XLVI: Goddess of Hearth

2594 Words
Nandito kaming lahat ngayon sa stage ng auditorium para mag-practice. Limang kanta raw dapat ang ihanda namin sa performance. “Teka, pang-ilan ba tayo sa magpe-perform?” tanong ni Xavier. Nakaupo kaming lahat dito sa sahig ng stage habang nagmi-meeting. “Tayo ang pinakahuli,” sagot ni Gunner. “Bale, ganito ang plano. Magkakaroon tayo ng mga duet songs. Hindi natin hahayaan si Aika na saluhin lahat ng vocals,” paliwanag ni Klein. Pagkatapos ay nilibot niya ang paningin niya na parang may hinahanap. “Teka, nasaan si Ryker?” tanong niya bigla. Napatingin naman kami sa paligid namin at napansin nga naming wala si Ryker. “Oo nga, ‘no. Nasaan si Ryker? Nasa dorm pa rin kaya siya?” tanong ko. “Imposibleng nasa dorm pa siya. Kasabay natin siyang lumabas, ‘di ba?” sambit ni Gunner. “Hay nako. Baka naggagala na naman ‘yan sa central campus para mag-girls’ hunting daw,” sabad naman ni Xavier. “Ngayon pa talaga ha? Hindi ba siya makatiis? Hindi naman tayo magpa-practice maghapon, eh. Ilang oras lang. Hay naku!” angal ni Klein at halatang-halata sa kanya ang pagkainis. Napayuko tuloy ako. Mukhang galit na si Klein. Si Ryker naman kasi eh. “Oh paano? Hahanapin ba natin si Ryker o hintayin na lang natin siyang dumating?” tanong ni Xavier. “Hanapin na lang natin. Baka kasi nakakalimot siya na may practice tayo ngayon. Talaga naman ‘yang demon fox na ‘yan,” inis na sabi ni Klein. “Tara, tara,” aya sa’min ni Klein sabay nagsitayuan kami at pinangunahan niya ang paglabas namin sa auditorium. Saglit lang ay nakarating na kami sa central campus. Mas maraming nilalang ngayon ang nandito kahit second day pa lang naman ng festival. May kainitan din ngayon dahil katanghalian. Nagsimula na kaming maglibot-libot sa pagitan ng mga nilalang dito habang nililibot ang aming paningin. “May dine-date ba ngayon si Ryker?” tanong ni Gunner. “Hmm, palagi namang may dine-date ‘yon,” sagot ni Xavier. “’Yong latest,” sambit ni Gunner. Napaisip si Xavier dahil sa sinabing ‘yon ni Gunner. At halata sa mukha nito na nahihirapan siyang mag-isip. “Hindi ako sigurado. Pero ang alam ko nasa second year din ‘yon. Nahihirapan akong mag-isip sa dami ng naging girlfriend niya!” sagot ni Xavier sabay reklamo. Napangiti ako nang pilit sabay iling dahil sa narinig ko kay Xavier. Mayamaya lang ay may natanaw ako sa ‘di kalayuan. Tiningnan ko pa itong mabuti at nakumpirma kong si Ryker nga ito. At may kasama nga siyang babae. Mahaba ang buhok nitong kulay blonde. May kayumangging kutis ito at patulis na tenga, at may hindi kalakihang pakpak sa kanyang likod na gaya ng sa paruparo. Maganda ang mukha nito kahit mukha siyang mataray. “Ryker!” tawag ko sabay mabilis akong lumakad papalapit sa kanila. Nakuha ko naman ang atensyon niya, pati na rin ‘yong babae. At halata ang gulat sa mukha ni Ryker nang makita niya ako. “Ano pang ginagawa mo rito?” tanong ko sa kanya. Ngumiti lang nang pilit si Ryker at tumawa nang pagak habang hinihimas ang kanyang batok. “Teka, sino naman ‘to?” tanong bigla no’ng babae at bakas ang inis sa tinig nito habang tinuturo ako. “Ah, siya si Aika. Kaklase ko,” sagot ni Ryker. “Hmm, don’t tell me girlfriend mo ‘to ha?” paninigurado nito. “Ha? Hell, no. Gusto ko pang mabuhay, ano.” Napakunot ang noo ko sa sinabi ni Ryker at gano’n din ‘yong babae. “Hoy, Ryker nandito ka lang pala.” Napalingon ako sa biglang nagsalita. Kasunod ko na pala ang mga kasama ko. “Kanina ka pa namin hinahanap. Tumakas ka pa lang loko ka,” inis na sambit naman ni Klein. “Alam mo nang may practice tayo ngayon, kung ano-anong inuuna mo,” sabad naman ni Xavier. “Practice?” tanong bigla no’ng babae. “Ah, oo. Kasali kasi kami sa magpe-perform para sa huling araw ng festival. Sorry kung hindi ko nasabi sa’yo, Courtney,” sagot ni Ryker. “Gano’n ba. Sige, unahin mo muna ang practice niyo. Puwede naman akong maghintay,” malambing na tugon no’ng Courtney sa kanya. Pagkatapos ay pinulupot niya ang mga braso niya sa leeg ni Ryker at naghalikan talaga sila sa harap namin. Nandilat ang mga mata ko at iiwas sana ako ng tingin pero nagulat ako nang sabay-sabay na tinakpan ng mga kasama ko ang mga mata ko. “Kailangan talaga lahat kayo?” tanong ko. Saglit lang ay tinanggal na rin nila ang mga kamay nilang nakatakip sa mga mata ko at nadatnan kong nagpaalam na sa isa’t isa sina Courtney at Ryker. Pagkatapos no’n ay nagpatuloy na kami sa paglalakad para makabalik sa auditorium. “Kailangan talaga maghalikan kayong dalawa sa harap namin?” sarkastikong tanong ni Xavier. “Eh hindi ko naman alam na hahalikan pala niya ako eh. Akala ko yayakapin niya lang ako,” sagot naman ni Ryker. “Mukha mo,” ani Xavier. Natawa naman si Ryker, “Hindi ko talaga alam. Pero syempre, go with the flow na lang. Tatanggi pa ba ako mula sa isang magandang fairy na gaya ni Courtney?” “Diyan ka magaling,” sabay-sabay na sabi nina Xavier, Gunner, at Klein. Natawa na lang ako sa isip ko dahil sa tinuran nila. “Aikaterina?” Napalingon at napahinto naman ako nang marinig ko ang pangalan ko. “Aikaterina Cervantes ng Section X, tama?” tanong pa nito habang tinitingnan akong mabuti. Napakunot ang noo ko dahil parang ngayon ko lang nakita ang babaeng nagtatanong sa’kin. Kulay reddish brown ang mahaba at wavy niyang buhok. Hazel brown naman ang bilugan at mapungay nitong mga mata. Maputi ang kanyang kutis at may kaunting freckles sa kanyang mukha. “L-Lady Hestia,” narinig kong sambit ng mga kasama ko. Tila nataranta sila nang makita nila ‘yong babae at nagbigay-galang sila rito sa pamamagitan ng pagyuko habang ang isa nilang kamay ay nasa kaliwang dibdib. “Naku, mga bata. Tama na ‘yan. Ang tagal ko nang namamalagi rito sa university,” nakangiting sambit nito. Hanggang ngayon nagtataka pa rin ako kung sino siya. Pero sa tingin ko, mahalagang nilalang siya sa university base sa tinuran ng mga kasama ko. “Siya si Hestia, isa sa twelve Olympian deities. Siya ang diyosa ng apoy,” bulong sa’kin ni Gunner. Nabigla ako sa nalaman ko kaya’t taranta akong nagbigay-galang. “P-Pasensya na, Lady Hestia. Hindi ko po alam,” sambit ko. “Okay lang. Matagal na rin akong namamalagi rito sa university. Kahit normal na elder lang ang iturin niyo sa’kin, ayos lang,” sambit ni Hestia. Umayos naman kami ng tindig nang sabihin ‘yon ni Hestia. “Maaari ko ba kayong makausap sa opisina ko?” tanong nito sa’min. Kahit nagtataka kami ay sumunod pa rin kami sa diyosa. --- Nandito kami ngayon sa opisina ng diyosang si Hestia. Nasa main building ito ng campus kung nasaan ang opisina ng faculties at staff ng school. Brown and cream ang motif ng opisina niya. Hindi kalakihan pero simple lang ang interior design nito—minimalist ika nga. Nakaupo kami ngayon sa tanggapan niya, sa may couch na kulay brown. Samantalang si Hestia naman ay nasa swivel chair sa may office table niya. “Aika, alam kong isa kang demigoddess.” Nagulat kaming lahat sa sinabing ‘yon ni Hestia. “Ako ang nag-run ng tests para malaman ang tunay mong identity. Ginawa namin itong confidential ni Jonathan dahil naghihinala na kami noon pa lang. Kaya huwag kayong mag-alala dahil ligtas ang lihim na ‘yan sa’kin,” paliwanag ng diyosa. Napanatag naman kaming lahat matapos niyang sabihin ‘yon. “Matagal ko nang nais na makaharap ka, Aika. Pero wala nga lang akong pagkakataon dahil masyado akong abala bilang head ng university council. Kaya naman nagpapasalamat ako dahil nakasalubong kita kanina,” ani muli ni Hestia. “Bakit niyo po ako gustong makaharap, Lady Hestia?” tanong ko. Tumayo si Hestia at lumapit sa’min. Pagkatapos ay umupo siya sa tabi ko. Hinawakan niya ang kamay ko pero bigla kaming napadaing at nagbitiw nang may naramdaman kaming kuryente sa isa’t isa. Takang-taka kaming nakatingin sa isa’t isa. “Hindi maaari,” sambit bigla ni Hestia na tila nagpakaba sa’kin. “Ibig sabihin lang nito, hindi ka basta anak lang ng isang minor deity. Maaaring anak ka ng isang Olympian deity.” Napataas ang mga kilay ko, “Paano niyo po nasabi?” “Hindi ako maga-ground nang ganoon kung hindi, Aika. Hindi kaya anak ka ni Zeus sa isang mortal?” Pagkatapos ay napatingin siya sa kamay ko. “Tama lang pala na binigyan kita ng singsing na ‘yan,” aniya. Napatingin naman ako sa singsing na suot ko na pinabigay ni Mr. Smith. “Sa inyo po galing ito?” tanong ko. Tumango si Hestia, “Oo. Inutusan ko si Jonathan na ibigay ‘yan sa’yo kung sakaling gambalain kayo ng mga kampon ni Hera sa gitna ng inyong misyon para hindi na makadagdag pa sa suliranin ninyo pag nalaman pa ni Hera na isa kang demigoddess.” “Balita ko rin na nakaharap niyo na ang isa sa Olympian Unholy ni Hera,” dagdag pa niya. “Opo. Si Ernesh, Lady Hestia,” sabad ni Klein. “Ang mga nilalang na ‘yon ang kasama ni Hera para hanapin ang apo ko at kanyang patayin,” sambit ni Hestia. “Apo ninyo?” pagtataka ko. “Oo. Kapatid ko ang ina ni Persephone na si Demeter. Apo ko sa pamangkin si Melinoe.” “Ngunit kapatid niyo rin si Hera, hindi po ba?” tanong naman ni Gunner. “Oo, tama ka. Kapatid ko rin si Hera. At kahit kapatid ko siya, ayaw kong kunsitihin ang kalokohan niyang ito. Pero wala rin naman akong magawa. Si Hera ang pinakamakapangyarihang diyosa sa lahat, at wala sa kanyang kalingkingan ang aking lakas,” kuwento ni Hestia. Hinawakan ni Hestia ang isa kong balikat, “Kung sakaling anak ka nga ni Zeus, malaki ang gagampanan mo sa pagsugpo sa mga Unholy at pagliligtas kay Melinoe, Aika.” “Hindi ka basta-basta pipiliin ng Hades Sword na nagmula mismo sa kapatid ni Zeus nang dahil lang sa wala. Kapag na-master mo ang apat na skills ng artillery na ‘yan, maaari mong masugpo ang mga Olympian Unholy ni Hera, at maagaw ang trono mula sa mga descendant ni Oceanus.” Nandilat ang mga mata ko at napaawang ang bibig ko dahil sa huling sinabi ni Hestia. “M-Maagaw ang trono?” tanong ko. “Iyon ay kung gusto mo lang naman. Pero sasabihin ko rin sa’yo na mas magiging madali ang lahat para sa’yo at sa inyong lahat kung ikaw ang uupong reyna ng Elysium,” dagdag pa ni Hestia. “Paano naman aayon sa’min ang lahat kung si Aika ang magiging reyna ng Elysium?” sabad ni Klein. “Magkakaroon ng immunity, hindi lang si Aika pati kayong lahat. Dahil sa oras na malaman ni Hera o ng royal family na isang demigoddess si Aika, pareho na silang hahabol sa inyo para patayin si Aika. At damay na rin kayo dahil iisipin nilang kasabwat niya kayo,” sagot ni Hestia. “Pero sa ngayon, kailangan niyo muna makumpleto ang spellbound artifacts ni Persephone para mahanap si Melinoe dahil siya lang ang makakapag-decode ng mga spells na iniwan do’n ng kanyang ina. Kaya mas mabuti na panatilihin munang lihim ang pagkatao ni Aika sa ngayon,” paliwanag pa niya. “Hindi ba pinagpipilitan ni Hera na si Melinoe ay anak ni Zeus?” sabad bigla ni Klein. “Oo. Dulot ng labis na pagseselos niya kay Persephone, sinira niya ang buhay ng pamangkin ko. At ngayon pati si Melinoe ayaw niyang tantanan hangga’t hindi niya napapatay at ilibing kasama ng mga magulang niya sa ilalim ng Mt. Olympus. Naniniwala ako kay Persephone na si Melinoe ay anak niya talaga kay Hades. Bukod kasi sa selosa si Hera ay napakamapagmataas din niya. Kaya hinding-hindi siya magpapakumbaba kahit siya ang mali,” kuwento ni Hestia. “Idagdag mo pa ang labis din na inggit na nararamdaman niya kay Persephone dahil maraming diyos ang nahuhumaling sa kanya, kasama na ang kanyang asawang si Zeus. At marami ring mortal ang natutuwa’t humahanga sa kanya dahil sa kabutihan ng kanyang kalooban,” dagdag pa niya. “Kaya naman gagawin ko ang lahat matulungan lang kayo sa misyon na ito. Iyon na lang ang magagawa ko para makamit ang hustisya sa sinapit ni Persephone.” Iyon ang huling sinabi sa amin ni Hestia bago kami nagpaalam sa kanya at tuluyang umalis ng kanyang opisina. --- Hindi na kami bumalik pa sa auditorium. Sabi nila, bukas na lang daw ulit. Pero pinag-usapan namin kanina sa study area ang mga kakantahin namin sa event. Inayos na nila ang sets ng mga kantang kakantahin para practice proper na lang bukas. Nandito ako ngayon sa labas ng greenhouse dome at nakaupo sa damuhan sa ilalim ng malaking puno habang dinadama ang simoy ng sariwang hangin at katahimikan ng paligid. Nakatanaw din ako ngayon sa central campus dahil kita ito mula rito. Hindi mawala sa isip ko lahat ng pinag-usapan namin ni Hestia kanina. Mukhang posible ngang anak ako ng isang Olympian deity, at maaaring si Zeus nga ito. Kung matapos nga naman ang misyon namin na kumpletuhin ang artifacts at mailigtas si Melinoe, hindi naman habangbuhay mapoprotektahan ko ang identity ko bilang demigoddess. Anytime puwede nilang malaman ‘yon at ipapatay ako ng royal family. At ang masama pa ro’n, madadamay din ang mga kasama ko at si Mr. Smith dahil sila ang nagtatago sa pagkatao ko. Ibig sabihin, kasabwat ko sila. Pero hindi ko rin naman gusto maging isang reyna. Ang gusto ko lang ay manirahan nang matiwasay dito sa Underworld. Bumuntonghininga ako nang malalim sabay yakap sa mga binti ko at yuko sa mga tuhod ko. Mayamaya lang ay naramdaman kong may umupo sa tabi ko. “Alam kong iniisip mo pa rin ‘yong mga sinabi kanina ni Lady Hestia.” Boses ‘yon ni Jerome. “Jerome,” tawag ko sa kanya. Pagkatapos ay inangat ko ang ulo ko. “Anong mangyayari sa’yo pag namatay ako?” tanong ko. Nang tumingin ako sa kanya ay nakadilat ang mga mata niya sa’kin. Halata mong nagulat siya sa naging tanong ko. “Ang ibig kong sabihin, kapag naputol ‘yong ugnayan natin bilang master at familiar dahil nawala ako,” dugtong ko. Umiwas siya ng tingin sa’kin bago magsalita, “Kapag nawala ka, babalik muli sa pagiging frozen heart ang puso ko.” Napaawang ang bibig ko pagkatapos ay tumango ako. “Ah, gano’n pala ‘yon.” “Makinig ka sa’kin. Hindi ko man binalak na maging familiar mo, ayaw ko pa ring mawala ka.” Natigilan ako mula sa narinig ko kay Jerome. Pakiramdam ko, bumagal ang takbo ng oras nang tumingin ako sa kanya. Tila umakyat naman ang dugo sa pisngi ko at pakiramdam ko ay uminit ito. Nakatulala lang ako sa kanya habang pinoproseso ko sa isip ko ang sinabi niya. At nang tumingin siya sa’kin ay bigla akong nakaramdam ng mga paruparo sa sikmura ko at tila umakyat ang mga ito sa puso ko na nagdulot ng mabilis na pagpintig nito. Nataranta naman ako bigla sabay iwas ng tingin hanggang sa napayuko na lang ako ulit sa mga tuhod ko. Hinahabol ko tuloy ang paghinga ko kahit hindi naman ako tumakbo. Pambihira talaga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD