XXXVI: Next Destination

2085 Words
Bago umalis si Mr. Smith pabalik ng university dala ang unang artifact na nakuha namin, pinag-usapan muna namin ang susunod na destinasyon ng team namin. At syempre, iyon 'yong imahe na nakita ko sa isipan ko nang mahawakan ko ang artifact. Ang susunod daw naming destinasyon ay ang Ground Ekaton. Isa 'yong village na gawa sa yelo. Ang mga nilalang na naroon ay tinatawag na nisse. Kamukha rin sila ng elves, ang pinagkaiba nga lang, mapuputla ang pagkaputi ng mga balat nila at karaniwang kulay dilaw ang mga mata nila. Umaga na ngayon at mag-aalmusal muna kami bago tuluyang lumakad. Pumunta ako sa kusina para maghugas ng kamay. Pagkatapos ay nagpunas ako sa towel na nakasabit sa gilid. Nadatnan ko rito sina Klein at Gunner. Mukhang tapos nang magluto si Gunner. Napansin ko naman ang mga pagkain na nilagay niya sa tray. "Para kay Xavier ba 'yan?" tanong ko. "Ah, oo." "Ako na magdadala," suhestyon ko. "Ah, sige." Pagkatapos ay binigay sa'kin ni Gunner ang tray kung saan nakalagay ang mga pagkain ni Xavier. Ingat na ingat kong dinala ang tray para hindi mahulog ang laman nito. Pagdating ko naman sa dining table namin ay nandoon na silang dalawa ni Ryker. Si Klein ay nasa kusina rin at nagbu-brew ng kape. Si Jerome ay nasa banyo yata. "Oh, Xavier. Bakit tumayo ka na? Kaya mo na ba sarili mo?" usisa ko sa kanya sabay lapag ng tray sa harap niya. Kagabi kasi pagbalik namin dito, halos hindi makagalaw si Xavier dahil bukod sa sugatan ang isa niyang braso, napuwersa masyado ang mga binti niya sa naging laban no'ng araw na 'yon. Inakay na nga lang siya nina Gunner at Ryker no'n. "Ah, oo. Kaya ko nang tumayo. Naipahinga ko na kasi ang mga binti ko," sagot ni Xavier. "Mabuti naman kung gano'n." Pagkatapos ay umupo ako sa bakanteng upuan na katabi niya. Dinampot naman ni Xavier ang kutsara niya at sinubukang sandukin ang pagkain. Napansin ko naman ang hirap niya sa paggamit ng kutsara. Kanang braso kasi niya ang may sugat at hindi siya sanay gumamit ng kaliwang kamay. "Uhm, Xavier. Gusto mo ako na ang magsubo niyan sa'yo?" alok ko sa kanya. Parang nahiya naman si Xavier, "S-Sigurado ka?" Tumango ako, "Isa pa, ako naman talaga ang may kasalanan kung bakit ka nasugatan." Niligtas niya ako mula sa atake ng isang Unholy no'ng oras na 'yon kaya't nasugatan siya. "Hindi naman sa gano'n, Aika. Saka, bilang team responsibilidad natin na protektahan ang isa't isa," tugon naman ni Xavier. Ngumiti ako, "Salamat." Ngumiti lang din si Xavier at bakas pa rin ang hiya sa kanyang mukha. Kinuha ko na sa kanya ang kutsara at sasandok na sana ako nang biglang may tumawag sa'kin. "Aika." Lumingon ako, "Oh, Jerome." "Tawag ka ni Gunner. Magpapatulong yata sa'yo sa kusina," sambit niya. "Ha? Okay sige," sambit ko naman sabay lapag ng kutsara sa mesa at tumayo. "Teka, paano si Xavier?" tanong ko. "Ako na bahala," sagot ni Jerome sabay upo sa puwesto ko. Tumango-tango ako, "Okay sige." Pagkatapos ay pinuntahan ko na si Gunner sa kusina. Sabay alis naman ni Klein na may dalang tasa ng kape at pumunta sa dining table. "Gunner, tawag mo raw ako?" Tumingin sa'kin si Gunner na nakakunot-noo, "Ha?" "Sabi ni Jerome." Pagkatapos ay lumingon siya sa likod at sinilayan si Jerome. Tumingin din ako sa gawi nila at nakita naming siya ang nagpapakain kay Xavier. Seryoso lang ang mukha niya samantalang ang mukha ni Xavier ay parang takot na hindi maipinta. "Ang init pa no'ng pagkain, Jerome!" reklamo ni Xavier. "E 'di hipan mo. Ako na nga nagpapakain sa'yo, ako pa iihip niyan?" seryosong pamimilosopo naman ni Jerome. Nagtaka naman ako nang marinig kong tumawa nang bahagya si Gunner. "Oo. Tulungan mo 'kong ihain na ang mga ito para makakain na tayo," sambit niya. Pagkatapos ay inabot ko nga ang mga plato at kubyertos na inaabot niya sa'kin at 'yong ibang pagkain para ilagay ang mga 'yon sa mesa. Tapos 'yong iba naman ay siya na ang naghain sa mesa. Pagkatapos ay sabay-sabay na kaming kumain. --- Dinala na namin ang mga gamit namin palabas at nadatnan naming naghihintay sa'min si Mang Gael kasama ang kanyang karwahe. Magbabayad kami ng renta sa kanya at magpapahatid na rin sa Ground Ekaton Ena Railway Station para makasakay ulit sa Chloris Train. Sabi ni Mr. Smith, isang oras daw ang biyahe mula rito hanggang Ground Ekaton. "Maraming salamat po sa lahat, Mang Gael," sambit namin sa matandang elf. Tumawa siya nang bahagya, "Naku, wala 'yon. Ako nga ang dapat humingi ng paumanhin sa inyo dahil importante pala 'yong antique jar na binenta ko sa iba." "Naku, wala pong kayong kasalanan. Hindi niyo naman alam na importanteng treasure 'yon ng Underworld," sambit ni Gunner. "Mabuti nga at nabawi niyo pa 'yon. Matagal na sa akin ang antique jar na 'yon. Mula nang mamatay ang asawa ko limampung taon nang nakararaan, iyon ang nagdala ng suwerte sa buhay ko," kuwento ni Mang Gael. "Saan niyo po ba nakuha ang jar na 'yon?" tanong naman ni Klein. "Napulot ko lang 'yon sa ilalim ng lupain ko sa barnyard. Simula nang mapulot ko 'yon, nagsunod-sunod ang dating ng suwerte sa'kin. Dumami ang alaga kong hayop kaya dumami rin ang mga customer ko. Kaya nakabili ako ng lupang extension para lumawak ang barnyard ko. Pagkatapos nakabili ako ng kalesa, at itong lupa na tinatayuan ng cabin. At nang makuntento na ako sa buhay ko, naisip kong ibenta na 'yon para ibang nilalang naman ang makinabang ng suwerte no'n," kuwento pa niya. Nagtinginan kaming lahat sabay gumuhit ang mga ngiti sa'ming mga labi. "Saan ko nga pala kayo ihahatid, mga bata?" tanong nito. "Sa Ground Ekaton Ena Railway Station po," sagot ko. "Ah, saan ba ang susunod niyong pupuntahan?" tanong pa ni Manong. "Sa Ground Ekaton po," sagot ni Ryker. "Ground Ekaton? Kailangan niyo ba ng mabilisang biyahe papunta ro'n?" Nagtinginan kami saka nagtanong. "Bakit po? May alam po ba kayong mas mabilis na paraan ng pagbiyahe?" usisa ni Gunner. "Oo. Parang shortcut 'yon mula rito hanggang Ground Ekaton. Siguro mga tatlo hanggang limang minuto, nando'n na kayo." Nandilat ang mga mata namin sa sinabing 'yon ni Mang Gael. "Sige nga po. Dalhin niyo po kami diyan sa sinasabi niyo," sambit ni Klein. Sumakay na kaming lahat kaagad sa karwahe at agad ding umalis. --- Sampung minuto ang lumipas ay naramdaman naming huminto ang karwahe. "Nandito na tayo." Narinig naming sabi ni Mang Gael mula ro'n sa charioteer seat niya. Kami naman ay agad na naglabasan mula sa karwahe. Nagtaka naman kami sa nadatnan namin dito. "Cable car?" sabay-sabay naming tanong habang nakatitig dito. May mahabang zipline mula rito hanggang doon sa malayo. Nasa tabi kami ng isang ubod ng taas na bangin at doon naman sa kabila ay 'yong station at may tao ro'n. "Ito ang cable car station. Sa isang cable car, dalawang tao lang ang kasya. Ito ang shortcut mula rito hanggang Ground Ekaton. Kulang-kulang limang minuto lang ang biyahe kaysa sasakay kayo ng tren," paliwanag ni Mang Gael. "Tamang-tama. Wala pang tao dahil maaga pa. Kaya mas maaga kayong makakarating doon kung sakali," dagdag pa niya. Napatingin naman ako kay Jerome at may napansin ako sa mukha niya. "Jerome, okay ka lang?" tanong ko. "O-oo naman," sagot niya. Mukha kasing namutla bigla ang mukha niya at mukhang hindi rin siya mapakali. Pagkatapos ay nagpunta na kami sa station para magpa-assist. Tumingin ulit ako kay Jerome at gano'n pa rin ang histura niya kahit pilit niyang itago. "Huwag mong sabihing takot ka sa heights?" tanong ko. "Hindi ah," tanggi niya. Pero tingin ko, nagsisinungaling siya. "Kung natatakot ka, sabihin natin sa kanila. Para sa tren na lang tayo sumakay." Umiling siya, "Hindi nga sabi. Okay lang ako." "Oh, sinong unang sasakay?" tanong bigla no'ng caretaker. Nagtinginan muna kami sa isa't isa. "Kami po muna," sagot ni Gunner. Pagkatapos ay may binigay sa kanilang ticket 'yong caretaker. "Ipapakita niyo 'yan doon sa counter sa Ground Ekaton patunay na dito talaga kayo galing at legal ang travel niyo," paalala nito kina Gunner. Tumango lang sila bilang tugon. Pagkatapos ay sumakay na sila ni Klein sa unang cable car. "Sunod?" tawag no'ng caretaker. "Kami po," sagot ni Ryker. Tapos sila naman 'yong inasikaso ng caretaker at pinasakay sa sunod na cable car. "Sunod." "Kami po," sagot ko. Pagkatapos ay dumeretso na kami ni Jerome sa counter at binigyan ng ticket. Kahit anong pilit talaga ni Jerome na itago ang takot niya, halata ko pa rin. Ready na ang cable car na sasakyan namin. Gawa sa glass ang pader nito maging ang pinto. May upuan sa loob na pangdalawang tao lang talaga. Nang malapit na kaming sumakay ay napansin ko ang pag-aalinlangan sa kanya. Nakayuko lang ang ulo ni Jerome at parang nanigas ang mga paa niya. Hindi ko rin masisisi si Jerome kasi nakakalula naman talaga ang taas nito. Halos ga-langgam na nga lang ang tingin namin sa mga puno sa ibaba ng bangin mula rito sa sobrang taas. "Hija, may problema ba sa kasama mo?" tanong ng caretaker. Nagtatagal na kasi kami rito. "Ayos lang ba 'yang kasama mo?" pag-aalala naman ni Mang Gael. "Naku, wala po. First time niya lang kasi sasakay diyan," palusot ko. "Sige po. Tuloy na kami. Salamat po ulit sa lahat, Mang Gael," sambit ko. Tapos ay ningitian naman niya ako biglang tugon. "Jerome, tara na," bulong ko sa kanya sabay hablot ng kamay niya. At dahil hinila ko na siya ay napilitan na siyang sumakay. Nang makaupo na kami rito sa loob ay isinara na ng caretaker ang pinto. "Okay lang 'yan. Huwag ka na lang tumingin sa ibaba," sambit ko. Hawak ko pa rin ang kamay niya at parang nanlamig ito nang kaunti. Nang magsimulang gumalaw ang cable car, sinandal ni Jerome ang ulo niya sa pader na katabi niya habang nakayuko rin ang ulo niya. Naramdaman ko rin ang paghigpit ng hawak niya sa kamay ko. Nilibot ko naman ang paningin ko. Nakita kong isang kagubatan ang nasa ibaba namin. Lumingon din ako sa likuran namin at nakita kong paalis na si Mang Gael at malayo-layo na rin kami. Normal lang ang takbo ng cable car. Hanggang maramdaman kong unti-unti yatang bumibilis ang takbo nito. Pagkatapos ay nagulat ako nang bumilis na nang tuluyan ang takbo nito. Napasigaw tuloy ako nang bahagya. Habang si Jerome naman ay hindi natitinag sa puwesto niya pero napansin ko 'yong isa niyang kamay ay kapit na kapit sa handle na nakadikit sa pader. Nananatili namang mahigpit ang hawak niya sa isa kong kamay habang mabilis pa rin ang takbo nitong cable car. Pero ilang sandali lang ay bumalik na sa normal ang takbo ng cable car. Nandilat ang mga mata ko nang matanaw ko ang isang magandang senaryo sa 'di kalayuan. "Jerome." "Oh." "Jerome, tingnan mo dali!" nananabik kong sabi. Dahan-dahan naman niyang inangat ang kanyang ulo para tingnan 'yong tinuturo ko. Napansin kong nabakas din ang mangha sa kanyang mukha. 'Yong araw ay direktang nasisinagan ‘yong bundok ng yelo. Tapos nagre-reflect 'yong sinag ng araw doon sa yelo kaya may rainbow halo rin sa ibabaw nong bundok. "Ang ganda, 'di ba?" tanong ko sa kanya. Tumingin siya sa'kin sandali tapos ay binalik niya ang paningin niya ro'n sa bundok. "Oo. Maganda," sagot niya. Napangiti naman ako sabay balik ng atensyon ko sa magandang tanawin na 'yon. Nang mapatingin naman ako sa unahan namin ay napansin kong mapalapit na kami sa station. At nang makarating na ang cable car namin sa station ay huminto na ito. May caretaker na lumabas mula ro'n sa station at in-assist kaming lumabas ng cable car. Nang tuluyan na kaming makalabas ng cable car ay hiningi ng caretaker ang ticket namin at pinunit ito sabay bigay sa'min no'ng kalahati. Napansin ko namang mukhang okay na ulit si Jerome nang makatapak na ulit kami sa lupa. Paglabas namin ng station ay nakita agad namin 'yong apat. Kinawayan nila kami nang makita rin nila kami ni Jerome. Pagkatapos ay agad namin silang nilapitan. Pagbuga bigla ng hangin ay nangilabot sa lamig ang buong katawan ko kaya't napayakap ako sa sarili ko. Kahit naka-coat ako ay ramdam ko pa rin ang lamig. Napansin ko ring nag-uusok ang mga bibig namin dahil dito. "Kailangan na nating makabili agad ng winter coat. Sobrang lamig sa lugar na 'to!" reklamo ni Ryker. "Madali lang tayo makakabili dahil mabenta ang winter coat dito. Tara," aya naman ni Klein. Pagkatapos ay naghanap na kaagad kami ng karwaheng masasakyan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD