XXXVIII: Mt. Chioni

2092 Words
"Guys, mukhang may paparating," sambit ko sabay turo sa gawing 'yon. Nakuha ko naman ang atensyon nila at tumingin din sila sa gawing tinuturo ko. Tinitigan lang namin ang mga ito hangga't maging malapit na sila at luminaw sa aming paningin. Napakunot ang noo ko nang maging malinaw na sila sa paningin namin. "Isang matandang babae at isang batang lalaki," sambit ko. Mga nisse sila na mukhang naninirahan dito sa bundok ng Chiori. Pagkatapos ay nang mapansin nila kami ay parang nagulat sila. Kaya naman nagpasya silang lapitan kami. "Mga bata? Anong ginagawa niyo rito?" usisa sa'min no'ng matandang babae. Matanda na siya pero mas bata siya nang kaunti kaysa ro'n sa nakilala naming lola bago kami umakyat dito. Nagkatinginan muna kami bago sumagot. "Uhm, Manang. Mga researchers po kami mula sa Underworld University at may assignment po kami tungkol sa bundok na 'to," sagot ni Gunner. "Ah, ganoon ba. Teka, nais niyo bang sumama sa bahay namin para makapagpahinga muna kayo kahit sandali?" alok nito sa'min. Nagkatinginan muna kami bago magpasyang sumagot. "Nay, sigurado ka bang gusto mong patuluyin ang mga 'to sa bahay natin?" tanong naman bigla ng batang lalaki na kasama niya. Mukhang nasa dose anyos pa lang ito. "Oo naman, Dyson. Mukhang hindi naman sila masasamang nilalang," sambit no'ng babae. "Ako nga pala si Eleni. At eto naman ang anak ko, si Dyson," pakilala nito sa kanilang mag-ina. Napansin ko naman ang nakasakbit sa likuran nila. "Mukhang nangahoy po kayo, ah," sambit ko. Meron silang sakbit sa mga likuran nila na basket na gawa sa rattan at may laman 'yong maraming kahoy. "Ah, oo. Kailangan namin ito para panggatong," sagot ni Eleni. "Puwede ko ba kayong makilala?" tanong niya. "Ako po si Aika," sagot ko. "Mukhang magagandang binata itong mga kasama mo," sambit ni Eleni sabay tingin sa mga kasama ko. "Anong mga pangalan ninyo, mga iho?" tanong niya. Pagkatapos ay nagpakilala nga sila isa-isa. "May mga kasintahan ba kayo?" Nabigla kaming lahat sa naging tanong ni Eleni sa mga lalaki. "Wala po," sagot nilang lahat. "Siya po marami—" sagot sana ni Xavier sabay turo kay Ryker pero binatukan siya nito agad. "Nagbibiro lang po siya. Wala po talaga. Pero bakit niyo po natanong?" ani Ryker. "Ah, kasi para sana—" "Irereto mo na naman kay Ate Iliana," inis na sabad naman ni Dyson. "Dyson..." suway naman dito ng kanyang ina. "Halikayo, sumunod kayo sa'kin. Ipapakilala ko kayo kay Iliana," aya sa'min ni Eleni. Naunang maglakad ang mag-ina at sumunod naman kami. At habang naglalakad ay napansin ko ang excitement sa mukha ni Ryker. "Hoy, Ryker. Ano namang mukha 'yan?" tanong ni Xavier. Mukhang napansin niya rin. "Sa tingin niyo ba, maganda si Iliana?" tanong ni Ryker na mukhang excited. Napabuntonghininga kaming lahat sabay iling. Mayamaya'y may natanaw na kaming bahay. Gawa ito sa kahoy ay bungalow style ito. May bakod ding napakapaligid dito na gawa rin sa kahoy. Nang makapasok na kami sa bakod ay ibinaba ng mag-ina ang sakbit nilang basket sa gilid ng pintuan nila. Pagkatapos ay dumeretso na kami ng pasok sa bahay nang buksan ito ni Eleni. "Iliana, anak. Narito na kami," sambit ni Eleni matapos niyang isara ang pinto. "Nandyan na pala kayo, Nay." Napatingin kami sa babaeng nasa tapat ng furnace na mukhang naggagatong dito para mapanatili ang apoy. At nang mapansin niya kami ay nabakas ang gulat at pagtataka sa kanyang mukha. "Oh, Nay. Sino naman sila?" tanong nito. "I-Ikaw ba si Iliana?" tanong bigla ni Ryker. Napansin naman namin ang pagkinang ng mga mata nito habang nakatingin sa dalaga. Mukha siyang buhay na manika na may mga patulis na tenga dahil sa hitsura niya. Bilugan ang kanyang itim na mga mata na may mga mahahabang pilik, pinkish na labi nahugis puso, at may mahaba at tuwid siyang buhok na kulay blonde. "O-Oo, ako nga," sagot nito. "Ang ganda niya," manghang sambit ni Ryker. Tama naman si Ryker. Maganda nga si Iliana. "Anak, mga researcher students sila mula sa Underworld University. Dito ko muna sila pinatuloy para makapagpahinga sila nang maayos. Naawa ako nang makita ko sila sa kakahuyan," paliwanag ni Eleni matapos nitong umupo sa kahoy na upuan sa kanilang dining table. "Oo. At gusto ni Nanay na pumili ka ng gagawing kasintahan mula sa kanila," sabad bigla ni Dyson at naupo rin sa dining area. Nabigla naman si Iliana sa naging tugon ng kapatid. "N-Nay! Nakakahiya naman sa kanila," nahihiyang tugon ni Iliana. "Kung taga-Underworld University kayo, ibig sabihin taga Ground Miden kayo?" usisa ni Eleni. "Opo, ganoon na nga. Siya nga pala, ako si Gunner. At ito ang mga kasamahan ko. Heto si Klein, Xavier, si Aika, si Ryker, at si Jerome," ani Gunner sabay pakilala sa'min isa-isa. "Hi, Ako si Ryker Nikolaev. Junior student ako ngayon sa Underworld University High School. Nice to meet you, Iliana," pakilala ni Ryker sa kanyang sarili sabay lapit sa dalagang nisse. Halatang medyo nagugulat na naiilang naman si Iliana sa mga kinikilos ni Ryker na halatang interesado sa kanya. "Oh paano. Iliana, maghanda na tayo ng tanghalian. Luto na ba 'yong pagkain?" sabad bigla ni Eleni. "Opo, Nay." Pagkatapos ay nagmadaling pumunta si Iliana sa kusina kasunod ang kanyang ina. Naupo na kami sa mga bakanteng silya sa dining table nila nang mag-isa na lang doon si Dyson. "Dyson." Nang tawagin namin ang batang nisse ay nakuha naman namin ang atensyon nito. "Bakit nga pala parang pinagmamadali ng nanay niyo ang ate mo na humanap ng kabiyak?" usisa ni Gunner. Nagtataka talaga kami dahil mukhang hindi naman nalalayo ang edad ni Iliana sa mga kasama ko. "Dahil sa Ijiraq," sagot ni Dyson. Nabigla naman kaming lahat, "Ijiraq?" "Oo. Tradisyon dito para sa'ming mga tagarito sa Mt. Chioni na mag-asawa ang mga babae sa edad na isang daan. Dahil kung hindi, kukunin sila ng Ijiraq para kainin. Ginagawa 'yon ng Ijiraq upang madagdagan ang kanyang kapangyarihan at mapanatili ang kanyang kabataan," paliwanag ni Dyson. Halos hindi naman kami makapaniwala sa aming nalaman. "Siyam napu't siyam na taon na si Ate Iliana. Isang taon na lang, isang daan na siya. Kaya kailangan na niyang mag-asawa para hindi siya kunin ng Ijiraq," dagdag pa niya. "Oh ano, Ryker? Handa ka bang mag-asawa at manatili rito kasama si Iliana habangbuhay?" pabulong na tanong ni Xavier kay Ryker. Hindi naman kaagad nakasagot si Ryker. Bagkus ay namutla ang kanyang mukha at napangiwi. Mukha siyang naluging ewan dahil sa kanyang nalaman. Mayamaya ay nandiyan na ang mag-ina galing kusina at inihanda na ang pagkain. Vegetable stew at inihaw na baka ang pagkain nila ngayon. Mukhang masarap ang pagkain. Masuwerte kami't may nakilala kami sa kalagitnaan ng pag-akyat namin sa bundok. --- "Balak niyo bang umakyat sa tuktok ng bundok?" tanong sa'kin ni Eleni habang tinutulungan ko siyang magligpit ng pinagkainan namin. Nasa labas ang mga lalaki samantalang si Iliana naman ay nasa kusina at naghuhugas ng pinaglutuan. "Ah, opo. Hindi naman po pati ganoon kataas ang bundok na 'to. Kaya siguro nakababa na po kami mamayang gabi," sagot ko naman habang nagliligpit ng mga plato. "Ganoon ba. Alam mo ba, iha? Bukod sa Ijiraq, may iba pang paniniwala sa bundok na 'yan?" sambit ni Eleni habang nagpupunas siya ng mesa. "Na sa tuktok ng bundok, kapag naabutan mo ang tinatawag na Nyx Meteor Shower, magbibigay ito sa'yo ng suwerte at magandang kalusugan sa buhay." Ngumiti naman ako sabay tango sa kanyang kuwento. "At kapag pumunta ka naman doon nang may kapareha at sabay niyong pinanood ang Nyx Meteor Shower, siya na ang makakatuluyan mo at makakasama habangbuhay," dagdag pa niya sabay tawa. Napangiti lang ako sabay iling. Binitbit ko na ang pinagpatong-patong na hugasin at dinala ko ito sa lababo kung saan naghuhugas si Iliana. "Ay salamat, Aika. Nag-abala ka pa," sambit ni Iliana habang naghuhugas ng pinagkainan. "Naku, ayos lang. Dapat lang na gawin ko 'to pasasalamat man lang dahil pinatuloy niyo kami," tugon ko naman. Aalis na sana ako nang bigla niya akong tawagin. "Uhm, Aika?" Nilingon ko siya, "Ano 'yon?" "Si Jerome ba...may kasintahan na ba siya?" Napaangat ang kilay ko sa naging tanong niya. Nabigla ako kaya natigilan pa ako sandali. "Uhm, wala. Lahat kami ay wala namang kasintahan," sagot ko sabay tawa nang pagak. Ngumiti siya, "Sige." Napansin ko naman na parang may iba sa ngiti niya. Parang nagniningning pa mga mata niya at namumula-mula ang kanyang pisngi. Nang bumalik na si Iliana sa kanyang ginagawa ay tuluyan na akong lumabas ng kusina. Hanggang sa makarating ako sa labas ng kanilang bahay kung nasaan ang mga kasama ko. Nag-e-echo sa isipan ko 'yong tanong niya kanina. Hindi kaya... "Aika." Natinag naman ako nang may biglang tumawag sa'kin. "May problema ba? Parang ang lalim ng iniisip mo, ah," usisa ni Gunner. "Ah, wala," pagtanggi ko. Nandito lang sila sa harap ng bahay nina Eleni at mga nakatambay. "Aalis na rin tayo agad. Hindi tayo puwedeng magtagal. Baka abutan tayo ng snow storm. At no'ng Ijiraq," paalala sa'min ni Klein. "Tama. Dapat pagsapit ng gabi, nakababa na tayo ng bundok," sabad naman ni Gunner. Pumasok na kaming lahat sa loob para kunin ang mga gamit namin. Nagpunta kaming sala at kinuha namin ang mga 'yon. "Aalis na po kami," paalam ni Gunner sa mag-iina. "Mag-iingat kayo ha," bilin ni Eleni. "Salamat po sa lahat ng tulong niyo," sambit naman naming lahat. "Bumalik kayo ha?" Natigilan kaming lahat nang magsalita si Iliana. "Naku, baka dumeretso na kami sa tinutuluyan namin sa syudad pagbaba namin mamaya," sagot naman ni Gunner. "Ganoon ba?" ani Iliana na parang may bahid ng lungkot sa kanyang tinig. "Teka, anak. May napili ka na ba sa kanila?" tanong bigla ni Eleni sa anak na may halong pagkasabik. Namula bigla ang pisngi ni Iliana at tila nahiya ito. Nagkatinginan naman kaming lahat dito at bigla naman akong kinabahan na hindi maintindihan. "Pasensya na, Iliana. Pero hindi pa ako handang mag-asawa. Gusto naman kita pero—" Natigil ang pagsasalita ni Ryker nang biglang magsalita si Iliana. "Ha? Naku, Ryker. Pasensya na pero hindi ikaw ang tinutukoy ko." Nabigla kaming lahat sa sinabi nito. "Ha? Kung ganoon, sino?" tanong ni Ryker. "Si Jerome." "Ha?!" sabay-sabay na pagkabigla ng lahat sabay tingin kay Jerome. May bahid man ng pagtataka sa mukha niya, pero halata mo rin sa ekpresyon ng mukha ni Jerome na parang wala lang sa kanya 'yong sinabi ni Iliana. "Si Jerome ang nais kong mapangasawa, Nay," nakangiting sabi ni Iliana sa kanyang ina. "Jerome, maaari mo bang pakasalan ang aking anak?" tanong naman ni Eleni. Parang huminto ang oras habang hinihintay namin ang sagot ni Jerome. "Hindi ko gusto ang iyong anak. Isa pa, wala pa akong balak mag-asawa. Hindi pa ako interesado sa gano'ng bagay." Nabigla silang lahat sa deretsong sagot ni Jerome. Mukhang hindi talaga siya nag-alinlangan na sabihin 'yon. "P-Pero..." Halata kay Iliana na bahagya siyang nasaktan sa naging tugon ni Jerome. "Jerome, baka naman puwede pang magbago ang isip mo? Baka kasi nasabi mo lang 'yan dahil estudyante ka pa lang at nabibilisan ka sa mga pangyayari—" "Hindi po. Totoo lahat 'yon," pagputol niya sa sinasabi ni Eleni. "Pero, iho..." "Isa pa," tapos ay tumingin sa'kin si Jerome, "nakatali na ako sa babaeng 'to." Napanganga naman ang mag-ina sa naging tugon nito. Natigilan ako bigla sa narinig ko. Pakiramdam ko huminto sandali ang utak ko dahil do'n. "Ha?" tanong ko. Pagkatapos ay lumabas na lang bigla si Jerome. "Tutuloy na po kami. Maraming salamat po ulit," paalam ng mga kasama ko sabay hila nila sa'kin palabas ng bahay. Malayo-layo na kami ngayon mula sa bahay nila Eleni pero hanggang ngayon parang naglo-loading pa rin ang utak ko. "Hoy, Jerome. Bakit sinabi mo 'yon sa kanila?" inis kong tanong. "Ang alin?" tanong naman nito. Pinandilatan ko siya ng mata, "Anong alin? 'Yong huli mong sinabi kanina kina Eleni bago tayo umalis." Napaisip sandali si Jerome bago siya sumagot, "Ah 'yon ba. Anong problema ro'n?" Napabuntonghininga ako nang may ingay sabay kamot sa batok ko. "Baka kasi isipin nila na nagsinungaling ako sa kanila nang sabihin ko kanina na wala tayong...mga k-karelasyon. Gano'n," paliwanag ko. "Ha? Pero ang ibig kong sabihin do'n ay 'yong blood contract natin," tugon naman ni Jerome. "Oo nga. Pero iba ang dating no'n para sa kanila." "Iyon ang mas madaling sabihin. Isa pa, ayaw kong nagpapaliwanag ako," sagot pa ni Jerome. Napabuntonghininga na lang ako. Narinig kong tumawa ang iba naming kasama. "O siya tama na 'yan," natatawang tugon ni Ryker. Pagkatapos ay nagpatuloy lang kami sa paglalakad paakyat ng bundok hanggang masuong kaming muli sa may kakahuyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD