XXI: Request

1998 Words
Nang sandaling palabasin ko ang Hades Sword sa kamay ko ay mabilis akong tumakbo papalapit kay Jerome at nakahanda kong atakihin siya gamit ang espadang ito. Nang makalapit ako sa kanya ay bumuwelo ako ng talon at itinaas ang hawak kong espada. At nang inatake ko siya ay agad niyang nasalag iyon gamit ang hawak niyang espada na kasinglaki rin ng gamit ko. Ang paligid ng training area ay nabalot ng tensyon habang nagbubuno ang aming mga espada at walang maririnig sa paligid kundi ang mabibigat na kalansing ng mga espadang nagbubungguan. Winawasiwas ko ang espada at inaatake siya kapag may puwang. Pero mabilis siya at nasasalag niya kaagad ang mga 'yon. Pinapanatili ko ang malapitang pag-atake sa kanya para hindi siya magkaroon ng pagkakataon na atakihin ako. Pagkalipas pa ng mga mabibilis at walang humpay na hampasan ng espada ay nagbuno kami hanggang sa naitulak niya ako papalayo sa kanya at siya namang urong ko. Nabigla naman ako dahil sa isang kisap-mata lang ay nasa harapan ko na siya agad at handa akong atakihin ng espadang gamit niya. Nataranta ako nang kaunti pero nagawa ko pa ring salagin ang atake niya. Siya naman ngayon ang atake nang atake sa'kin. At nahihirapan ako unti-unti dahil mabibilis ito at sunod-sunod. Para bang nahuhulaan niya kung saan ang susunod na open part na puwede niyang tamaan. Hindi ko tuloy masundan ang susunod na galaw niya. Isa pa, ang bibigat ng bawat atakeng binibigay niya. Parang pati braso ko matatanggal. At ginamit na niya ang final blow ng atake niya. Paghampas niya ng espada niya ay tumalsik ang Hades Sword ko at naglaho ito. Napaupo na lang ako sa lupa at tinutok niya sa'kin ang dulo ng talim ng espadang hawak niya. "Medyo mabagal ka pa. Pero ayos na rin," sambit niya. Tapos ay tinukod niya ang talim ng espada niya sa lupa. Habang ako naman ay hinahabol ang hininga ko dahil sa pagod. Pangatlong trial ko na 'to ngayong umaga. "Lunch break muna!" reklamo ko. "Sige." Tinulungan niya akong tumayo at sabay na kaming bumalik sa study area. --- "Oh, andyan na pala si Princess Aika," natatawang bungad ni Ryker pagkadating pa lang namin ni Jerome. "Tumigil ka nga," sagot ko naman sabay upo sa isang bakanteng puwesto. Pagkatapos ay kumuha na agad ako ng plato at kubyertos at nagsandok ng pagkain. "'Wag ka ngang ganyan, Ryker. May makarinig sa'yo, papagalitan ka pa ni Mr. Smith," saway sa kanya ni Gunner. Napakamot naman sa batok niya si Ryker, "Joke lang naman eh." "Kahit na. Dapat mag-ingat tayo pagdating sa identity ni Aika," sabad naman ni Xavier. "So, kumusta naman ang training niyo? Maayos ba ang progress ni Aika?" usisa naman bigla ni Klein. "Mabilis ang improvement niya, as usual," sagot naman ni Jerome. "Sa tingin mo, may laban na siya sa annual exams?" tanong pa ni Klein. Natigilan sandali si Jerome bago sumagot. "Oo. May laban na siya kahit papaano. Basta gamitin lang niya nang tama lahat ng pinag-aralan niya sa training gamit ang Hades Sword." "Ooh, puwede mo nang ilaban ang posisyon mo sa Section X, Aika!" sambit ni Xavier. "Ano ba ang annual exams? Para saan ba 'yon at anong mangyayari kung sakaling bumagsak ako ro'n?" tanong ko. "Ang annual exams ay tagisan ng lakas at galing sa pakikipaglaban na ginagawa tuwing last week ng first semester. Dito makikita kung may natutunan ka ba sa nakalipas na taon o kung nag-improve ba ang skills mo bilang hunter student," sagot ni Xavier. "At dahil freshman ka lang, freshmen students din ang makakalaban mo sa annual exams. At ang magiging final score mo sa three-minute battle ang magsasabi kung saang section ka mapupunta next semester," sabad naman ni Ryker. "Kapag bumagsak ka, bababa ang section mo. At maghihintay ka ulit ng another school year para kumuha ng annual exams kung gusto mong bumalik dito sa Section X," sambit naman ni Klein. "Gano'n ba. Natalo na ba kayo kahit minsan lang?" usisa ko. Sabay-sabay silang tumingin sa'kin nang seryoso at umiling. Napanganga naman ako sa naging sagot nila. Ibig sabihin, never pa silang natalo ng kahit sino mula sa regular sections. "Ang galing..." usal ko. "Ano namang mangyayari sa makakatalo sa'kin? Mapupunta ba sila rito sa Section X?" usisa ko. "Base sa description ng section natin, ang Section X ay para lang sa mga nagtataglay ng Artillery of Gods. Ibig sabihin, hindi talaga technically na makakasama namin sila dito sa klase. Pero magkakaroon sila ng free access sa lugar na 'to at makakasama namin sila sa missions," sagot naman ni Gunner. "Halimbawa, na-remove ka rito sa Section X. Iyong top scorer mula sa regular classes ang makakasama namin sa missions. At siya ang magiging bagong tandem ni Jerome. Since ikaw ang tandem niya, 'yong top scorer ang papalit sa'yo," paliwanag pa ni Gunner. Nandilat naman ang mga mata ko, "Talaga?" Lumapit naman sa'kin si Xavier tapos ay nagsalita siya, "Kaya galingan mo, okay? Ayaw ni Jerome nang may ka-tandem. Mahihirapan na naman siya mag-adjust kapag napalitan ka." Pinag-ekis ko ang mga braso ko sa bandang dibdib. May point si Xavier. Nai-imagine ko pa lang kung gaano kasungit ang Jerome na 'to, ako na ang naaawa para ro'n sa papalit sa'kin. Tumingin ako kay Jerome habang siya naman ay busy na kumakain. Isa pa, sayang naman ang pinaghirapan niya para lang i-train ako nang mabuti. Kahit hindi ipahalata ni Jerome, alam kong napapagod na rin siya sa ginagawa niya. Pero tinitiis lang niya dahil 'yon ang kailangang gawin. Bumuntonghininga na lang ako bago ko ipagpatuloy ang pagkain ko. --- Tumakbo ako papunta kay Jerome hawak ang Hades Sword at siya namang salubong niya sa'kin ng isang pagsugod. Nang magkalapit na kami ay nagbanggaan na naman ang mga espada namin. Sa bawat hampas namin ng espada sa mga open area na puwedeng atakihin ay nasasalag namin agad 'yon. Ang mabibigat niyang mga paghambalos ng espada ay natatapatan ko na rin. Sabi kasi ni Jerome, huwag ko raw pigilan ang lakas ko. Ibuhos ko raw 'yon sa bawat atake na gagawin ko. Pero dapat alam ko ang limit ng bawat atake dahil baka kapag ibinuhos ko ang lahat ng lakas ko sa umpisa pa lang ay maubusan na ako ng lakas nang hindi pa tapos ang laban. At maaaring 'yon ang maging dahilan ng pagkatalo ko. At sa sunod kong atake, mas nilakasan ko pa ang paghampas ko ng aking espada sa kanya dahilan para mapaatras nang bahagya si Jerome at matigil ang kanyang mga pag-atake. Mayamaya ay ibinaba niya ang guard niya at naglakad siya papunta sa'kin. "Tama na muna para sa araw na 'to," sambit niya. Kulay orange na ang langit sa labas. Karaniwan kasi inaabot kami ng dilim dito at pagsikat ng buwan sa pagte-training. Tumango ako, "Okay sige." Hinihingal pa ako sabay pinunasan ko ang pawis na nasa noo ko gamit ang kamay ko. "Bukas na ang annual exams. Kaya kailangan mo nang magpahinga para magkaroon ka ng sapat na lakas," sambit niya. Tumango naman ako bilang sagot. Natahimik kami sandali tapos ay nagsalita muli si Jerome. "Aika." Nagugulat talaga ako nang bahagya kapag binabanggit niya ang pangalan ko. Siguro kasi bihira lang niya akong tawagin sa pangalan. Tahimik lang akong tumingin sa kanya at hinihintay ang susunod niyang sasabihin. "Galingan mo sa annual exams." Napataas ang kilay ko sa sinabi niya. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya 'yon sa'kin. "Ayaw ko na ulit ng bagong tandem." Nabigla ako nang bahagya sa sunod niyang sinabi. Nabalot ng katahimikan ang paligid. Mayamaya ay umiwas ng tingin sa'kin si Jerome tapos ay tumalikod siya. "Ayaw ko na ng bagong pabigat sa'kin," sambit niya. Napangiwi naman ako. 'Yon pala ang ibig niyang sabihin. Sa bagay, naiintindihan ko siya sa part na 'yon. Pero kung iisipin ko 'yong sinabi niya sa'kin noong isang gabi, palagi ko raw alalahanin ang layunin ko kaya nabubuhay pa ako ngayon. Napangiti na lang ako sabay iling. --- Nandito na kaming lahat ngayon sa University Coliseum at nasa front seat kaming anim. Ilang minuto na lang ay magsisimula na ang program para sa annual exams. May ibang mga estudyante na rin ang nandito at patuloy lang ang pagdating ng ibang mga estudyante. Ang hitsura ng coliseum ay kagaya ng mga nasa Europe. Malawak ito at malamang kasya ang libo-libong populasyon. Pero ang mga bleachers naman dito ay kulay pula na gawa sa foam. Pagkatapos ay may malawak na battle ground sa ibaba. At sa gitna ng arena ay may isang malaking elevated stage. Doon marahil maglalaban ang bawat estudyante para sa battle exams. Open din ang bubong ng arena. Pero sabi nila, automated ang bubong nito. Para in case na umulan. "Alam kong matagal pa ang turn ko. Pero kinakabahan talaga ako," sambit ko. Ganito na nararamdaman ko simula pa nang papunta kami rito kanina. Parang may kumikiliti sa loob ng sikmura ko na umaakyat hanggang sa dibdib ko. At hanggang ngayon, gano'n pa rin ang nararamdaman ko. "Normal lang 'yan, Aika. Kaya okay lang," sagot naman sa'kin ni Gunner na nasa kanan ko. Napaggigitnaan ako ngayon nilang dalawa ni Jerome. "Excited na akong magpakitang-gilas para makilala ako ng ibang girls at humanga sila sa'kin," sambit naman ni Ryker sabay suklay ng buhok niya pataas gamit ang kanyang kamay. Pinaggigitnaan naman siya ngayon nina Xavier at Klein. Tiningnan naman siya ni Xavier na parang nandidiri, "Mukha kang tanga."  Si Xavier naman ay nakaupo sa gitna nina Gunner at Ryker. "Sus. Meron bang guwapo na mukhang tanga?" ani naman ni Ryker. "Ang kapal ng mukha," nang-aasar na tugon naman ni Xavier. "Ang sabihin mo, inggit ka lang. Hindi mo matanggap na guwapo talaga ako. Tanungin natin si Aika. Aika!" Lumingon ako sa gawi ni Ryker nang tawagin niya ako.  "Hmm?" tugon ko sabay taas ng kilay. "Guwapo ako, 'di ba?" tanong niya sa'kin. Pinipigilan kong tumawa kahit sa kaloob-looban ko ay natatawa na ako. Kaya't inikom ko na lang ang bibig ko. "Hmm..." Umakto akong nag-iisip pagkatapos ay tumango ako. "Oh, kita mo na? Sabi sa'yo guwapo ako eh!" pagbida ni Ryker kay Xavier na akala mo nanalo sa isang pustahan. "Dinamay mo pa si Aika sa kalokohan mo!" saway naman sa kanya ni Xavier. "Aminin mo na kasi na guwapo talaga ako." "Sige papayag ako. Pero pumayag ka rin na mukha kang tanga," ani Xavier. Marahas na inakbayan bigla ni Ryker si Xavier sa leeg at kinutusan ito sa ulo. "Ikaw, buwisit ka talaga. Kontrabida ka talaga kahit kailan," nanggigil na tugon ni Ryker habang patuloy na kinukutusan si Xavier sa ulo. Si Xavier naman ay patuloy lang ang pag-angal at pagpiglas mula kay Ryker. "Psst! Ano ba? Ang ingay niyo." Tumigil lang ang dalawa sa kakulitan nila nang sawayin sila ni Klein na katabi lang ni Ryker. Napailing na lang ako sabay tawa nang palihim. Kahit daan-daang taon na ang edad nila, para pa rin silang mga bata. Napansin ko namang halos puno na ng mga estudyante ang buong coliseum. At mayamaya lang ay biglang dumilim ang paligid. At nang lumiwanag ang elevated stage sa gitna ng area ay natahimik ang lahat at natuon ang atensyon namin sa stage. May nakita naman kaming isang babaeng nakatayo ro'n sa gitna. Naka-corporate attire siya at may hawak na mic. Meron siyang tenga ng pusa sa kanyang ulo pati buntot. May matutulis din siyang kuko sa kamay at pangil. Mahaba ang kulay brown niyang buhok at balingkinitan ang kanyang katawan. "Ang ganda niya. At ang sexy pa. Single kaya siya?" sambit bigla ni Ryker habang sinisilayan 'yong babaeng pusa na MC doon sa arena. "Gago ka talaga, ano? Teacher 'yan dito. 'Wag ka nga," saway naman sa kanya ni Xavier na katabi niya lang at may kasama pang batok. "Gano'n? Teacher pala siya rito?" tanong ni Ryker. "Oo. Siya si Ms. Merlot Rickets. Ang class adviser ng class 1-A," sagot naman ni Klein. "Magandang araw sa inyong lahat at welcome sa annual battle exams ng Underworld University High School!" Pagkasabi no'n ng MC ay nagpalakpakan at naghiyawan ang mga estudyante rito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD