Nagtatanghalian kami ngayon dito sa greenhouse dome. Pagkatapos nito, pupunta na kami sa auditorium para mag-practice ulit.
Tuwing bago ako matulog sa gabi, palaging sumasagi sa isip ko ‘yong mga sinabi nina Hestia at Zeus.
Maging isang reyna? Nagiging leader ako noon sa dati kong school. Pero alam kong ibang-iba ‘yon mula sa pagiging isang reyna ng bansa.
Pagkatapos ngayon lang din pala nalaman ng mga kasama ko ang tunay na pagkakakilanlan ni Mr. Smith. Siya talaga ay si Samael, ang saint of the dead na nagsilbi noon kay Hades bilang isa sa kanyang mga knight sa loob ng maikling panahon hanggang bago ang Unholy War.
Namatay pala siya noon sa digmaan at bilang hatol sa kanya ng Three Judges ay ni-reincarnate siya bilang isang grim reaper.
“Ano kayang problema ni Gunner?” sambit bigla ni Ryker.
“Oo nga. Kahapon pa siya ganyan mula nang sumama tayo kay Mr. Smith sa lupa,” ani Xavier.
Nagluto lang kasi si Gunner tapos bumalik na rin siya agad sa dorm. Pero sabi naman niya, tawagin na lang daw namin siya pag magpa-practice na kami. Willing pa rin naman daw siyang sumama.
“Baka masama lang pakiramdam niya?” saad naman ni Klein.
---
Nasa auditorium na ngayon ‘yong apat na lalaki. Ako na lang ang pinatawag nila kay Gunner dahil sila ang mag-aayos at magse-setup ng instruments doon.
Papunta na sana ako sa dorm pero napahinto ako nang matanaw ko si Gunner sa may damuhan at nakahiga ro’n. Kaya naman nagpasya akong lapitan siya.
“Gunner!”
Nang mapansin niya ako ay bumangon naman siya.
“Oh, Aika. May practice na ba?” tanong niya sabay tayo at pagpag sa kanyang likuran.
“Oo, nando’n na silang lahat.”
“Gunner, okay ka lang ba? Kasi parang balisa ka kahapon pa,” usisa ko.
Mukhang nabigla siya nang bahagya sa naging tanong ko. Katahimikan ang bumalot sa paligid pero mayamaya lang ay narinig ko siyang bumuntonghininga.
“May naalala lang kasi ako kahapon,” panimula niya.
“Puwede ko bang malaman kung ano ‘yon?” tanong ko.
Pagkatapos ay nagsimula na kaming maglakad.
“Noong nasa junior high kasi ako, naging apprentice ako ni Mr. Smith. Kumbaga, naging sidekick niya ako noong mga time na ‘yon. Wala pang Section X noon at hindi ko pa sila kilala. Dahil si Mr. Smith nga ay naka-assign sa earth, may nakilala akong isang mortal. Gabriella ang pangalan niya,” kuwento ni Gunner.
Tahimik lang ako na nakikinig sa kuwento ni Gunner habang naglalakad kami papuntang auditorium.
“Maraming beses na kaming nagkatagpo nang hindi niya alam dahil nililigtas ko siya mula sa mga Unholy mula sa loob ng void.”
Hindi talaga ‘yon mapapansin no’ng Gabriella dahil hindi naman nakakagalaw ang mga mortal sa loob ng void.
“Tapos isang araw, nakita ko siya sa isang bakeshop at nalaman kong empleyado siya ro’n. Simula no’n, palagi na akong napunta ro’n para bumili ng tinapay. At syempre, para makita at makilala siya nang lubusan. Hanggang sa naging close kami. Naging magkaibigan kami. At naging kami rin.”
Napataas ang kilay ko, “Talaga? Nagkaroon ka ng kasintahan na mortal?”
“Oo. Ilang buwan din ‘yon pero nang nalaman ng pamilya ko, binalaan nila ako tungkol dito. Alam mo naman siguro, ‘di ba? Hindi kami puwedeng magsama dahil sa lupa, immortal ako. Dito sa Underworld, daanan lang ito ng mga mortal pag namatay sila pero hindi sila maaaring manirahan,” kuwento pa ni Gunner.
“Alam ko naman ang tungkol sa bagay na ‘yon kaya nag-isip ako nang mabuti. Iniwan ko si Gabriella. Pero hindi ako nagpaalaam. Bigla na lang akong hindi nagpakita sa kanya.”
“Pero bakit?” tanong ko.
“Naguluhan kasi ako no’n kung paano ko ba sasabihin sa kanya na isa akong goblin kaya hindi kami puwede. Isa pa, pakiramdam ko hindi ko kaya magpaalam kay Gabriella nang harapan. Pero kahit gano’n, binabantayan ko pa rin siya mula sa malayo para lang makasiguro ako na ligtas siya palagi. Hanggang lumipas ang mga taon, may nakilala siyang ibang lalaki.”
Natahimik si Gunner sandali at pakiramdam ko masakit pa rin sa kalooban niya ang nangyaring ‘yon.
“Itinigil ko na ang pagmamasid kay Gabriella mula nang makita kong masaya naman siya sa lalaking napangasawa niya. Hanggang lumipas pa ang maraming mga taon, may kaluluwang sinundo si Mr. Smith at syempre kasama ako. Si Gabriella pala ‘yon. Namatay siya dulot ng sakit dahil sa katandaan. Kasama ako ni Gabriella hanggang sa makatawid siya sa langit.”
“At habang papunta kami no’n sa Three Judges, humingi ako ng tawad at nagpaliwanag sa kanya. Tapos ay ningitian niya ako. ‘Yong ngiti niya na paborito ko sa lahat, pagkatapos sinabi niya sa’kin na matagal na niya akong napatawad. Oo nasaktan siya nang bigla ko siyang iwan, pero hindi raw siya galit sa’kin.”
Natahimik muli si Gunner at narinig ko ang malalim niyang paghinga.
“Sabi rin niya, hindi niya ako nakalimutan. Bakit naman daw niya kakalimutan ang bagay na minsang nagpasaya sa kanya? Kaya naman bago siya no’n tuluyang tumawid papuntang langit, nangako ako sa kanya na kung mag-reincarnate kami balang-araw, hahanapin ko siya. At kapag nahanap ko siya, sana puwede na.”
Ngumiti nang bahagya si Gunner pero may bahid ng lungkot sa kanyang mga mata.
“Mahal ko si Gabriella higit pa sa iniisip niya. Minahal ko siya nang gano’n kahit sa loob lang ng maikling panahon. Halos ikadurog ko ‘yong sinapit ng relasyon namin. Pero kailangan kong kayanin.”
Kahit mukhang matagal na ‘yong nangyari, halata pa rin kay Gunner kung gaano niya minahal si Gabriella. Gano’n nga siguro kapag tunay ang pagmamahal.
“Kayo lang ni Jerome ang nakakaalam nito.”
Nagulat naman ako sa sinabi niyang ‘yon.
“Ha? Alam ni Jerome ang tungkol kay Gabriella?” tanong ko na tila hindi makapaniwala.
Natawa si Gunner sabay himas sa kanyang batok, “Oo. Aksidente kasi niya akong nasundan noon dahil may misyon kami no’n sa earth. Nasundan niya ako sa sementeryo kung saan nakalibing si Gabriella no’ng minsan kong dinalaw ang puntod niya. Kaya ayon.”
Namalayan na lang namin na nasa tapat na kami ng auditorium kaya’t pumasok na lang kami.
Pagpasok namin ay nadatnan namin ang iba naming kasama na mga nasa stage na at parang nagmi-meeting. Pagkatapos ay napatingin sa’min si Ryker.
“Oy! Andyan na pala sila!” masayang sabi nito sabay kaway ng kanyang kamay pataas.
Kaya naman napatingin na rin sa’min ang iba naming kasamahan at umakyat na kami ni Gunner sa stage at naupo sa sahig katabi nila.
“Kumusta, Gunner? Okay ka na ba?” tanong ni Ryker.
“Ah, oo. Bumuti na rin naman ang pakiramdam ko,” sagot ni Gunner.
“Mabuti naman kung gano’n. Nag-alala kami sa’yo no’ng nag-skip ka ng almusal,” sambit naman ni Xavier.
Tumawa nang bahagya si Gunner, “Pasensya na kung gano’n.”
“Dahil nandito na si Gunner, magsimula na tayo mag-practice,” ani naman ni Klein.
Pagkatapos ay tumayo na kami at nagpunta na sa kanya-kanya naming puweto sa banda.
---
Tumagal lang ng dalawang oras mahigit ang practice. Naghapunan lang kami nang kaunti pagkatapos ay lumabas na kami rito sa central campus para maglibot sa festival.
Mas makulay at masaya ang ambience kapag gabi. Narito ang makukulay na banderitas na nakasabit sa itaas, mga makukulay na ilaw, at mga stall na nagtitinda ng kung anu-ano na may mga makukulay na banners.
Nagpunta kami sa mga stalls na may palaro tapos may premyo. Naglaro si Xavier na kailangan tamaan at maitumba niya ‘yong tatlong lata ng maliit na bolang ibabato niya. Dapat tatlong magkakasunod. Dahil ang premyo ay ticket sa isang eat-all-you-can buffet.
“Yes! Nakuha ko rin! Tiba-tiba na naman ako sa pagkain!” tuwang-tuwang sabi ni Xavier habang tinititigan ‘yong ticket.
“Tingnan niyo, oh. Puwede raw ako magsama ng tatlo hanggang lima at effective itong ticket hanggang last day ng festival,” pagbasa ni Xavier sa ticket.
“Talaga? Aba ayos pala ‘yan. Diyan na tayo maghapunan kung puwede para hindi na ako magluto,” sabad naman ni Gunner.
“Sige, sige,” sagot ni Xavier.
May nadaanan naman kaming isang stall ng mga stuffed toy. Iba’t ibang uri ng animal stuffed toy pero pinakamarami ang teddy bear. Iba-iba rin ang kulay at size. Nakatingin lang ako kasi ang cute lahat ng stuffed toys na nandoon.
Bigla ko naman napansin na lumapit si Jerome doon sa stall at naglatag ng barya sa counter. Tapos ay binigyan siya no’ng lalaki ng rifle pellet g*n.
“Tatlong plato ang kailangan mong patumbahin nang magkakasunod para makuha mo ang premyo,” sambit no’ng lalaki sa stall.
Pumuwesto na si Jerome para umasinta ng plato. Sandali lang ay pinaputok na rin niya ang pellet g*n. May tinamaan na isang plato. Pagkatapos ay natumba ito at may nadali na isa pang plato. At nang malaglag ‘yong isang plato na ‘yon ay may nadali pa itong ibang plato kaya hindi lang tatlo ang platong napatumba ni Jerome—marami.
Halos malaglag naman ang panga no’ng nasa counter nang makita niya ‘yon. Hindi ko rin siya masisisi dahil kahit ako ay nagulat din.
“P-Puwede ka nang pumili ng gusto mong stuffed toy,” sambit no’ng lalaki kay Jerome.
Tumingin naman siya sa’kin, “Pumili ka na ng gusto mo.”
Nabigla naman ako dahil do’n. Nakita ba niya na nakatingin ako sa stall kanina?
“’Yong kulay pink na teddy bear na ‘yon,” sagot ko sabay turo ro’n sa tinutukoy ko.
Kinuha ‘yon no’ng lalaki at binigay kay Jerome. Pagkatapos ay inabot niya ito sa’kin. Isang medium-sized pink teddy bear.
Tinanggap ko naman ito, “Salamat.”
Pagkatapos ay nakita namin ang mga kasama namin sa isang stall. Nilapitan namin sila at nakita naming stall ito ng crepe. ‘Yong manipis na pancake na pinapalamanan ng matamis sa loob saka nirorolyo.
“Aba, nag-try din pala kayo sa mga game booth,” sambit ni Ryker nang makita niya ‘yong teddy bear na hawak niya.
“Gusto niyong bumili?” alok ni Gunner.
Pagkatapos ay tumingin ako sa menu board. May strawberry, blueberry, banana, at chocolate na pamimiliang flavors.
Marahan kong hinila ang manggas ni Jerome, “Gusto mo bang bumili niyan?”
Napaisip naman si Jerome nang bahagya bago siya sumagot.
“Gusto ko sanang subukan ‘yong chocolate.”
“Sige, bili na tayo. Manong, isang strawberry at isang chocolate nga po. Salamat,” sambit ko sa lalaking nasa counter.
“Okay. Isang strawberry at isang chocolate,” sagot nito na inulit ang order ko para kumpirmahin.
Matapos namin bumili ng crepe ay naglibot ulit kami hanggang sa maubos namin ‘yong kinakain namin. Pagkatapos ay may nadaanan kaming drinks stall. Bumili rin kami ng inumin dito at lemonade ang binili ko.
Napahinto naman kami nang biglang may tumawag sa’min.
“Aika!”
Pagkatapos ay nilingon namin sila.
“Mr. Smith. Lady Hestia.”
“Mukhang nag-e-enjoy din kayo sa festival,” nakangiting bati sa’min ni Lady Hestia.
“Opo,” sagot namin.
“Mr. Smith, bakit nandito po kayo? Wala na po ba kayong trabaho?” tanong bigla ni Ryker.
“Tapos na duty ko,” sagot nito.
Mayamaya lang ay may narinig kaming kalampag ng maliliit na bell. Napatingin kaming lahat sa grupo ng mga nilalang na parang nasa isang mini parade. Mga lalaking nakasuot ng chiton—ang sinaunang damit panlalaki sa Greece. Pagkatapos ay may mga hawak silang rosas na kulay puti at pula at winawagayway nila ito pataas.
“Ngayong araw na ipaparada ang imahe ni Melinoe,” sambit bigla ni Hestia.
Napatingin kaming lahat sa kanya nang magsalita siya.
“Kada araw ng festival, may imahe ng mahahalagang nilalang sa Underworld ang pinaparada. Unang araw ay imahe ni Rhadamanthus na siyang founder ng university, ikalawang araw ay imahe ni Styx bilang unang reyna ng Elysium matapos ang Unholy War, ikatlong araw ay imahe naman ni Zagreus. Sa ikaapat na araw naman ay imahe ni Melinoe, sa ikalimang araw naman ay imahe ni Oceanus, ang Titan god na ama ni Styx, sa ikaanim na araw ay imahe naman ni Persephone, at sa huli at ikapitong araw ay imahe naman ni Hades,” paliwanag pa ni Hestia.
“Kumusta naman pala ang pagpa-practice niyo?” tanong naman ni Mr. Smith.
“Maayos naman po, Sir,” sagot namin.
Mayamaya lang ay lumabas na ang nasa ten-feet na imahe ni Melinoe na nakasakay sa isang float na merong kumpulan ng mga rosas na puti at pula. Mukhang gawa rin sa ginto ang imahe niya.
“Bakit gano’n ‘yong mukha ni Melinoe? May suot siyang masquerade mask?” pagtataka ko nang mapansin kong ang imahe niya ay walang mga mata, bagkus ay half mask ang nakaukit dito.
“Mula kasi nang paghinalaan ni Hera si Melinoe na anak ni Zeus, itinago siya ni Persephone at pinagsusuot niya ito ng half mask kapag ito’y lalabas. Wala pa talagang nakakakita ng mukha niya. Kahit ako. Si Persephone, Hades, at Zagreus lang ay may alam ng hitsura niya,” paliwanag ni Hestia.
Nakatingala lang ako sa higanteng imahe na ‘yon ni Melinoe na pinaparada dito ngayon sa festival. Lahat ng atensyon ng mga nilalang dito ay naroon sa parade.
Pero bigla na lang nangilabot ang katawan ko nang may dumaan sa tabi ko. Sinundan ko ito ng tingin at ayon sa pangangatawan at taas nito, mukhang lalaki ito. Nakasuot siya ng cloak na kulay puti at mabilis din siyang maglakad kaya’t hindi ko na nakita pa ang hitsura niya.