyang upuan at tulad ng iba ay lubhang nababahala na rin sa mga nangyayari. Hindi lang pala minsan ang pagtatangka sa kanya. Hindi titigil ang mga taong iyon kung hindi siya makukuha.
“Ang mabuti pa ay magpunta ka muna sa isang ligtas na lugar, Elyse. Mayroon kaming mga safe houses na pwede mong pagtaguan,” suhestiyon ni Senior Inspector Melendres. Ang kaparehong pulis na nag-iimbestiga sa muntikan niyang pagkakakidnap. May edad na ang pulis na sa tingin niya ay nasa lampas singwenta na rin.
Tumango siya. “Kung sa ikabubuti namin ng lola ko ay papayag ako.”
“Suhestiyon ko ay huwag nang isama pa ang iyong lola. Hahanap kami ng maaari din niyang tirhan. Sa mga oras na ito ay kailangan nating mag-ingat,” patuloy ng pulis.
Napalingon siya sa kanyang lola at nakita niyang ngumiti lang ito at saka tumango. Labag man sa kanyang loob na mapalayo sa kanyang nag-iisang pamilya ay ayaw naman niyang mapahamak ito dahil sa kanya. Mas matatanggap pa niyang siya na ang masaktan, huwag lang ang kanyang lola.
“Ayos lang apo. Kung alin ang mas makakabuti sa’yo ay papayag ako.” Boses iyon ng kanyang Lola Ara.
Ngumiti siya at saka hinarap ang kausap na pulis. “Sana po ay aalagaan niyo ang lola ko.”
“Walang problema, Miss Elyse. May itatalaga kaming pulis na magbabantay sa lola mo. And as for you, meron din kaming itatalagang magbabantay sa’yo.”
Pagkarinig sa sinabi ng pulis ay napalingon siya kay Cliff. Ibig bang sabihin ay hindi na niya kailangan ang serbisyo nito?
Mukhang narinig naman ni Cliff ang isip niya. He looked at her as well. Hindi niya alam kung bakit pero pakiramdam niya ay may pag-aalala sa mga mata nito. Tama ba ang sapantaha niya? Talaga bang nag-aalala ito sa kanya?
Matapos pag-usapan ang ilan pang mga detalye ay nagkaroon siya ng pagkakataong tawagan ang kanyang manager. Ipinaliwanag niya rito ang sitwasyon. Habang nagsasalita sa cellphone ay nahagip ng kanyang mga mata sina Lola Ara at Cliff na nag-uusap. Parehong seryoso ang mga mukha nito. Lola Ara even placed her hand over Cliff’s shoulder and patted it. Kung titingnan ay mukha tuloy na matagal nang magkakilala ang mga ito.
Agad niyang ibinaba ang cellphone matapos makausap si Tita Donna at nilapitan ang kanyang Lola. She assured her grandmother that everything will be fine.
“Alam ko. Magiging maayos ang lahat. Madadakip din ang mga lapastangang nagtangkang saktan ka, apo,” sagot sa kanya ng kanyang lola.
“Sana nga po. Ayoko pong ganitong naghihiwalay tayo.”
“Ako din, apo. Pero tiwala akong sa ikabubuti natin ang pansamantalang paghihiwalay nating ito. At saka alam ko namang aalagaan ka ni Cliff.”
Natigilan siya sa sinabi ng lola. “P-po? Sasama sa akin si Cliff?”
“Depende sa’yo. Pero sabi niya, kung hihilingin mo, handa siyang samahan ka.”
Napalingon siya sa kinaroroonan ni Cliff. Ngayon ay kausap na naman nito ang police inspector. Kung titingnan ay napakaseryoso din ng pag-uusap ng mga ito.
“Apo,” hinawakan ni Lola Ara ang kamay ni Elyse. “Kung ako lang ang masusunod, gusto kong sumama sa’yo si Cliff. May tiwala ako sa kanya. Poprotektahan ka niya.”
Sa iksi ng pagkakakilala nila ng lola niya kay Cliff ay paano nito nasabing may tiwala na ito agad sa lalaki? May nakikita kaya ang kanyang lola kay Cliff na hindi niya nakikita?
“Sinabi po bang gusto niyang sumama, La?
Tumango ang kanyang lola. “Nag-aalala siya sa’yo, Elyse. Ang sabi niya, hindi biro ang sitwasyon mo ngayon. Kung papayag ka, poproteksyunan ka niya. At apo, sana’y pumayag ka. Mas magiging panatag ang loob ko kung nasa tabi mo siya.”
Parang hinaplos ang kanyang puso sa narinig mula kay Lola Ara. Kaya naman agad siyang napayakap dito.
“Miss Elyse…”
Napaangat ng mukha si Elyse at nakitang nasa harap na niya si Cliff. Nakatitig ito sa kanya.
“C-Cliff.” Bumitiw siya sa kanyang lola at hinarap ang lalaki.
“Apo, doon muna ako kay Mae. Mag-usap kayong dalawa,” paalam ng kanyang lola bago ito tuluyang umalis.
Naiwan siya sa tabi ni Cliff na hanggang ngayon ay nakatitig pa rin sa kanya.
“Uhmm… Cliff. Nabanggit mo sa lola ko na kung hihilingin ko, papayag kang samahan ako sa safe house.”
Tumango si Cliff. “Kung papayag ka, handa akong ibigay ang serbisyo ko.”
“Pero… pero bakit mo ba pag-aaksayahan ng oras ang pagbabantay sa akin? May negosyo ka. Hindi ba’t mas kailangan ka doon?”
“Ang mga motorsiklo walang buhay, Miss Elyse. Masira man, pwedeng ayusin. Kung mawalan ng parte, pwedeng palitan. Pero… ang buhay na meron ka, iisa lang. At ayokong mawala sa iyo iyon. You deserve to live.”
Sumikdo ang kanyang dibdib sa narinig kay Cliff. He does care.
“Okay, Cliff. Pwede bang… pwede mo ba akong protektahan?”
Lumamlam ang mga mata ni Cliff habang tumititig sa kanya. “Oo, Miss Elyse. I will protect you.”
DUGO. Maraming dugo.
Mga alingawngaw ng putok ng baril.
Mga walay buhay na katawang nakahandusay kahit saan.
“Alice! Magtago ka. Magtago ka, dali!”
“H’wag! H’wag po! Maawa po kayo.”
Bang!