Midnight DJ
AiTenshi
October 23, 2021
Part 1
ON AIR
"Love is all around us kaya ang dapat mong gawin ay damhin ito at maging in love sa lahat ng oras. Ngayong hatinggabi ay pakinggan natin ang awit ng pag-ibig na pinamagatang "Nothing's Gonna Stop Us Now" ng bandang No Protection 1987," malambing na boses ni Annabel sa radio bagama’t halatang bored na bored ito sa kanyang ginagawa.
Lumapit ako sa kanya at iniabot ang isang tasang kape. "Ayos ka lang ba?" tanong ko.
Kinuha niya ang kape at saka uminom, "Hay, antok na antok na ako. Salamat sa pagsama sa akin ngayon Vin, ha? Sobrang bored na bored na talaga ako," ang tugon niya.
"Three days ka pa lang dito sa midnight segment, bakit parang ayaw mo na?" tanong ko ulit.
"Kasi wala namang nakikinig sa akin, noh? Daldal lang ako nang daldal dito tapos wala man lang tumatawag o kaya ay nagre-request ng kanta. Kung sabagay, sino ba naman ang makikipagtelebabad sa akin sa ganitong oras? Saka kung mayroon mang gising, malamang nakatutok iyon sa Lonely Love Romance o kaya ay Give Love Romance. Alam mo naman na marami tayong kalabang stations," ang sagot naman niya sabay kuha ng tinapay at kinagat nang may halong inis.
"Matatapos na ang kanta, ready ka na ulit," ang paalala ko naman at naupo ako sa gilid ng kanyang studio.
Inayos ni Annabel ang kanyang sarili bagama’t naghihikab ito. "At napakinggan natin ang kantang "Nothing's Gonna Stop Us Now by No Protection". At ngayon naman ay maghihintay tayo ng caller para sa ating "Annabel's Advice Segment!" Ang saya-saya, ‘di ba?" ang wika niya sabay pindot sa clap effects at cheering effects!
Ngunit makalipas ang ilang minuto ay wala pa ring tumatawag kaya walang ibang nagawa si Annabel kundi ang magpatugtog na lang ng mga love song. "Paabot nga ng tiyani, boring naman talaga," ang bulong nito sa akin. Itinaas niya ang kilikili at saka nagbunot ng buhok dito pero wala naman dahil napaka-flawless niya.
"And there you have it mga listener! Napakinggan natin ang love song na pinamagatang "Groovy Kind of Love by Phil Collins," ang dagdag pa nito habang abala sa pagbubuhot ng buhok sa kilikili. Maya-maya, kilay naman ang kanyang napagdiskitahan habang patuloy sa pagsasalita.
"At diyan po nagtatapos ang ating segment ngayong hatinggabi. This has been DJ Annabel, now signing off! Aray!" ang impit na wika nito noong masipit ang tiyani ang kanyang kilay.
OFF AIR.
Natapos ang buong segment ni Annabel ng nagbubunot lang siya ng buhok sa kilikili at sa kilay. "Alam mo Vin, marami talagang DJ dito sa station natin ang ayaw ng midnight segment dahil sa bukod sa boring na e wala ka pang tagapakinig kaya ang ending ay wala kang chance na sumikat katulad nina DJ Sophia, ni DJ Mylla doon sa Lonely Love Romance. Imagine, nakailang palit na ng DJ dito sa midnight segment pero walang tumatagal. Kaya nag-decide ako na babalik na lang ako sa tanghaling segment, kahit paano ay may chance ako doon!" ang hirit nito.
"Eh paano ‘yon? Sinong papalit sa iyo dito?” ang tanong ko. “Ayaw na ni Krishmar dito dahil may third eye iyon, madalas daw siyang nakakakita ng multo."
"Maniwala ka sa gagong iyon, walang third eye ‘yon. Excuse lang niya iyon dahil ayaw niya dito sa midnight segment. Kaya naisip ko na ang papaalit sa akin ay… IKAW!" ang excited na hirit niya.
"Hala, bakit ako? Assistant lang ako dito at wala akong experience sa pagdi-DJ," ang reklamo ko bagama’t nakaramdam ako ng excitement.
"’Di ba sabi ni Boss ay balak ka niyang gawing DJ? Hindi lang niya alam kung saang segment ka ilalagay. Kaya naisip ko na ito na ang chance at break mo. Saka magandang starter pack itong midnight segment dahil walang masyadong listeners at maaari kang mag-practice, ‘di ba may point ako?" ang sagot niya at naglagay pa ito ng band-aid sa kilay.
Ang pagpasok ko dito sa Dreame Romance ay parang part time job lamang habang naghihintay ako ng susunod na licensure examination para sa pagiging guro. Kapag may ekstrang time ay nagre-review pa rin ako upang paghandaan ito. Gusto ko lang kumita nang kaunti para pangsuporta kina lolo at lola na ngayon ay mahihina na. Hindi ko pinangarap maging DJ bagama’t kapag pinapanood ko sila ay para bang may nagsasabi sa akin na dapat ko rin itong subukan.
Naalala ko tuloy noong bata ako, halos boses rin ang puhunan ko para kumita ng kaunting barya pangsuporta sa aking pag-aaral. Ito ‘yong mga alaala na kapag ipinipikit ko ang aking mata ay kusang nagbabalik sa aking isipan. Ang bawat detalye, ang bawat eksena noong tag-araw ay nadarama ko pa rin hanggang ngayon.
Tahimik…
Lumingon ako sa isang poste ng ilaw at dito ay muling nagbalik sa aking alaala ang lahat.
FLASHBACK
"Oh, dalawa pa! Usog lang po sa gawing kaliwa! Sampuan po iyan! Dalawa pa! Aalis na!" ang sigaw ko habang abalang-abala sa pagtawag ng mga pasahero sa jeep na minamaneho ni Lolo Elias.
"Vincent, pagkatapos mo d’yan ay dalhan mo ng tanghalian ang lola mo doon sa palengke. Maliwanag ba? O, kunin mo na itong barya at pandagdag mo sa baon sa lunes," ang wika ni Lolo noong mapuno ang jeep.
"Opo, Lolo, mag-ingat po kayo sa pagda-drive! Ang sabi po ni Lola ay iinom kayo ng gamot sa high blood kasi mainit," ang tugon ko.
"Shhh, wag ka ngang madaldal bata ka, baka marinig nila iyan at hindi na sila sumakay sa akin. Dalhan mo na ng pagkain ng lola mo doon sa palengke at huwag kang tatanga-tanga sa pagtawid ha," ang bilin ni Lolo sabay gusot sa aking buhok.
Sina Lolo at Lola ang nag-aalaga sa akin. Ang aking ina ay namatay sa isang malubhang sakit at ang aking ama ay nagpaalam lang daw na bibili ng sigarilyo pero hindi na ito bumalik. Sabi ni Lolo ay natakot daw ito sa responsibilidad na palakihin ako nang mag-isa kaya umalis ito at magbuhat noon ay wala kaming balita sa kanya. Isang taong gulang lang ako noon, wala akong alam sa mundo. Basta noong nagkaisip ako ay wala na sila. Ang akala ko talaga noong una ay sina Lolo at Lola ang mga magulang ko. Mabuti na lang at sinabi sa akin ng tsimosang nanay ng kaibigan ko na ako raw ulila na. Ngayon ay walong taon na ako at sa palagay ko ay may isip na ako para unawain ang ganoong bagay.
"Eh, totoo naman. ‘Yong nanay mo ang nagsabi sa akin na ulila na ako at ang tatay ko daw ay sumama sa ibang babae habang bumibili ng yosi sa tindahan," ang wika ko kay Annabel habang naglalako kami ng bulaklak para sa santo.
"Ganon lang talaga si Inay, marami siyang kwentong handog sa mga kapitbahay. Saka ang sabi ni iIay ay talent daw talaga ni Inay ang magbalita ng kung ano ano sa mga kapit bahay dahil dati siyang reporter. Kaya paglaki ko ay magiging reporter din ako katulad niya," ang sagot ni Annabel dahilan para mapangiwi ako.
"Magkaiba ang reporter sa tsimosa. ‘Yong nanay mo rin ang nagsabi na ‘yong asawa ni Mang Pilo ay nakikipagtagpo doon sa bukid," ang sagot ko ulit.
"Eh, talaga naman. Nakita ko si Mang Pilo at si Manang Cecil na nagki-kiss doon sa bukid. Kaya sinabi ko ito kay Inay," ang sagot ni Annabel.
"Kung gayon ay sa’yo pala nagmula ang tsimis na iyon. Hala, isusumbong kita kay Mang Pilo," ang pananakot ko.
"E ‘di isumbong niya. Isusumbong ko rin siya sa asawa niya na bukod kay Manang Cecil ay nakikipag-date pa siya kay Manang Fe doon sa likod ng simbahan. Halika ipapakita ko sa iyo para maniwala ka!" ang hirit ni Annabel sabay hila sa akin sa likod ng simbahan. Dito ay pinatunayan niya na totoo ang kanyang sinasabi dahil magkasama nga sina Manang Fe at Mang Pilo sa ilalim ng puno ng akasya habang umiinom ng palamig.
Si Annabel ang aking best friend. Sabay kaming lumaki at magkaklase pa kami sa school. Pangarap niya na maging reporter sa telebisyon at maging kapareha ni Noli Dela Cruz sa Magandang Pilipinas. Kaya naman lahat ng balita sa aming lugar ay talagang alam na alam nilang dalawa ng nanay niya. Pero kahit ganoon ay mabait sa akin si Aling Marites na nanay niya. Kapag nagpupunta ako doon ay parati niya akong pinaghahanda ng meryenda habang kinukuwentuhan ako ng tungkol sa mga tao sa aming compound. At sa tingin ko naman ay masaya siya habang nagbibida sa akin.
"Saka si Mang Pilo, malamang ay bubugbugin siya ng asawa niya mamaya dahil kalat na kalat sa buong compound ‘yong sa kanila ni Manang Fe! At iyan ang nagbabagang balita sa mga oras na ito! Ako po si Annabel Marie Reyes Villarosa, nag-uulat! Magandang Pilipinas News Live 1980!" ang malakas na wika nito habang nakatore sa itaas ng hagdan ng simbahan at ginawang mikropono ang tira naming kandila.
"Ano, magaling ba ako?" tanong niya sa akin habang nakangisi.
"Magaling din, kaso puro tsimis naman ‘yong binabalita mo," tugon ko naman.
"Alam mo sabi ni Inay, wala namang pakialam ang mga tao sa katotohanan, ang gusto nila ay tsimis lang," ang hirit nito kaya naman napangiwi ako at naupo sa tabi ng nagtitinda ng palamig.
Tahimik.
Pinagmasdan ko ang mga taong lumalabas sa simbahan. Lahat sila ay abalang-abala kaya't nag-aapura sa paglalakad. Para minsan lang maglaan ng oras sa Diyos ay nakukumahog pa sila para makaalis.
"Hijo, ‘yong kasama mong batang para loro kanina ay gustong maging reporter sa TV. Ikaw, ano bang gusto mong maging?" tanong ng tindera ng palamig.
"Eh, ewan ko po, gusto kong mahanap ‘yong tatay ko at mamura siya mula ulo hanggang paa," ang seryoso kong sagot.
Natawa siya, "Iyan talaga ang gusto mo?"
"Opo, iyan ang bilin ng lolo ko sa akin," ang sagot ko sa kanya.
Ewan, ang totoo ay hindi ko talaga alam ang gusto ko paglaki ko. Hindi ako katulad ni Annabel na talagang nakapako ang utak sa pagiging reporter sa TV. Siguro ay malilinawan ko rin ito pagdating ng tamang panahon at pagkakataon.
Kapag maayos na ang lahat at kapag natutunan kong tanggapin may mga bagay sa mundo na makikita ko nang malapit ngunit mahirap itong abutin, katulad ng aking pangarap na tila walang katiyakan.
Itutuloy.