Nakakatalon-talon na ako sa mga climbing hold ng walang harness. Isang buwan na training ang nilaan ko para magawa ko 'to nang tama at maayos.
"Ngayon, subukan mong atakihin 'yong mga dummy gamit ang Hades Sword," utos sa'kin ni Jerome mula ro'n sa baba.
Sinunod ko nga ang sinabi niya. Tumalon ako mula rito sa itaas. Pagkatapos ay mabilis akong tumalon-talon sa mga climbing hold pababa para bumuwelo ng pag-atake.
Ngayon na.
"Hades Sword!"
Pagbanggit ko no'n habang bumabagsak mula sa ere ay lumitaw ang isang malaking espada sa kamay ko. Itinaas ko ito gamit ang dalawa kong kamay tanda ng isang pag-atake.
Nang malapit na ako sa dummy na target ko ay winasiwas ko na ang espada at nahiwa ko ang dummy. Winasiwas ko pa ito paikot sa ere sabay hampas sa bandang kanan, at nahiwa ang isang dummy. Inulit ko pa 'yon at nahiwa ko naman ang nasa kanan.
Kada may mapapatumba akong dummy, may pinalilitaw ulit si Jerome na iba pang dummy mula sa lupa. Paulit-ulit ang ginagawa ko. Winawasiwas ko nang buong puwersa at lakas ang espada ko para tamaan ang mga dummy na lumilitaw mula sa lupa.
Pabilis nang pabilis ang paglitaw ng mga dummy kaya't kailangan mabilis din ako.
Nang matapos ako sa daan-daang dummy ay hinapo ako nabitiwan ko ang espada sabay naglaho ito na parang bula.
Napaluhod ako sa lupa habang hinahabol ang hininga. Napagod ako sa ginawa kong 'yon. Pagkatapos ay umayos ako ng upo sa lupa. Sabay nilapitan naman ako ni Jerome.
"Puwede bang break muna?" tanong ko habang hinahapo pa.
"Sige. Bumalik na tayo sa study area para kumain," sagot naman ni Jerome.
Napangiti naman ako sa naging sagot niya. Mayamaya lang ay napansin ko ang kamay niya na nakalahad sa'kin. Pagkatapos ay inabot ko rin ito at dahan-dahan niya akong hinila patayo.
Nagkatinginan muna kami sandali bago siya umiwas ng tingin at bitiwan ang kamay ko. Tapos ay nauna na siyang maglakad sabay sunod ko naman.
Nang makarating na kami sa study hall ay nadatnan na namin do'n ang mga kasama namin na nagtipon na sa dining table.
"Oh, tamang-tama. Kakain na tayo ng lunch," sambit ni Gunner.
Naupo na kami ni Jerome sa bakanteng puwesto. May mga plato at kubyertos na namang nakahanda kaya naman nagsandok na lang kami ng kakainin namin.
Nasa gitna na kami ng pagkain ng kanin na may chicken curry nang biglang dumating si Mr. Smith.
"Hi, students! Aba, mukhang masarap 'yang pagkain niyo ah," sambit niya habang nakatingin sa mesa namin.
"Hello, Mr. Smith," bati namin sa kanya.
"Sorry, Mr. Smith. Ubos na eh," sambit ni Gunner.
"Na naman?" hindi makapaniwalang tanong ni Mr. Smith na mukha ring nalugi.
"Agahan niyo kasi ang dating, Mr. Smith," sambit naman ni Xavier.
"Whatever. Anyway, I'm here to tell you something," sambit ni Mr. Smith.
"Tatlong linggo na mula nang mag-report sa'kin sina Aika at Jerome about sa pinagmulan ni Aika. And na-confirm natin na biological child nga siya ng parents niya. But then, nakakapagtaka pa rin na kung tao nga siya, why does she has these qualities of being an Underworld creature?" paliwanag ni Mr. Smith.
"So, I came here to announce you the results na inilabas ng mismong University Council na nagpa-run ng iba't ibang tests mula sa mga samples from Aika and from those data that I gathered since she stayed here," dagdag pa ni Mr. Smith sabay may kinuha siya sa loob ng coat niya na isang letter-sized brown envelope.
"Hindi ko pa rin nakikita ang results nito kasi gusto kong sabay-sabay natin itong makita," sambit pa niya habang binubuksan ang envelope.
Natigilan kaming lahat na nakaabang sa sasabihin ni Mr. Smith. Para kaming nag-aabang ng isang malaki at mahalagang announcement.
Lalo na ako. Hindi ko tuloy mapigilang kabahan. Parang may nagkakarera sa loob ng dibdib ko. Napakuha tuloy ako ng baso ng tubig at uminom sa sobrang kaba.
Heto na ang pagkakataon na malilinawan ako sa tunay kong pagkatao. Kung bakit may kakayahan akong gaya ng sa mga night-crawler pero tunay na anak naman ako ng mga tao.
Habang binubuklat ni Mr. Smith ang papel na nakatuping kinuha niya sa loob ng envelope ay lalong bumilis ang t***k ng puso ko. Nanginginig na rin ngayon ang mga kamay at binti ko.
Lalo kaming napaabang nang binabasa na ni Mr. Smith ang laman ng results.
Mayamaya lang ay napansin namin ang pagkunot ng noo ni Mr. Smith na lalong nagpakaba sa'kin. Titig na titig siya ro'n sa binabasa niya na para bang hindi siya makapaniwala.
Lalo akong kinabahan na para bang sasabog na ang puso ko nang tingnan ako ni Mr. Smith.
"Aika, based sa results ikaw ay..."
Pigil-hininga kaming lahat dito habang hinihintay ang sasabihin ni Mr. Smith.
"Sabihin niyo na, Mr. Smith!" reklamo ni Ryker.
Natahimik kaming lahat habang pigil-hininga pa ring naghihintay.
"Ikaw ay isang demigoddess."
Napataas ang kilay ko, "Eh?"
"Ha?" rekasyon ng mga kaklase ko na tila hindi makapaniwala.
"Demigoddess?" tanong pa nila.
"Sandali, demigoddess. Ibig sabihin, kalahating tao at kalahating diyosa siya!" hindi nakapaniwalang sabi ni Ryker.
"Oo. At ang mga demigods and demigoddesses ay ang pinakamataas na uri ng nilalang sunod sa mga Olympus gods and goddesses," paliwanag pa ni Mr. Smith.
"Kalahating tao, kalahating diyosa. Pinakamataas sunod sa mga diyos," bulong ko.
Habang nagkakagulo sila ro'n dahil sa nalaman nila tungkol sa'kin. Ako naman dito ay parang dumikit na sa kinauupuan ko. Hindi ako makagalaw. Hindi pa rin kasi mag-sink in sa isip ko 'yong narinig ko.
Ako? Isang demigoddess?
"P-pero, Mr. Smith. Paano naman nangyari 'yon?" tanong ko.
"Heto ang possibilities. Puwedeng parehong demigods ang parents mo, o 'di kaya isa sa kanila ang demigod," paliwanag ni Mr. Smith.
Napataas ang kilay ko, "Puwedeng demigods din ang parents ko?"
Napayuko ako at napaisip. Nahihirapan talaga akong mag-isip. Hindi ako makapaniwala. Puwedeng hindi nga mortal ang parents ko. O kaya naman ay hindi mortal ang isa sa kanila.
Nahihirapan akong paniwalaan ang bagay na 'yon.
"O puwede ring..." Pagkasabi no'n ni Mr. Smith ay napaangat ako sabay tingin sa kanya.
"Isang diyos talaga ang ama mo. Isang diyos ang nakabuntis sa nanay mo," patuloy niya.
Nanlaki naman ang mga mata ko, "Paano naman po mangyayari 'yon?"
"Well gods have their own ways para makalapit sa mga mortal," sagot ni Mr. Smith.
"Tama si Mr. Smith."
Napatingin ako sa biglang sumabad, "Klein."
"Gaya nina Zeus at Poseidon at ng iba pang diyos ng Olympus, lahat sila may kakahayahan na tinatawag na shapeshifting. Nagpapanggap silang tao o isang taong kilala mo, o isang hayop para makalapit sa mga mortal at magawa ang gusto nila," paliwanag ni Klein.
"So, sinasabi mong may possibility na isang Olympus god ang nakabuntis talaga sa mommy ko dahil nagpanggap siyang si Daddy? Gano'n ba?" tanong ko.
"Klein has a point, Aika. It's possible lalo na kung natipuhan siya," sabad naman ni Mr. Smith.
Para namang huminto ang mundo ko sa narinig ko. Parang lalong nahirapan ang utak ko na i-process ang lahat ng revelations tungkol sa sarili ko ngayon.
"Pero alinman sa tatlong possibilities na nabanggit namin, isa lang ang sigurado. It was confirmed that you're no ordinary being, Aika," sambit pa ni Mr. Smith.
"Teka sandali. Hindi ba ang Elysian Royal Family ay mga demigods din?" sambit bigla ni Gunner.
"Oo nga, ano? Anong mangyayari kapag nakarating 'to sa Elysian Royal Palace?" tanong naman ni Ryker.
"Elysian Royal Family?" usisa ko.
"Yes. Sila ang official Royal Family ng Elysium at sila ay sinasabing mga demigods. Well, demigods lang naman talaga ang may karapatan sa trono ng Elysian Royal Palace," sagot naman ni Klein.
"Tama si Klein. At ang royal family na 'yon ang namumuno sa buong Elysium sa loob ng higit one thousand years," sambit naman ni Mr. Smith.
"So, ano nga pong mangyayari kay Aika once na makarating sa palasyo na si Aika ay isang demigoddess?" tanong naman ni Ryker.
"Hindi nila puwedeng malaman," sagot ni Mr. Smith.
Napataas naman ang kilay namin, "Ha? Bakit naman?"
"They will see Aika as a threat more than an accomplice. Threat na puwedeng umagaw ng trono mula sa kanila. In other words, manganganib ang buhay ni Aika kapag nakarating ito sa palasyo."
Nandilat ang mga mata ko sabay nganga. Napalunok naman ako at parang nanikip ang dibdib ko. Puwedeng manganib ang buhay ko once na may makaalam na iba.
Nabigla naman ako nang may maramdaman akong tumapik sa balikat ko. Paglingon ko ay nakita kong si Jerome 'yon.
Hindi siya nakatingin sa'kin at wala ring emosyon ang mukha niya. Basta tinatapik lang niya nang marahan ang balikat ko.
Siguro sinusubukan niyang ipanatag ang kalooban ko. Napahinga tuloy ako nang malalim. At kahit papaano, kumalma naman ako.
"Kailangan nating protektahan ang identity ni Aika hanggang sa makakaya natin. Hindi ito puwedeng basta-basta makarating sa palasyo. Naiintindihan niyo?" bilin ni Mr. Smith.
"Yes, Mr. Smith," sabay-sabay na tugon naman ng mga kaklase ko.
"At bago ako umalis, may announcement pa ako sa inyo," sambit muli ni Mr. Smith na kumuha ng atensyon namin.
"Next week na ang annual exams. At kasali ulit kayo," sambit niya. Tapos ay tumingin siya sa'kin.
"Heto ang unang annual exam mo, Aika. So be prepared," bilin sa'kin ni Mr. Smith.
Tumango lang ako bilang sagot.
---
Gabi na pero nandito pa rin ako sa training area. Madilim dito dahil wala namang lighting system dito. Kaya ang nagsisilbing liwanag ko lang ay ang buwan. Panay ang practice ko ng swordsmanship ko sa pakikipaglaban sa mga dummy.
Wasiwas dito, hampas doon. Pinaikot ko ang espada sa kamay ko at tumakbo sabay bumuwelo ako ng talon upang mahiwa ang ulo ng dummy.
Umaabot na sa kaibutura ng baga ko ang hangin na hinihinga ko at ramdam ko ang lamig nito. Malamig na rin ang pawis na tumagaktak sa katawan ko dahil na rin sa hangin.
Tahimik ang buong lugar kaya't paghinga ko lang at 'yong wasiwas ng espada ang tanging naririnig ko.
Alam kong pagod na 'ko. Pero hindi maawat ang katawan ko sa pagsasanay dahil magulo ang isipan ko ngayon dahil sa mga nalaman ko.
Biological child ako ng parents ko. Pero sa kabilang banda ay isa akong demigoddess? Hindi ko lubos maisip kung paanong nangyari 'yon.
Pagkatapos bawal ang kahit sinong may makaalam ang tungkol sa pagiging demigoddess ko dahil maaaring manganib ang buhay ko. At ang mas malala pa rito, maaaring ang magpahamak pa sa'kin ay ang mismong pamahalaan ng Elysium.
Pagkatapos kong iwasiwas nang buong puwersa sa dummy ang espada ko ay nahiwa ito sa dalawa. Pagkatapos ay hinabol ko ang aking hininga. Itinusok ko muna ang espada sa lupa at tinuunan ko ito bilang suporta. Magpapahinga muna ako sandali.
"Aika."
Nabigla ako nang may tumawag sa'kin at nilingon ko siya.
"Jerome."
Nakasuot na siya ng mint green na pajama at oversized na white t-shirt, at naka-slides na itim naman siya sa paa.
"Ano pang ginagawa mo rito? Dapat nagpapahinga ka na," sambit niya.
Bumuntonghininga ako, "Alam ko. Pero hindi ako makatulog. May mga gumugulo sa isip ko."
Natigilan ako nang may mapagtanto ako, "Teka, paano mo nalamang nandito ako?"
"Ramdam kong wala ka sa kuwarto mo. Kaya naisip ko na baka nandito ka," sagot naman ni Jerome.
Napaisip naman ako sandali. Ang kuwarto ko ay nasa itaas lang ni Jerome.
Pinaningkitan ko siya ng mata, "Ganyan ba talaga ang isang familiar sa master nila? Malakas ang pakiramdam?"
Bumuntonghininga si Jerome, "Oo. 'Yong dugo mo na nasa sistema ko ang may dahilan."
Tumango-tango ako, "Okay."
"Bumalik ka na sa dorm at magpahinga," saad niya.
"At 'wag mo na rin masyadong alalahanin 'yong tungkol sa pagiging demigoddess mo. Hindi ka naman mapapahamak kung walang ibang makakaalam," dagdag pa niya.
"Mas iniisip ko pa kung paano nangyaring isa akong demigoddess. Wala naman akong pakialam kung mapahamak ako," sambit ko naman.
Katahimikan ang namayani sa pagitan namin ni Jerome. Hinugot ko na ang espada mula sa lupa para ibalik do'n sa lalagyan ng weapons.
"Huwag mong sayangin ang second chance mo na 'to sa buhay."
Natigilan ako nang magsalita bigla si Jerome at nilingon ko siya.
"Teka, paano mo nalaman 'yan?" tanong ko sa kanya.
Sa pagkakatanda ko kasi, 'yan ang naging usapan namin noon ni Xavier.
"Suot mo pa kasi 'yong hikaw na binigay ko sa'yo nang mag-usap kayo ni Xavier."
Nandilat ang mga mata ko sa sinabi niya. Ibig sabihin, narinig niya lahat ng sinabi ko no'ng araw na 'yon?
"Ano bang rason mo at bakit pumayag kang mag-enroll dito sa university?"
Natigilan ako sandali bago sumagot, "Gusto kong...gusto kong ipaghiganti ang pagkamatay ng mga magulang ko. At ang tanging paraan ay ang maging isang Unholy Spirit Hunter ako."
Marahang tumango si Jerome, "Palagi mong aalalahanin ang bagay na 'yan. Hindi tayo puwedeng sumuko o mamatay hangga't hindi pa natin natutupad ang layunin natin na siyang dahilan kung bakit tayo nabubuhay ngayon."
Naglakad papalapit sa'kin si Jerome at lalong luminaw ang mukha niya nang tamaan ito ng sinag ng buwan.
"At nandito lang ako palagi para sa'yo bilang familiar mo."
Nakatingin lang ako sa kanyang mga mata. Katahimikan ang pumagitan sa'min at tanging lagaslas ng hangin lang ang maririnig. Malamig ang gabi, ngunit may init akong naramdaman sa puso ko.