Part 2
"Yan, ang picture ng tatay mo. ‘Di ba gwapo rin at tisoy katulad mo?" ang wika ni Aling Marites na nanay ni Annabel.
"Saan n’yo naman po ito nakuha?" tanong ko naman.
"Alam mo kasi, ‘yong nanay mong si Cindy at ako ay mag-best friend. No wonder, kaya mag-bff din kayo nitong anak kong si Annabel. At noong ipinagbubuntis ka ng nanay mo ay ibinigay niya sa akin itong picture ng penpal niya na nakabuntis sa kanya noong nag-eyeball sila. Eh, kasi naman itong nanay mo sabi ko huwag niyang isuko ang bataan kaso nga ay masyadong guwapo itong si Leonardo Katigbak na tatay mo kaya siya bumigay. Kaya ang ending ay nadisgrasya siya. Pero hindi ko naman sinasabing pagkakamali iyon dahil ikaw ay produkto ng kanilang pagmamahalan at kaligayahan noong mga sandaling iyon, oh, ‘di ba?" hirit ni Aling Marites.
"Eh, ‘yong tatay ko po ba? Masama po ba ‘yong ginawa niyang pambubuntis sa nanay ko?" tanong ko ulit.
"Ha? E, ano… Alam mo, Vincent, masyado ka pang bata para sa ganyang usapin pero hindi mali ang ginawa ng parents mo dahil masaya sila noong mga oras na iyon. Kasi naman ‘yang nanay mo, ang rupok-rupok, parang si Mareng Joy na bumigay agad doon sa penpal na Amerikano kaya ang ending ay binubugbog daw ito doon sa siyudad. Kawawa naman talaga si Mareng Joy, wala siyang kamalay-malay na ang suwerte niya ay naging kamalasan," ang dagdag pa nito.
Noong mga sandaling iyon ay wala akong ibang nakikita kundi ang bibig ni Aling Marites, bumubula ito, tumitilamsik ang mga laway at kulang na lang ay mikropono para mas maabot niya ang pagiging bihasang reporter.
Sa murang edad kong iyon ay nakakatuwaan ko pa ang mga kuwento ni Aling Marites. Hindi ito tungkol sa alamat ng mangga, o ng saging, o ng pinya dahil ang lahat ng kuwento niya ay tungkol sa alamat ng mga kapitbahay namin at ng kanilang mga pribadong buhay. Kahit wala na ako sa bahay nina Annabel ay naririnig ko pa rin ang boses ng nanay niya na parang isang sumpa sa aking pandinig.
"Ano, hanga ka na ba sa nanay ko?" tanong ni Annabel sa akin habang pumapasok kami sa paaralan.
"Oo naman, biruin mo parang may super powers ang nanay mo, lahat ng buhay ng mga tao sa compound natin ay kabisado niya," ang paghanga ko naman.
"Maliit na bagay lang iyan. Bilisan mo naman ‘yong paglalakad, Vincent. Baka di ko na maabutan si Noli Dela Cruz na nagsu-shooting sa school natin!" ang nag-aapurang paghila niya.
"Nagsu-shooting? Sa school natin? Eh, bakit daw? May kriminal ba doon? Baka hinuhuli na ‘yong teacher natin na si Sir Pitong na araw-araw naniningil ng pambili ng floor wax?" pagtataka kong tanong.
"Sira, hindi, ‘no? Nandoon ang cast ng Magandang Pilipinas News TV dahil ang ating school ang napiling venue para sa taunang Halloween Special! Alam mo, nag-audition nga ako na gaganap ng batang multo pero full na daw eh," ang pagmamaktol nito.
"Kung sabagay luma na kasi itong school natin dahil pinasabog ito noong panahon ng mga Hapon kaya mukha na itong pinananahanan ng multo," ang natatawa kong salita.
Noong mga sandaling iyon ay mas pinili naming manood ng shooting kaysa pumasok sa aming klase. Kitang-kita ko ang kinang sa mga mata ni Annabel habang pinapanood ang idolong si Noli Dela Cruz na nagre-report sa aming harapan. Dito ay nabuo pang lalo ang kanyang pagnanais na maging reporter balang araw. Gusto rin niyang marinig ang boses niya sa radyo o kaya ay sa telebisyon.
"Mayroon ba sa inyong gustong gumanap na mga batang multo?" tanong ng kanilang staff.
"Ako! Ako po! Kaming dalawa po!" ang sigaw ni Annabel.
"Ano?! Huwag mo akong isali, ayoko!" ang pagtanggi ko.
"Oh, direk itong dalawang bata na to, mukhang makapal naman ang face ni girly kaya bagay siya maging multo sa classroom," ang itinutukoy niya ay Annabel.
Kinukuha rin nila ako na maging multo ngunit dahil mahiyain nga ako ay hinayaan ko na lang kay Annabel ang eksena. Tinulungan ko na lang siyang maglagay ng mga dugo-dugo sa mukha para mas nakakatakot siyang pagmasdan. "Patingin nga ng mukha mo, girly? Hmmm! Harap sa kanan, harap sa kaliwa, hmmmm! Perfect! Kahit kaunting makeup lang ang inilagay ay bagay na bagay sa ‘yo ang maging multo," ang hirit ng beking assistant ng direktor at saka pinalabas niya si Annabel at iniakyat sa puno ng mangga at saka doon mananakot.
Matapos ang senaryo sa puno ay pinagapang rin siya sa ilalim ng lamesa at inilagay sa loob ng cabinet para natakot. Natural na natural ang acting ni Annabel noong mga sandaling iyon. Malamang ay maging artista nga siya pagdating ng panahon. Pero ang mas mahalaga ay nagkaroon sila ng larawan ni Noli Dela Cruz, mga bagay na nagpasaya sa kanya nang husto.
Nagpatuloy ang aming buhay, lumipas ang mga taon at tumuntong kami sa high school. Dito ay naging mas malapit pa kami ni Annabel sa isa't isa lalo't ako ang kanyang nasasandalan kapag siya ay broken hearted.
Punong puno ng pag-ibig si Annabel noong mga panahong iyon, para siyang sasabog sa pagmamahal kaya't kailangan niya itong ibahagi sa ibang tao. Iyon nga lang ay talagang hindi niya mahanap ang taong para sa kanya. Siguro dahil mga bata pa kami noon at wala pa sa tamang kaisipan. Samantalang ako naman ay tahimik lamang, nag-aaral nang mabuti at dumidiskarte kapag walang pasok para makadelihensiya ng pambaon. Walang pagbabago ang aking buhay, mas humirap pa ito dahil humina si Lola dala ng katandaan.
Tuloy-tuloy ang aking pagsisikap hanggang sa makakuha ako ng scholarship at makapasok sa isang pampublikong paaralan sa kolehiyo. Kumuha ako ng kursong edukasyon, samantalang si Annabel naman ay kumuha ng kursong Mass Communications sa pribadong paaralan na nag-o-offer ng ganito kabihirang kurso. Kahit na magkahiwalay kami ng paaralan ay nagkikita pa rin naman kami paminsan-minsan kapag may libreng oras.
Ang buhay ko sa kolehiyo ay hindi naging madali. Ito ang estado ng aming buhay na hindi na talaga kayang suportahan nina Lolo at Lola ang aking pag-aaral kaya naman naisipan kong mag-working student at pumasok ako bilang serbidor sa isang restaurant. At sa school naman ay naging SA ako o student assistant. Madalas ako sa library o sa opisina ng aming registrar upang tumulong sa paggawa at pag-aayos ng records.
Madalas akong pagod, madalas rin akong nakakatulog sa klase. Kung minsan ay naaawa na rin sa akin ang aking mga guro dahil daig ko pa ang kalabaw kung kumayod, minu-minuto at araw araw. Hindi ako matalinong tao, pero masipag ako at iyon ang aking naging panlaban para makatungtong sa ika-apat na taon. Pasalamat na lamang at naipapasa ko pa ang aking mga subject at hindi ako nalalagay sa alanganin.
At makalipas ang ilang taong pagsisikap ay natapos ko ang kursong Edukasyon sa edad na 20. Wala akong honor ngunit ang mahalaga ay ang diploma na aking nakuha. Iyon ang aking labis na ipinagmamalaki. Parang akong lumulutang sa kaligayahan noong mga sandaling iyon. Ito ang tagumpay na matagal ko ng inaasam. Naalala ko tuloy noong bata ako, wala akong maisagot kung ano ang gusto ko sa aking paglaki. Ngayon ay masasabi ko nang malapit na akong maging isang ganap na guro.
Noong natapos ko ang aking kurso ay pumapalo sa 100% ang metro ng aking kaligayahan, ngunit noong kumuha ako ng examination at inilabas ang resulta nito ay wala ako sa listahan ng mga nakapasa. Bumagsak ang metro ng aking kaligayahan at muli akong nakaranas ng kabiguan. Mukha yatang hindi umaayon sa aking kagustuhan ang lahat, hindi parating pasko at hindi parating masaya.
Gayon pa man, sa kabila ng aking pagbagsak at kabiguan ay hindi pa rin nawala ang pagiging proud nina Lolo at Lola. Sila pa rin ang gumabay sa akin, tinulungan nila akong buuin ang aking sarili at sila rin mismo ang nakiusap na subukan kong muli.
Ang susunod na examination ay matagal pa kaya't naghanap muna ako ng part time job upang mayroong pagkakitaan. Sa tulong ng aking kaibigang si Annabel ay nagbukas sa akin ang isang oportunidad na hindi ko akalaing babago sa takbo ng aking buhay. Ito ay ang makapasok ako Dreame Romance, isang radio station na kanyang pinagtatrabahuhan.
Ang "Dreame Romance" ay isang bagong istasyon sa radyo na itinayo lang noong nakaraang taon 1992. At dahil baguhan pa lamang ito ay masuwerte akong natanggap bilang assistant ng lahat. Tagatimpla ng kape, tagaayos ng files at script ng mga DJ.
Isa si Annabel sa naging DJ ng naturang istasyon. Ang sabi niya sa akin ay gagawin raw niya itong stepping stone upang makapasok sa telebisyon at tuparin ang pangarap niyang maging reporter doon. Pero sa ngayon ay nagagamit pa rin niya ang talent niya sa pagsasalita bilang isang tagapayo at tagapasalita sa radyo.
Noong taong 1990s ay mataas ang bilang ng mga taong nakikinig sa radyo. Halos araw o gabi ay maraming nakatutok dito. Nakikinig sila ng mga dula, drama serye at mga love song, mapa-local man o international.
Ginagamit rin ang radyo bilang medium ng pagpapahayag ng damdamin. Maraming mga sender ng mga liham pagbati mula sa fans na siya namang babasahin ng mga DJ ON AIR. Ang ang pinakasikat na trabaho ng isang DJ ay ang mag-play ng kanilang mga paboritong love song sa radyo. Sa trabahong ito sila mas kilala.
Mababait ang mga DJ sa Dreame Romance kaya naman hindi ako nahirapang makisama sa trabaho. Bukod pa rito ay natutuwa ako sa mga segment nila na talaga naman nakakalibang panoorin nang live na sisimulan ni DJ Krishmar sa kanyang energizing na segment ang “Morning PINASaya” kung saan binubulabog niya ang mga listener na gumising nang maaga at masigla sa trabaho.
Inaabangan rin ang segment ni DJ Jean sa lunch time kung saan ay tumutugon siya sa mga request na songs ng listeners. At pagsapit naman ng hapon o “siesta time” na tinatawag ay mauupo si DJ Annabel sa studio upang sumagot ng caller para sa kanyang mga nakatutuwang payo tungkol sa pag-ibig.
Marami pang DJ ang nagpapasaya sa Dreame Romance. Mayroon ding naka-assign sa mga weekly countdown ng mga sikat na kanta. May mga nagpi-play ng mga dula o radyo serye at mayroon ding ang trabaho ay bumasa lamang ng mga sponsor at commercial taglines.
Samanatalang aminado naman ang Dreame Romance na baguhan pa lamang sila sa industriya kaya’t hindi pa ganoon kalawak ang kanilang mga tagapakinig lalo’t maraming kalabang istasyon ang talagang kilala at mga sikat na. Kaya naman naging malaking pagsubok sa naturang istasyon ang segment sa hatinggabi dahil lubhang napakahirap kumuha ng listeners sa mga oras na ito. Maraming DJ na rin ang tumatanggi at umaayaw sa segment na ito dahil mababa ang ratings at walang nakikinig sa kanila.
Kaya naman kung ako ang mauupo bilang DJ sa midnight segment ay magiging isang malaking pagsubok sa akin ang kumuha ng mga tagapakinig.
Ngunit hindi ibig sabihin nito ay hindi ko susubukan.
Itutuloy.