XLIV: Suspicion

2174 Words
“Hades Sword.” Pinalabas ko agad ang artillery ko nang maramdaman ko ang kakaiba at malakas na presensya sa feather pen na hawak niya. Mukha itong isang vintage fountain pen na may piraso ng kulay blue na bird’s feather sa bandang dulo. “Mukhang may kinalaman ka sa mga misteryosong pagkamatay ng ilang gargoyles sa lugar na ‘to,” sambit ko habang nakatutok sa kanya ang espada ko. “Tama ka. May kapangyarihan ang feather pen na ‘to na isakatuparan ang kahit anong isulat ko sa papel kasama ang hitsura at buong pangalan ng kahit sino,” sambit naman ni Cordelia. Iyon pala ang kapangyarihan ng spellbound artifact na feather pen na ‘yon. “Kaya nga hindi ka na matutulungan ng mga kasama mo.” Nandilat ang mga mata ko sa sinabi niya at bahagyang nanginig ang katawan ko. “Anong ginawa mo sa mga kasama ko?” tanong ko. “Huwag kang mag-alala. Pinatulog pa ko lang sila. Wala pa akong balak na patayin sila dadahil uunahin muna kita!” sagot niya sabay hugot ng pirasong papel sa ilalim ng kanyang mahabang manggas. Mabilis siyang nagsulat sa kanyang papel. At nang matapos siya ay tumingin siya sa’kin nang nakangisi. “Divine Edge!” Tapos ay winasiwas ko ang espada at naglabas ito ng mga tulos na gawa sa puting liwanag at tumama ang mga ‘yon kay Cordelia na naging dahilan ng pag-alingawngaw ng kanyang sigaw sa buong hotel. Bumaliko ang kanyang mga tuhod nang bahagya hudyat na nasaktan siya at bahagyang nanghina dahil dito. Nasugatan din kasi siya dahil sa skill na ‘yon. “Paanong nangyaring hindi tumalab ang kapangyarihan ng pluma sa’yo? Isinulat ko ang buong pangalan mo na nakasulat sa record book ng hotel,” nanggigigil niyang sambit. Napaisip ako sandali dahil sa sinabi niya. Pumirma nga kami sa record book ng hotel doon sa receptionist’s desk. At naalala kong Aika Cervantes lang ang nilagay ko ro’n. Napangisi ako, “Gano’n ba? Dahil palayaw ko lang ang nilagay ko ro’n.” Bumakas ang poot at pagkadismaya sa mukha ni Cordelia. Ibinuka niya ang malaki niyang pakpak na tulad sa paniki. Pagkatapos ay may hinugot siya mula sa slit ng palda niya at nakita kong tatlong dagger ‘yon. Lumipad siya paitaas at ibinato sa’kin ang mga dagger na hawak niya. Pero nasangga ko ang mga ‘yon gamit ang espada ko. Humugot siyang muli ng daggers sa kabilang slit naman at pinagbabato rin sa’kin ang mga ‘yon pero nasangga ko lang din. “Walter!” pag-alingangaw ng boses ni Cordelia na tila ba humihingi ng saklolo. Mayamaya lang ang mabilis na dumating si Walter. “Lady Cordelia,” pagbigay-galang nito. “Hindi sa kanya gumana ang pluma. Tapusin mo ‘yang babaeng ‘yan!” utos niya kay Walter habang tinuturo ako. May inilabas si Walter mula sa magkabilang bulsa ng kanyang suit. Mga itim na holen na nakasingit sa bawat pagitan ng kanyang mga daliri. Pagkatapos ay bigla niyang ibinato sa’kin ang mga ‘yon na nagdulot ng pagsabog at nabalot ng maitim na usok ang paligid. Masakit din sa mata at ilong ang usok kaya’t napapikit ako’t napatakip ng ilong ko. Hindi ko tuloy makita kung nasaan na sila. Idinilat ko nang kaunti ang mga mata ko pero wala pa rin akong maaninag dahil sa usok. Bigla namang may narinig akong tumatakbo at pakiramdam ko papunta ‘yon sa’kin. Mayamaya lang ay biglang bumungad si Walter mula sa mga usok at papasugod siya sa’kin. Pero bago pa siya makalapit sa’kin nang tuluyan ay bigla na lang siya tumalsik na may kasamang pagsabog. Nang mawala na nang tuluyan ang itim na usok ay nadatnan kong nakahandusay na si Walter sa sahig pero gumagalaw pa ito. Samantalang si Cordelia ay nakatayo lang ro’n sa sulok katabi ng bintana habang gulat na gulat sa mga pangyayari. At nakita ko rin si Jerome na nakatayo sa harapan ko hawak ang artillery niya. Sa kanya malamang nanggaling ang pagsabog. “Paanong?! Isinulat ko rin ang buong pangalan mo sa notebook kasama ng mga kaibigan mo!” bulyaw ni Cordelia. Mabilis na tumakbo si Jerome papalapit kay Cordelia at nang makita kong kakawitin niya ng scythe ang leeg nito ay pinigilan ko siya. “Jerome!” Malapit na sana pero mabuti’t huminto siya. “Kailangan nating isuko si Cordelia sa mga opisyal ng Ground Epta nang buhay,” sambit ko. “Ngayon, sabihin mo sa’kin kung saan mo isinulat ang mga pangalan ng kasama namin,” mariing utos ni Jerome kay Cordelia. “Mamamatay muna ako bago ko sabihin sa’yo,” pagmamatigas naman ni Cordelia. Mukhang napikon naman si Jerome sa sinabing ‘yon ni Cordelia at igagalaw na niya sana ang scythe niya para tuluyan ang pagpugot sa ulo ni Cordelia nang bigla siyang pigilan ni Walter. “Iyong notebook na nasa ibabaw ng mesa. Nandoon ang mga pangalan nila,” sabad nito habang nakahandusay pa rin sa sahig at iniinda ang sakit ng pagkakaatake sa kanya ni Jerome kanina. Tumingin agad ako sa mesang nasa likod ko at kinuha ‘yong vintage journal. “Eto ba?” tanong ko habang hawak ang journal. “Oo, ‘yan nga,” sagot ni Walter. “Jerome!” tawag ko sa kanya sabay hagis no’ng journal. Nang tingalain ni Jerome ang journal ay bigla niyang winasiwas ang kanyang scythe papunta rito at nahati sa dalawa ang journal sabay natupok ito ng purple flames na nagmula sa artillery ni Jerome. “Hindi!!” panlulumo ni Cordelia nang makita niyang matupok ng apoy ang kanyang journal hanggang sa maging abo ito. Tila nanghina naman ang mga tuhod ni Cordelia dahil bigla na lang siyang napaupo sa sahig. Mayamaya ay nagsimulang siyang humagulgol. Pinilit naman ni Walter na bumangon at dahan-dahang gumapang papunta kay Cordelia. Tapos ay hinaplos-haplos niya ang likod nito na pawang inaamo niya ito. --- Dumating na si Mr. Smith at may kasama siyang police officers ng Ground Epta at inaresto nila sina Cordelia at Walter. Nasa labas kami ngayon ng Hotel de Gula at may mga police cars din dito. Okay na rin ang mga kasama namin dahil nagkamalay na sila matapos masunog no’ng vintage journal ni Cordelia. “Cordelia Wilson,” sambit ni Mr. Smith nang harapin niya si Cordelia habang nakaposas ang mga kamay nito sa likod. Bakas ang lungkot at pagsisisi sa mukha ni Cordelia ngunit huli na ang lahat. “Stephen Walker. Ay hindi. Si Jonathan Smith ka na pala ngayon,” sambit naman ni Cordelia at bakas ang lungkot sa kanyang tinig. “Hindi ko akalaing magagawa mo ‘to. Ang ilagay sa mga kamay mo ang batas, Cordelia,” tugon ni Mr. Smith. “Alam mong hindi patas ang mundo, Stephen. Hindi lahat ng nilalang ay kayang makamit ang hustisyang ninanais nila. Lalo na kapag ang nanamantala sa kanila ay mga makapangyarihang nilalang at wala silang kalaban-laban,” katwiran ni Cordelia. “Alam ko. Ngunit magkaiba ang hustisya mula sa paghihiganti,” tugon naman ni Mr. Smith. “Ang hustisya ay dumadaan sa tamang proseso ng paglilitis. Ang paghihiganti ay pagtakip ng isa pang mali sa isang kamalian. Maaari tayong tumulong sa mga nilalang na naghihingi ng hustisya pero hindi sa paraan ng paghihiganti,” paliwanag pa ni Mr. Smith kay Cordelia. Nang may luhang umagos sa pisngi ni Cordelia ay hinawakan ni Mr. Smith ang mga balikat nito. “Alam kong pinangunahan ka lang ng iyong emosyon ngunit mas kailangan nating pairalin ang isip natin kaysa emosyon. Isip muna bago puso upang maiwasan ang madalas na pagkakamali,” dagdag pa niya. Pagkatapos no’n ay dinala na ng mga pulis sina Cordelia at Walter sa loob ng sasakyan at isa-isa nang nag-alisan ang mga ‘to sa hotel. Kaya naiwan na kaming pito rito. “Ito ngang feather pen ay isang spellbound artifact,” sambit ni Mr. Smith habang hawak-hawak niya ito. Bumuntonghininga nang may ingay si Ryker. “Sayang si Lady Cordelia. Ang ganda pa naman din niya,” panghihinyang nito. “Ikaw talaga! Muntik na nga tayong mapahamak, ‘yan pa rin iniisip mo,” saway ni Xavier kay Ryker nang may kasamang batok. “Kung alam ko lang, dapat pala hindi buong pangalan ang sinulat ko sa record book na ‘yon,” sambit naman ni Gunner. “Hayaan niyo na. Hindi niyo naman alam, eh,” tugon naman ni Mr. Smith. “So, saan na ang susunod nating pupuntahan?” tanong naman ni Klein. “Ay! Tungkol nga pala ro’n. Mr. Smith, malapit nang maubos ang budget namin sa paglalakabay na ‘to. Puwede po ba kaming makahingi ulit?” sabad ni Gunner. “Ubos na budget natin?” usisa ni Xavier. “Aba, nagtaka ka pa talaga ha? Pinakamalaki nating gastos ay pagkain dahil anim tayong kumakain. Tapos ang tatakaw niyo pa,” sermon naman ni Gunner sabay tingin niya kina Xavier at Jerome. Napanguso naman si Xavier tapos ay umiwas naman ng tingin si Jerome. Natawa nang bahagya si Mr. Smith, “Okay lang ‘yan. Sa totoo lang, kaya ako naparito dahil susunduin ko na kayo pabalik ng university.” “Po?” sabay-sabay na tanong naming lahat na tila nabigla sa sinabing ‘yon ni Mr. Smith. “Babalik na po kami agad ng university? Bakit?” usisa ni Klein. “Nakalimutan niyo na ba? Founding anniversary ng Underworld University sa isang araw. Mag-enjoy muna kayo sa gaganaping festival sa loob ng isang linggo. Pagkatapos no’n, saka kayo bumalik sa misyon. Ayos ba?” Napanganga naman ako nang bahagya sa narinig ko mula kay Mr. Smith. May gano’n pa lang celebration sa Underworld University. Mukhang masaya siguro ‘yon. “Ilang taon na bale ang university?” usisa ko naman. “Exactly one-thousand na,” sagot ni Mr. Smith. Namangha naman ako dahil sa nalaman kong ‘yon. “Tara na. Pupunta na tayong Ground Epta Railway Station para makabalik tayo sa Ground Miden,” aya sa’min ni Mr. Smith pagkatapos ay naglakad na kami paalis ng Hotel de Gula. “Gunner, tumawag ka na ng karwahe,” utos naman niya. Agad namang sinunod ito ni Gunner kaya’t siya ang naunang lumakad at sumunod naman kami. Nagpaiwan naman ako rito sa bandang likod kasabay ni Mr. Smith. “Mr. Smith,” sambit ko. “Oh, ano ‘yon, Aika?” tanong niya. “Nagtaka lang po ako dahil sa nangyari kanina na paghaharap namin nina Cordelia.” “Hmm, anong nakakapagtaka ro’n?” “Kasi po, hindi tumalab ang kapangyarihan ng feather pen sa’kin dahil palayaw ko lang ang sinulat ko sa record book. Pero, bakit kay Jerome hindi rin tumalab samantalang buong pangalan niya ang nilagay niya sa record book?” Sa totoo lang, kanina pa ako nagtataka dahil do’n. Pakiramdam ko, binabagabag ako nito. Napaiwas naman sa’kin ng tingin si Mr. Smith at parang nataranta siya nang bahagya sa naging tanong ko. “Ah, ‘yon ba? Imposible naman ‘yon. Baka nagkamali lang ng spelling si Cordelia. Alam mo na? Baka nagkamali siya ng kopya ng pangalan ni Jerome doon sa record book,” sagot niya. “Gunner! Nakatawag ka na ba ng karwahe?” biglang tawag ni Mr. Smith kay Gunner sabay lakad din niya papalapit sa kanya at iniwan ako rito. Bakit gano’n? Pakiramdam ko parang may tinatago si Mr. Smith? Nandito lang ako sa likuran nilang lahat at napagtanto kong nasa downtown na kami kung saan maraming nilalang ang nandito ngayon. Nang madako naman ang paningin ko kay Jerome, naisip ko kung tanungin ko kaya siya tungkol sa bagay na ‘yon? Mayamaya’y napailing ako. Huwag na lang siguro. Hayaan ko na lang. Baka masyado lang akong nag-iisip. Sa tingin ko, tama si Mr. Smith. Baka nagkamali lang ng sulat si Cordelia sa pangalan ni Jerome kaya hindi siya tinablan. Bumuntonghininga na lang ako nang malalim. Mayamaya pa ay napaatras ako nang bahagya nang biglang may bumunggo sa’kin. Nalaglag naman ang dala niyang supot na ang laman yata ay barya. Kaya naman huminto ako para pulutin ito. “Pasensya na,” sambit ko habang inaabot ko sa kanya ang nalaglag niya. Matangkad siyang lalaki at mukhang matipuno rin ang kanyang pangangatawan. Hindi ko naman makita ang kanyang buong mukha dahil natatakpan ang kalahati nito ng hood ng cloak niyang gawa sa leather. “Ah, salamat,” tugon nito nang may mababa at malagong na boses. At nang kunin niya sa’kin ang supot ay para akong na-ground nang magdikit ang kamay namin. Kaya naman napabawi ako bigla ng kamay ko at nandilat ang mga mata ko sa gulat. Tinanguan lang niya ako bago siya tuluyang umalis at mukha siyang nagmamadali. Napatulala tuloy ako mula sa kinatatayuan ko. “Sino ‘yon?” Natauhan lang ako nang marinig ko si Jerome. “Ah, wala,” sagot ko. “Sasakay na tayo ng karwahe. Tara na,” aya niya sa’kin. “Ah, oo,” tugon ko. Pagkatapos ay sumunod na ako kay Jerome. At habang naglalakad ako ay napatingin ako sa kamay ko na tila nakuryente kanina dahil do’n sa lalaki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD