Dahan-dahan kong dinilat ang mga mata ko nang maramdaman ko ang sinag ng araw sa aking mukha mula sa bintana ng kuwarto ko.
Pumaling ako sa gawi kung nasaan ang table clock ko at nakita kong alas otso na nang umaga. Napasarap ang tulog ko dahil nakauwi na kami sa dorm namin dito sa university. Isa pa, walang pasok ngayon dahil founding anniversary ng Underworld University at magtatagal ito ng isang linggo.
Bale, isang linggong pahinga mula sa misyon namin na hanapin ang bawat piraso ng spellbound artifacts ni Persephone.
Bumangon na ako at nag-inat-inat muna bago pumasok sa banyo dala ang tuwalya ko. Naligo ako ng mga trenta minuto, pagkatapos ay nagbihis na ako ng school uniform at nag-ayos ng sarili bago tuluyang lumabas ng silid.
Gising na kaya ang mga kaklase ko?
Dumeretso ako ng baba sa hagdan at papunta ako ngayon sa study area.
“Magandang umaga.”
Bigla akong napasinghap nang biglang may nagsalita malapit sa tenga ko. Nangilabot ang buong katawan ko kasabay ng mabilis na pintig ng puso ko. Ramdam na ramdam ko kasi sa tenga ko ang hininga niya at bahagya akong nakiliti nito.
“J-Jerome…” sambit ko paglingon ko sa kanya.
Napahawak ako sa dibdib ko, “Nakakagulat ka naman.”
Pagkatapos ay sinabayan niya akong maglakad.
Bigla ko na namang naalala ‘yong nangyari sa Hotel de Gula sa Ground Epta. ‘Yong tungkol sa pangalan niya kung bakit hindi tinablan ng kapangyarihan ng feather pen.
Napailing ako. Sabi ko hindi ko na iisipin pa ‘yon.
“Good morning, Aika! Jerome!”
Natauhan ako nang marinig ko ang pagbating ‘yon nina Xavier at Ryker. Saka ko lang din namalayan na nandito na pala kami sa study area.
“Good morning,” bati ko sa kanila pabalik. Pagkatapos ay naupo na kami ni Jerome sa ibang bakanteng puwesto ng couch.
“Tamang-tama ang dating niyo. Nagluluto na ng almusal si Gunner,” sambit ni Xavier at napansin ko na nakababa ngayon ang caramel brown niyang buhok. Kalimitan kasi naka-brush up ang style ng buhok niya. At masasabi kong bumagay din ‘yon sa kanya.
“Hay, mabuti naman at makakapagpahinga tayo ngayon ng mahaba-haba. Nagkataon pang may okasyon sa university. Makakapaggala ako habang nagi-girls’ hunting,” masayang sabi naman ni Ryker at napansin ko ang pagkibot ng kanyang white fox ears sa kanyang ulo. Sa tingin ko senyales ‘yon ng labis na tuwa.
“Wala ka nang mukhambibig kundi ‘yang plano mong ‘yan,” inis na sabi naman ni Xavier.
“Inggit ka lang kasi. Kung ako sa’yo, samahan mo na lang akong mag-girls’ hunting,” tugon ni Ryker sabay tapik sa likod ni Xavier.
Sinamaan siya ng tingin ni Xavier, “Ayaw ko nga. Hindi ako interesado. Mag-isa ka.”
“Oh, good morning, Klein!”
Napatingin kaming lahat sa bagong dating nang batiin siya ni Ryker. Hindi man lang umimik si Klein at dere-deretso lang siya papuntang kusina.
“Naku, magtitimpla ng kape ‘yon,” natatawang sambit ni Ryker.
“Oo nga. Para siyang machine at kape ang gasolina niya,” natatawang tugon naman ni Xavier.
Kaya pala napansin kong namumungay pa ang blue green niyang mga mata at halata ang mga ito kahit singkit siya. Halata mong wala sa mood.
“Ang tagal naman ni Gunner. Nagugutom na ako,” reklamo bigla ni Xavier.
“Handa na ang almusal.” Napatingin kami kay Gunner at nakita naming may dala-dala siyang tray ng pagkain. Pagkatapos ay inihain niya ang mga ‘yon sa dining table. Mayamaya lang ay kasunod na niya si Klein at may dala-dala siyang mga kubyertos at nilapag niya ang mga ‘yon sa mesa.
“Ayon, sa wakas!” bunyi naman ni Xavier pagkatapos ay nanguna siyang tumayo at nagmadaling nangpunta sa puwesto niya sa dining area.
Sumunod na rin kami at umupo sa kani-kaniyang puwesto. Pagkatapos maghain ay naupo na si Klein sa puwesto niya dala ang isang tasa niya ng kape. Samantalang si Gunner ay tinanggal muna niya ang pagkaka-man bun ng blonde niyang buhok na hanggang balikat at hinubad din niya ang suot niyang apron bago umupo.
Habang abala kami sa pagkain ay nagsalita ako.
“May gagawin ba tayo sa festival?”
“Hmm. Sa totoo lang, mamayang gabi pa ang opisyal na pag-uumpisa ng festival. Pero may makikita na rin tayo mamaya kapag namasyal tayo sa campus,” paliwanag ni Gunner.
“Bakit, Aika? Gusto mo bang gumala sa campus?” tanong naman ni Xavier.
“Sana. Gusto ko kasing makita kung anong meron.”
“Sige. Magsabi ka lang, sasamahan ka namin,” sambit ni Xavier.
“Talaga? Salamat kung gano’n.”
“Hindi ako sasama.”
Napatingin kaming lahat kay Klein nang magsalita siya.
“Bakit?” tanong ni Xavier.
“Magpapahinga ako. Tutal, gabi pa naman ang official start, sasama na lang ako sa inyo mamayang gabi. Magtutulog muna ako,” paliwanag niya.
“Okay sige,” tugon naming lahat.
“Ikaw, Jerome? Sasama ka ba sa’min? O magpapahinga ka rin gaya ni Klein?” tanong ko naman kay Jerome.
“Sasama ako,” sagot niya.
Tumango-tango naman ako bilang tugon.
---
Pagkatapos namin mag-almusal ay nagpahinga lang kami nang kaunti tapos ay lumabas na rin kami.
Pagdating naman namin sa central campus, namangha ako sa dami ng estudyante ngayon dito. May mga makukulay na banderitas na nakasabit sa itaas, tapos puno ng stalls ang paligid. Halos magkakahanay sila. Iba-iba ang tinitinda ng stalls at ang nagma-manage ay mga estudyante.
May mga napansin din akong mga may kaedaran na at hindi naka-uniform. Malamang mga outsider sila. Open para sa lahat ang university pag festival.
“Wow! Ang daming pagkain ngayon dito!” manghang sambit ni Xavier nang ilibot niya ang kanyang paningin habang naglalakad-lakad kami ngayon.
“Walang’ya naman, Xavier. Katatapos lang natin kumain. May mga Unholy ba diyan sa bituka mo at hindi ka mabusog-busog, ha?” ani naman ni Ryker.
“Eh ano naman? Masarap kumain eh,” katuwiran naman ni Xavier.
“Hindi naman pati halata kay Xavier na malakas siya kumain,” sabad ko bigla.
Napatingin naman silang lahat sa’kin na tila nagtataka.
“Maganda kasi ang hubog ng katawan ni Xavier kaya hindi mo halatang matakaw,” patuloy ko.
Tila nabigla naman silang lahat sa tinuran ko. Lalo na si Xavier at napakapa siya sa kanyang sarili. Napaiwas siya ng tingin sa’kin sabay kamot ng batok. Napansin ko rin ang bahagyang pamumula ng kanyang mukha.
“G-Gano’n ba…” tanging tugon ni Xavier.
Tumango lang ako bilang sagot.
Mayamaya lang ay nagulat kami sa biglang pagsigaw ni Xavier.
“Aray ko, ang sakit,” reklamo nito sabay tingin sa braso niya.
Napatingin naman kami kay Jerome na may hawak na styro cup at iniaabot ito kay Xavier. Mukhang doon napaso si Xavier kaya siya napasigaw dahil napansin kong umuusok pa ang laman ng cup.
“Ano ‘yan?” tanong ni Xavier kay Jerome.
“Kape,” sagot nito.
“Kape?” pagtataka ni Xavier, pero napilitan na rin siyang tanggpin ito.
Napansin naman namin ‘yong isa pang styro cup na hawak ni Jerome at uminom siya mula rito.
“Bakit iced coffee ‘yong sa’yo tapos sa’kin hot coffee?” pagtataka ni Xavier.
“Para mahimasmasan ka.”
Napakunot ang noo ni Xavier, “Ha?”
“Ibig kong sabihin, para madali kang matunawan,” sagot pa ni Jerome.
Nagkatinginan sina Ryker at Gunner at palihim silang natawa. Habang ako naman dito ay walang ideya kung bakit. Pero hindi ko na lang pinansin pa.
“Section X!”
Napahinto naman kami sa paglalakad nang marinig naming may tumawag sa’min. Napakunot ang mga noo namin nang makita naming tumatakbo si Ms. Rickets papalapit sa’min.
“Oh, Ms. Rickets,” sambit namin nang makalapit siya sa’min.
“Ano pang ginagawa niyo rito? Nakapag-practice na ba kayo?” tanong nito.
Nagkatinginan kami sa isa’t isa na pawang nagtataka.
“Practice?” sabay-sabay naming tanong.
“Para saan po?” tanong ni Gunner.
“Teka, hindi niyo ba alam? Wala bang sinasabi sa inyo si Jonathan?” pagtataka niya.
Nagkatinginan kaming lahat at bakas ang labis na pagtataka sa aming mga mukha.
Napabuntonghininga si Ms. Rickets nang may halong inis at dismaya.
“Si Jonathan talaga!” angal niya.
“Ano po ba kasi ‘yon?” usisa ni Xavier.
“Ganito kasi. Kasama kayo sa line-up ng mga performer sa last day ng festival. Magpe-perform kayo as a band.”
Nandilat ang mga mata ko sa narinig ko mula kay Ms. Rickets. Tama ba ‘yong narinig ko? Magpa-participate kami sa event bilang isang banda?”
“Sige po. Babalik na po kami sa classroom. Salamat po sa paalala,” sambit ni Gunner.
“Tara na,” aya naman niya sa’min pagkatapos.
Nagmadali na kaming bumalik sa greenhouse dome.
Pagdating naman namin sa study area, nadatnan namin doon sina Mr. Smith at Klein na pawang nag-uusap. Pagkatapos ay natuon ang atensyon nila sa’min.
“Oh, mabuti’t nandito na kayo. Hinahanap ko kayo pero si Klein lang nadatnan ko sa dorm,” sambit ni Mr. Smith.
“Mr. Smith, nasalubong namin si Ms. Rickets sa central campus at sinabi niya sa’ming kasali raw kami sa performers ng last day ng event,” balita ni Gunner.
“Oo. ‘Yon nga ang gusto kong sabihin sa inyo kaya ako nagpunta rito. Kaso lumabas pala kayo. Oh, dating gawi ha? Five rounds ng kanta ang dapat niyong ihanda. Kaya niyo na ‘yan,” bilin sa’min ni Mr. Smith bago siya tuluyang umalis.
Nagtipon na kaming lahat dito sa study area para pag-usapan ang gagawin namin sa nasabing participation sa event.
“Base sa pagkakasabi ni Mr. Smith kanina, mukhang matagal niyo na ‘tong ginagawa,” sambit ko.
“Ah, oo. Simula nang mabuo ang Section X several years ago, palagi na kaming may participation sa event,” sagot ni Gunner.
“Palagi kaming nagpe-perform bilang isang rock band. Lahat naman kami marunong sa instruments at pagkanta kaya kada anniversary, nagra-rounds lang kami ng members,” paliwanag naman ni Ryker.
“Rock band?” panlulumo ko.
“Teka, may alam ka bang instrument na tugtugin?” tanong naman ni Xavier.
Nailang naman ako bigla sa tanong. Napaiwas ako ng tingin sa kanila habang pinagkikiskis ko ang mga palad ko.
“Wala?” sabay-sabay nilang tanong.
“Sorry na,” sambit ko.
“Naku, paano kaya ‘to?” ani naman ni Ryker.
“Pakantahin na lang natin siya. Puwede ka naman sa pagkanta, ‘di ba?” tanong sa’kin ni Klein.
Napaisip ako nang kaunti, “Ah, puwede na rin.”
“Sige, pakantahin ka namin mamaya sa microphone para i-test. Baka mamaya marindi ang audience sa boses mo,” sambit ni Klein.
Pinandilatan ko siya ng mata, “Grabe ka naman!”
“Saan nga pala tayo magpa-practice?” tanong ko.
“Sa auditorium ng university. Nandoon kasi ang mga musical instruments,” sagot ni Xavier.
“Pupunta na ba tayo ro’n ngayon?” tanong naman ni Ryker.
“Oo. Pumunta na tayo. Wala naman tayong ibang gagawin,” sagot ni Gunner sabay tawa.
---
Nagpunta na kami sa auditorium ng university. Wala ngang kahit sinong narito ngayon. Tanging yabag lang ng mga paa namin ang maririnig.
Para itong isang theatrical house na maraming upuan na gaya sa sinehan. Tapos nandoon ‘yong malawak na elevated stage sa unahan.
“Tara. I-setup na natin ‘yong instruments,” aya ni Gunner, tapos ay nagtakbuhan na silang lahat paakyat ng stage pero lumiko rin sila papuntang backstage.
Pagkatapos ay sumunod na rin ako. Nandito lang ako sa stage para hintayin silang ilabas dito ‘yong mga instruments at i-setup.
Mayamaya lang ay isa-isa na silang naglabasan. Una nilang nilabas ‘yong drums. Pinagtulungan nila ‘yon dahil mabigat ‘yon at malaki. Tapos ay nilabas na nila ‘yong keyboard, guitars—dalawang electric at acoustic, bass, sunod naman ay mga mic.
Nang matapos nilang ilabas lahat ng kagamitan, nagtipon-tipon na kami rito sa gitna ng stage.
“Sige, una muna nating gawin ay pakantahin si Aika sa mic na ‘yan sa stand para ma-test natin ang boses niya,” sambit ni Gunner.
“Aika, pumuwesto ka na ro’n sa mic. Tapos si Jerome sa gitara. ‘Yong acoustic muna. Ako na sa keyboard,” utos ni Klein na ginawa naman namin agad.
Nandito ako ngayon nakatayo sa tapat ng mic stand habang si Jerome ay nakaupo sa isang stool chair at hawak na niya ang gitara, habang si Klein naman ay pumuwesto na ro’n sa tapat ng keyboard.
“Anong kanta, Aika?” tanong ni Klein.
Nag-isip lang ako sandali at nang sinabi ko sa kanila ang title at artist ng kanta ay tumango sina Klein at Jerome hudyat na alam nila ang kanta.
Nang tumugtog na ang dalawa ay nagsimula na akong kumanta sa beat.
Ang awiting kinanta ko ay I Love You ni Avril Lavigne.
Sa una ay kabado ako pero sa katagalan ay naging okay naman. Wala naman akong stage fright dahil sanay akong humarap sa mga tao.
Hanggang sa matapos ang buong kanta. At nabigla ako nang pumalakpak silang lahat.
“Ang galing mo pala kumanta, Aika!” papuri nila.
Napangiti naman ako, “Salamat.”