BY: SRRedilla
Mas binilisan ko pa ang pagtakbo dahil hinabol ako ng mga lalaking iyon. Wala akong naging kasalanan sa tuod na iyon, libre na nga ang halik na ibinigay ko sa kanya tapos ganito pa ang mapapala ko?
Lumiko ako sa eskinita na madalas kong daanan lalo na kapag hinahabol ako ng mga pulis. Nakahinga ako ng maluwag nang tuluyan na akong makalayo sa mga humahabol sa akin.
Wala pang ilang minuto ay nakarating na ako sa bahay namin na isang barong-barong dito sa San Andres, Bukid, Manila. Malayo pa lang ako ay natatanaw ko na ang maliit naming bahay. Namataan ko rin ang aking kapatid at tingin ko'y hinihintay ang pagdating ko.
"Ate Shylyn!"
Binuksan ko ang bag kong dala at kinuha ko sa loob ang pasalubong ko sa aking kapatid, tuwang-tuwa naman na tinanggap ni Sheen ang ibinigay kong pasalubong.
Masayang na ako kapag nakikita ko sa mukha ng aking kapatid ang isang ngiti niya. Alam kong mali ang ginagawa ko. Lalo't ang pinapakain ko sa aking kapatid ay galing sa nakaw. Pero hindi ko naman hahayaan na mamatay kaming dilat ang mata.
Ang hirap pa naman humanap ng trabaho ngayon. Ang nakakainis pa maghihintay ng buwan bago makuha ang sahod. Saka, hirap din akong makahanap ng trabaho dahil high school graduate lang ako. Ang pandurukot kasi ang pinaka mabilisang paraan para magkapera kaagad.
Marahas akong napabungtonghininga, kailangan kong magpahinga dahil napagod ako sa katatakbo, pumasok ako sa maliit na bahay namin ni Sheen. Kinuha ko ang may kalumaan na banig at inilatag ko sa papag. Humiga na ako at tuluyan nang nilamon ng antok.
Nagising lang ako sa ingay ng mga tao na papalapit dito sa bahay namin. Nagmamadali akong bumangon upang silipin sa maliit na butas kung sino ang mga iyon. Lumaki ang mga mata ko nang makita ko ang tatlong pulis na kausap ni Sheen.
Hindi naman nagtagal ang mga pulis at umalis din. Kaya dali-dali akong lumabas ng maliit na silid upang alamin kung ano ang sinabi ng mga pulis sa kapatid ko. Pumasok naman ang kapatid ko sa loob ng bahay.
"Anong sinabi sa 'yo ng mga pulis?" Tanong ko.
"May hinahabol silang babae at dito raw nagpunta. Ang sabi ko, naman wala akong nakitang babae na dumaan dito. Ate, alam kong ikaw ang hinahabol nila, lagi ka sanang mag-iingat ate Shylyn. Dahil ayaw kong makulong ka. Paano na lang ako kung sakaling ikulong ka nang mga pulis?" Mahabang litanya ng aking kapatid.
"Huwag kang mag-alala kapatid, dahil hindi ko hahayaan na ikulong nila ako. Aalis muna ako, at 'wag kang aalis ng bahay may pupuntahan lang ako." Bilin ko rito.
"Mag-iingat ka, Ate Shylyn!" paalala ni Sheen.
Tumango ako rito. Lumapit ako sa kahon kung saan nakalagay ang mga damit ko. Kinuha ko ang isang mini dress at agad kong isinuot iyon. Hanggang hita ko ang haba, kita rin ang kurba ng katawan ko at hindi na ako mukhang mandurukot.
Kinuha ko rin ang aking wig para naman hindi ako makilala ng mga pulis. Lumabas ako ng maliit na silid, pinuntahan ko muna ang kapatid ko upang magpaalam dito. Tumingin ako sa suot kong relong pambisig, natampal ko ang noo ko nang nakita kong alas otso na ng gabi.
Nagmamadali rin akong lumabas ng bahay upang puntahan si Laylay. Isinasama kasi ako sa bago raw niyang raket. At isang mayamang negosyante ang target daw namin. Malayo pa lang ako'y nakikita ko na si Laylay na kumakaway pa nga sa akin, habang hinihintay ako.
"Ang tagal mo naman, Shylyn Matigas!" nakasimangot na banggit niya sa buong pangalan ko.
Nag-iba tuloy ang timpla ng mukha ko, nang marinig ko ang apelyido kong Matigas. Gusto ko tuloy masuka dahil, iba ang dating sa akin kapag binabanggit ang Matigas.
"Umalis na nga tayo!" asar na wika ko.
Tumawa lang sa akin ang babae. Kahit kailan ang lakas mang-asar ni Laylay. Tumawag siya ng taxi at nagpahatid kami sa lugar na pupuntahan namin.
Hindi nagtagal ay tumigil ang sinasakyan namin sa isang malaking gate.
"Bakit dito tayo tumigil?" tanong ko.
"Dahil dito nakatira ang target natin," sagot nito.
Lumaki ang mata ko rito. "Huwag mong sabihin na magiging akyat bahay tayo?"
Tumawa ang babae sa tanong ko.
"Yes! Pero, huwag kang mag-alala dahil walang tao sa bahay na iyan. Sa tatlong araw kong pabalik-balik dito, ay wala akong nakikitang tao na pumupunta riyan sa bahay.
"Anong nanakawin natin diyan, alikabok?" Tanong ko.
"Malalaman mo kapag nakapasok na tayo sa loob. Saka, bakit nga pala ganyan ang suot mo Shylyn?"
Tumingin ako sa suot kong mini dress. "Sabi mo kasi, magsuot ako ng maayos!" wika ko.
"Hindi naman dapat ganyan ang suot mo, ang ibig kong sabihin ay pantalon para makaakyat tayo sa pader. Saka, mahihirapan kang tumakbo niyan kapag nabulilyaso tayo."
"Huwag mo akong alalahanin, kahit ganito pa rin ang suot ko ay makakatakbo ako.
"Bahala ka nga!" wika nito.
Sumunod ako rito, patungo sa madilim na parte ng lugar. Pansin kong may kinuhang lubid si Laylay at malakas iyong inihagis sa malaking sanga ng puno.
Mabilis kaming umakyat sa lubid at lumipat sa kabilang pader. Nakapasok kami sa loob nang walang kahirap-hirap.
"Sigurado ka bang walang tao sa bahay na ito?"
"Oo! Walang tao sa bahay na ito," sagot ni Laylay.
Parang bigla akong kinabahan. Sa tagal na naming ginagawa ni Laylay ang pagiging akyat-bahay at mandurukot, ay ngayon lang ako kinabahan.
Sa likod bahay kami nagpunta at lumapit kami sa pintuan. Pansin kong may kinuha na alambre si Laylay at iyun ang ginamit niya para mabuksan ang pinto. Puro kadiliman ang bumulaga sa amin nang makapasok kami sa loob.
"Maghiway tayo Shylyn. Doon na lang tayo magkita sa labas ng pader mamaya, kapag nakuha na natin ang mga gamit na puwede nating maibenta. At itong bag ay
kuhanin mo, magagamit mo iyan."
Walang salita na kinuha ko ang bag na ibinigay ni Laylay. Marahan akong umakyat sa hagdan upang makapanhik sa itaas. Pasalamat na lamang ako dahil may maliit na ilaw dito sa hagdan. Kaya, kita ko ang mga kwarto rito sa itaas. Sa unang kwarto agad ako pumunta.
Pagbukas ko ng pinto ay sumalubong sa akin ang liwanag ng lamp shade. Lalo tuloy kumabog ang aking dibdib. Nagtataka kasi ako kung bakit bukas ang lamp shade kung walang tao rito.
Ngunit nilakas ko pa rin ang loob ko. Marahan akong pumasok sa loob ng silid. Umikot ang mata ko sa buong paligid ng kwarto. Ang yaman siguro ng may- ari nitong bahay, nakakamangha kasi ang ganda ng loob!
Ibinaba ko ang hawak kong malaking bag upang maghanap nang pwedeng makuha sa loob ng silid, puro mga mamahalin ang lahat ng mga kagamitan dito.
"Sino kang babae ka? At basta na lang pumasok dito sa loob ng silid ko?"
Awtomatiko akong napatigil sa aking ginagawa, bumaling ang paningin ko sa lalaking nagsalita mula sa likuran ko. Isang aroganteng lalaki ang nakatayo malapit sa akin. Kunot ang noo at matatalim ang mga matang nakatitig sa akin. Twisted ang linya ng bibig na nagpapakita ng matinding disgusto sa pagkakita sa akin.
Gusto kong mangilabot sa anyo ng lalaking kaharap ko. Hindi dahil sa kakaibang kapangyarihan na tila nagmumula sa mismong pagkatao ng lalaki, kundi sa naglalagablab na mga mata niyang tila naglalagos sa akin. Naroon din ang galit at pagkayamot na para bang nakatingin sa isang kriminal.
"Sino ang nagbigay sa iyo ng karapatang tumuntong dito sa aking bahay?!" halos pasigaw nitong tanong.
Hindi agad ako nakasagot. Na-shock ako sa sindak sa akin. Lalong nagsalubong ang kilay ng lalaki. At sumilay ang mapang-uyam na tingin
"Pipi ka ba? O isa kang binging hindi makarinig?"
"K-kuwan," taranta kong sagot. "Napadaan lang ako rito, saka ngayon ko lang na pagtatanto na namali pala ako ng bahay na dinaanan."
"Peste! Ano ba ang mga pinagsasabi ko?" mahina kong tanong sa aking sarili.