“ELYSE! Elyse gising!”
Napabalikwas si Elyse mula sa pagkakasandal sa headrest ng upuan ng kotse. Agad rumehistro sa kanya ang mukha ni Cliff. Ito pala ang gumising sa kanya.
“Okay ka lang?” tanong ni Cliff. “Binabangungot ka.”
“Okay lang ako,” pagsisinungaling niya. Sobrang lakas pa rin ng kabog ng kanyang dibdib. Pati ang kamay niya ay nanlalamig din. At tama si Cliff, dahil nga sa binangungot siya. Ikatlong beses na niyang napanaginipan ang madugong eksenang iyon. Maski siya ay hindi na maintindihan ang sarili.
Nagbukas si Cliff ng isang bote ng tubig at ibinigay iyon sa kanya. Agad naman niya iyong tinanggap at uminom mula doon. Kahit papano ay bumuti ang pakiramdam niya.
“Salamat.” Ibinalik niya ang bote kay Cliff pero hindi iyon tinanggap ng lalaki.
“Hindi ako si Mae, Miss Elyse. Hindi ako assistant mo.”
Oo nga pala. Muntik na niyang makalimutang may pagkasuplado pala ang kanyang bodyguard. Pero wala siyang choice. She needs Cliff to protect herself.
Siguro naman, kasama ang pulis na siyang nagda-drive ngayon at ang isa pa raw na naghihintay doon sa safe house ay magiging sapat na para mapangalagaan ang kaligtasan niya.
Napalingon si Elyse sa labas ng kotseng sinasakyan. Ang totoo ay hindi na niya alam kung anong bayan na sila naroon. May mangilan-ngilang bahay silang nadadaanan pero halos puro puno ng niyog ang kanyang nakikita.
“Saan na tayo?” tanong niya sa pulis na nagmamaneho.
“Malapit na po, Miss Elyse,” nakangiting sagot ng pulis. Pagkatapos ay muli itong nagsalita. “Alam niyo bang fan na fan ninyo ang panganay ko? Naku! Lahat ng album niyo ng Sirens ay binili ko para may kopya siya. Pero sa inyong lahat, ikaw ang bias niya.”
Napangiti siya sa kinwento ng pulis. Kahit ngayong nasa delikado siyang sitwasyon ay hindi niya inaasahang may magpapangiti pa sa kanya.
“’Di bale po. Kapag natapos na ang lahat ng ito ay ako mismo ang pupunta sa inyo at pipirmahan ang lahat ng albums namin.”
“Talaga po? Naku! Salamat po, Miss Elyse. Matutuwa ang anak ko niyan sigurado!”
Muli siyang napangiti at saka ibinalik ang tuon sa labas ng bintana.
“Ang bait mo pala.”
Napalingon siya kay Cliff na nasa tabi lang niya. Hindi niya mapigilang magtaas ng kilay rito. “Ano ba sa tingin mo ang ugali ko? Hindi nagpapahalaga sa fans?”
“May sinabi ba akong ganyan? Ang sabi ko lang eh ‘ang bait mo pala’.”
“Eh kasi naman para kang—”
Bang! Bang!
Agad naramdaman ni Elyse ang katawan ni Cliff na yumakap sa kanya. Pero hindi lang basta yakap. He’s shielding her from something.
Kasabay ng paghinto ng sasakyan nila ay ang pagmumura naman ni Cliff.
“s**t!”
At nang makita ang pulis nilang driver na duguan at nakayuko na sa manubela ay doon na niya naintindihan ang nangyayari.
May umaatake sa kanila!
Inikot niya ang mga mata at nakita ang isang pick up truck na papalapit sa kanila. Sa likod noon ay may isang lalaking may hawak ng baril. Sigurado siya. Iyon ang bumaril sa kawawang pulis.
Hindi na napansin ni Elyse kung paano ginawang mahila ni Cliff ang pulis papunta sa kabilang upuan at ito na mismo ang nagmamaneho ngayon.
“Humawak ka nang mabuti, Elyse!” sigaw sa kanya ni Cliff na agad naman niyang sinunod.
Pero habang pinipilit humawak sa handle sa ibabaw ng pinto ay hindi maalis ni Elyse ang mga mata sa pulis na nabaril. Balot ng dugo ang mukha nito. Parang doon lang sa panaginip niya.
Ipinikit niya ang mga mata at taimtim na nanalangin. Sana ay hindi pa siya kunin ng Panginoon sa oras na iyon. Sana mabuhay pa sila ni Cliff. Sana huwag ngayon.
Sa bilis ng takbo ng kotse ay hindi na namalayan ni Elyse kung nasaan na sila. Pero hindi tulad kanina ay mas maraming bahay na ngayon ang nadadaanan nila. Hindi na rin palinga-linga si Cliff at hindi na rin kasing bilis kanina ang takbo ng kotse nito.
“Natakasan ba natin sila?” tanong niya kay Cliff na seryoso ang mukhang nakatuon sa kalsada.
“For now. Pero hindi pa rin ligtas. Hindi natin alam kung sino ang mapagkakatiwalaan.”
“Paano nila nalaman kung nasaan tayo?”
“Exactly! Kung nasundan ba tayo mula sa Manila, o kung may tracking device na nakalagay sa kotseng ito, o ‘di kaya ay may nagleak ng impormasyon kung saang safe house ka dadahin. I don’t know!”
Bakas sa boses ni Cliff ang inis. Siya man din ay ganoon ang nararamdaman.
Napalingon siya sa kanina lang ay masayang pulis na nagmamaneho ng kotse nila. Ngayon ay wala na itong buhay at dahil iyon sa kanya. Dahil sa nais nitong protektahan siya.
Hindi mapigilan ni Elyse na mapahagulgol sa kinauupuan.
“Anong problema?”
Narinig niyang tanong ni Cliff pero hindi siya nagsalita. Sa mga oras na iyon ay gusto lang talaga niyang umiyak.
Itinigil ni Cliff ang kotse at lumabas mula roon. Binuksan nito ang pinto na malapit sa kanya. He held her hands and inspected her body.
“May tama ka ba? Are you hurt?”
Patuloy lang siya sa pag-iyak at hindi pa rin halos makapagsalita.
“Damn it, Elyse! Magsalita ka!”
Tila umurong ang luha niya nang marinig ang sigaw ni Cliff. Clearly, he’s upset because she’s not talking.
Umiling siya at saka tiningnan ang pulis. “Kasalanan ko ito. That officer, that father, he’s dead because of me. At magiging ulila sa ama ang anak niya dahil sa akin.”
Muli ay napahagulgol si Elyse.
Ilang sandali pa ay tumahimik si Cliff. And then he wrapped his arms around her.
“Shhh… it’s alright. Hindi mo kasalanan. Hindi ikaw ang bumaril sa kanya. Those bastards, sila ang gumawa niyan. That brave policeman is just doing his job.”
“P-pero baka buhay pa rin ang pulis na ‘yan kung hindi dahil sa akin. Nadamay lang siya.”
“Laging nasa hukay ang isang paa ng pulis, Elyse. Alam nilang nasa delikado ang buhay nila araw-araw.”
“How would you know? Hindi ka pulis!”
Natahimik si Cliff nang ilang sandali. Pero hindi kalaunan ay nagsalita muli ito. “I quite know how these men in uniform feel dahil nagtraining din ako. I know them.” Hinawakan ni Cliff ang baba niya at bahagya itong inangat. “It’s not your fault. At kapag may pagkakataon na tayo, we’ll bring them to justice. Pagbabayaran nila ang ginawa nila.”
Napatitig siya sa mga mata ni Cliff. There’s promise in there. At naniniwala siya rito.
“C’mon, Elyse. Hindi tayo pwedeng magtagal dito. Baka masundan nila tayo.” Iyon lang at binitawan na siya ni Cliff. Pero nang inakala niyang aalis na ito sa tabi niya ay nagkakamali siya. Cliff held her hand tightly and pulled her out of the car. He’s holding her too tight as if he’s scared he’ll lose her.
“S-saan tayo pupunta?”
Umiling si Cliff. “I don’t know, yet. Basta malayo dito. Malayo sa mga taong gustong manakit sa’yo.”