XXXVII: Ground Ekaton

2028 Words
Nakakuha kami ng maliit na apartment-type na kuwarto matapos naming bumili ng mga winter coats and jackets, mittens, at winter boots. Syempre mas maliit ito kaysa sa cabin. Halos magkakasama na sa isang lugar 'yong banyo, kusina, at dining area. Pero at least, may furnace na puwede naming gamitin para magpainit. Pagkatapos, dalawang double deck ang kama rito. Tapos 'yong ibabang kama ng deck ay puwedeng i-extend. Nakahinga naman ako nang maluwag dahil dito. Ibig sabihin, puwede akong mag-solo ng kama. Kaya naman kinuha ko na agad 'yong upper deck ng kama. Hindi na kami choosy pa sa tutuluyan namin dahil nga nagba-budget kami ng allowance na binigay sa'min ng university. Matapos naming ilapag sa mga kama namin ang mga bag namin, nagtipon-tipon naman kami sa dining table. Nagtimpla muna ng kape si Klein at inihain 'yon sa'min. Mga naka-jacket pa rin kami na gawa sa tela na wool at ang mga kamay namin ay nakahawak sa kanya-kanya naming mga tasa para mainitan. Pinaapoy naman ni Gunner ang furnace na nasa tapat namin para dagdag init na rin. Napakalamig talaga sa lugar na 'to. At ngayon ko lang 'to naranasan sa buong buhay ko. "So, saan naman kaya natin dito makikita 'yong susunod na spellbound artifact?" tanong ni Klein. "Nakita ko sa vision ko ay isang bundok. Bundok na nababalutan ng yelo," sagot ko. "Ah, alam ko na. Iisa lang naman ang bundok dito. 'Yong Mount Chioni," sambit naman ni Gunner. "Teka, 'yon ba 'yong bundok na nakita natin kanina noong sumakay tayo ng cable car?" usisa ko naman. "Iyon nga," sagot ni Gunner. "So, sa madaling sabi, kailangan nating mamundok? Nang ganito kalamig?" pagklaro naman ni Ryker. "Wala tayong magagawa. Kailangan nating maunahan 'yong mga kampon ni Hera na mga Olympian Unholy," tugon naman ni Xavier. "Tama si Xavier. Pero syempre, hindi naman tayo basta aakyat doon nang may snow storm. Dapat kalmado ang panahon pag umakyat tayo," paliwanag ni Klein. "Pero sa ngayon, kumain na muna tayo. Nagugutom na ako, eh," reklamo ni Xavier sabay inat ng kanyang mga braso at himas sa tiyan. "Hay nako. Kailan ka ba nabusog?" inis na tugon naman ni Ryker. "Xavier, hinay-hinay lang sa pagkain. Wala tayo sa university para magkaroon ng unli foods. Naka-budget lang ang pera natin para sa travel na 'to. Kailangan nating magtipid," pangaral naman ni Gunner. "Lalabas na ako para mamili ng pangtanghalian natin. May gusto bang sumama?" tanong naman niya. "Ako, sama ako. Para makalibot naman ako kahit papaano," sagot ni Ryker. "Sige, tara na," sambit ni Gunner. Tapos ay lumabas na silang dalawa. Kami naman na mga naiwan dito ay nagpunta sa kanya-kanya naming kama. Hinubad ko muna ang sapatos ko bago ako umakyat sa upper deck. Binagsak ko ang sarili ko sa kama na may kalambutan naman ang mattress. Bumuntonghininga ako nang malalim at tumitig sa kisame. Hinubad ko ang mittens na suot ko at tiningnan ang palad ko. Minsan naiisip ko pa rin kung bakit ako naging isang demigoddess. Sinong diyos naman kaya ang magulang ko kung sakali? Hindi ko na naiisip pero minsan kinakabahan pa rin ako sa puwedeng kahitnan ko rito bilang isang half-divine. Ngunit kung iisipin ko ring mabuti, bakit pa ako matatakot? Puwede naman talaga akong mawala kahit anong oras. Siguro ang tanging bagay na nagpapatuloy sa'kin para mabuhay ay 'yong kagustuhan kong maipaghiganti ang pagkamatay ng mga magulang ko. Tatapusin ko ang misyon na 'to hanggang sa matagpuan namin si Melinoe at wakasan na ang patuloy na pagdami ng mga Unholy para wala na silang mapinsala pa— sa Underworld man o sa Earth. Ibinagsak ko ang kamay ko sa kama at tumitig muli sa kisame. Mayamaya naman ay parang bumigat ang paghinga ko. Kumirot bigla ang dibdib ko. Pagkatapos ay parang nag-iinit ang mga mata ko. Pag natapos namin ang misyon na 'to. Puwede na siguro akong... Nanlalabo na ang mga mata ko dahil sa namumuong luha sa mga 'to. "Aika." Naputol ang pagmumuni-muni ko at parang umurong ang luha ko nang bigla kong marinig ang pangalan ko. Lumingon ako at tumingin sa ibaba. Nakita ko si Jerome na nakatingala rito at nakatingin sa'kin. "Ayos ka lang?" Nabigla naman ako sa naging tanong niya. Kahit seryoso ang mukha niya ay parang may bahid ng pag-aalala sa kanyang mga mata. "Ah, oo. Ayos lang ako," sagot ko naman. "Matulog ka na muna para makapagpahinga ka. Gisingin ka na lang namin pag handa na ang tanghalian," sambit niya. Tumango lang ako bilang tugon. Pagkatapos ay tumagilid ako ng higa, paharap sa dingding na katabi ko at ipinikit ang aking mga mata. Tama. Pagod lang siguro ako. --- Naglalakad ako sa isang talahiban nang mag-isa. Gabi na at ang tanging liwanag sa paligid ay nagmumula sa bilog na buwan sa langit. Dama ko ang mamasa-masang lupa sa aking mga paa na walang suot na kahit ano. Ramdam ko rin ang pagaspas ng malamig na hangin sa aking balat. Ngunit napahinto ako nang may matanaw akong isang nilalang na hindi kalayuan mula sa'kin. "Aika." Naputol bigla ang panaginip ko at dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko nang marinig ko ang pangalan ko. At nang tuluyan nang dumilat ang mga mata ko ay tumambad sa'kin ang mukha ni Jerome na tinitingala ako mula sa ibaba. "Kakain na tayo," aya niya. Dahan-dahan akong bumangon at naririnig ko nga ang mga kaluskos ng mga plato at kubyertos mula ro'n sa dining area. Pag-alis ni Jerome ay agad na rin akong bumaba sa kama ko at dumeretso sa dining area. Seafood stew ang tanghalian namin ngayon. Naupo na ako sa isang bakanteng puwesto para kumain. "Guys, bukas nang umaga tayo aalis para makarating sa Mt. Chioni. Medyo may kalayuan 'yon mula rito saka para hindi tayo maabutan ng snow storm sa gabi," sambit bigla ni Gunner. Narinig ko naman si Gunner pero iniisip ko pa rin 'yong panaginip ko kanina. Bigla ko kasing naisip na baka 'yong mga panaginip ko ay hindi lang basta mga panaginip. Ngayong alam ko na na isa akong demigoddess, baka may ibig sabihin talaga ang mga 'yon? Maaaring vision din ang mga 'yon tungkol sa hinaharap ko, o kung ano mang may kinalaman doon. Pero ano kayang ibig sabihin ng mga 'yon? "Aika." Natinag ako nang marinig ko ang pangalan ko sabay tingin kay Gunner. Tumaas ang mga kilay ko, "Bakit?" "Napansin ko na walang gulay sa plato mo." Napatingin ako sa plato ko at napansin kong napatingin din sa'kin ang iba naming mga kasama. "Ah, oo. Hindi kasi ako nakain ng gulay. Patatas at broccoli lang kinakain ko. Bukod do'n, wala na," sagot ko. Napansin ko naman na parang natawa nang bahagya ang mga kasama ko. "Kaya pala shellfish at hipon lang nakikita ko sa plato mo," sambit ni Gunner. Napayuko naman ako dahil nakaramdam ako nang kaunting hiya. "Pero okay ka lang?" Nabigla ako sa naging tanong niya. Napansin ko ring nakatingin din sa'kin ang lahat na pawang naghihintay ng sagot ko. "Para kasing ang lalim ng iniisip mo mula nang dumating tayo rito," ani muli ni Gunner. "Oo nga. Okay ka lang ba?" tanong naman ni Xavier. "Oo. Okay lang ako. Napagod lang siguro," sagot ko naman. Tumango-tango naman sila. "Sa bagay. Unang major fight mo 'yong nangyari sa'tin sa Ground Ekaton Ena," sambit naman ni Klein. "Alam mo, Aika. May alam akong mas effective na paraan para pampawi ng pagod," ani naman bigla ni Ryker. "Talaga? Ano naman 'yon?" tanong ko. Dinipa ni Ryker ang mga braso niya, "Isang mainit at mahigpit na yakap." Nandilat naman ang mga mata ko sabay ngiwi dahil sa sinabi niya. Nagulat naman si Ryker nang bigla siyang sinubuan ni Jerome ng hipon at maraming gulay sa bibig na halos hindi na ito makapagsalita. Magkatabi lang kasi silang dalawa. Impit na ungol lang ang nagagawa ni Ryker habang nagrereklamo dahil puno nang pagkain ang bibig niya. Napilitan tuloy siyang nguyain ito at humigop siya ng sabaw sa kanyang mangkok para mas mapabilis ang paglunok niya sa pagkain. "Ano ka ba, Jerome? Bakit mo ginawa 'yon?" reklamo ni Ryker matapos niyang lunukin ang pagkain sa bibig niya. "Kumain ka pa. Baka gutom ka pa at nagdedeliryo ka," sagot naman ni Jerome. Sinamaan ni Ryker ng tingin si Jerome, "Grabe." Mayamaya lang ay natawa ko. At dahil do'n ay napatingin silang lahat sa'kin. "Kumain na nga lang tayo. Huwag na kayo mag-alala. Ayos lang ako," sambit ko saka pinagpatuloy ang pagkain ko. --- Nasa tapat na kami ngayon ng Mt. Chioni. Tinitingala namin ito ngayon mula rito sa paanan nito. Isa itong kambal na bundok na nababalutan ng yelo. May iilang kabahayan na naririto sa paanan pero dahil kakaunti sila ay bilang lang sila sa daliri. Bago pa lang sumikat ang araw ay umalis na kami sa apartment na tinutuluyan namin kaya saktong maliwanag na nang makarating kami rito. Syempre, nakasuot kami ng panlamig dahil ang normal temperature daw sa lugar na 'to ay 10 degrees Celsius kaya't malamig pa rin. "Paumanhin, mga bata." Napatingin kami sa isang matandang babae na biglang lumapit sa'min. Mukhang isa siya sa mga residente rito. "Ano po 'yon, Lola?" tanong naman ni Gunner. "Mga turista ba kayo na balak umakyat ng bundok na 'yan?" usisa nito sa amin. Nagtinginan muna kami bago sagutin ang tanong ng matandang babae. "Mga researchers po kami mula sa school namin at may project po kami na dapat gawin sa bundok na 'to," dahilan ni Klein. "Ah, ganoon ba. Kung ganoon ay mag-iingat kayo," bilin nito. "Bakit po?" tanong ko naman. "Kung hindi niyo nalalaman, may isang nakakatakot na nilalang na naninirahan sa bundok na iyan. Ang tawag sa kanya ay Ijiraq. Pinaniniwalaan na siya ang bantay ng Mt. Chiori at ang dahilan kung bakit 'yong ibang umaakyat ng bundok ay hindi na nakakabalik pa dahil kinukuha niya ang mga ito," kuwento ng matanda. Nagkatinginan ulit kami dahil do'n. "Mukhang may hinala na ako kung ano 'to," bulong ni Gunner. "Sa tingin mo, Unholy rin 'yon gaya ng sa Chloris Train?" bulong naman ni Ryker. "Posible," bulong naman ni Klein. "Lola, ano pa pong nalalaman ninyo tungkol sa Ijiraq?" tanong ni Klein. "Ang Ijiraq ay isang halimaw na kayang magpalit ng kahit anong anyo na kanyang gusto para makapagtago o makapambiktima. Nambibiktima siya ng mga nilalang upang mapanatili ang kanyang kabataan at kapangyarihan," paliwanag nito. "Lumalabas siya kahit anong oras. Ngunit mas madalas tuwing gabi," dagdag pa ng matanda. "Sige po, Lola. Salamat sa paalala," sambit ni Gunner. "Hangga't maaari, dapat nakababa na kayo ng bundok bago lumubog ang araw," bilin nito sa'min bago kami tuluyang lumakad. Naglakad na kami nang naglakad sa kabila ng madulas na lupa dahil nababalutan ng niyebe. Para bang ang bigat humakbang. Tapos ang lamig pa ng hangin. Sa sobrang lamig ay parang magyeyelo ang baga mo kada humihinga ka. At dahil nga bundok ito, may mga puno rin namang matatagpuan dito. Madalas mga pine tree, pero marami ring mga puno na wala nang dahon. 'Yong puro sanga na lang tapos nababalutan na ng yelo. "Saan kaya natin matatagpuan ang artifact na 'yon? Sa tuktok nitong bundok?" tanong naman ni Ryker. "Siguro? Isa pa, hindi naman ganoon kataas itong bundok. Parang karaniwan lang ang taas nito kaya marahil hindi naman tayo ganoong magtatagal," sagot ni Gunner. "Totoo kaya 'yong sinasabi no'ng matanda kanina na merong halimaw dito?" tanong naman ni Xavier. "Malamang, totoo 'yon. At kung Unholy nga ang isang 'yon, may posibilidad na nandito nga ang artifact na hinahanap natin at siya ang nagbabantay no'n," sagot ni Klein. Naglakad pa kami nang naglakad. Hanggang sa makaramdam na ako ng hapo at pagod. Sa tingin ko rin naman ay malayo-layo na rin ang narating namin. "Puwede bang pahinga muna?" reklamo bigla ni Ryker tapos ay huminto siya sa paglalakad. Napansin ko ring hinahabol na rin niya ang kanyang paghinga. "Sige. Huminto muna tayo kahit sandali para makapagpahinga," sambit ni Klein. Pagkatapos ay huminto muna kaming lahat sa gitna ng kakahuyan. May dalang picnic blanket si Gunner sa kanyang bag at inilatag niya ito sa lupa para makaupo kami. Mabuti't nagkasya kami dahil malaki na rin itong dala niya. Mayamaya naman ay napakunot ang noo ko nang may mapansin akong kung ano mula sa malayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD