MABILIS akong nakailag at nagtago sa isang poste. Nagkakagulo na ang mga estudyante sa baba at nakarinig na rin ako ng announcement. Pinapa-evacuate na ang mga estudyante. Hinawakan ko ang waistband ko at mariin kong ipinikit ang aking mga mata nang mapagtanto ko na wala nga pala akong dalang baril dahil nasa school ako. “Chiara!” Bago pa ako makalingon sa kanya ay nahawakan na ni Yvo ang aking balikat. Pinagmasdan niya ako at salubong ang kanyang kilay. “Are you okay?” tanong nito sa akin, bakas kay Yvo ang pag-aalala. Sasagot na sana ako nang maramdaman ko na kasama niya si Sir Aguilar. Siya iyong professor na kumatok kanina sa opisina ni Yvo. Tumikhim ako at dumistansya nang kaunti kay Yvo, subalit mas lalo niya akong hinawakan kaysa ang bitawan. Tumingin si Yvo kay Mr. Aguilar.