Mabilis lang dumaan ang mga araw at huling araw na ng festival. Pagkatapos nito, itutuloy na namin ‘yong naudlot naming paglalakbay para hanapin ang spellbound artifacts pang natitira.
Nandito kami ngayon sa backstage ng stage sa coliseum kasama ang iba pang performer. Nakaupo ako ngayon dito sa sulok at nakatunganga sa mesa. Kahit maingay sa labas at aligaga ang ibang nilalang na nandito, parang wala akong naririnig.
Hindi kasi mawala sa isip ko ‘yong nakasalubong ko no’ng isang araw kung bakit gano’n ang naramdaman ko nang dumaan siya sa tabi ko.
“Sino kaya ‘yon?” bulong ko sa sarili ko.
“Aika!”
Natinag ako nang may biglang tumawag sa’kin. Paglingon ko ay mga kasama ko pala. May mga dala silang basket. At nang makalapit na sila rito sa table ko ay nilapag nila ang tatlong basket na dala nila at inilabas isa-isa ang mga laman nito.
“Ang dami namang pagkain niyan!” pagkabigla ko.
“Matagal-tagal pa tayo dahil maraming magpe-perform ngayong last day ng festival. Kaya magtatagal pa tayo rito sa backstage,” sagot ni Ryker.
“Kahit na. Ang dami pa rin nito. Pakakainin niyo ba ang lahat ng nandito sa backstage?” ani ko.
“Hmm, puwede naman. May mga ginawa akong sandwich na nandito sa isang basket. Puwede natin silang bigyan,” sambit naman ni Gunner.
“Sigurado ka? Baka kulangin tayo pag namigay ka,” sabad naman ni Xavier.
“Grabeng katakawan mo. Ang dami nating pagkain na dala. Tapos may iba pang natira na ini-stock natin sa kusina kanina bago tayo umalis!” saway naman sa kanya ni Ryker.
Napanguso naman si Xavier sabay iwas ng tingin.
“Gusto niyo ba ng sandwich? Heto oh,” alok ni Gunner sa mga katabi naming grupo na magpe-perform din.
Mukhang natuwa naman sila at tumanggap sila ng tag-iisang sandwich mula kay Gunner at nagpasalamat sa kanya.
“Kumain na tayo para mamaya pag malapit na ang turn natin, mag-aayos na lang tayo,” sambit naman ni Klein sabay upo sa isang bakanteng upuan at kinuha niya ‘yong metal thermos niya na siguradong kape ang laman.
Umupo na rin ang mga kasama ko rito sa mesa namin at nagsimulang kumain. Tamang-tama, kanina pa naman kami naghapunan bago kami umalis sa greenhouse. Medyo nagugutom na rin ako.
“Aba, mukhang may picnic yata kayo rito?”
Napatingin kami sa biglang nagsalita.
“Oh, Mr. Smith.”
“Kain po,” alok namin.
“Ah, sige,” sagot naman niya at kumuha na rin siya ng pagkain sa mga nakahain sa mesa sabay upo.
“Bakit po kayo nandito? Wala po ba kayong duty ngayon?” usisa bigla ni Ryker.
“Meron. Pero check ko muna kayo bago ako tumaas sa earth,” sagot ni Mr. Smith.
“Palagi niyo po ba talagang kasama si Lady Hestia?” tanong pa ni Ryker.
Napaisip sandali si Mr. Smith bago sumagot.
“Mula nang pumasok ako rito sa university, si Lady Hestia ang una kong naging kaibigan. At palagi kaming magkasama sa mga research at projects. Kaya naman pinagkakatiwalaan na rin namin ang isa’t isa.”
Matapos mai-reincarnate ni Mr. Smith bilang grim reaper, pinapasok na siya agad sa Underworld Agency. At kalaunan ay pinagtrabaho na rin siya sa Underworld University bilang staff at instructor.
“Ah, may gusto po ba kayo sa kanya?”
Nasamid naman bigla si Mr. Smith sa tinuran ni Ryker. Inabutan naman siya ni Gunner ng isang bote ng tubig at ininom niya ito agad.
“Ano bang klaseng tanong ‘yan, Ryker?” inis na tanong nito.
Ngumiti nang nakakaloko si Ryker, “Eh, hindi niyo sinagot ang tanong ko, Mr. Smith.”
“Hindi maaari. Hindi lang basta diyosa si Hestia. Kundi isa siyang Olympian goddess. At isa lang akong hamak na grim reaper,” sagot ni Mr. Smith.
“Eh, pa-sad boy ka naman, Mr. Smith,” pang-aasar ni Ryker.
“Puwede ba, Nikolaev? Huwag mo ‘kong idamay sa malisyoso mong pag-iisip,” inis na tugon naman ni Mr. Smith.
Ngumisi lang si Ryker na tila nang-aasar.
“Teka, anong ibig sabihin ng pa-sad boy?” usisa bigla ni Mr. Smith.
Natahimik kaming lahat sabay tingin kay Ryker.
“Napulot ko lang ‘yon sa mga mortal noong gumagawa pa kami ng misyon doon,” sagot ni Ryker sabay kibit-balikat.
Tumayo na si Mr. Smith, “Oh, pa’no. Aalis na ako. Baka makabalik din ako mamaya para panoorin kayo. Galingan niyo.”
Pagkatapos ay kinawayan namin siya bago siya tuluyang umalis.
“Section X, three performers to go, kayo na. Mag-ready na kayo.”
Napatingin kami sa biglang nagsalita. Si Ms. Rickets pala.
“Sige po, Ms. Rickets,” sagot namin.
Pagkatapos ay tinanguan niya kami bago siya tuluyang umalis para i-check ang ibang performer.
“Magbihis na tayo sa dressing room,” aya ni Klein.
“Ngayon na? Pero ‘di pa ako tapos kumain,” saad naman ni Xavier.
“Xavier, sa dami na ng nakain mo, hindi ka pa rin kuntento? Tara na!” inis na sambit naman ni Ryker.
May binigay naman sa’king isang paperbag si Klein.
“’Yan ang isusuot mo. Magbihis ka na sa girls’ dressing room,” utos niya.
Tumayo ako sabay sinakbit ang messenger bag ko. Pagkatapos ay umalis na ako at nagpunta sa bandang kaliwa ng stage. Pagpasok ko ro’n ay nagtipon ang mga babaeng performer na mga nagbibihis at nag-aayos.
Nang makahanap ako ng bakanteng vanity mirror ay agad akong pumunta ro’n at pinatong ko rito ang bag ko at ‘yong paperbag.
Nilabas ko muna ang mga damit sa loob ng paperbag. Isang itim na leather jacket, red sleeveless top, at fitted black ripped jeans na may kasamang itim na punk leather belt.
Sinuot ko muna ang mga ‘to pagkatapos ay umupo ako sa harap ng salamin at nilabas ang makeup pouch ko mula sa bag at naglagay ako ng makeup kahit papaano.
Naglagay lang ako ng face powder, eyeshadow, eyeliner at false lashes na hindi ganoon kakapal at kahaba, at lipstick na dark pink. Pagkatapos no’n ay lumabas na ako sa dressing room.
Pagbalik ko sa table namin ay nando’n na si Gunner at nag-iimis ng pinagkainan namin sa table. Nakabihis na rin naman siya kaya okay lang.
Naka-white shirt siya na pinatungan ng itim na leather vest. Skinny pants na itim, leather boots, at itim na cowboy hat. Habang ang blonde niyang buhok ay naka-man bun.
“Gunner, bakit ikaw pa lang? Nasaan sila?” tanong ko.
Lumingon siya sa’kin, “Oh, Aika. Mabuti’t nandito ka na. Binilisan ko talaga magbihis dahil lilinisin ko pa ‘tong table natin at aayusan pa kita ng buhok. Samantalang ‘yong apat nagkakagulo pa ro’n sa dressing room,” sagot niya sabay tawa nang bahagya.
“Aayusan mo ‘ko ng buhok?” tanong ko.
Tumango naman si Gunner, “Maupo ka na diyan para masimulan ko na.”
Sinunod ko naman ang sinabi ni Gunner. Pagkatapos ay nakita kong may nilabas siya sa bag niya. Isang hair iron at isang hair curler. Sinaksak niya ito sa outlet na katabi namin at pumunta siya sa likuran ko.
“Iwe-wave lang natin nang kaunti ang buhok mo. Masyado kasing tuwid ang buhok mo. Hindi gaanong bagay sa porma mo ngayon,” aniya habang ginagalaw ang buhok ko.
“Huwag kang malikot ah,” bilin niya matapos kunin ang hair iron.
Tahimik na lang kami habang inaayos ni Gunner ang buhok ko. Mayamaya lang ay may naisip akong itanong sa kanya.
“Gunner, may itatanong ako sa’yo. Pero sana ‘wag kang mao-offend.”
Tumawa siya nang bahagya, “At ano naman ‘yon?”
“Bakit lahat ng gawain na kalimitan ay ginagawa ng babae ay alam mo? Gaya ng pagluluto, paglilinis, pananahi, pati pag-aayos ng buhok?”
“Ah, ‘yon ba? Lumaki kasi ako na mama ko lang ang kasama ko. Saka naging babysitter din ako ng dalawa kong pinsan na babae bago pa ako pumasok dito sa university,” aniya.
Napataas ang mga kilay ko, “Wow, gano’n ba? Nasaan naman ang papa mo?”
Naramdaman kong huminto si Gunner. Nakaramdam na agad ako ng pagkailang kaya nilihis ko ang usapan.
“Ah, pasensya na,” sambit ko.
“Ayos lang. Matagal nang wala ang papa ko. Pinagbubuntis pa lang ako ni Mama nang mamatay siya. Nagkaroon kasi ng Unholy Attack sa lugar namin noon. Dapat nga patay na rin kami noon ni Mama dahil nangyari ‘yon noong nasa tiyan pa lang niya ako. Pero may nangyaring himala. Ilang oras pagkatapos ideklara na patay na si Mama, kasama ako na nasa sinapupunan niya, bigla kaming nabuhay.”
Napaawang ang bibig ko, “Talaga? Paano nangyari ‘yon?”
“Nang dalhin ang bangkay ni Mama sa bahay, umalis ang Abu at Ada ko upang ipagdasal kami ni Mama sa isang shrine. Ang shrine na ‘yon ay kay Melinoe. Ilang oras pagkatapos nilang umuwi galing do’n, nabuhay muli si Mama, at ako rin na nasa sinapupunan niya,” kuwento ni Gunner.
Halos hindi ako makaimik dahil sa nalaman ko tungkol sa pamilya ni Gunner.
“Si Melinoe ang diyosa ng mga patay at espirito. At masaya kami na pinagbigyan niya ang dasal ng Abu at Ada. Kaya naman, handa kong gawin ang lahat para mahanap lahat ng artifacts at mailigtas si Melinoe dahil utang namin sa kanya ang buhay namin ngayon ng mama ko,” kuwento pa niya.
“Saan niyo natagpuan ang shrine ni Melinoe?” usisa ko.
“Lahat ng Ground sa buong Elysium ay may maliit na shrine si Melinoe. Isa bawat Ground at makikita lang ‘yon sa gitna ng isang kagubatan o kaya naman sa loob ng isang nakatagong kuweba,” sagot ni Gunner.
“Okay na kami!”
Napatingin kami ni Gunner sa biglang sumigaw na ‘yon. Nakita naming si Ryker pala ‘yon kasama ang tatlo pa naming kaklase at papalapit sila rito.
“Hay, natapos din!” ani Ryker sabay upo sa isa sa mga bakanteng upuan.
Suot ni Ryker ay itim na sando na pinatungan niya ng itim na leather vest. Tapos ay nag-gloves din siya na gawa sa leather.
“Paano? Ang tagal-tagal mo mag-ayos. Naunahan ka pa ni Aika kahit siya ‘yong babae,” sermon naman ni Xavier.
Si Xavier naman ay naka-black and white na long sleeve shirt. Tapos nagsuot lang siya ng ilang kolorete sa katawan gaya ng itim na kuwintas at leather buckle bracelets.
“Syempre, kailangan kong magpapogi sa mga fans ko,” katwiran ni Ryker.
“Anong fans? Ikaw lang nag-iisip na may fans ka,” kontra naman ni Xavier.
“Tama na ‘yan. Mayamaya lang tatawagin na tayo,” saway naman sa kanila ni Klein.
Si Klein naman ay simpleng black shirt lang at may kolorete rin sa katawan na gaya ni Xavier.
“Oh ayan, Aika. Tapos na ‘yong buhok mo,” sambit bigla ni Gunner.
Matapos ‘yon sabihin ni Gunner ay kinuha ko agad ang salamin para tingnan ang sarili ko. Naka-wave nga ang bandang dulo ng buhok ko. Ini-spray-an niya rin ito nang kaunting hair spray para raw hindi magulo agad.
Napaawang naman ang bibig ko habang tinitingnan ang sarili ko sa salamin.
“Wow, ang galing. Salamat, Gunner,” mangha kong sambit.
“Walang anuman,” sagot niya tapos ay inayos na niya ang mga hair iron niya.
Pagpatong ko naman ng salamin sa mesa ay nabigla ako nang maramdaman kong parang may humawak sa buhok ko. Paglingon ko ay nandilat ang mga mata ko nang makita kong si Jerome ‘yon.
Nakaupo siya sa tabi ko habang nakatingin sa’kin at nakapalumbaba sa mesa. Tila nilalaro niya ang dulo ng buhok ko gamit ang daliri niya.
“B-Bakit?” tanong ko. Pakiramdam ko naiilang ako na hindi maintindihan.
All black ngayon si Jerome. Naka-black shirt na pinatungan ng black leather jacket. Lahat silang lalaki ay mga naka-skinny pants na itim at leather boots.
Tinanggal niya bigla ang kamay niya sabay iwas ng tingin, pagkatapos ay umayos siya ng upo.
“Bagay sa’yo,” sambit niya.
Natigilan ako mula sa sinabi niya kaya’t hindi ako nakaimik. Nakaramdam din ako ng pag-init ng pisngi.
“Section X, ready na ba kayo?” tanong sa’min ni Ms. Ricket nang bigla siyang lumapit sa’min.
“Opo, Miss,” sagot namin.
“Good. You will be called in five minutes,” bilin niya.
Pagkatapos no’n ay lumabas muli si Ms. Rickets sa stage.
Hindi ako nakakaramdam ng kaba mula no’ng practice hanggang kanina. Pero matapos ‘yong sabihin ni Ms. Rickets, tila naging tambol ang t***k ng puso ko. Naramdaman ko rin ang panlalamig bigla ng mga kamay ko kaya’t pinagkiskis ko ang mga ‘to para uminit. Huminga rin ako nang malalim mula sa bibig.
“And for tonight’s last performer, give it up for Section X!”
Pakiramdam ko huminto nang ilang segundo ang puso ko nang marinig kong tinawag na kami ng MC sa stage.
“Let’s go!” sambit bigla ni Ryker na may halong excitement.