Ilang oras na rin kaming naglalakad. Kapag nakakaramdam kami ng pagod, humihinto kami sandali, iinom ng tubig, magpapahinga, tapos lakad ulit.
Wala kaming oras na dapat sayangin. Dapat makuha na namin ang susunod na artifact na mukhang nasa tuktok ng bundok na 'to. At dahil nga may snow storm dito tuwing gabi, kailangan tapos na ang misyon namin bago lumubog ang araw.
"Malapit na ba tayo?" tanong ni Ryker habang hinihingal.
"Oo. Malapit-lapit na tayo," sagot naman ni Klein habang nakatingin sa mapa.
"Hay nako. Kanina mo pa sinasabi 'yan eh. Ano ba talaga?" reklamo pa ni Ryker.
"Totoo na nga 'to. Malapit na tayo," kumbinsi naman ni Klein.
"Ang maganda lang sa pag-akyat nating 'to ng bundok, pinagpapawisan na tayo kahit papaano. Kasi kahit balot na balot tayo ng winter jacket, malamig pa rin," sambit naman ni Xavier.
Totoo 'yong sinabi ni Xavier. Tama lang ang init na nararamdaman ko habang naka-winter jacket pero hindi ako pinagpapawisan. Ngayon lang habang umaakyat kami ng bundok.
"Dapat lang na malapit na tayo dahil papalubog na ang araw," sabad naman ni Gunner.
Tumingala naman ako sa langit at napansin ko ang kulay orange nang kulay nito.
Napahinto naman kami nang bigla na lang kaming nakaramdam ng pagyanig ng lupa. At mukhang hindi ito lindol.
"Mukhang nandito nga talaga ang artifact," sambit ni Klein.
Lumitaw na lang bigla ang mga Unholy at naglalakad sila ngayon papalapit sa'min. at napapaligiran na rin nila kami.
"Pero wala na tayong oras para rito. Papalubog na ang araw," reklamo ni Ryker.
"Wala naman tayong magagawa. Kapag hindi tayo lumaban, tayo ang tatapusin nila," sagot ni Xavier.
"Ganito. Tutal, si Aika naman ang may kakayahang makaramdam kung nasaan ang artifact sa isang lugar, sila na lang ni Jerome ang mauna ro'n sa tuktok para hanapin ang artifact. Tayo na lang ang bahala rito," saad ni Klein ng plano.
"Mukhang gano'n na nga. Tara na," sambit bigla ni Jerome sabay aya niya sa'king umalis.
Nagmadali naman kami sa pag-alis. Mabilis na lakad ang ginawa namin hangga't sa tumakbo na rin kami. Nilingon ko sila sandali at nakita kong nakikipaglaban na sila sa mga Unholy na 'yon.
Malayo-layo na kami ni Jerome nang bigla kong maramdaman ang pagbigat ng mga hakbang ko hudyat na matarik ang daang tinatahak namin.
At dahil matarik ang daan, bigla tuloy bumigat ang aking paghinga. Hinahabol ko tuloy ang hininga ko habang naglalakad kami. Sumasakit na rin ang mga paa't binti ko na halos gustuhin ko nang gumapang na lang sa lupa.
Habang tumatagal ay lalong bumibigat ang paghinga ko dahil parang tumatarik lalo ang daan. Humihinga na tuloy ako ngayon gamit ang bibig ko. Napatingin naman ako sandali kay Jerome at mukhang ganoon din siya pero hindi lang niya pinapahalata.
"G-Gusto ko nang magpahinga," sambit ko habang hinahabol ang paghinga.
Hindi naman ako inimik ni Jerome at patuloy lang kami sa paglalakad kahit sobrang nakakapagod na.
"Aika, tingnan mo."
Huminto kami matapos niyang magsalita. Tiningnan ko naman ang gawing sinasabi niya. Isa itong malawak na lupain na nababalutan ng yelo at iilang bato na malalaki. Isa itong patag na lupain sa tabi ng bangin.
Tuluyan na kaming huminto nang makarating na kami sa lugar na 'to. Tanaw mula rito ang syudad na nasa malayo. Ngunit mas tanaw rito ang dagat ng mga ulap na para bang nasa langit ka na.
"Ang ganda rito," mangha kong sambit habang nakatanaw sa malayo.
Napansin ko naman ang bangin na nasa paanan ko. Mukhang napakalalim nito dahil masyado nang madilim doon sa baba at hindi mo na kita ang dulo nito.
"Ngayon, nasaan kaya rito ang artifact?" sambit bigla ni Jerome.
Bigla naman akong natauhan. Oo nga pala, muntik ko nang makalimutan.
"Nararamdaman mo ba kung nasaan ang artifact?" tanong niya sa'kin.
Nanatili ako sa aking kinatatayuan. Kinalma ko ang paghinga ko habang nililibot ang paningin ko sa paligid.
Mayamaya lang ay naramdaman kong yumanig ang dibdib ko at nanginig ang mga kamay ko. Ibig sabihin, nandito nga 'yon. Nang madako naman ang paningin ko sa isang napakalaking bato sa tabi ng isang patay na puno sa gilid ng bangin ay lalong lumakas ang pagyanig ng dibdib ko.
"Hades Sword," sambit ko sabay litaw nito sa aking kamay.
Nilapitan ko ang malaking bato na 'yon at hiniwa ko ito ng espada ko. Nadurog ang bato at may lumitaw na bagay mula ro'n.
Napataas ang kilay ko at nagkatinginan kami ni Jerome. Pagkatapos ay dinampot ko ito at sinipat ng tingin.
"Mukhang eto na nga 'yon," sambit ko.
"Isang telescope?" usisa ni Jerome.
Mukhang sinaunang model pa ito ng telescope noong panahon ni Galileo. Gawa sa bakal ang katawan nito at mukhang antique na talaga. Sinubukan kong sumilip sa eyepiece nito at nabigla ako nang makita kong mukhang malinaw pa ang lens nito.
Ginala ko ang telescope habang nakasilip ako rito at aksidente ko naman itong naitutok kay Jerome.
Pagkatapos ay biglang may sumabog na nakasisilaw na liwanag. Sa gulat ko ay bigla kong nabitiwan ang telescope at tumalsik ito't nahulog sa bangin. Halos manlumo ako sa aking nakita pero wala na akong nagawa dahil unti-unti nang bumagsak ang katawan ko hanggang sa madilim na ang lahat.
---
Nang maramdaman kong bumalik na ang ulirat ko ay dahan-dahan kong minulat ang aking mga mata. Nagtataka ako noong una kung nasaan ako dahil kanina lang ay nasa bundok ako kasama ni Jerome.
"Oh, mukhang gising na si Jerome."
Pamilyar ang boses na 'yon. Mukhang si Xavier 'yong nagsalita.
Nang tuluyan na akong makabalik sa realidad ay dahan-dahan akong bumangon. Oo nga pala. Kumusta kaya si Jerome pagkatapos ng maliwanag na pagsabog na 'yon? Ayos lang kaya siya?
"Oh, mabuti nama't gising ka na, Jerome."
Napatingin naman ako sa nagsalita at nakita kong si Gunner 'yon. Nakita ko na rin sina Xavier, Klein, at Ryker. At nang igala ko ang paningin ko ay nakita kong nandito na kami sa apartment na tinutuluyan namin.
"Nasaan si Jerome?" tanong ko.
Napakunot naman ang noo ko nang mapansin ko ang pagtataka sa kanilang mga mukha habang nakatingin sa'kin.
"Ano bang sinasabi mo diyan? Bakit mo hinahanap ang sarili mo?" natatawang sabi naman ni Ryker.
Lalo akong nagtaka sa sinabi niya. Napatingin tuloy ako sa mga palad ko. Napansin ko ngang iba ang hitsura nito. Malalaki ang mga kamay ko na medyo may mga ugat. May kahabaan din nang kaunti ang matutulis kong kuko.
Itinuwid ko pa ang mga braso ko at nakita kong mas malaki at mahahaba ito kaysa sa karaniwan kong braso. At hindi rin ito ang damit na suot ko. Kinapa ko naman ang katawan ko at wala akong nakapa. Naging flat ang dibdib ko at parang tumigas ang mga ito pati ang tiyan ko. Para bang may muscle?
"Hoy, Jerome. May problema ba?" pag-aalala nila sa'kin.
Kanina pa nila ako tinatawag na Jerome. Bigla na akong kinabahan kaya't bumaba ako agad ng kama. May body mirror sa may sala at humarap ako ro'n.
Halos lumuwa naman ang mga mata ko sa nakita ko sa salamin. Nanginig ang buong katawan ko at parang nablangko ang utak ko.
Mayamaya lang ay umalingawngaw sa buong silid ang malakas kong sigaw.
"Hoy, Jerome ano ba? Bakit ka biglang sumigaw?" tanong ng mga kasama ko.
"P-Pano'ng nangyari 'to? Bakit naging ako si Jerome?" taranta kong tanong. Nanginginig ang mga binti ko at pakiramdam ko nanghihina ako.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong nila.
"Ako 'to, si Aika!"
Halos lumuwa naman ang mga mata nila dahil sa sinabi ko.
"Ano bang ingay 'yan?"
Napalingon kaming lahat sa biglang nagsalita. Nakita ko ang katawan ko na nasa isang kama at nakaupo na mukhang kababangon lang mula sa pagkakatulog.
"Bakit ba ang ingay niyo ha?" inis na tanong nito.
At nang mapatingin siya sa'kin ay nandilat bigla ang mga mata niya na para bang hindi siya makapaniwala sa kanyang nakikita.
"Sino ka at bakit kamukha kita?" tanong nito.
Nagulat kaming lahat sa tinuran ng katawan ko at nagkatinginan kaming lahat.
"Sa tingin ko, kailangan mong tumingin sa salamin," sambit ni Gunner.
Nabakas ang pagtataka sa kanyang mukha at bumaba kaagad siya ng kama. Tiningnan niya ang sarili sa body mirror at halos matulala ito sa nakita.
Tiningnan niya ang sarili at kinapa pa ang katawan niya para mas makasiguro pa. Mayamaya lang ay umalingawngaw ang kanyang sigaw sa buong silid.
"Bakit naging ako si Aika?" pagtataka nito habang pinalilipat-lipat ang tingin sa sarili at sa salamin.
"Teka, so ibig sabihin nagkapalit kayong dalawa ng katawan?" usisa ni Ryker.
Nagkatinginan lang kami ni Jerome na siyang nasa katawan ko ngayon.
"Paano nangyari 'yan? Ano bang nangyari sa inyo kanina sa tuktok ng bundok ha? Kasi nang maabutan namin kayo ro'n, wala kayong mga malay," paliwanag ni Xavier.
"Nahanap ko na 'yong artifact kanina. Isa 'yong antique telescope. Nang sinubukan kong silipin ito, aksidente kong naitutok kay Jerome. Tapos biglang may sumabog na liwanag na halos nakakabulag na ito sa paningin. Sa gulat ko, nabitiwan ko 'yong artifact. At nahulog 'yon sa bangin," kuwento ko.
"Kailangan nating balikan 'yon para makabalik tayo sa dati nating katawan," sambit naman ni Jerome.
"Hindi puwede," sabad naman ni Gunner.
"Tama si Gunner. Hindi puwede dahil malalim na ang gabi. May snow storm sa Mt. Chioni tuwing gabi. Isa pa, pagod na tayong lahat," paliwanag naman ni Klein.
"Oo nga. Buhat-buhat namin kayo pababa ng bundok. Isa pa, antok na ako," sambit naman ni Ryker sabay hikab.
Tumingin ako sa orasan at nakita kong pasado alas dose na nang madaling araw. Mukhang wala na nga kaming magagawa kundi magtiis muna pansamantala at ipagpabukas na lang ang paghahanap sa telescope artifact na 'yon.
"O siya, magsitulog na tayo para makaalis tayo nang maaga at mahanap natin ulit 'yong artifact," sambit ni Klein tapos ay tumingin siya sa'min ni Jerome.
"At makabalik ang dalawang 'to sa tunay nilang mga katawan," dagdag niya.
Pinatay na nila ang ilaw at nagpunta na sa kani-kanilang kama. Aakyat na sana ako sa itaas ng double deck nang mapansin ko si Jerome na hihiga sa tabi ni Ryker.
"Hoy, Jerome. Sandali!"
Nagulat naman ang dalawa at napatingin sa'kin.
"Bakit ka tatabi kay Ryker? Sira ka ba? Katawan ko 'yan," saway ko sa kanya.
"Oh, anong gusto mong gawin? Ikaw ang tatabi sa kanya? Kaya mo ba kahit katawan ko 'yang gamit mo?" katwiran naman niya.
Napaisip naman ako sandali habang si Ryker naman ay pinaglilipat ang tingin sa'ming dalawa.
"Ano bilisan niyo na. Gusto ko nang matulog," reklamo naman nito sabay kamot nito sa kanyang ulo.
"Ryker, ikaw na lang do'n sa itaas. Ako na diyan. Tatabihan ko 'yong katawan ko," sambit ko.
Nagkibit-balikat lang si Ryker tapos ay agad itong bumaba ng kama at umakyat sa upper deck ng kama.
Pagkatapos ay humiga na ako sa tabi ni Jerome. Tahimik lang kami habang nakatitig sa ilalim ng upper deck ng hinihigaan namin.
"Sorry. Sorry kasi dahil sa'kin kaya nangyari 'to," sambit ko bilang pagbasag sa katahimikan.
"Hindi mo kailangan mag-sorry. Hindi mo naman alam na ganito pala mangyayari," sagot naman niya.
Katahimikan muli ang namagitan sa'min nang magsalita ulit si Jerome.
"Ano ba 'tong masikip na 'to banda sa dibdib ko?" inis niyang tanong.
Agad ko siyang nilingon at nandilat ang mga mata ko nang mapansin kong hinihila niya ang strap ng b*a na suot ng katawan ko.
"Hoy, ano ba? Huwag mo ngang hilahin 'yan," saway ko sa kanya sabay hampas sa kamay niya. Agad naman niyang binitiwan ang strap.
"Ano ba kasi 'to?" tanong pa niya at halata mong iritable na siya.
"B-b*a kasi 'yan..." nahihiya kong sagot.
"Oo nga pala. Paano niyo natitiis magsuot ng mga ganitong klaseng damit na hindi naman komportable?"
"Minsan talaga hindi komportableng maging babae. Sanayan lang. Gano'n talaga," tugon ko.
"Paano nga pala natin hahanapin 'yong artifact na nahulog sa bangin? Mukhang malalim pa naman din 'yon," paglihis ko naman ng usapan.
Nagtaka naman ako nang hindi na sumagot si Jerome. Kaya naman umangat ako nang kaunti para silipin ang mukha niya kung tulog na ba siya.
Medyo madilim na kaya inilapit ko pa nang kaunti ang mukha ko sa kanya para makita ko kung gising pa siya. Nang makita ko nang nakapikit na siya ay bigla naman siyang dumilat. Nagkatitigan tuloy kami sa mga mata ng isa't isa.
Nang matauhan ako ay nakaramdam ako ng hiya at agad na bumalik sa pagkakahiga sabay talikod sa kanya.
"P-Pasensya na. Akala ko kasi tulog ka na—"
"Inaantok na ako. Maaga na lang tayong umalis para makabalik tayo sa bundok nang may liwanag pa," sambit niya.
"Okay sige."
Pakiramdam ko nag-iinit ang mukha ko. Katawan ko naman 'yon pero bakit gano'n?