“OH NO!”
Hindi makapaniwala si Elyse sa kanyang nakikita. Lahat ng damit sa kanyang bag ay puro kay Mae. Walang siyang maisusuot na hindi kinulang sa tela!
Katatapos lang niyang ayusin ang grocery na dala ni Bran. Inilagay niya ang mga iyon sa loob ng mini-ref at overhead cabinet sa kusina. Kaya naman nagkaroon na siya ng panahon para makapagbihis. Hindi pa kasi siya nakakapagpalit ng damit simula kahapon.
“May problema ba?” Si Cliff iyon na lumalapit sa kanya. Kagagaling lang nito sa labas.
“Sino ang nag-empake ng gamit ko?”
“Hindi ba’t ikaw?”
“Hindi.”
Sa pagkakaalala niya ay marami siyang kausap na mga pulis kaya naman isang lady police officer ang nagpunta sa van nila at kumuha ng kanyang mga gamit. Akala nito siguro ay sa kanya ang malaking maletang iyon ni Mae.
Tumabi sa kanya si Cliff at tiningnan ang mga damit niya. Hindi sigurado si Elyse pero parang pinipigilan nitong tumawa.
“Seriously? Nakakatawa ang sitwasyon ko ngayon?”
“You need to wear clothes kahit ayaw mo pa sa mga iyan. I don’t want to see you naked… again.”
Aba’t talagang pinaalala pa nito ang kahubdan niya noong nakaraan! At saka anong problema nito sa katawan niya? She has a perfect body! Inaalok nga siya na magpose sa FHM tapos kung makapagsalita ito ay parang isang pangit na ala-ala ang katawan niya?
“Really? Sasabihin mo ‘yan? Maswerte ka nga at nakita mo ang katawan ko. Kung maka ‘don’t want to see you naked again’ ka eh wagas.”
“Bakit? Ano bang gusto mo? Ang maghubad ulit sa harap ko?”
Natameme siya sa sagot ng lalaki. Oo nga naman. May point ito. Pero ‘di niya lang talaga gusto ang ideyang parang ito pa ang dehado nang makita siyang hubad.
Muling napadako ang tingin niya sa mga damit ni Mae. Hindi tuloy niya mapigilang magbuntong hininga.
“Huwag ka nang madrama d’yan. May mga damit ako sa cabinet, baka gusto mo. Sa labas lang muna ako para makapagbihis ka.”
Iyon lang at muling lumabas ng bahay si Cliff.
Aba! May tinatago palang pagka-gentleman ang bodyguard niya.
Agad niyang tinungo ang cabinet nito at namili sa mga nakatuping mga damit ng lalaki. Kinuha niya ang isang puting oversized t-shirt roon at dumeretso na sa CR upang maligo.
Katatapos lang niyang magbihis at nagpapatuyo na ng kanyang mahabang buhok nang muling pumasok ng bahay si Cliff. Bahagya itong patitig sa kanya bago naglayo ng tingin.
“Alam kong pagod ka. Pwede kang matulog muna. Gigisingin na lang kita kapag tapos na akong magluto ng hapunan,” sabi nito bago tinungo ang kusina at naglabas ng karne mula sa loob ng ref.
Lumapit siya rito at inabot ng kutsilyo. “Kaya ko ring magluto. Ako na lang siguro.”
Sa kanilang mga Sirens ay si Sunny talaga ang magaling sa pagluluto. Nahihiya lang talaga siya kay Cliff dahil ito na nga ang may-ari ng bahay eh hindi pa niya makatulong.
Kinuha ni Cliff ang kutsilyo sa kanyang kamay. “Ako na. Bisita kita kaya ako na ang bahala rito. Like I said, go to sleep. Gigising kita kapag luto na ito.”
Pero hindi rin niya gusto iyong walang ginagawa. Sanay siyang laging busy. Kaya naman hindi niya gusto ang ideyang parang prinsesa siya. Pero ano pa nga bang magagawa niya? Dahil sa mga walang kaluluwang nais dumukot sa kanya kaya nagkanda letse-letse ang buhay niya ngayon.
“May problema ba?” tanong nito habang patuloy na naghihiwa ng karne.
“Hanggang kelan tayo dito?”
Sandaling napatigil si Cliff sa ginagawa. “Bored ka na ba?”
Umiling siya. “Hindi naman sa ganoon. I just don’t like the idea of hiding.”
“Wala tayong choice. Delikado pa, Elyse.”
Napangiti siya nang muling marinig ang kanyang pangalan. “Nasaan na iyong ‘Miss Elyse’?”
“I’m sorry. Mukhang ‘di ka sanay na walang ‘Miss’ sa pagtawag sa’yo ng mga taong hindi mo ka-close.”
“Hey, that’s not true. Anyone can call me Elyse. Ah, siya nga pala…” Inilibot ni Elyse ang mata sa loob ng bahay. “Saan ka kumukuha ng kuryente para sa ilaw at ref? Mukhang napaka-remote ng lugar na ito para magkaroon ng kuryente.”
“Solar panels. Off grid ang bahay na ito. Designed for self-sustaining.”
“Ikaw ang nagdisenyo nito?”
“Yes.”
“Gustong-gusto mo ang pagbutingting ng mga bagay ano?”
Ngumiti si Cliff. “Innate passion?”
“Then bakit ka nag-train sa military?”
Sandaling tumahimik ang binata. Naramdaman niya ang pagdadalawang isip nito sa pagsagot ng kanyang tanong.
“If it’s too personal, pwede namang hindi mo sagutin.”
Umiling ang lalaki. “Since ilang araw pa tayong magkakasama, hindi naman siguro masamang magkwento tayo tungkol sa mga sarili natin hindi ba?”
“I agree,” nakangiting sagot niya rito. “So now, tell me, paano ka napunta sa pagmimilitary?”
“I want to continue my family’s legacy. Mabubuting pulis ang ama at lolo ko. I wanted to be like them.”
“Pero bakit hindi pagpupulis? Bakit sa military ka nagtrain? At bakit hindi mo ipinagpatuloy sa totoong pagsusundalo.”
“I have my reasons. Pero hindi ba’t naging mabuting bodyguard naman ako sa’yo? Kahit iyon lang namana ko sa kanila.”
Napatango na lang siya. Totoo din naman na naging mabuti ito sa kanya. “Mabuti ka pa, may memories tungkol sa pamilya mo. Ako, wala akong halos maalala. Kung hindi pa nagkukwento si Lola, hindi ko malalaman ang tungkol sa kanila.”
“A-anong kwento ng lola mo?” tanong ni Cliff. Nakatuon pa rin ang mga mata nito sa ginagawa.
Nagkibit balikat siya. “Na isang negosyante ang mga magulang ko at namatay sila sa isang aksidente.”
“Iyon lang?”
“At mababait sila. Hindi naman masyadong detalyado ang kwento ni Lola. Siguro dahil nalulungkot siya tuwing nagkukwento tungkol sa anak niya. Ikaw, buhay pa ba ang mga magulang mo?”
Umiling si Cliff. “Namatay ang nanay ko sa isang sakit noong high school ako. Ang ama ko naman, namatay habang gumagawa ng isang operation laban sa isang sindikato. Wala din akong kapatid. Kaya siguro close na close kami ni Bran.”
Nakaramdam ng habag si Elyse habang pinapakinggan ang kwento nila ni Cliff. “Parehas lang pala tayo.”
Nag-angat ng mukha si Cliff. “In a way, oo.”
Tinitigan ni Elyse si Cliff habang patuloy ito sa pagluluto. Seryoso ang mukha nito habang nakatitig sa ginagawa. Ang mga mata nito ay bilugan at ang tangos ng ilong. Manipis din ang labi nito na parang nang-eengganyo.
Habang naghihiwa ito ng gulay ay mas nagiging klaro din sa kanya ang matigas na muscles nito sa braso. At nang tumalikod ito ay kitang-kita naman niya ang pagkurba ng muscles nito sa may balikat hanggang pababa.
Shocks! Bakit ba ang gwapo nito? Hindi talaga ito mukhang lampas trenta ang edad. Para lang itong late twenties. Mukha rin itong fit. Siguro dahil sanay sa pagbubuhat ng mabigat. Hindi naman lalapad ang dibdib nito kung walang exercise.
Hindi tuloy niya mapigilang i-imagine kung anong nasa loob ng asul nitong tshirt. Ilang packs kaya ng pandesal ang nandoon?
“Elyse? Are you okay?”
Gustong sapakin ni Elyse ang sarili dahil sa kung anu-anong naiisip niya. Paano niya nagawang pagnasahan ang kanyang bodyguard?
She cleared her throat and nodded. “O-oo. Okay lang ako. I-ihahanda ko lang ang mesa.”
“Okay. Mabuti itong maaga makakapagpahinga. Para bukas may lakas ka sa training.”
Natigilan siya sa narinig mula kay Cliff. “T-training? Wala tayong pinag-usapan tungkol sa kung anomang training.”
Tumitig si Cliff sa kanya. Bakas sa mukha nito ang pagiging seryoso. “Yes, training. I’ll train you so you’ll learn how to protect yourself. Kailangan mo iyon.”
“Pero nandito ka naman lagi sa tabi ko. Kaya mo naman akong bantayan ‘di ba?”
Lumamlam ang mga mata ni Cliff. “Yes. Siyempre gagawin ko iyon. Pero para sa kapakanan mo, kailangan mong matutong ipagtanggol ang iyong sarili.”
May punto naman si Cliff. What if may pagkakataong siya lang mag-isa. She needs to protect herself too. “So anong ituturo mo sa akin?”
“Target shooting at self-defense. Well start at 6 in the morning.”