Nang makaharap ni Mr. Smith ‘yong lalaking nakasalubong namin na may kuryente rin sa kamay ay tumawag siya ng isang kasamahan.
May dumating na isang babaeng grim reaper na nagngangalang Eriphyle. Siya ang pinakiusapan nito na maghatid kay Faye papuntang kabilang-buhay dahil may mahalaga raw siyang gagawin.
At matapos umalis nina Eriphyle at Faye ay nilapitan ni Mr. Smith ‘yong lalaking nakasalubong ko.
“Isa kang Olympian deity, hindi ba?” tanong ni Mr. Smith sa lalaki.
Mukhang nagulat naman siya sa tanong nito.
“Mga taga Underworld kayo, hindi ba? At ikaw ay isang grim reaper,” sambit naman no’ng lalaki.
Tinitigan pa siyang mabuti ni Mr. Smith.
“Lord Zeus?”
Nabigla kaming lahat sa tinanong ni Mr. Smith sa lalaki.
“Ikaw naman si Samael, tama?” sambit naman no’ng lalaki.
Hindi naman nakaimik si Mr. Smith sa sinabi no’ng lalaki na mukhang si Zeus daw.
Tinawag niyang Samael si Mr. Smith? At siya si Zeus na diyos ng Olympus ay nandito sa lupa?
“Sumama kayo sa’kin,” aya no’ng lalaki kay Mr. Smith. Pagkatapos ay tumingin siya sa’kin.
“At marami tayong dapat pag-usapan,” patuloy niya.
---
Pinatuloy kami ni Zeus sa kanyang tinutuluyan na isang condominium. At sa hitura at laki pa lang nito, halata mo nang milyon ang halaga nito. Pinapaupo niya kami sa sofa niya sa living room.
Hinubad niya ang coat niyang suot at sinampay sa sandalan ng sofa pagkatapos ay naupo ito sa harap namin.
“Anong ginagawa niyo rito, Lord Zeus? Akala ng lahat patay ka na,” sambit ni Mr. Smith.
“Siya nga si Zeus na diyos ng mga diyos at kapatid ni Hades?” tanong ni Ryker na tila hindi naman makapaniwala.
“Ano pa nga ba? Malamang nagtatago ako sa bagsik ni Hera,” sagot niya.
“Hindi niyo po ba kayang pigilan ang asawa niyo? Hindi ba mas malakas kayo kaysa sa kanya?” tanong bigla ni Ryker.
Pinandilatan naman namin siya ng mata at sinenyasan na tumahimik.
Bumuntonghininga si Zeus, “Simula nang sinakop ni Hera ang Olympus at naupong ruler nito ay nagsimula na kaming magkawatak-watak. Wala na rin akong balita sa ibang diyos ng Olympus bukod sa namatay na si Hades kasama ng asawa niyang si Persephone. Si Poseidon lang ang kasama kong tumakas ng Olympus.”
“Nagsimula kasi ang lahat sa tangka mong pang-aagaw kay Persephone mula kay Hades. Anak mo ba talaga si Melinoe, Lord Zeus?” tanong ni Mr. Smith.
“Hindi ako sigurado,” sagot nito.
“Paanong hindi kayo sigurado?”
“Sa pagkakaalala ko kasi, buntis na si Persephone bago pa ako magpanggap na si Hades at sipingan siya. Kung pinipilit nga ni Persephone na anak nila ni Hades si Melinoe, malamang totoo ‘yon,” paliwanag nito.
“Bakit hindi ka bumalik ng Olympus at kausapin si Hera? Baka sakaling matigil na ang lahat ng ‘to,” pakiusap ni Mr. Smith.
“Samael, hindi ganoon kadali ‘yon. Sa dami ng kasalanan ko kay Hera na nagkaanak ako sa ibang diyosa at sa ibang mortal, sa tingin mo makikinig at maniniwala pa siya sa’kin? Nabulag na siya ng labis na poot at inggit. Wala nang makakapigil sa kanya,” saad ni Zeus na ani mo’y bigo.
“Ikaw, batang babae.”
Napatingin ako sa kanya nang mapansin kong ako ang tinutukoy niya.
“Isa ka bang demigoddess?” tanong niya sa’kin.
“Iyan, isa pa ‘yan. Siya si Aika, at isa siyang demigoddess. Anak mo ba siya?” ani Mr. Smith.
Napahilamos si Zeus gamit ang kanyang palad.
“Ilang taon ka na, Aika?” tanong niya.
“Seventeen po,” sagot ko.
“Seventeen. Batang-bata pa. Pero hindi ko na rin maalala kung may nabuntis ba akong mortal seventeen years ago. Pero oo aaminin ko, marami nga akong mortal na nakarelasyon mula nang manirahan ako rito sa Earth,” ani Zeus.
“Anak nga ba kita?” tanong niya habang nakatingin sa’kin.
“Isa sa mga demigod na anak ni Zeus ay ang dalawa sa three judges of Underworld. Sina Minos at Rhadamanthus. Anak niya ang mga ‘to mula sa prinsesa ng Phoenicia na si Europa,” bulong sa’min ni Klein na kinagulat ko naman.
“Kung anak nga kita, may karapatan kang umupo sa trono ng Elysium,” sambit ni Zeus.
“Iyan din ang sinabi sa kanya ni Hestia,” ani naman ni Mr. Smith.
“Nakilala na niya si Hestia? Nasaan na siya ngayon? Kumusta na siya?” usisa ni Zeus.
“Nasa maayos na kalagayan naman si Lady Hestia. Nasa Underworld University siya ngayon bilang head ng council,” sagot ni Mr. Smith.
“Hmm, mukhang matagumpay nga itong school na tinayo ng anak kong si Rhadamanthus,” ani Zeus.
“Si Rhadamanthus ang founder ng university?” pabulong kong tanong.
Pagkatapos ay sabay-sabay na tumango ang mga kaklase ko bilang sagot.
“Sina Melinoe at Zagreus? Kumusta sila?” tanong ni Zeus.
Natahimik sandali si Mr. Smith bago sumagot.
“Hindi pa nakikita ang magkapatid. Malamang nagtatago ang mga ‘yon mula kay Hera. At ang misyon namin ngayon ay hanapin si Melinoe gamit ang mga spellbound artifacts,” sagot ni Mr. Smith.
Napakunot ang noo ni Zeus, “Spellbound artifacts?”
Tumango si Mr. Smith, “Oo. Mga kagamitan ‘yon ni Persephone na iniwanan niya ng spells para maging clue kung paano mapupuksa ang mga Unholy nang permanente at ito rin ang makakapagturo kung nasaan si Melinoe dahil siya lang ang makakapag-decode ng clues.”
“Nagawa pa ‘yon ni Persephone bago siya mawala. Talagang matalino ang asawa ni Hades,” komento ni Zeus.
“Balita ko, ‘yong mga Unholy na ginagawa ni Hera ay nagmula kay Tartarus. Kumukuha ng mga kaluluwa si Hera sa Impyerno para gawing Unholy.”
Nandilat ang mga mata ni Mr. Smith nang sabihin ‘yon ni Zeus.
“Galing kay Tartarus? Pero bakit?” tanong ni Mr. Smith na tila hindi makapaniwala.
“Hindi ako sigurado kung bakit pumayag si Tartarus. Pero ‘yon lang ang alam ko,” sagot ni Zeus.
“Pero kung anak ko nga ang batang ito, ingatan niyo siya nang mabuti. Delikado ang sitwasyon para sa kanya. Hindi lang si Hera ang makakatapat niya. Pati na rin ang buong lahi ni Oceanus,” babala ni Zeus.
“Wala bang ibang paraan para malaman kung anak niyo nga si Aika?” tanong ni Ryker.
“Ang tanging paraan lang ay ang gisingin niya ang kapangyarihan niya bilang isang Olympian demigoddess. Sa gano’ng paraan, malalaman niya kung sinong deity ang magulang niya,” sagot ni Zeus.
“Pero paano?” tanong ko.
“Hindi ko alam. Kasi kanya-kanyang paraan talaga ang paggising sa kapangyarihan ng isang deity, Aika,” sagot ni Zeus.
Pagkatapos namin makipag-usap kay Zeus ay nangako kaming lahat na ililihim namin na nakita namin siya sa lugar na ‘to.
Nakaalis na kami ngayon sa condo ni Zeus at naglalakad kami ngayon sa tabing-kalsada.
“Saan na po tayo pupunta ngayon, Mr. Smith?” usisa namin.
“Pupunta tayong Impyerno,” sagot niya.
“Joke ba ‘yan, Mr. Smith?” tanong ni Ryker.
“Kakausapin natin si Tartarus,” ani naman ni Mr. Smith.
Kinagulat naman namin ang sinabi niyang ‘yon.
“Ano? Pupunta talaga tayo ro’n?” tanong ni Ryker na tila hindi makapaniwala.
---
Paglusot namin sa Gate of Earth ay parang nahulog kami sa isang madilim na kawalan. Pakiramdam namin habang nahuhulog ay ang bagal ng oras kahit pa sandali lang naman talaga ‘yon.
Pagkatapos ay nadatnan na lang namin na nasa gilid na kami ng isang mataas na bangin. Sa sobrang taas ay hindi mo na makita ang nasa ibaba. Pero nakakarinig kami ng lagaslas ng tubig mula rito sa itaas.
Sabi ni Mr. Smith, Phlegethon River daw ang nasa ibaba ng bangin. Sobrang init daw ng tubig nito na parang gawa sa asido kaya instant death kapag nahulog ka diyan.
“Nandito na tayo,” sambit ni Mr. Smith.
Tinitingala namin ngayon ang higanteng itim na gate na gawa sa makapal na bakal. Bakas ang kaba sa’ming magkakaklase dahil may mga naririning din kaming mahihinang echo na parang sumisigaw na humihingi ng tulong. Nakakakilabot sa lugar na ‘to.
Hinawakan ni Mr. Smith ‘yong bilog na bakal sa gate at kumatok gamit ‘yon.
“Ako ito, si Samael. At kasama ko sa mga estudyante ko na mula sa Underworld University. Nais naming makausap si Lord Tartarus,” maotoridad na sigaw ni Mr. Smith.
Kinagulat naman namin ang biglang pagbukas ng gate at may lumabas mula rito. Halos lumuwa ang mga mata namin nang makitang may susugod sa’ming higanteng aso na may tatlong ulo!
Kulay itim ito na kulay pula ang mga mata at may kadena sa leeg. Papalapit na ito sa’min at hindi namin alam ang gagawin!
“Cerberus!” sigaw dito ni Mr. Smith pero parang wala itong narinig.
Nang malapit na ito sa’kin ay parang lalabas na ang puso ko mula sa aking dibdib kaya’t nablangko ang utak ko. Wala na tuloy akong nagawa kaya napapikit na lang ako sabay harang gamit ang palad ko.
“Aika!” sigaw ni Jerome.
Pero nagtaka ako nang wala akong naramdaman kaya’t dahan-dahan kong minulat ang mga mata ko at nakita ko na parang umamo ‘yong asong halimaw na may tatlong ulo.
Nakaupo ito ngayon sa harap ko at inaamoy-amoy lang ang kamay ko. Kaya naman nagulat ako na naguluhan.
“Napaamo mo si Cerberus, Aika,” sambit ni Mr. Smith.
Nagmistulang tuta ang halimaw na si Cerberus na tila gustong makipaglaro. Nagpapaikot-ikot ito habang nakawag ang kanyang tatlong buntot.
Dahan-dahan kong nilapat ang kamay ko sa noo ni Cerberus. At nang haplusin ko ito ay bumakas ang tuwa sa tatlong mukha nito.
“Ayos ah. Napaamo mo ang Guardian Beast of Hell,” manghang sambit naman ni Klein.
“Samael!”
Natuon ang atensyon namin sa biglang nagsalita.
Isang lalaki na kasingtangkad din ni Zeus. Payat ang kanyang katawan at kayumanggi ang kanyang balat. Itim ang bagsak nitong buhok, kulay pula ang kanyang mga mata, at may mga piercing ito sa tenga. Puno rin ng tattoo ang kanyang katawan at meron din siyang sungay sa kanyang noo.
“Tartarus.”
Napataas ang mga kilay namin nang tawagin siya ni Mr. Smith. Siya na pala si Tartarus? Akala namin isa siyang literal na halimaw. Normal nga lang din ang suot niya dahil nakaputing polo lang siya at nakaitim na slacks.
“Oh, mabuti’t napaamo mo na si Cerberus?” sambit nito sabay lapit sa halimaw na aso at hinimas-himas ito sa katawan.
“Ah hindi. Si Aika ang nagpaamo kay Cerberus,” tugon ni Mr. Smith.
Napatingin naman sa’kin si Tartarus at nilapitan ako.
Mayamaya’y dahan-dahan niyang dinutdot ang kamay ko at nagulat siya nang ma-ground siya mula rito.
Napakunot naman ang noo ko, “Paano? Hindi ka naman Olympian deity, hindi ba?”
“Pumasok muna tayo sa loob,” aya ni Tartarus sabay kuha niya ng kadena ni Cerberus at nauna silang pumasok sa loob at sumunod lang kami.
Nang makapasok na kaming lahat ay kusang nagsara ang gate.
Malawak na palace court room lang ito at naroon ang trono ni Tartarus sa stage na nasa unahan. Kulay itim at pula ang paligid. Ang sahig ay checkered na red at black. May mga poste rin sa tabi-tabi na may apoy sa ibabaw.
“Hindi ako isang Olympian deity pero ako ay isang Titan god,” panimula ni Tartarus matapos niyang umupo sa trono niya at umupo naman sa tabi nito si Cerberus.
“At alam niyo naman siguro na sa aming Titan gods nanggaling ang mga Olympian deities, ‘di ba,” dagdag pa niya.
“Teka, nasaan ang Impyerno?” usisa bigla ni Ryker habang nililibot ang kanyang panigin.
Ngumisi si Tartarus, “Gusto mong malaman?”
Pinitik ni Tartarus ang kanyang daliri at may biglang bumukas na isang pinto sa bandang sahig na kaharap lang ng kanyang trono.
Pagbukas no’n ay biglang sumalubong ang napakainit na hangin at may naririnig kaming mga nakakakilabot na sigaw na parang mga dumadaing sa sakit at humihingi ng tulong.
Halos matulala kami sa aming kinatatayuan at nangilabot ang buong katawan ko.
Pagkatapos ay bigla na itong nagsara.
“Ayan. Naroon ang Impyerno,” sambit ni Tartarus.
“Doon napupunta ang mga kaluluwa ng lahat ng pinakamakasalanang nilalang sa lupa man o dito sa Underworld na hinatulang guilty ng Three Judges of Underworld.” Pagkatapos ay pinasadahan niya kami ng tingin isa-isa.
“Isang goblin, isang merman, isang demon fox, isang werewolf, at isang vampire. May mga kauri na kayo na nakasalamuha ko na napunta diyan sa ibaba. At alam niyo kung alin sa mga lahi niyo ang pinakamaraming napunta ro’n?” aniya tapos ay ngumisi si Tartarus.
“Vampires,” patuloy niya.
Mukhang nabigla nang bahagya si Jerome pero nawala rin kaagad ang emosyon sa kanyang mukha at napayuko na lang siya.
“Tartarus,” saway sa kanya bigla ni Mr. Smith.
“Ah, pasensya na. Ano nga pa lang sadya niyo rito? Lalo ka na, Samael. Napakatagal na nang huli mo kong dinalaw,” sambit ni Tartarus.
“Napag-alaman kong sa’yo galing ang mga Unholy na ginagawa ni Hera. Totoo ba?”
Natigilan si Tartarus at mukhang nabigla siya sa naging tanong ni Mr. Smith.
“Saan mo naman nalaman—”
“Hindi na importante. Pero, totoo ba?” tanong pa ni Mr. Smith.
Napabuntonghininga nang malalim si Tartarus sabay sapo sa kanyang noo.
“Totoo. Pero napilitan lang ako, Samael.”
“Paanong napilitan? Tartarus, kasabwat ka ni Hera sa pagpapalaganap ng kasamaan. Tagaparusa ka ng masasama at hindi tagahasik ng lagim,” punto ni Mr. Smith.
“Si Hera ay nakipagsabwatan sa kapatid kong si Cronus. Si Cronus ay isang Titan god at ama nina Zeus, Poseidon, at Hades. Dahil si Cronus ay may poot sa kanyang mga anak, nakipagsabwatan siya kay Hera bilang paghihiganti laban sa kanila. At kapag tumanggi ako sa kanila, sasakupin nila itong munti kong kaharian. Tapos ano? Magiging alipin ako ni Hera o kaya’y isang bihag? Ayaw ko, Samael!” paliwanag ni Tartarus.
Huminga nang malalim si Tartarus bago siya magsalita ulit.
“Balita ko hinahanap niyo ang spellbound artifacts ni Persephone. Pakiusap, bilisan niyo na. Pagod na akong magpanggap kay Hera. Kaya nga ako sumama kay Hades dito sa ibaba dahil gusto ko ng solo at tahimik na buhay.”
Bigla tuloy akong napaisip. Hindi lang pala ‘yong third theory ng origin ng Unholy ang totoo. Kundi lahat pala.