XXII: Seniors' Final Phase Exam

2284 Words
Dahil nga nasa unahan kami, kitang-kita naming lahat ng nangyayari sa battle ground. Mga senior muna ang nauna—ang batch nina Klein at Gunner. Naghihintay lang sila ng turn nila rito sa kinauupuan nila. Kung sino kasi ang mananalo sa mga ito ay siyang makakalaban ng dalawang 'to. Isa lang ang rules na kailangan sundin ng bawat estudyante—huwag mong papatayin ang kalaban. At masasabing nanalo ka kapag hindi na nakatayo ang kalaban pagbilang ng tatlo. Nanonood naman mula sa isang mataas na platform ang mga guest of honor. Head teachers ng bawat year level, isang representative mula sa university council, at isang representative mula sa Elysian Royal Palace. Nandoon din si Mr. Smith bilang isa sa guests of honor. Kinakabahan tuloy ako dahil baka mapansin ako ng representative ng palasyo. Pero mabuti na lang, may binigay sa'kin si Mr. Smith kanina bago kami pumunta rito sa coliseum. Binigyan niya ako ng isang singsing. Gawa 'ýon sa silver at may batong kulay blue sa gitna nito. Ito raw ang magtatago sa aura ko bilang demigoddess. Maglalabas ito ng pekeng aura para isipin ng lahat ng nandito, lalo na ng guests of honor na isang karaniwang night-crawler din ako. Sa totoo lang, hindi naman talaga boring manood. Kasi namamangha ako sa mga pinapamalas ng mga estudyanteng sumasalang sa stage. Lahat sila magagaling para sa'kin kahit pa 'ýong mga natalo. Pero nang tingnan ko mga katabi ko, para bang bored na bored na sila. Si Jerome parang umiidlip na. Si Ryker naman parang nanonood lang para makakita ng magagandang babae, tapos ituturo niya kay Xavier. Pero babatukan lang siya no'ng isa. Si Klein naman kain nang kain. May baon siyang tinapay sa bag niya at kape na nasa metal flask. Mukhang ang nanonood lang nang maayos ay sina Gunner at Xavier. Pero iisa lang ang napapansin ko sa kanilang lima—walang bahid ng takot at kaba sa mga mukha nila. Mukhang confident talaga sila na kung sino man ang makakaharap nila ay sila pa rin ang mananalo. "Bored na ako. Matagal pa ba ang turn niyong dalawa?" tanong ni Ryker matapos niyang humikab. "Naiinip na nga rin ako eh. Pero tiyaga lang," sambit naman ni Klein na may hawak na donut tapos ay kinagatan niya ito. "Hoy, pahingi! May dala ka pa lang pagkain, hindi ka man lang nagsasabi," reklamo naman ni Xavier nang makita niya ang pagkain na hawak ni Klein. Napaangat naman ng kilay si Klein pero kinuha pa rin niya ang lunch box sa itim na bag na nakalagay sa bandang paanan niya at binigay ito kay Xavier. Laking tuwa naman ni Xavier nang makita niya ang mga matatamis na tinapay at donuts na naroon. Kitang-kita 'yon sa mga mata niyang nagniningning pa. "Hoy, 'wag mo 'kong ubusan ah. Matagal-tagal pa tayo rito," bilin naman ni Klein. Pero hindi kami sigurado kung narinig siya nito. "Iyan pala ang laman ng messenger bag na dala mo ha," sambit naman ni Gunner. Napangiwi na lang si Klein sabay iwas ng tingin. Napaisip naman ako kasi parang wala namang nakapansin sa'min na may dala pa lang bag si Klein. Napakibit-balikat na lang ako. Baka nga si Gunner na lang nakapansin dahil nagmadali kaming pumunta rito gawa ni Mr. Smith. Excited. Halos mapalundag naman ako sa gulat nang maramdaman kong may sumandal sa balikat ko. Pagtingin ko ay si Jerome 'yon. Mukhang tuluyan na talaga siyang natulog. Napahawak tuloy ako sa dibdib ko kasi pakiramdam ko parang lumukso 'yong puso ko. Hindi na tuloy ako makagalaw sa kinauupuan ko. Baka kasi magising siya. "Hala, ano 'yan? Tulog na si Jerome?" Napatingin naman ako kay Gunner nang magsalita siya. "Ah oo. Mukhang gano'n na nga," sagot ko. "Nakatulog na si Hamilton sa sobrang inip," sabad naman ni Ryker nang may kasamang tawa. "Hayaan niyo siya. Matagal pa naman sila ni Aika. Huli kasi ang freshmen," sambit naman ni Klein. "Sa totoo lang, hindi naman talaga dapat tayo kasali rito," saad naman ni Gunner. "Anong ibig mong sabihin?" usisa ko naman. "Usually kasi hindi talaga kasali sa annual battle exams ang Section X. Sinasali lang kami ng University Chancellor sa tuwing may new student kami. At dahil nga may new student kami ngayon, which is ikaw, kaya napasali ulit kami," paliwanag ni Gunner. Tumango-tango na lang ako bilang tugon. Gano'n pala 'yon. Mas kailangan ko tuloy na galingan. Para hindi ako mapahiya sa kanila. Ako pala talaga ang dahilan kung bakit napasali ulit sila sa annual battle exams. --- "At ang nanalo sa annual battle exams, senior level ay sina Darius Brookes mula sa class 3-C, at Mies Winslow ng class 3-E!" Sa wakas ay natapos din ang seniors. Si Ms. Merlot ang nag-announce no'n bilang MC ng program nang mag-appear sa higanteng LED screen na nasa stage ang mga mukha at pangalan ng winners. "Sa wakas, turn na rin natin," nakangising sambit ni Gunner. "Oo nga. Kanina pa ako naiinip eh," sabad naman ni Klein. "Yes, showtime na!" excited na tugon naman ni Ryker na pumapalakpak pa. Excited na kaming lahat dito samantalang si Jerome ay tulog na tulog pa rin sa balikat ko. Pero ayaw ko pa rin siyang gisingin. Bahala siyang magising nang kusa. "At para sa final phase ng annual battle exams ng seniors, ang magkakaharap ay sina..." announce ni Ms. Merlot sabay tingin sa malaking LED screen. "Gunner Silverbullet ng Section X laban kay Mies Winslow ng class 3-E!" Paglitaw ng mga mukha at pangalan nila sa screen ay binanggit 'yon ni Ms. Merlot. Pagkatapos ay tumayo na si Gunner para bumaba ro'n sa arena. Tahimik at tila pigil-hininga ang lahat nang magharap na sa arena ang dalawang magkatunggali. Ramdam mo ang tension na paligid. "Silverbullet versus Winslow, simulan na!" Matapos 'yong i-announce ni Ms. Merlot ay bumaba na siya ng stage para magsimula na ang dalawa. "Hindi ako natatakot sa'yo kahit pa parte ka ng Section X." Sinabi 'yon no'ng Mies kay Gunner na may halong banta at pagyayabang. Rinig naming mga nandito sa front seat ang pinag-uusapan ng magkalaban kung meron man. Pero si Gunner ay mukhang hindi naman nabahala ro'n. Nandito kami mismo sa pinakatabi ng barricade nakaupo at malapit-lapit talaga kami sa arena. Eto ang seat na pina-reserve ni Mr. Smith para sa'min. "Si Mies Winslow ay isang Leprechaun." Napatingin naman ako kay Klein nang magsalita siya. "Ang Leprechauns ay isang uri ng fairy na nakatira sa mga liblib na lugar at tagagawa at taga-ayos ng mga sapatos at gamit, at mahilig din sila sa beer at ginto. Sabi sa mga alamat ng mga tagalupa, three-feet tall lang ang mga Leprechaun. Totoo naman 'yon—pag nasa lupa sila. Pero dito sa Underworld, normal ang height nila," paliwanag pa niya. Napansin namin na may lumitaw na isang Warhammer sa kamay ni Mies. "Grannus' Golden Guns." Pagkasambit no'n ni Gunner ay bigla ring lumitaw sa magkabilang kamay niya ang mga revolver na kulay ginto pagkatapos ng liwanag na kulay pula. Napansin ko naman ang paglaki ng mga mata ni Mies nang makita niya ang mga gintong revolver. At tila nagniningning din ang mga ito. Itinaas ni Mies sa ere ang Warhammer niya, "Tatalunin kita at kukunin ko sa'yo ang mga gintong revolver na 'yan!" Pagkasigaw niya no'n ay marahas niyang ipinukpok ito sa lupa at nagkaroon ng malakas na pagyanig sa buong arena na parang lindol at bahagya kaming nataranta dahil do'n. Nagkaroon ng bitak ang lupa hanggang umabot ito sa kinatatayuan ni Gunner. Nang mapansin naman niyang bumuka ang lupa sa kinatatayuan niya ay kaagad na tumalon si Gunner para lumipat ng ibang puwesto. "Mukhang nasilaw na si Winslow sa Grannus' Golden Guns ni Gunner," sambit bigla ni Xavier. "Pero kahit naman matalo niya si Gunner, hindi pa rin naman niya makukuha 'yan, 'di ba?" sambit ko naman. "Oo. Pero hindi 'yon ang kaso, Aika," sagot ni Xavier. "Anong ibig mong sabihin?" usisa ko. Sandali naman akong natigilan dahil nagulat ako nang nasa harapan na ni Gunner si Mies sa isang iglap at handa niya itong atakihin ng kanyang Warhammer! Marahas niya itong ipinukpok muli at mabuti na lang ay nakaiwas kaagad si Gunner pero nagdulot ulit ito ng pagyanig. "Wala na sa sarili ang leprechaun na 'yon dahil nakakita siya ng ginto. Baka mapatay niya si Gunner para makuha lang 'yong revolver na at the first place, hindi rin naman niya makukuha," sagot ni Klein. "Tama si Klein. Kaya dapat matalo ni Gunner ang isang 'yan para matauhan," sabad naman ni Ryker. Kinabahan ako sandali sa pag-atake na 'yon ni Mies. Kung hindi nakailag si Gunner, baka tapos na siya. Tinutok ni Mies ang Warhammer niya banda kay Gunner at biglang naglutangan ang mga malalaking bato na bunga ng pagkadurog ng lupa dahil sa malalakas na pagpukpok niya rito. Pagkatapos ay biglang nagliparan na parang mga bala ng b***l ang mga ito papunta kay Gunner. Delikado. Kapag tinamaan siya nang mga 'yan, malaking damage 'yan para sa kanya! Tinutok naman ni Gunner sa kanya ang Grannus' Golden Guns kay Mies. "Meteor Bullets," maawtoridad na banggit ni Gunner. Paghila ni Gunner sa trigger ng revolvers niya ay nagsunod-sunod ang labas ng bala sa mga b***l niya na nag-aapoy pa. Lahat ng batong tinamaan ng mga bala na 'yon ay nadudurog nang pino na parang buhangin. Nang maubos lahat ng lumilipad na bato ay hinampas na namang muli ni Mies ng kanyang Warhammer ang lupa at nakagawa ito ng isang makapal na usok mula sa buhangin. Saglit lang ito at nang tuluyang mawala ang usok ay nasa harap na naman ni Gunner si Mies sa isang iglap lang at handa siyang atakihin! Kitang-kita naman ang paghihirap kay Gunner kung paano matatalo ang kalaban na masigasig siyang talunin para lang sa gintong revolver niya. "Nahihirapan si Gunner dahil mabilis ang kalaban, hindi siya basta puwedeng magpaputok na lang ng b***l. Delikado kapag sa vital parts niya tinamaan si Mies," sambit bigla ni Klein. Kaya pala parang nahihirapan si Gunner sa kalaban niya. Mahigpit na pinagbabawal na mapatay o patayin ang katunggali mo dahil estudyante lang din naman sila at exam lang naman 'to. Lumayo nang bahagya si Mies kay Gunner. Tapos ay hinampas niyang muli nang malakas ang lupa at nakagawa na naman ito ng bitak. Nagulat na lang kami nang may higanteng mga bato na na nasa magkabilang gilid ni Gunner at rumaragasa ang mga 'yon papunta sa kanya para ipitin siya! Nagsalpukan na nga ang dalawang malalaking bato. Halos tumigil ang paghinga ko dahil do'n. Pero agad din akong napanatag nang makita kong nakailag si Gunner at tumalon siya sa ibabaw ng dalawang nag-umpugang bato. Pero agad siyang sinalubong ni Mies at winasiwas ang kanyang Warhammer. Tinamaan ang mga braso ni Gunner at nabitiwan niya ang isa niyang revolver. Nang tumilapon ang revolver sa lupa ay mabilis itong nilapitan ni Mies. Dadamputin na niya sana ito nang biglang magpaputok si Gunner at tinamaan siya sa kamay. Napahiyaw nang malakas si Mies na umalingawngaw sa buong coliseum. Duguan ang isang kamay ni Mies kaya't hindi na niya nagawa pang damputin ang revolver ni Gunner. At kahit bakas sa mukha ni Mies ang sakit ng tama ng bala sa kamay niya ay nagawa pa rin niyang damputin ng kay dali ang Warhammer niya gamit lang ang isang kamay. Kusa namang bumalik ang gintong revolver sa kamay ni Gunner. "Akin ang ginto na 'yan!" bulyaw ni Mies kay Gunner. Wala namang emosyon na makikita sa mukha ni Gunner habang nakatingin sa katunggali. "Pasensya na. Pero hindi 'to basta ginto lang," mahinahong sagot naman ni Gunner. Bumakas ang matinding poot sa mukha ni Mies dahil sa sinabing iyon ni Gunner. Inangat muli ni Mies ang kanyang Warhammer hudyat ng pag-atake. Samantalang si Gunner naman ay itinutok ang Grannus' Golden Guns kay Mies. "Mukhang gustong-gusto talaga ng Mies na 'yon ang gintong revolver ni Gunner," sambit ko. "Oo. Pero sa kasamaang palad, ang mga gintong revolver na 'yon ay Artillery of Gods. At si Gunner ang vessel nito. Kaya kahit anong gawin niya, hindi mapapasakanya 'yon," tugon naman ni Klein. "Strike of Blazing Bullets." Binanggit 'yon ni Gunner bago niya tuluyang hilahin ang trigger ng mga b***l niya. Naglabas ito ng tag-isang bala na nag-aapoy at tumama ito sa Warhammer na tatama dapat sa kanya. Biglang nagkaroon ng nakasisilaw na liwanag habang unti-unting nadudurog ang Warhammer ni Mies. At nang tuluyan itong madurog ay naglaho na ang liwanag pagkatapos ay sumabog ito. Siya namang talsik ni Mies sa lupa. Nakahiga ngayon ni Mies sa lupa at mukhang hinang-hina. Wala na siyang divine artillery at duguan na rin ang isa niyang kamay. Nabalot ng katahimikan ang buong coliseum dahil sa nangyaring labanan. Mayamaya lang ay nabalot na rito ng masayang hiyawan at masigabong palakpakan. "Dahil wala na ang divine artillery ni Winslow, dinedeklara na si Gunner Silverbullet ng Section X ang nanalo sa final phase ng annual battle exams, Senior level! Congratulations!" Halos mapatalon naman ako habang pumapalakpak nang i-announce 'yon ni Ms. Merlot. Pero natigilan din ako nang maalala kong natutulog nga pala si Jerome sa balikat ko. Mayamaya lang ay nagising din siya. Pupungay-pungay pa ang mga mata niya na mukhang walang kamalay-malay sa mga nangyayari. "Naku, Jerome. Sorry kung nagising kita," sambit ko. "Anong nangyari? Tapos na ba?" tanong niya habang nagkukusot ng mga mata. "Si Gunner pa lang ang tapos nang lumaban at nanalo siya!" masigla kong balita sa kanya. Sumilay si Jerome sa arena at umayos ng upo. "Obvious naman na si Gunner ang mananalo." Pagkasabi no'n ni Jerome ay sumandal na siyang muli sa sandalan ng upuan niya at pumikit. "Matutulog ka ulit?" tanong ko. Pero hindi siya umimik. Isipin ko na lang na silence means yes. Tumingin ako sa gawi ni Klein. Siya na ang susunod.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD